Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w85 9/15 p. 27-29
  • Pagtugon sa ‘Tawag ng mga Taga-Macedonia’ sa Hapon

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagtugon sa ‘Tawag ng mga Taga-Macedonia’ sa Hapon
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
  • Subtitulo
  • Kung Bakit Sila Tumugon
  • Pagharap sa mga Hamon
  • Sulit Ba?
  • Isang Pambihirang Pribilehiyo
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
w85 9/15 p. 27-29

Pagtugon sa ‘Tawag ng mga Taga-Macedonia’ sa Hapon

ANG tag-araw karaniwan na ay panahon ng pagbabakasyon sa mga ibang lugar para sa karamihan ng mga tao. Datapuwat, marami sa mga Saksi ni Jehova ang nagkaroon ng di-matingkalang kagalakan na paggugol ng mga buwan ng tag-araw sa isang pambihirang gawain​—pagdalaw sa mga taong naninirahan sa malalayo at liblib na mga lugar upang dalhan sila ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos.

Sa loob ng maraming taon na ngayon, ang tanggapang-sangay ng Watch Tower Society sa Hapon ay gumagawa ng malaking pagsisikap na marating ang apat na milyong katao na namumuhay sa gayong mga lugar sa bansang iyan. Maaga noong nakalipas na taon, isang panawagan ang ipinadala sa lahat ng mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova: “Pumarito kayo sa Macedonia at tulungan kami!” (Gawa 16:9) Tayo’y sumama sa ilan sa mga tumanggap ng imbitasyon at nakaranas ng mga hamon at mga kagalakan.

Kung Bakit Sila Tumugon

Maliwanag, ang pag-ibig sa Diyos at sa kapuwa ang pangunahing nagpakilos sa kanila. Kawili-wiling pansinin ang dahilan na ibinigay ng iba’t-ibang mga tao ukol sa kanilang desisyon.

Isang mag-asawa na nag-aplay na maglingkod nang may isang buwan sa isang munting nayon sa kabundukan ang nagsabi ng ganito: “Kami ay nasa katanghaliang edad na. Wala naman kaming mga pangunahing problema, walang mga problema sa kalusugan. Ang aming dalawang anak ay malalaki na at matatatag sa pananampalataya, kapuwa naglilingkod sila na mga buong-panahong manggagawa​—sa larangan ng payunir at sa tanggapang-sangay ng Samahan. Ibig naming ipakita ang aming pagpapahalaga kay Jehova ukol sa maraming pagpapala na taglay namin. At ibig naming lumabas, at tikman ang tulong at pagpapalang ibinibigay ni Jehova samantalang malayo kami sa lahat ng kaginhawahan.”

Ang ama ng isang pamilya na binubuo nang apat na taga-Saitama Prefecture ang nagbibida ng ganito: “Nakikita kong ang mga bata ay lumalaki at nagiging mga teenagers at nakaharap sa maraming problema sa paaralan. Kailangan na sila’y gumugol ng maraming panahon malayo sa amin, at ako, yamang abala ako sa aking negosyo, ay limitado lamang ang panahong maaari kong gugulin kasama sila. Ibig kong gumugol ng malaking panahon kasama sila at aking mapatibay-loob sila sa katotohanan at magkaroon sila ng espiritung pagpapayunir.” Ang kaniyang trabaho para sa Agosto ay ipinalipat niya sa Setyembre upang siya at ang kaniyang pamilya ay makagugugol ng isang buwan sa teritoryong di-iniatas.

Isang babaing walang asawa ang nagsabi ng ganito tungkol sa kaniyang mga pagsisikap: “Nadama kong isang paraan ito na talagang maaari akong maging malapit kay Jehova at magpakita ng lubos na pagtitiwala sa kaniya na siya ang magbibigay ng aking mga pangangailangan sa buhay.” Ganiyan din ang pakiwari ng mga ilang kabataang Saksi. Dalawang dalagita na katatapos lamang ng pag-aaral ang nag-aplay na maglingkod sa isang nakabukod na lugar para makapangaral doon ng may tatlong buwan. Inaakala nila na si Jehova lamang ang tumutulong sa kanila, at sila ay makapaghahanda para sa buong-panahong paglilingkod saan man.

Mga pami-pamilya ba lamang o mga taong walang pamilya ang tumugon? Hindi. Maraming kongregasyon ang tumugon din naman. Isang tagapangasiwa sa isa sa mga grupong ito ang nagsabi: “Inaakala namin na isang napakahusay na paraan ito na mapatibay ang buklod ng pag-ibig at pagsasamahan sa kongregasyon, at makapagbibigay sa mga kabataan at mga baguhan ng pagkakataon na makita ang kahalagahan ng pangangaral.” Sa 114 na mga mamamahayag, mahigit na 80 ang nakibahagi sa anim na linggo na ang kongregasyon ay naglingkod sa teritoryong unassigned o di-iniatas.

Pagharap sa mga Hamon

Sa pasimula pa lamang, ang ‘pagpunta sa Macedonia’ upang mangaral doon ay nagharap na ng mga hamon. Ang una ay: “Saan ba kami manunuluyan?” Ang paraan ng paglutas sa problemang ito ay lubusang nagpapakilala sa katotohanan ng payo ni Jesus: “Patuloy, kung gayon, na hanapin muna ang kaharian at ang kaniyang katuwiran, at lahat ng mga iba pang mga bagay na ito ay idaragdag sa inyo.”​—Mateo 6:33.

Dalawang babae na taga-Tokyo ang tumanggap ng atas na gumawa sa isang liblib na nayon sa kabundukan. Sila’y nagpunta na roon bago pa man upang humanap ng matutuluyan ngunit nabigo ang kanilang pagsisikap. Sila’y nagpasiya na ipaubaya kay Jehova ang bagay na yaon, kaya sila’y nagpunta na rin sa kanilang teritoryo. Sa pagtatapos ng kanilang unang araw sa pangangaral, wala pa rin silang natatagpuang matutuluyan. Ano kaya ang dapat nilang gawin?

“Nang ikalawang araw sa paglilingkod,” ang bida ng isa sa kanila, “ako’y nakatagpo ng isang bakanteng drive-in na restaurant. Ang may-ari ay isang matandang lalaki na kinakitaan ko ng kabutihang-loob. Nang tanungin ko kung puwede naming okupahan ang lugar na iyon, siya’y pumayag sa halagang 10,000 yen [$45, U.S.] para sa tatlong buwan na kami’y maglilingkod doon. Kayat ito’y nagbigay sa amin ng dako na matutuluyan at mapagdadausan ng mga pagpupulong. Ang anak na babae ng taong iyon pati asawa nito ay kumuha sa amin ng isang set ng mga aklat. Nang may bandang hapon, nakilala naman namin ang anak na lalaki ng taong iyon pati kaniyang maybahay. Sila man ay tumanggap din ng mga babasahín at pumayag na aralan namin ng Bibliya. Gayunman, nang kanilang mapag-alaman na kami’y manunuluyan sa restaurant ng kaniyang ama, sila’y takang-taka. Magpahangga nang sandaling iyon, ang ama pala ay totoong salansang sa lahat ng relihiyon. Tunay ngang nadama namin ang tulong ni Jehova sa bagay na ito.”

Ang maling pagkakilala, ang paghihinala, at mga tradisyon na nag-uugat nang malalim ang kadalasa’y naghaharap ng mahirap na mga hamon, subalit binubuksan ni Jehova ang daan. Ang gayon ay naranasan ng isang mag-asawang nasa katanghaliang edad na binanggit sa may bandang unahan ng paglalahad na ito. Nang unang dumating sila roon sa kanilang teritoryo, sila’y sinalubong nang may paghihinala ng kanilang kasera na naghihinala sa lahat ng kanilang kilos. Ito’y nagbigay sa kanila ng ideya ng reaksiyon na maaaring maasahan nila sa teritoryo at kung ano ang kailangang gawin nila para maigiba ang hadlang at marating nila ang mga tao.

“Ipinasiya namin na ang unang gagawin namin ay gumugol nang maghapon sa paglilinis at pag-aayos ng tahanan namin,” ang bida ng asawang lalaki. “Binuksan namin ang lahat ng mga sliding doors sa panig ng bahay na malapit sa mga kapitbahay upang lubusang makita nila kung ano ang ginagawa namin. Nakita nila ang aming mga Bibliya at literatura sa Bibliya sa ibabaw ng mesa. Nakita nila kung paano namin inayos ang lahat ng mga bagay doon. Nakikita nila kung paano kami namumuhay. Ang totoo, parang sinasabi namin sa kanila, ‘Halikayo kung ibig ninyo. Bumisita kayo sa amin. Wala kaming ano mang itinatago. Kami ay nagtitiwala sa inyo.’

“Samantalang kami’y nangangaral, ipinakikilala namin ang aming sarili na galing sa isang malaking siyudad at itinatanong namin kung maaari nilang turuan kami ng mga bagay-bagay tungkol sa bansang iyon at sa kanilang mga kustumbre. Laging binabati namin ang lahat doon, kahit na ang mga magbubukid na nagtatrabaho sa mga bukid. Kami’y namili sa kooperatiba ng lokal na mga magsasaka. Lahat ng ito ay nakatulong sa mga tao na makita na kami ay taimtim na interesado sa kanila at hindi lamang sa ‘pagbibili ng mga aklat.’ Nakita nila na kami ay mga pangkaraniwang tao lamang na katulad nila at sila’y naging palakaibigan. Makalipas ang sandali, ni hindi na namin kinailangan na ipakilala ang aming sarili. Karaniwan nang binabati kami sa mga pintuan ng ganito: ‘Mainit diyan sa labas, bakit hindi kayo tumuloy para makainom ng kaunting malamig?’ o, ‘Nahahanda na ang aming pananghalian. Pakisuyong makisalo kayo sa amin.’ Ang aming mga pagsisikap ay nagtagumpay sa pagbubukas ng kanilang mga kaisipan at mga puso para tanggapin ang balita.”

Pagka ang buong kongregasyon ay nakibahagi, lalong dumadami ang mga hamon. Kasuwato ng ipinahiwatig na payo ni Jesus na ‘kuwentahin ang gastos,’ kailangan ang patiunang pagpaplano tungkol sa tutuluyan, paglilinis, pag-arkila ng sasakyan, paglilingkod sa larangan, at iba pa. (Lucas 14:28) Isang kongregasyon ang nag-ulat: “Kami ay nagplanong maglingkod mula sa katapusan ng Hulyo hanggang sa unang linggo ng Setyembre, subalit kami ay humanap na ng matutuluyan noong Mayo. Kami ay nagpunta sa opisina sa siyudad at sinabi namin sa kanila ang aming mga pangangailangan. Ipinaliwanag namin na kami ay mga pami-pamilya at mga kabataan na interesado sa pagtuturo ng Bibliya sa lugar na pupuntahan namin. Sila naman ay nakipagtulungan sa amin at nagmungkahi ng mga ilang maaari naming gawin.

“Nang sa wakas ay makasumpong kami ng isang angkop na lugar, ang mga tagalinis ay pinapunta na namin doon isang linggo pa na patiuna upang ihanda iyon. Naghanda kami ng mga mapa para sa teritoryo, mga posters na nag-aanunsiyo ng aming mga pulong, at mga handbills na nilimbag. Yamang tumanggap kami ng pahintulot na gumamit ng isang bagong recreation center para sa aming mga pulong, nagkaroon kami ng mabuting publisidad at nakapag-iwan kami ng mahusay na impresyon.

“Batid namin na kung pulos trabaho at wala namang laro ay hindi naman mabuti kung gayong napakaraming kabataan ang kasama namin. Kayat bawat araw pagkatapos ng pangangaral, o sa araw ng pahinga sa isang linggo pagka natapos nang lahat ang kanilang mga gawaing dapat na ihanda, kami ay mayroon libangan na hiking, boating, o pangingisda o kaya’y namamasyal kami sa magagandang tanawin at kaiga-igayang hangin sa kabundukan.”

Sulit Ba?

Ang pamilyang may apat katao na taga-Saitama Prefecture ay ganito ang sagot: “Sa buong buwan na kami ay nasa teritoryo, kami ay nakapagpasakamay ng 920 na mga magasin, 240 aklat, may 13 interesado na dumalo sa mga pulong pangmadla na isinaayos namin, at nakapagpasimula kami ng 4 na pag-aaral sa Bibliya na nagpatuloy pagkatapos na lumisan na kami. Ang mga resultang ito at kahit na lamang ito ay katumbas na ng aming ginawang pagsisikap, subalit lalong higit pa ang pagpapala. Ang mga anak namin ay nagtamasa ng kagalakan ng ministeryo at nagkaroon sila ng tunay na diwa ng pagpapayunir. Bilang isang pamilya, lalong lumaki ang aming pagkakaisa sa aming sama-samang paggawa at mga karanasan sa larangan. Tiyak na kami ay magpaplano na naman na pupunta roon sa susunod na taon.”

Ang may edad nang mag-asawa na nagsikap na maging palakaibigan sa mga tao sa lugar na pinuntahan nila ay nagbigay ng ganitong pag-uulat: “Pagkatapos na magawa namin ang teritoryo nang minsanan, ang mga hapon ay ginugugol namin sa mga pagdalaw-muli. Kami ay nakipagkaibigan sa mga tagaroon at ang mga iba’y napaluha pa man din nang lisanin namin ang lugar na iyon. Kanilang tinanggap kami pati ang mabuting balita at kami ay lumisan na taglay ang matatamis na alaala. Maliban sa maranasan ninyo ito, hindi ninyo masasabi kung gaano ngang kasarap ito. Natalos namin na maaari naming gawin ang anoman sa tulong ni Jehova.

Isang Saksi na naging aktibo sa mahigit nang 20 taon ang nagsabi ng ganito sa kaniyang ulat: “Ang aking 82-anyos na kapareha at ako noon ay higit kailanman nakadama na malapit kami kay Jehova pagkatapos na maglingkod kami nang dalawang linggo sa nakabukod na teritoryo. Ang aming mga puso ay lubus-lubos na nasisiyahan.”

Isang Pambihirang Pribilehiyo

Yaong mga tumugon sa ‘panawagan ng taga-Macedonia’ sa Hapon ay lubusang nagpapahalaga sa mga salita ni Jesus: “Ang aanihin ay marami, ngunit ang mga manggagawa ay kakaunti. Kung gayon, idalangin ninyo sa Panginoon ng pag-aani na magsugo ng mga manggagawa sa kaniyang aanihin.”​—Mateo 9:37, 38.

Ang masayang karanasan ng mga tumugon sa panawagan ay nagpapakita na “ang Panginoon,” ang Diyos na Jehova, ay tumutugon sa panalanging iyan. Bata at matanda ay naniniwala na ito ay isang pambihirang pribilehiyo na makibahagi sa pagtitipong ito. (Exodo 23:16) Ginagawa mo ba ang lahat ng iyong makakaya sa dakilang gawaing ito?

[Larawan sa pahina 29]

Mga tagapagbalita ng Kaharian ang masayang namamahagi ng mabuting balita sa iba sa Hapon

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share