May Kabuluhan ba ang mga Rituwal?
“Mahigit na 8,000 katao, kasali na ang mga turista at sundalong Amerikano, ang nagtipon sa mga lugar na pinagpipinitensiyahan sa Pilipinas para manood ng taun-taóng mga rituwal kung Biyernes Santo sa Pilipinas, ang kaisa-isang bansang Romano Katoliko sa Asia,” ang pag-uulat ng Mainichi Daily News sa Hapon. Isang lalaking nagkangiwi-ngiwi ang mukha dahil sa matinding kirot na likha ng apat-pulgadang pako na pinalusot sa kaniyang mga palad, ang sumigaw, “Diyos ko, patawarin mo sila sa kanilang ginawa.” Sa Bulacan, isang babaing albularyo ang “nangisay sa krus nang may pitong minuto, dahil sa mga pakong ipinako sa kaniyang mga paa’t kamay.”
Mga 13 katao ang ipinako sa mga krus sa buong bansa. At, libu-libong mga nagpinitensiya ang humagupit sa kanilang mga sariling likod ng panghampas na kawayan, at pati “bihis na mga turista ay natilansikan ng dugo.” Ang sabi ng pahayagan: “Pangit ang tingin ng Iglesya Katolika Romana sa mga rituwal na ito,” subali’t isinusog na ang mga ito “ay dinala sa Pilipinas ng mga prayleng Kastila noong 1600’s.” At ito’y nagpapatuloy.
Ano ba ang kabuluhan ng mga rituwal na ito? Ang rituwal ng mga mananamba kay Baal ay walang kabuluhan kahit na nang “sila’y sumigaw nang buong lakas at nagsipagkudlit ayon sa kanilang kaugalian ng sundang at mga sibat, hanggang sa bumulwak ang dugo sa kanila.” At, sinabihan ni apostol Pablo ang mga Kristiyano na ang rituwal ng pagkakait sa sarili “na may pakunwaring pagbabanal-banalan, na pinaparusahan ang katawan, pati kalupitan niyaon sa katawan” ay walang kabuluhan.—1 Hari 18:28; Colosas 2:20-23, The New English Bible.