Iniligtas ang “Buong Israel” Upang Pagpalain ang Sangkatauhan
1. Bakit hindi maaasahan ng Republika ng Israel na dahilan sa miyembro siya ng United Nations ay gagamitin siya ng Diyos sa pagpapala sa sangkatauhan?
IPINANGAKO ni Jehova kay Abraham na lahat ng angkan at bansa sa lupa ay pagpapalain sa pamamagitan ng binhi ng tapat na patriyarkang iyan. (Genesis 12:3; 22:17, 18) Nguni’t ang mga pangakong iyon na ginawa noong ika-20 siglo bago ng ating Karaniwang Panahon (o Common Era) ay hindi nangangahulugan na pagpapalain ng Diyos ang United Nations o Nagkakaisang mga Bansa, na kahalili ng namatay na Liga ng mga Bansa. Dahil sa ang kasalukuyang Republika ng Israel ay isang miyembro ng UN, samakatuwid, hindi maaasahang ito’y gagamitin ng Diyos ng sinaunang Israel sa pagpapala sa sangkatauhan. Ang UN ay talagang isang sagabal sa Kaharian ng Diyos sa pamamagitan ng “binhi” ni Abraham. Kung gayon, ito ang kasalukuyang “kasuklamsuklam na bagay na sanhi ng kagibaan.” (Mateo 24:15) Hindi, ang UN ay hindi isang pagpapala, kahit na ang relihiyosong klero ng Sangkakristiyanuhan at ang mga rabbing Judio ay dumadalangin na pagpalain ng langit ang organisasyong iyan. Ito “ang larawan ng mabangis na hayop,” at ang “mabangis na hayop” na ito ang nakikitang politikal at komersiyal na organisasyon ng “diyos ng sistemang ito ng mga bagay,” si Satanas na Diyablo. Kaya’t ang UN ay malapit nang puksain kasama ng makahayop na organisasyong iyan.—Apocalipsis 13:1-18; 2 Corinto 4:4.
2. Sa kaniyang ikinikilos, papaanong ang nalabi ng “buong Israel” ay naiiba sa Republika ng Israel?
2 Samantala, ipinaglalaban ng Republika ng Israel ang kaniyang buhay laban sa mga iba pang miyembro ng UN. Nguni’t ang nalabi ng “buong Israel” ay hindi tumutulad sa Republika ng Israel. (Roma 11:26) Ang nalabing iyan ay hindi sumasamba sa “larawan ng mabangis na hayop.” Bagkus, ibinibilad ng espirituwal na mga Israelita ang UN ayon sa kung ano ang pagkakilala rito ng Diyos—isang panghuhuwad na humihila sa mga tao na sumandig sa UN sa halip na sa Kaharian ni Jehova sa ilalim ni Jesu-Kristo. Kaya naman ang nalabi ng “buong Israel” ay nananatiling isang bahagi ng pansansinukob na organisasyon ni Jehova. Ang nalabi ng espirituwal na ‘binhi ni Abraham’ ay nagpapatunay na isang pagpapala sa lahat ng bansa at angkan ng sangkatauhan. Kaya’t ang inihulang mga pangako ni Jehova ay napatunayang totoo.
3, 4. Mahigit na 2,700 taon na bago sumapit ang 1914, kinasihan ni Jehova si Isaias na sumulat ng ano tungkol sa “lahat ng bansa”?
3 Mahigit na 2,700 taon na ngayon ang nakalipas, inihula ng Diyos na Jehova ang kapanahunan na kauna-unahang pagkakataon na gagamitin sa digmaan ang bakal na mga pandigmang tangke at eroplano, mauuso ang labanan sa mga trintsera, gagamit ang mga sundalo ng mga maskara sa gas, at pangmalayuang mga kanyon na gaya baga ng “Big Bertha” ang gagamitin sa lubus-lubusang digmaan. Oo, mga 27 siglo bago sumiklab ang Digmaang Pandaigdig I, kinasihan ng Diyos na Jehova ang propetang si Isaias na ilarawan ang isa pang bagay na mangyayari sa panahong iyon, na nagsasabi:
4 “Ang nakita sa pangitain ni Isaias na anak ni Amoz tungkol sa Juda at Jerusalem: At mangyayari sa huling bahagi ng mga araw na ang bundok ng bahay ni Jehova ay matatag na matatayo sa itaas ng taluktok ng mga bundok, at tiyak na matataas sa itaas ng mga burol; at huhugos doon ang lahat ng bansa. At maraming bayan ang tiyak na paparoon at magsasabi: ‘Halikayo, kayong mga tao, at umahon tayo sa bundok ni Jehova, sa bahay ng Diyos ni Jacob [Israel]; at tayo’y kaniyang tuturuan sa kaniyang mga daan, at tayo’y lalakad sa kaniyang mga landas.’ Sapagka’t mula sa Sion lalabas ang batas, at ang salita ni Jehova ay mula sa Jerusalem. At tiyak na hahatol siya sa gitna ng mga bansa at magtutuwid ng mga bagay-bagay tungkol sa maraming bayan. At papandayin nila ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod at ang kanilang mga sibat upang maging mga karit. Ang bansa ay hindi magtataas ng tabak laban sa bansa, ni mangag-aaral pa man sila ng pakikidigma. Oh mga tao ng sambahayan ni Jacob, halikayo at tayo’y magsilakad sa liwanag ni Jehova.”—Isaias 2:1-5.
5. Sa liwanag ng ikinikilos ng Republika ng Israel, sa anong punto-de-vista kailangang malasin ang hula ni Isaias tungkol sa “bahay ni Jehova”?
5 Sa ngayon hindi natin nakikitang ang kahanga-hangang hulang ito’y natutupad sa Jerusalem sa Gitnang Silangan, na kabisera ng Republika ng Israel. Sa dating lugar na tinatawag na Bundok Sion, wala tayong makikitang templo ni Jehova kundi, bagkus, ang makikita natin doon ay ang Muhammadan Dome of the Rock at isang bahay-sambahan o mosque na dedikado kay Allah. Mga turista na galing sa maraming bansa ang dumadalaw sa templong ito, hindi para sumamba, kundi para mag-usyoso lamang sa magandang sambahang ito ng mga Muslim. Hindi maikakaila ngayon na sa “huling bahagi ng mga araw” ng malubha ang sakit na sistemang ito ng mga bagay, ang hula ni Isaias ay hindi sa modernong estado ng Israel natutupad. Hindi ito ang “buong Israel” na iniligtas para sa pagpapala sa sangkatauhan, bilang katuparan ng ipinangako ni Jehova kay Abraham. Samakatuwid, ang makahulang pananalita na “ang bundok ng bahay ni Jehova” ay kailangang malasin buhat sa isang espirituwal na punto-de-vista kung may kaugnayan sa “Israel ng Diyos.”—Galacia 6:16.
6. (a) Paano ipinakita ni Pedro kung anong uri ng bansa “ang Israel ng Diyos”? (b) Samantalang nagaganap ang anong pangyayari sa daigdig nagsimula ang “lahat ng bansa” na humugos sa “bahay ni Jehova”?
6 Ang “Israel ng Diyos” na ito ay isang espirituwal na bansa, gaya ng isinulat ni apostol Pedro: “Kayo ay ‘isang piniling lahi, isang makaharing pagkasaserdote, bansang banal, bayang tanging pag-aari, upang ihayag ninyo sa madla ang mga kaningningan’ niyaong tumawag sa inyo mula sa kadiliman tungo sa kaniyang kagilagilalas na liwanag.” (1 Pedro 2:9) Ang kasalukuyang nalabi ng “bansang banal” na ito ay sumasagisag sa “bahay ni Jehova” at pinaka-sentrong bahagi ng mga Saksi ni Jehova sa ngayon. May 21 taon ang lumipas pagkatapos magsimula ang “huling bahagi ng mga araw”—nang kasalukuyang nag-aalab ang Katolikong fascismo at ang Nazismo ni Hitler sa Europa—noon “lahat ng bansa” ay nagsimulang humugos sa espirituwal na “bahay ni Jehova” na sa talinghagang pananalita’y itinaas sa taluktok ng mga bundok ng mga Saksi ni Jehova.
7. Bakit isang mahalagang pangyayari nang ang mga bansa ay magsimulang humugos sa “bahay ni Jehova”?
7 Ang mahalagang pangyayaring ito ay pinasimulan sa isang pangkalahatang kombensiyon nang magtatapos na ang tagsibol ng 1935, sa Washington, D.C., na kabiserang lunsod ng Estados Unidos ng Amerika. Sa isang kapuna-punang pahayag sa kombensiyong iyon, isang miyembro ng “buong Israel”—si J. F. Rutherford, noo’y pangulo ng Watch Tower Bible and Tract Society—ang nagtuwid ng isang maling pagkaunawa ng International Bible Students. Kaniyang binanggit na ang “lubhang karamihan,” o “malaking pulutong,” na titipunin buhat sa lahat ng panig ng sangkatauhan at sasamba sa Diyos sa Kaniyang espirituwal na templo (yamang iniwasak na ng mga Romano noong 70 C.E. ang materyal na templo sa Jerusalem) ay isang uring makalupa. (Apocalipsis 7:9-17, Authorized Version) Inaasahan ng uring ito na sila’y makakaligtas sa Har–Magedon at papasok sa bagong sistema ng mga bagay sa dumarating na Sanlibong Taóng Paghahari ni Jesu-Kristo, na naghahari na sa langit magmula pa noong 1914.
8. (a) Anong makasaysayang pangyayari ang naganap sa Washington, D.C. kombensiyon noong 1935? (b) Bakit masasabing “lahat ng bansa” ay humuhugos sa “bahay ni Jehova”?
8 Pambihira sa kasaysayan ang naging tugon sa isiniwalat na liwanag na ito. Sa makasaysayang asambleyang ito, 840 mga kombensiyonista ang napabautismo bilang sagisag ng kanilang pag-aalay sa Diyos na Jehova sa pamamagitan ni Jesu-Kristo. Hindi natiyak noon kung ilang mga bansa ang may mga kinatawan sa grupong iyon, subali’t ang nasa isip nila ay pag-asa sa isang makalupang paraiso. Sa ngayon, makalipas ang mga 50 taon, ang bilang ng mga Saksi ni Jehova ay makapupong higit kaysa “buong Israel.” Sila’y aktibo sa 205 lupain sa buong globo. Sa malawakang paraan, kung gayon, “lahat ng bansa” ay humuhugos sa itinaas na bahay-sambahan kay Jehova.
Mga Saksi ni Jehova—Anong Uri ng mga Tao?
9. Di-tulad ng Republika ng Israel, anong hakbang ang kinuha ng mga Saksi ni Jehova bilang katuparan ng Isaias 2:4?
9 Di-tulad ng Republika ng Israel, anong uri ng mga tao ang mga Saksi ni Jehova sa ngayon? Tulad ng republikang iyan, sila ba’y may armas upang gumanap ng makalamang pakikidigma sa mga nagbabantang sila’y lipulin? Hindi. Sa halip, sila ang mismong uri ng mga tao na inihula sa Isaias 2:4. Dahilan sa kanilang itinaas ang pagsamba kay Jehova sa espirituwal na bahay ng Diyos, sa talinghagang pangungusap ay kanilang pinanday ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod at ang kanilang mga sibat upang maging mga karit. Sila’y nagtitiwala sa Diyos na Jehova bilang kanilang Kanlungan samantalang tinutularan nila ang kanilang Lider, si Jesu-Kristo. Bagaman sila’y nanggaling sa halos lahat ng bansa sa lupa, hindi nila pinapayagang manaig sa kanila ang espiritu ng nasyonalismo; at hindi rin sila nakikialam sa makasanlibutang politika. Tunay na tunay, sila’y hindi na nag-aaral ng sining ng makasanlibutang digmaan. Sila’y walang pinapanigan sa makasanlibutang digmaan at politika. Oo, hindi na sila gumagamit ng makasanlibutang mga sandata para sa pagtatanggol o sa pananalakay. Sila’y naniniwala sa sinabi ni Jesu-Kristo—na ang kaniyang Kaharian ay “hindi bahagi ng sanlibutang ito.” Kung hindi gayon, di sana ay ipinaglaban ito ng kaniyang mga alagad sa pamamagitan ng pinakamakabagong armas militar.—Juan 18:36.
10. (a) Ano lamang pakikidigma ang isinasagawa ng mga Saksi ni Jehova? (b) Anong “bagong utos” ang sinusunod ng mga Saksi, at sa papaano?
10 Sa halip, espirituwal na pakikidigma lamang ang isinasagawa ng mga Saksi ni Jehova. Ang binabaka nila ay mga balakyot na espiritu sa makalangit na mga dako. Kaya’t ang kanilang sandata ay hindi makalaman, na nagbububo ng dugo. (Efeso 6:10-18) Sila’y hindi sa tao nakikipagbaka, at tunay na hindi sila nakikipagbaka sa kanilang espirituwal na mga kapatid sa loob ng organisasyon ni Jehova. Sila’y sumusunod sa utos ni Jesu-Kristo na ibigin ang kanilang espirituwal na mga kapatid, gaya ng pag-ibig niya sa atin, kahit hanggang sa sukdulan na inihandog niya ang kaniyang buhay-tao alang-alang sa kaniyang mga alagad. Ito’y naaayon sa “bagong utos” na ibinigay ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod, na sila’y mag-ibigan sa isa’t-isa gaya ng pag-ibig niya sa kanila.—Juan 13:34.
11. Ang pag-ibig na ipinakikita ng mga Saksi ni Jehova ay katuparan ng anong kautusan?
11 Ang nagpapakilos sa mga Saksi ni Jehova ay yaong uri ng pag-ibig na katuparan ng Kautusan na ibinigay sa pamamagitan ni propeta Moises. Ang gayong pag-ibig ay hindi pumipinsala kaninuman at higit kaysa “kawanggawa” (“charity”) lamang, sang-ayon sa ika-20-siglong kahulugan ng terminong iyan. Sa Bibliya, ang mga salitang Hebreo at Griego para sa “pag-ibig” ay nangangahulugan ng higit pa kaysa “kawanggawa” lamang.—Tingnan ang 1 Corinto, kabanata 13, King James Version; Katolikong Douay Version (sa Ingles).
Para Pagpalain, Hindi Para Sumpain
12. Kailangan ba noon na lahat ng bubuo ng “buong Israel” ay nasa langit na bago makapagpasimula ang pagpapala sa “lahat ng bansa”?
12 Batay sa tinalakay na makikita natin na para sa pagpapala ng lahat ng angkan at bansa sa pamamagitan ng “binhi” ng Lalung-dakilang Abraham, ang Diyos na Jehova, hindi na kailangan na ang nalabi ng “buong Israel” ay pumasok sa langit at makasama ng Pangunahing Isa ng “binhi,” si Jesu-Kristo. Sa loob ng halos kalahating siglo na ngayon, mga miyembro ng pamilya at mga bansa sa lupa ang tumatanggap ng mga pagpapala buhat sa ipinangakong “binhi” ni Abraham. Ngayon ay mahigit nang dalawa at kalahating milyong “mga ibang tupa” ang natipon na upang bumuo ng “isang kawan” kasama ng nalabing may makalangit na pag-asang espirituwal at tulad-tupa na mga tagasunod ng Mabuting Pastol.—Juan 10:16.
13. Si Jesus ay pumasok sa templo na taglay ang anong saloobin para sa “mga ibang tupa,” at paano sasapit sa sukdulan sa malapit na hinaharap ang kaniyang saloobing ito?
13 Ang pinagpalang “mga ibang tupa” ay may pag-asang magmana, sa mismong pagpapasimula, ng Paraisong ibabalik sa lupa sa panahon ng Sanlibong Taóng Paghahari ni Kristo. Kaya naman nang si Jesu-Kristo, na “sugo ng tipan” ni Jehova, ay pumasok sa espirituwal na templo upang maghukom, siya’y pumasok doon para pagpalain, hindi sumpain ang “mga ibang tupa.” (Malakias 3:1-3) Ang pagpapalang ito ay sasapit sa sukdulan sa pamamagitan ng pagliligtas sa kanila sa napipintong “digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat” laban sa kaniyang mga kaaway sa lupa na natitipon sa “Har–Magedon.” (Apocalipsis 16:14, 16) Noong sinaunang panahon ang lunsod ng Megiddo ang dako ng mga tagumpay para sa Diyos na Jehova. (Josue 17:11; Zacarias 12:11) Sa simbolikong Har–Magedon kakamtin pa ng Diyos ang kaniyang pinakadakilang tagumpay, sa kaniyang walang hanggang ikaluluwalhati. Doon ang kaniyang itinaas na Anak, si Jesu-Kristo, ang magiging kaniyang Mariskal de Kampo.—Apocalipsis 19:11-21.
14. (a) Sa kaligtasan nino may dahilan ang “mga ibang tupa” na magalak? (b) Ilan na ngayon ang bilang ng “mga ibang tupa”?
14 Ang “mga ibang tupa” ay iingatan samantalang nagaganap ang pinakapambihirang pagtatanghal ng makalangit na kapangyarihan at kaluwalhatian. Anong galak ng lahat ng mga makaliligtas sa di-mapag-aalinlanganang tagumpay na iyon dahilan sa bagay na ang nalabi ng “buong Israel” ay ‘iniligtas’ sa panahon ng kapayapaan sa pagitan ng Digmaang Pandaigdig I at Digmaang Pandaigdig II! Magmula sa tagsibol ng 1935 pasulong ay napadagdag sa iniligtas na Israel na ito ang “lubhang karamihan” na walang takdang bilang. Bilang “mga ibang tupa” ng mabuting Pastol, si Jesu-Kristo, ang bilang nila ngayon ay malapit nang magtatlong milyon. Sila’y nagsisilabas sa “lahat ng bansa at tribo at bayan at wika” ng sangkatauhan, bilang katuparan ng pangako ng Diyos na Jehova sa isang lumarawan sa kaniya, ang kaniyang “kaibigan” na si Abraham. (Apocalipsis 7:9-17; Santiago 2:23) At ang pagtitipon sa “mga ibang tupa” ay hindi pa natatapos. Kung ilan sila na matitipon pagka natapos na ng Mabuting Pastol ang pagtitipon sa kanila bago puksain ang Babilonyang Dakila at bago lipulin ng Diyos sa Armagedon ang politikal na mga kalaguyo nito, iyan ang hindi natin nalalaman.—Apocalipsis 17:1–18:24.
15. Ang pakikisama ng “mga ibang tupa” sa nalabi ng “buong Israel” ay pasimula ng anong pagpapala?
15 Ang pakikisama ng “mga ibang tupa” sa nalabi ng “buong Israel” sa “isang kawan” sa ilalim ng Mabuting Pastol, si Jesu-Kristo, na Pangunahin sa “binhi” ni Abraham,” ay pasimula ng isang bagay. Ano? Pasimula ito ng lubusang pagpapala na ipagkakaloob ng “buong Israel” sa “mga ibang tupa” sa panahon ng Sanlibong Taóng Paghahari ni Jesu-Kristo, pagka sila’y naroroon na pagkatapos makaligtas nang dahil sa makalangit na proteksiyon.
16. Bakit disidido ang “mga ibang tupa” na patuloy na maglingkod kay Jehova kasama ng nalabi ng “buong Israel”?
16 Bilang katuparan ng Apocalipsis 7:14-17, ang “mga ibang tupa” ay “naglaba na ng kanilang kasuotan at pinaputi iyon sa dugo ng Kordero.” Kaya naman sila pinapayagang sumamba sa Diyos “araw at gabi sa kaniyang templo,” sa espirituwal na paraan. Oo, ngayon pa’y pinakakain na sila ng espirituwal na pagkain ng “Kordero ng Diyos,” si Jesu-Kristo, kaya sila’y “hindi na magugutom.” (Juan 1:29) Isa pa, sila’y inaakay ng kanilang tapat na Pastol tungo sa “mga bukal ng tubig ng buhay,” samakatuwid nga, sa buhay sa isang lupang Paraiso. Pinasasalamatan ng “malaking pulutong” ang lahat ng pagpapalang tinatanggap na nila ngayon sa pamamagitan ng nalabi ng “buong Israel,” kaya naman sila’y patuloy na maglilingkod kay Jehova kasama ng tapat na nalabing ito. Gagawin ito ng “mga ibang tupa” kaisa ng “isang kawan” sa ilalim ng “isang pastol” alang-alang sa kapakanan ng Kaharian ng Diyos sa ilalim ni Jesu-Kristo. Disidido silang gawin ito hanggang sa lahat ng kaaway ng Kaharian ay malipol sa balat ng lupa, ang “tuntungang-paa” ng Diyos.—Isaias 66:1; Mateo 5:34, 35; Gawa 7:49.
Ano ang Sagot Mo?
◻ Bakit ang Republika ng Israel ay hindi siyang ginagamit ni Jehova sa pagpapala sa sangkatauhan?
◻ Bakit masasabing “lahat ng bansa” ay humuhugos ngayon sa “bahay ni Jehova”?
◻ Paano tinutupad ng mga Saksi ni Jehova ang Isaias 2:4?
◻ Anong saloobin ang taglay ni Jesu-Kristo sa “mga ibang tupa,” at papaano malapit nang sumapit ito sa sukdulan?
◻ Anong pagpapala ang nagpasimula sa pakikisama ng “mga ibang tupa” sa nalabi ng “buong Israel”?
[Larawan sa pahina 16, 17]
“Sa pamamagitan ng iyong binhi ay pagpapalain nga ng lahat ng bansa sa lupa ang kanilang sarili dahilan sa bagay na nakinig ka sa aking tinig.”—GENESIS 22:18.
[Larawan sa pahina 19]
Nag-iibigan ang mga Saksi ni Jehova at kanilang ‘pinanday na ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod’