Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w85 6/15 p. 21-24
  • Pagtuklas sa Kagandahan ng Kapuluan ng Truk

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagtuklas sa Kagandahan ng Kapuluan ng Truk
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
  • Subtitulo
  • Nagsimula ang Gawaing Misyonero
  • Natatag ang mga Kongregasyon
  • Sa mga Isla sa Gawing Labas
  • Pananaig sa mga Balakid
  • Mga Pag-unlad Kamakailan
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
w85 6/15 p. 21-24

Pagtuklas sa Kagandahan ng Kapuluan ng Truk

ANG Kapuluan ng Truk ay nasa Kanlurang Pasipiko, mga 3,000 milya (4,800 km) sa gawing timog kanluran ng Hawaii. Ang sentro nito ay isang malaking lawa, ng 40 milya (65 km) ang diametro, at napapalibutan ng bahura ng korales. Sa palibot ng lawa ay naroon ang mga isla ng Truk​—Moen, Dublon, Fefan, Uman, Tol at iba pa, na may populasyon na mga 39,000. Nakakalat sa buong paligid ang mga isla ng korales sa buong lawang iyon at sa bahura.

Kung ikaw ay pupunta sa Truk Islands sakay ng eroplano, hahanga ka sa tulad-kristal at mga bughaw na tubig ng Kanlurang Pasipiko. Sa mga ibang lugar ay makikita mo ang lalim na 100 talampakan (30 m). Samantalang pabalik ka sa malaking lawa, ay matatanaw mo ang luntiang kulay ng katubigan. Makikita mo rin ang nagbubulang mga alon na humahampas sa bahura ng korales. Sa banda roon pa ng loók ay may mga kapuluan na ang buhanginan ay may kaputian at makapal ang luntiang halamanan. Sagana sa mga islang ito ang mga punong rimas at niyog, saging, gábi, at marami pang iba na nagbibigay ng ikabubuhay sa maraming naroroon.

Bagamat ito’y tulad-paraiso, ang Truk Lagoon ay pinanganlan na “ang libingan” noong mga araw ng Pandaigdig na Digmaan II. Dahil sa “Operation Hailstone” na ito, ang pambobomba roon ng mga eroplanong pandigma ng mga Amerikano noong Pebrero 17 at 18, 1944, mga 500 boke-de-giyerang Hapones at daan-daang mga eroplano ang napalibing sa loók. Ang mga ito ay natatabunan na ngayon ng mga punong korales at mga halamang-dagat. Ito’y naging museo sa ilalim ng tubig para sa mga maninisid, sa mga potograpo at mga manggagawa ng pelikula sa buong daigdig.

Nagsimula ang Gawaing Misyonero

Ang Digmaang Pandaigdig II ay nag-iwan din ng marka sa mga taga-isla. Ang mga nakaligtas sa digmaan ay mayroon pa ring alaala ng kakilakilabot na mga pagbomba, ng kirot ng yumaong mga mahal sa buhay, ng nakakapangilabot na lansakang pagpatay, ng puwersahang pagtatrabaho, ng gutom at ng iba pang mga kahirapan. Ang henerasyon na nagsilalaki sapol noong digmaan ay nakaharap sa pamumuhay na walang kasiguruhan sa mga kagipitan at walang gaanong pag-asa na makipagkompetensiya sa mga kabataan sa mga lupain na mayroong lalong malaking pagkakataon.

Noong 1965, nang isang mag-asawang misyonero ng mga Saksi ni Jehova galing sa Estados Unidos ang dumating sa isla ng Moen, sila’y tinanggap na malugod ng mga Trukese, at ang mga ito’y naging palakaibigan sa kanila. Sila’y binigyan ng tuluyan sa Quonset hut ng isang lokal na mag-asawa. Hindi nagtagal at sila’y nagdaraos ng 35 mga pantahanang pag-aaral sa Bibliya, bagamat wala silang dati nang kaalaman sa wikang Trukese. Ang mga taga-Truk ay nakapagsasabi pa rin ng kung gaano kadali natuto ang mag-asawang ito na mangaral sa Trukese.

Isa pang mag-asawa, na graduado sa Watchtower Bible School of Gilead, ang dumating noong Disyembre 1966. Sila’y tumuloy sa isang bahay ng isang pamilyang tagaroon sa kabilang dulo ng isla. At ang mga ilang miyembro ng pamilyang ito ay naging mga Saksi ni Jehova sa bandang huli.

Natatag ang mga Kongregasyon

Dumating ang marami pang mga misyonero noong sumunod na taon. Noong 1972 ay mayroong pitong bautisadong mga Saksi na nagbabahay-bahay sa isla ng Moen. Kaya’t ang unang kongregasyon sa Truk ay napatatag. Ang susunod na ginawa ay palawakin ang pangangaral sa kalapit na isla ng Dublon. Isa sa mga kapatid na nakasali roon ay ganito ang bida tungkol sa kanilang unang paglalakbay doon:

“Malalim na ang gabi nang matanaw namin ang dalampasigan ng isla. Ang mahabang pier na itinayo ng mga sundalong Hapon bago sumiklab ang Digmaang Pandaigdig II ay ginugubat na ngayon ng mga halaman at punong kahoy. Oo, para bang isang makapal na kagubatan sa tropiko ang isla. Wala kang makikitang kalye para sa mga sasakyan, kundi mga landas na nayuyungyungan ng makapal na halaman.

“Dalawang gabi kami sa abandonadong pier sa gitna ng makapal na halamanan at mga lamok at iba pang mga insektos. Kami’y naglakad-lakad sa palibot ng isla, at nakakita kami ng malalaking hukay na likha ng mga bomba noong Digmaang Pandaigdig II. Mayroong mga malalaking tangke ng langis na natutunaw na nang matinding init ng nagniningas na langis. Kaya natalos namin kung bakit ang mga tagaroon sa karatig na mga isla ay nagbibida na noon daw panahon ng digmaan ang kalangitan sa itaas ng Dublon ay kadalasan nagliliwanag kung gabi. Ito pala’y dahil sa mga nagniningas na mga tangke ng langis.”

Ang palaging tagapagpaalaala ng mga kagibaan ng digmaan sa islang ito ang tumulong sa mga misyonero na lubusang pahalagahan ang pribilehiyo ng pagdadala ng mensahe ng kapayapaan at kaaliwan buhat sa Bibliya sa mababang-loob na mga tao. Ang magandang pagtugon ng maibigin-sa-Bibliyang mga taong ito ay nabanaag sa unang pagdiriwang nila ng Memoryal ng kamatayan ni Kristo, nang 90 katao ang dumalo. Noong 1974 ang siyam na bautisadong mga Saksi sa islang ito ay bumuo ng Dublon Congregation.

Sa mga Isla sa Gawing Labas

Ang mga ibang isla na nasasakop ng loók ng Truk ay kailangan ding marating ng pabalita ng Kaharian. Dalawang bangka ang ginagamit nang palagian para sa pangangaral sa mga isla ng Tol at Fefan, at maraming interesado ang natagpuan sa dalawang islang ito.

Ang misyonerong si Glenn Tateishi ay nagtayo ng kaniyang sariling bangka na may habang 16 na piye (5-metro). Makalipas ang mga taon ng karanasan sa pagsasakay ng mga kapuwa misyonero at mga mamamahayag, siya ngayon ay isang dalubhasang nabigador at mekaniko. Siya’y naging bihasa sa mga bahura at malalaking alon ng iba’t-ibang mga isla. Subalit, “pagka ang dagat ay kalmado at mainit ang hangin,” nagunita pa ni Glenn, “ang isip mo ay maalwan. Puwede kang magbulay-bulay sa espirituwal na mga bagay, pagka ako nag-iisa ako’y nananalangin, kalimitan nang malakas.”

Pagka ang grupu-grupong mga mamamahayag ay nagsasagawa ng pagpapatotoo sa isang isla, iyon ay maghapon na. Kasali na sa pangangaral na iyon ang paglalakad sa mga landas na maalikabok o putikan, at pagpipiknik, at higit na mga oras ng paglalakad sa ilalim ng mainit na araw pagkatapos ay pagsakay sa bangka sa pag-uwi. Sa pagtatapos ng hapon sila’y napapagod. Subalit siyang-siya sila sapagkat ginugol nila ang maghapon sa paglilingkuran kay Jehova.

Manakanaka, ang mga misyonero at mamamahayag ay nagbibiyahe sakay ng mga barkong pangkargada ng gobyerno tungo sa mga isla sa labas ng loók. Isang tagaroong sister na sa kaniyang bakasyon ay nagpunta sa mga islang ito kasama ng grupo ng mga misyonero ang nagbibida ng ganito:

“Kami’y nakasakay sa barkong Truk Islander. Nang kami’y nasa labas na ng loók pagkalakilaki ng mga alon. Malakas ang hangin, at umuulan. May lugar para sa ilang pasahero lamang, at kami’y hindi makahiga kundi kami’y laging nakaupo. Isa sa mga manggagawa ng gobyerno ang naawa sa amin at inialok sa amin ang kaniyang kamarote. At inasam-asam namin na makilala ang mga taga-roon sa islang iyon sa labas at dalhan sila ng mabuting balita ng Kaharian.”

Sa isang isla naman karamihan ng tao ay mga Katoliko at tinanong nila ang mga misyonero kung ang mga ito’y naparoon sa ngalan ng papa. Sa isa pa, ang puno ng isla ay nag-anyaya sa kanila na mangaral sa kaniyang mamamayan, at lahat ay nakinig nang may interes. Ang mga tao sa ibang isla ay mapagpatuloy, nagbibigay ng pagkain, ng matutuluyan at ng pagkakataon na ikaw ay makapaligo. Sa mga iba naman, ang mga tao ay hindi palakaibigan at hindi man lang nila pinayagang makababa sa dalampasigan ang mga Saksi. Ang mga kahirapan na naranasan namin,” ang sabi ng sister, “ay nadaig ng kagalakan ng pagkakilala namin sa mga bagong interesado at sa pamamahagi namin sa kanila ng pabalita ng Kaharian.”

Pananaig sa mga Balakid

Isa sa mga unang naging Saksi ni Jehova sa Truk ay si Kyomi Shirai. Siya at ang kaniyang asawang lalaki ang nagpatuloy sa unang mag-asawang misyonero. Nang panahong iyon ang babaeng ito ay isang diakonesa sa simbahang Protestante, pangulo ng YWCA at kagawad sa komite na nagsalin ng Bibliya sa Trukese. Paanong ang babaeng ito’y naging interesado sa mga Saksi ni Jehova? “Ang nakaakit ay ang kanilang mga turo na salig sa Bibliya,” aniya. Kailanman’y hindi pa itinuturo sa kaniya na ang pangalan ng Diyos ay Jehova. (Awit 83:18) “Ang akala ko ang pangalang Jehova ay isa pang pangalan para kay Jesus,” ang paliwanag niya.

“Nang ako’y maging isa sa mga Saksi ni Jehova,” naalaala pa ni Kyomi, “ako’y nilibak ng aking mga kaibigan at mga kamag-anak. Marami sa aking mga kamag-anak ang nagtakuwil sa akin subalit nakasumpong ako ng kaligayahan at kapayapaan ng isip kasama ng aking espirituwal na mga kapatid.” Yamang ang Watchtower Society ay hindi pa naglalathala ng literatura sa Bibliya sa Trukese nang panahong iyon, siya’y sumusulat ng mga pangunahing teksto tungkol sa iba’t-ibang paksa sa Bibliya sa isang munting kuwaderno at ginagamit niya ang mga teksto sa pangangaral sa iba. At hanggang sa araw na ito, taglay pa rin niya itong kuwaderno ng 1966.

Isa sa mga kamag-anak na tinulungan ni Kyomi ay ang kaniyang kapatid na babae, isa ring dating Protestanteng diakonesa, na ganito ang naalaala pa: “Nang ipakita sa akin buhat sa Bibliya ng aking kapatid na si Kyomi ang pag-asang buhay na walang hanggan sa lupa, at ang mga turo ng aking relihiyon bilang wala sa Kasulatan, binuksan nito ang mga mata ko sa mga bagay na espirituwal.” Siya at ang ibang mga diakonesa ay dumadalaw sa mga miyembro ng kanilang relihiyon na matatanda na, may sakit, o nasa pagdadalamhati. “Aming inaaliw sila sa pamamagitan ng mga awit, dinadalhan namin sila ng mga pagkain, at iba pang materyal na mga bagay. Ngunit dito’y nabibigatan ang pamilya sapagkat inaakala nilang obligado sila na maghanda ng pagkain para sa 12 bisita.” Lahat na ito ay nagbago. “Ngayon ay nadarama kong ako’y isang kuwalipikadong ministrong babae pagka tinutulungan ko ang mga tao na matuto ng nakakaaliw na pabalita ng Bibliya,” aniya. Isa sa kaniyang mga anak na babae at dalawang apong babae ang ngayo’y masugid na nangangaral.

Tulad ng marami pang iba sa isla, si Amiko ay dati natatakot sa masasamang espiritu. Para payapain sila, ang mga taga-Truk ay maraming pamahiin. Ang mga galang-galangan ay tinatalian ng sinulid pagka bagong silang ang mga sanggol upang magkaroon sila ng mabuting suwerte. Ang isang lalaki na hindi maibig ng isang dalaga ay gagamit ng magic sa pamamagitan ng pagbibigay sa kaniya ng isang maygaling na lei o iba pang mga regalo upang ang babaeng ito ay mapaibig niya. May mga taga-isla na nagsasabing sila raw ay nagkaroon ng depekto sa katawan o dinapuan ng sakit na di-mapagaling dahilan sa ginaway sila ng kanilang mga kaaway sa pamamagitan ng black magic.

Si Amiko ay may aklat tungkol sa mga halamang “gamot” na ginagamit sa mga rituwal, orasyon at mga senyas na nagpapagaling ng mga sakit. Nang mapag-alaman niya ang katotohanan ng Bibliya na ang mga patay “ay wala nang nalalamang ano man,” at na ang gayong mga gawain ay “kasuklam-suklam kay Jehova” kaniyang sinunog ang kaniyang mga aklat tungkol sa magic, gaya ng ginawa ng sinaunang mga Kristiyano sa Efeso. (Eclesiastes 9:5; Deuteronomio 18:9-12; Gawa 19:19, 20) Marami pang ibang mga taga-Truk na kumalag na sa gayong mga gawaing espiritista nang sila ay magkaroon ng tumpak na kaalaman sa Bibliya. At sila ngayon ay may malaking kagalakan sa pagdadala ng katotohanan ng Bibliya sa iba upang ang mga ito man ay makalaya.​—Juan 8:32.

Mga Pag-unlad Kamakailan

Sa lumakad na mga taon, ang Diyos na Jehova ay tunay na nagbigay ng pagpapala sa mga misyonero. Ang kanilang magandang espiritu ay tinularan ng lokal na mga kapatid. Mayroon na ngayong mga 35 tagapagbalita ng Kaharian sa dalawang kongregasyon sa Moen at Dublon. Sa pamamagitan ng kanilang patuloy na pagsisikap, ang pangalan ni Jehova at ang mga Saksi ni Jehova ay naging tanyag sa malalayong islang ito, at nakapagbigay ng mainam na patotoo sa Kaharian. Ang pagdalo ng 366 na mga tao sa Memoryal ng kamatayan ni Kristo noong 1983 ay malinaw na patotoo na “ang aanihin ay marami” sa mga islang ito ng dagat.​—Mateo 9:37.

Ang mga kapatid sa Truk ay malimit na dinadalaw ng kanilang kapuwa mga Kristiyano sa mga ibang lugar. Ang dumadalaw na mga kapatid, tulad ng mga ibang turista, ay naliligayahan sa magagandang tanawin doon, sa bughaw na katubigan ng dagat at sa kanilang maraming magagandang mga punong palma at kabigha-bighaning mga paglubog ng araw, at sa makasaysayang mga lugar. Ngunit ang higit na nagpapaligaya sa kanila ay pagka nakilala nila ang mga kapatid sa Truk, at nakita nila ang espiritu ng pagmimisyonero, at ang pananabik ng mga kapatid na ito na makapagpatotoo sa kanilang mga kamag-anak. Oo, sa pagkakilala nila sa kanilang tapat na mga kapatid sa kapuluang ito, inaakala nila na natuklasan na nila ang kagandahan ng Truk Islands.

[Mapa sa pahina 21]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

TRUK ISLANDS

Moen

Dublon

Uman

Fefan

Tol

[Mapa]

Pacific Ocean

[Larawan sa pahina 22]

Ang pangangaral sa Truk Islands ay isang kasiya-siyang karanasan

[Larawan sa pahina 23]

Mga bangka ang ginagamit upang ipangaral ang balita ng Kaharian

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share