Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w85 3/15 p. 21-26
  • Gusali na Mananatili Magpakailanman

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Gusali na Mananatili Magpakailanman
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
  • Subtitulo
  • Bakit Kailangan Ito?
  • Angkop na Angkop ang Lugar
  • Mananatili ba Magpakailanman?
  • Ang Engrandeng Araw
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
w85 3/15 p. 21-26

Gusali na Mananatili Magpakailanman

MAY taong narinig na nagsabi: “Ang ating itinayong gusali ay mananatili magpakailanman.” Nguni’t ano kayang gusali ang tinutukoy niya​—ang uri ng gusali na mananatili magpakailanman?

Para malaman natin, balikan natin ang pangmadlang anunsiyo noong Linggo, Hulyo 30, 1978, sa mga 50,000 katao sa Düsseldorf, Germany, at sa halos 60,000 sa Munich sa Olympic Stadium doon. Ang Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova ay nagpasiyang bumili ng lupa sa Federal Republic of Germany na mapagtatayuan ng isang bagong branch complex.

Bakit Kailangan Ito?

Nang matatapos na ang 1970’s sinimulan ng Watch Tower Society na baguhin ang kaniyang sistema ng pag-iimprenta tungo sa photo-composition at typesetting sa computer. Ang sangay sa Germany (Alemanya) ay pinatalastasan na siya ang susunod, kaya’t natalos na kailangang bumili ng mga bagong kagamitan at luwagan ang espasyong paggagawaan.

Nadama rin noon na kakailanganin ang pinalawak na mga pasilidad upang magampanan ang wala pang katulad na paglago ng gawaing pangangaral. Hindi maaaring hindi matupad ang ipinangako ni Jehova na “ang munti ay magiging isang libo, at ang maliit ay magiging matibay na bansa.” Oo, matutupad at matutupad, sapagka’t si Jehova ay nangako: “Ako mismo, si Jehova, ang magpapabilis niyaon sa takdang kapanahunan.”​—Isaias 60:22.

Noong 1947 ang Samahan ay bumili ng lupa sa Wiesbaden para pagtayuan ng tanggapang sangay, at kung ilan-ilang beses pinalakihan ito upang matugunan ang dami ng pidido ng literatura. Subali’t ang dami ng mga lathalain sa iba’t-ibang wika na dapat limbagin at ang dami ng mga mamamahayag na kailangang matustusan ng literatura ay patuloy na lumago. Kaya’t minsan pang kinailangan ang pagpapalawak. Datapuwa’t, sa mga pasilidad sa Wiesbaden ay imposible nang gawin iyon. Kailangan ang isang bagong lokasyon. Ang tanong ay, Saan?

“Alam na ni Jehova kung saan dapat itayo ang bagong Bethel,” ang paalaala ni Martin Poetzinger, miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova, sa mga miyembro ng komite sa sangay sa Germany. “Nariyan na ang lugar na mapagtatayuan, nguni’t susubukin niya ang inyong tiyaga sa paghahanap niyaon.” Kaya’t nagsimula ang paghahanap​—na, bago iyon natapos, ang napuntahan ay 123 lugar sa mahigit na 70 iba’t-ibang komunidad.

Ang lugar numero 99 ang gusto ng ilan na nasa komite sa sangay. Nguni’t hindi gaanong gusto iyon ng iba, kaya nagpatuloy ang paghahanap. Nang halos mapipili na lamang ang isa pang lugar, maliwanag na ang komite sa sangay ay inakay ni Jehova upang minsan pang suriin ang lugar numero 99. Ngayon lahat sila ay kumbinsido na ito nga ang dakong napili ni Jehova. Walang atubiling gumawa ng mga kaayusan upang bilhin ang 65 lote na may sari-sariling may-ari, pagkatapos ay binuo iyon sa isa na lamang malaking lote na 30 hektarya (74 a.).

Angkop na Angkop ang Lugar

Sa umpisang-umpisa pa lamang, isinaplano ng mga Saksi ni Jehova na sila ang gumawa ng lahat ng pagdidisenyo at konstruksiyon. Kung ilang daang tao ang gagamitin upang maging pinaka-sentro ng mga pangkat ng mga manggagawa, o “pamilya,” na iba’t iba ang laki ng grupo habang ang iba’y nakikisali sa loob ng medyo maikli-ikling yugto ng panahon​—mga isa o dalawang linggo, o kaya’y kung mga dulo lamang ng sanlinggo.

Ang nakatulong nang malaki ay yaong tatlong apartment na nakatayo na sa lugar na iyon. Palibhasa’y hindi okupado nang buo, kaya ang bakanteng mga bahagi ay agad nagamit upang tirahan ng mga ibang manggagawa. Nagamit din ang karagdagan pang mga kuwarto, habang isa-isang binabakante ng dating mga nakatira ang mga 30 apartment.

Angkop na angkop din ang lugar na iyon sa mga iba pa ring paraan. Naroon iyon sa munting, komunidad ng Selters Taunus sa kanlurang gilid ng Taunus Mountains, malapit sa malalaking kalye na daanan ng sasakyan at sa mga siyudad, gayunman ay parang lalawigan pa rin. Ang Selters ay bukambibig sa Alemanya​—at kilala rin sa mga ibang panig ng daigdig​—dahilan sa mineral na tubig na tinatawag na Selters water, o Seltzer water, na doon galing. At ngayon buhat sa sentrong ito ay manggagaling ang lalong magaling at nakarerepreskong espirituwal na tubig ng katotohanan. Angkop na angkop nga!

Ang dakong pagtatayuan ay nasa isang burol na nanununghay sa Selters. Ito’y pinanganlan na Am Steinfels, na ang ibig sabihin sa Tagalog ay “nasa batuhan.” At, sa katunayan, sa isang panig ng burol ay naroon ang isang batuhang bangin. Ang kombinasyong ito ng batuhan at tubig ay marahil magpapaalaala sa mga mag-aarál ng Bibliya kung paano pinaglaanan ng Diyos na Jehova ang kaniyang bayan, ang mga Israelita, samantalang sila’y nasa ilang nang sila’y patungo sa Lupang Pangako. Sa Isaias 48:21 ay inilalahad ang nangyari minsan: “Sila’y hindi nauhaw nang pinapatnubayan niya sila sa mga ilang. Kaniyang pinaagos ang tubig mula sa batuhan para sa kanila, at kaniyang biniyak ang bato upang bumukal doon ang tubig.” Ngayon, sa simbolikong paraan, maglalaan si Jehova para sa daan-daang libong tapat-pusong mga tao sa pamamagitan ng pagtutulot na ang tubig ng katotohanan, yaong mga Bibliya at mga lathalain sa Bibliya, ay umagos buhat sa Steinfels sa Selters upang pumawi sa kanilang espirituwal na pagkauhaw. Anong pagkaangkop-angkop nga!

Mananatili ba Magpakailanman?

Walang gusali na nananatili magpakailanman. Isang kapalaluang isipin na ang mga gusaling itinayo sa Selters ay mapapatangi. Nguni’t isang bagay ang tiyak. Ang mga gusaling ito ay nakatulong na, at patuloy na makakatulong sa isa pang uri ng pagtatayo, na ang epekto ay mananatili magpakailanman. Marahil ay iniisip mo kung anong uri ng gusali ito.

Unang-una, ang literatura sa Bibliyang nililimbag dito ay magtatayo ng pananampalataya ng totoong maraming mga tao, tutulungan sila na magkaroon ng tumpak na kaalaman sa mga layunin ng Diyos. Ito ang aakay sa kanila upang ialay ang kanilang buhay kay Jehova at ihanay ang sarili nila na tumanggap ng buhay na walang hanggan sa kaniyang bagong sistema ng mga bagay. Ang epekto ng espirituwal na pagtatayong ito ang mananatili magpakailanman.

At nariyan ang pagtatayo ng pagkakaibigan. Mga isa sa bawa’t pitong Saksi sa Federal Republic of Germany ang nakibahagi sa Selters sa aktuwal na konstruksiyon, maging iyon man ay kung mga ilang araw, mga ilang linggo o buwan, o kung mga dulo ng sanlinggo. Kasali riyan ang halos isang 90-anyos na Saksi na nagpunta roon kahit hindi inaanyayahan. Nang sabihin sa kaniya na dapat sana’y gumawa muna siya ng aplikasyon at saka naghintay na siya’y papuntahin doon, siya ay sumagot na nagniningning ang mga mata: “Kung nag-aplay ako antimano, marahil ay hindi kayo maniniwala at sa edad kung ito’y aanyayahan pa kaya ninyo ako?” Anong halagang pribilehiyo na makaibigan ang mga Kristiyanong may ganiyang espiritu ng pagkukusa at pagkadisidido! Ang iba sa mga pagkakaibigang ito ay mananatili magpakailanman.

Mangyari pa, ang pinakananasa ng mga Kristiyano ay yaong pagkakaibigan na maaaring paunlarin sa pagitan nila at ni Jehova. Ang pagtatayo ng mga bagong pasilidad ng sangay ay nagbigay ng maraming pagkakataon upang mapatindi pa ang pagkakaibigang ito at sundin ang payong ito na ibinigay sa mga alagad ni Jesus: “Makipagkaibigan kayo sa pamamagitan ng di-matuwid na kayamanan, upang, pagka kayo’y nagkulang, kayo’y tanggapin nila sa walang hanggan na mga tahanang dako.”​—Lucas 16:9.

Libu-libong mga Saksi ni Jehova​—mayaman at mahirap, bata at matanda​—ang nag-abuloy nang angaw-angaw na dolar upang makatulong ng pagtatayo ng mga bagong pasilidad. Dahilan sa kanilang kagandahang-loob, ang buong proyekto ay natapos kahit na hindi nanghiram ng pera sa makasanlibutang mga ahensiya o nangutang. Ang mga taong wastong gumagamit ng “di-matuwid na kayamanan” ay makatitiyak ng pagkakaibigan ni Jehova at ng kaniyang Anak na si Jesu-Kristo at ng mga pagpapala na mananatili magpakailanman.

Lahat ng may bahagi sa ano mang paraan sa proyektong ito ng pagtatayo ay nabigyan ng pagkakataon na magtayo at magpatibay sa maiinam na Kristiyanong katangian ng pananampalataya, pagtitiis, pag-asa at pag-ibig. At dahilan sa di-kasakdalan, lalo na dahil sa mga kagipitan na likha ng puspusang pagpapagal at pangangailangan na makatugon sa kahilingan na matapos sa takdang panahon ang isang trabaho, anong dalas na ang Kristiyanong mga katangian ng pagbabata, kaawaan, pagpapatawad at pagpipigil sa sarili ay napalagay sa pagsubok! Ang praktikal na mga aral na natutuhan sa pamumuhay Kristiyano niyaong mga nanirahan at nagtrabaho sa Selters ay mga aral na nagsibol ng mabubuting bunga na mananatili magpakailanman.

Ang Engrandeng Araw

Magbuhat ng ipatalastas ang mga planong magtayo hanggang sa programa ng pag-aalay na ginanap noong Abril 21, 1984, 2,091 araw ng masigasig na pagtatrabaho ang lumipas. Mangyari pa, para kay Jehova, na “ang isang libong taon [ay] gaya ng isang araw” lamang, ang katumbas nito ay walong minuto at limang segundo kung sa mga tao. (2 Pedro 3:8) At para sa marami ngayon na karamihan ng trabaho sa konstruksiyon ay tapos na, waring hindi gaanong katagalan iyon, gaya ng sinasabi ng Awit 90:4 kung tungkol kay Jehova: “Sapagka’t ang isang libong taon sa iyong paningin ay parang kahapon lamang nang makaraan, at parang pagbabantay samantalang gabi.”

Ang palatuntunan ng pag-aalay ay nakatakdang gawin ng Sabado. Huwebes, isang radio weather reporter ang nagsabi: “Lumilitaw na para bang ang Germany ay magkakaron ng pinakamagandang Sabado ng santaon.” At tama naman siya. Naging maaliwalas at maaraw. Subali’t para sa mga dumalo sa palatuntunan ng pag-aalay, iyon ang “pinakamagandang Sabado ng santaon” kahit na umulan o nagkayelo.

Walang inanyayahang dumalo sa palatuntunan sa Selters kundi ang mga miyembro ng pamilyang Bethel, ang mga manggagawang nakibahagi sa konstruksiyon, ang imbitadong mga miyembro ng mga iba pang pamilyang Bethel​—24 na mga bansa ang may mga kinatawan doon​—ang naglalakbay na mga tagapangasiwa at ang matagal nang mga trabahador sa konstruksiyon. Ang isa pang maibiging paglalaan ay yaong imbitasyon sa bawa’t Saksi sa Alemanya na may 60 taon na o mahigit pa na bautismado. Anong laking kagalakan na mahigit na 200 sa kanila ang nakadalo!

Isang pantanging kagalakan din na halos ang buong Lupong Tagapamahala ay naroroon, at bawa’t miyembro ay bumigkas ng maikling pahayag na pampatibay-loob. Si Brother F. W. Franz, ang presidente ng Samahan, ang nagpahayag ng diskurso sa pag-aalay, at kaniyang sinariwang muli ang modernong-panahong kasaysayan ng mga Saksi ni Jehova at ipinakita kung paanong ang bagong Bethel complex ay gaganap ng mahalagang bahagi sa higit pang pagpapalawak.

Ang totoo, bawa’t Saksi sa Germany ay may bahagi, sa ano mang paraan, sa matagumpay na pagtatayo sa mga bagong pasilidad ng sangay​—maging iyon man ay sa aktuwal na konstruksiyon, sa pagtustos ng salapi o sa pamamagitan ng mga panalangin tungkol doon. Kaya naman lahat ay may pribilehiyo na makarinig ng palatuntunan nang engrandeng araw na iyon. Kaya’t nagsaayos na ang buong programa ay ihatid sa pamamagitan ng koneksiyon ng telepono sa inupahang mga auditorium sa 11 siyudad sa buong bansa. Kaya’t sa Selters at sa 11 mga siyudad na ito, 97,562 katao ang nakapakinig sa programa. Lahat ay tumanggap ng souvenir na broshur, 16 na pahina, sa Ingles o sa Aleman, na may kompletong apat-na-kulay na mga ritrato. Naglabas pa rin ng mga karagdagang kopya para sa mga Saksi na hindi nangakadalo.

Sa palatuntunan lahat ay pinaalalahanan ng pambihirang pribilehiyo ng mga Kristiyano sa ngayon na gumawang kasama ni Jehova. (2 Corinto 6:1, 2) Ito ang tema para sa araw nang ipatalastas ang proyekto ng bagong gusali noong 1978 na kombensiyon. At ngayon, pagkatapos ng pambihirang pribilehiyo ng tapat na paggawa sa ilalim ng patnubay ni Jehova at ng tulong ng kaniyang banal na espiritu sa isang proyekto na inialay sa kaniyang kapurihan, anong angkop nga na gamitin ito na tema para sa programa sa pag-aalay! Subali’t ang pambihirang pribilehiyong ito na paggawang kasama ni Jehova may kaugnayan sa mga bagong pasilidad ng sangay ay isang patikim lamang ng pribilehiyong kakamtin sa hinaharap ng mga lingkod ng Diyos​—ang paggawang kasama ni Jehova magpakailanman!

Sa eksaktong alas-5:42 n.h. tapos na ang programa ng pag-aalay​—kaydali-daling natapos! Nguni’t para sa iba ay hindi pa tapos ang pantanging teokratikong aktibidad na iyon. Noong Linggo, ang mga miyembro ng Lupong Tagapamahala ay naparoon sa iba’t-ibang lugar upang magpahayag doon sa mga tagapakinig na may kabuuang lahat-lahat na 14,248 sa pitong punung-punong mga assembly hall ng mga Saksi ni Jehova sa Germany. Ang kapanapanabik na impormasyon na napakinggan ng inimbitahang mga panauhing ito ay ipinasa naman nila sa kanilang mga kapuwa Saksi sa kani-kanilang sariling kongregasyon nang sila’y makauwi na.

Ang Lunes ng umaga ay naging maaliwalas at maaraw, na para bang ang “pinakamagandang Sabado ng santaon” ay ayaw na matapos. Pagkatapos ng kasiya-siyang mga araw na ito ng aktibidad, ang pamilyang Bethel sa Selters ay nagbalik sa trabaho sa kaniyang bagong tahanan at dakong-gawaan sa Steinfels. Sila’y maligaya at nakadama sila ng kapanatagan.

Ang bagong Bethel (ibig sabihin, “bahay ng Diyos”), nandoon sa itaas sa kaniyang Steinfels, ay bagong kaaalay lamang sa paglilingkod sa Diyos, na tungkol sa kaniya’y sinabi ni David: “Purihin nawa si Jehova na aking malaking Bato.” (Awit 144:1) Talagang ang mga pundasyon nito ay nakapatong sa bato, kapuwa sa literal at sa simboliko. Kung gayon, ito ay mananatili​—ang literal na mga gusali hanggang sa panahong ipinasiya ni Jehova. Subali’t kumusta naman ang lalong mahalagang espirituwal na gusali na paggagamitan ng mga kayariang ito? Aba, oo, ang gusaling iyan ay mananatili magpakailanman!

[Mapa/Larawan sa pahina 21]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Kanlurang Alemanya

Selters

[Mga larawan sa pahina 24]

Gusaling pamunuan

Ang Kingdom Hall

[Mga larawan sa pahina 25]

Silid-kainan

Aklatan ng Bethel

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share