“Ang Buong Israel ay Maliligtas”
“Sa ganitong paraan ang buong Israel ay maliligtas. Gaya ng nasusulat: ‘Ang tagapagligtas ay manggagaling sa Sion at mag-aalis ng mga gawang kalikuan sa Jacob.’ ”—ROMA 11:26.
1. (a) Tungkol sa Roma 11:26, anong mga tanong ang bumabangon? (b) Bakit hindi ang Republika ng Israel ang Israel na “maliligtas”?
ANONG bansa ang tinutukoy dito? Papaano naliligtas iyon? At papaanong lahat ng iba pang mga bansa ay naaapektuhan ng kaligtasan nito? Bueno, nang ang kapamahalaan ng Britanya ay matapos sa Palestina noong 1948, isang bahagi ng teritoryong iyon ang inagaw ng mga Judio at kanilang itinatag ang Republika ng Israel. Sa pamamagitan ng tagumpay nila sa mga hukbong Arabe sa anim-na-araw na digmaan noong 1967, napalawak ng mga Israelis ang hangganan ng kanilang republika. Nguni’t sapol ng matatag ang Republika ng Israel, kailangang gumamit siya ng lakas ng kaniyang mga armas upang siya’y magpatuloy ng pag-iral. Mayroon man o wala ang modernong-panahong Israel ng nakatabing mga bomba nuclear para sa pagtatanggol sa bansa, tiyak na hindi ito sa ‘tagapagligtas na nanggaling sa Sion’ umaasa ng kaligtasan. Aba, kasama ng mga bansang Gentil, ang bagitong bansang ito ay bahagi ng Nagkakaisang mga Bansa (UN)! Maliwanag, ang republikang ito ay hindi isang teokrasya, tulad ng bansang Israel noong 1513 B.C.E., nang mga kaarawan ni Moises.
2. Paanong ang pagtatayo ng Republika ng Israel ay naiiba sa pagbabalik ng mga Judio sa kanilang bayan noong 537 B.C.E.?
2 Ang Austrianong Israelita na si Theodor Herzl, pundador ng Zionist World Organization noong 1897, ay nagpahayag na ang mga Judio’y isang bansa at hiniling niya na maglaan ng teritoryo para sa pagtatayo ng isang estadong Judio. Subali’t walang isa man sa lahat ng mga pangyayari tungkol sa Republika ng Israel ang may ano mang kaugnayan sa pagkabalik ng mga Judio sa kanilang bayan noong 537 B.C.E., ang unang taon ng paghahari ng Persiyanong emperador na si Cirong Dakila. Ang sinaunang pagbabalik na iyon ang katuparan ng inihayag na layunin ng Diyos ng Israel, si Jehova, na inihula sa Isaias 45:1-5. (2 Cronica 36:22, 23; Ezra 1:1-4) Subali’t sa pagtatayo ng Republika ng Israel hindi nasunod ang mapayapang paraan na taglay ang lubos na pananampalataya sa Diyos ng sinaunang Israel. Kaya’t hindi ito maipangangahulugan na katuparan ng mga hula ng Kasulatang Hebreo; at hindi rin katunayan na malapit na ang pagdating ng Judiong Mesiyas.
3. Ano ang dating paniwala ng International Bible Students tungkol sa kaligtasan ng “buong Israel,” nguni’t ano ang nangyari may kaugnayan dito noong 1932?
3 Magpahangga noong 1929 ang mga miyembro ng International Bible Students Association ay naniniwalang ang likas na mga Judio ang siya pa ring piniling bayan ng Diyos, na sila’y titipunin upang ibalik sa Palestina bagaman di-sumasampalataya, na sila’y makukumberte kay Jesu-Kristo bilang ang ipinangakong Binhi ni Abraham at sila kung magkagayon ang magiging pangunahing bansa sa mundo para sa pagpapala sa buong sangkatauhan. Subali’t noong 1932, ito’y napatunayan na isang maling pagkaunawa ng hula sa Bibliya, kasali na ang mga salita ng Roma 11:26 tungkol sa pagliligtas sa “buong Israel.”—Tingnan ang Study VIII ng aklat na Thy Kingdom Come, copyright 1891 ng Watch Tower Bible & Tract Society.
Sino ang mga Bubuo ng “Buong Israel”
4. Anong mga kalagayan ngayon ang nagpapatunay na ang Republika ng Israel ay hindi “ang Israel ng Diyos”?
4 Sa Galacia 6:16 ay “ang Israel ng Diyos” ang itinawag sa “buong Israel” ng Judiong sumulat ng Roma 11:26. Subali’t kung ang likas na mga Judio sa Republika ng Israel at sa buong globo ay hindi siyang bumubuo ng “buong Israel,” sino ang mga bumubuo nito? Mahalaga ang tanong na ito, sapagka’t ang likas na mga Judio sa ngayon ay hindi nakakaalam kung sa alin sa 12 tribo ng Israel sila kabilang. Sila’y may mga rabbi nguni’t walang mga saserdote, walang mataas na saserdote sa lupa, walang templo sa Jerusalem at walang dambana doon na mapaghahandugan nila ayon sa Kautusan na ibinigay sa kanila ng Diyos sa pamamagitan ni Moises. Lahat na ito ay nawala sapol nang wasakin ng mga Romano ang Jerusalem noong 70 C.E. Wala ring ebidensiya na bilang isang bansa ay sumasa-kanila pa ang Diyos na tinatanggihan nilang bigkasin ang pangalan. Gayunman, si Jehovang Diyos ay mayroon dito sa lupa na isang Israel, maging sa ika-20 siglong ito. Kaya’t sino ang mga bumubuo nito?
5, 6. Paano ipinakita ni Pablo na ang pagiging “ang Israel ng Diyos” ay hindi depende sa likas na mga kalagayan sa laman?
5 Ang likas na Judiong si Saulo ng Tarso, na nagkapribilehiyong maging ang Kristiyanong apostol na si Pablo, ay nagbibigay ng kasiya-siyang sagot. Noong humigit-kumulang taóng 56 C.E. siya’y nagpahatid ng isang mahabang liham sa “lahat ng mga nasa Roma bilang mga minamahal ng Diyos, tinawag na maging mga banal.” (Roma 1:1, 7) Sa liham na iyon, ipinakilala ni Pablo yaong mga itinuturing ng Diyos na mga tunay na Israelita—hindi mga Israelita ayon sa laman kundi ayon sa espiritu. Sumulat ng ganito si Pablo:
6 “Hindi lahat ng nagbubuhat sa Israel ay talagang ‘Israel.’ Ni sapagka’t sila’y binhi ni Abraham ay mga anak na silang lahat, kundi: ‘Ang tatawaging “iyong binhi” ay manggagaling kay Isaac.’ Samakatuwid nga, ang mga anak sa laman ay hindi talagang siyang mga anak ng Diyos, kundi ang mga anak sa pamamagitan ng ipinangako ang ibinibilang na binhi. . . . At, si Isaias ay sumisigaw tungkol sa Israel: ‘Bagaman ang bilang ng mga anak ni Israel ay makasingdami ng buhangin sa dagat, ang nalabi lamang ang maliligtas. Sapagka’t si Jehova ay hihingi ng pagsusulit sa lupa, at tatapusin at paiikliin iyon.’ Gayundin, gaya ng sinabi ni Isaias noong una pa: ‘Kung hindi nag-iwan sa atin ng isang binhi si Jehova ng mga hukbo, baka tayo’y naging gaya ng Sodoma at naging katulad ng Gomorra.’ ”—Roma 9:6-9, 27-29.
7, 8. Bakit hindi lahat ng mga sanga ng simbolikong punong olivo sa Roma kabanatang 11 ay likas na mga Israelita?
7 Pagkatapos, sa Roma kabanata 11, ang bansang Israel ay inihalintulad ni Pablo sa isang punong olivo na may kaugnayan sa “kaibigan ni Jehova,” ang patriyarkang si Abraham. (Santiago 2:23) Pagkatapos na patunayan ng “kaibigan” na iyon ang kaniyang pagkamasunurin, sinabi sa kaniya ng Diyos: “Sa pamamagitan ng iyong binhi ay pagpapalain nga ng lahat ng bansa sa lupa ang kanilang sarili dahilan sa bagay na nakinig ka sa aking tinig.” (Genesis 22:18) Dahilan sa ang karamihan ng likas na mga Judio ay hindi nagpakita ng pananampalataya na gaya ng sa kanilang ninunong si Abraham at naging masunurin sa Diyos, ang di-sumasampalatayang mga Israelitang iyon ay pinutol buhat sa simbolikong punong olivo na nag-uugat sa Lalung-dakilang Abraham, si Jehovang Diyos. Sila’y hinalinhan ng sumasampalatayang mga Gentil, o mga di-Judio, upang mabuo ang hustong bilang ng mga sanga ng simbolikong punungkahoy. Ang mga inihalili sa likas na mga Israelita ay naging “binhi ni Abraham” bilang mga proselita, o mga Israelita na inampon ng Diyos, ang Isang lalong dakila kaysa kay Abraham. (Galacia 3:26-29) Sila’y naging mga Israelita sa espirituwal na diwa, samakatuwid nga, mga espirituwal na Israelita. Kaya naman nagpatuloy pang sinabi ni Pablo:
8 “Hindi ko ibig, mga kapatid, na hindi ninyo maalaman ang hiwagang ito, baka kayo’y magmarunong sa inyong sariling mga haka-haka, na ang katigasan ng isang bahagi ay nangyari sa Israel, hanggang sa pumasok ang kapupunan na mga Gentil; kaya naman ang buong Israel ay maliligtas: gaya ng nasusulat, Manggagaling sa Sion ang Tagapagligtas; kaniyang aalisin ang kalikuan sa Jacob: at ito ang aking tipan sa kanila, pagka aalisin ko ang kanilang mga kasalanan.”—Roma 11:25-27, American Standard Version.
9. Bagaman “ang itinakdang mga panahon sa mga bansa” ay natapos noong 1914, ano ang katayuan ng Republika ng Israel may kaugnayan sa Tagapamagitan ng bagong tipan?
9 Mapapansin natin na hindi sinasabi ni Pablo na, ‘hanggang sa ang mga panahon ng mga Gentil ay matupad.’ Bagkus, kaniyang sinasabi, “hanggang sa pumasok ang kapupunan na mga Gentil,” o, “hanggang sa pumasok ang buong bilang ng mga tao ng mga bansa.” Ang mga Panahong Gentil, o “ang itinakdang mga panahon sa mga bansa,” ay natapos noong 1914, na taon ng pagsisiklab ng Digmaang Pandaigdig I. (Lucas 21:24, Authorized Version) Datapuwa’t, ngayon, mahigit na 70 taon na ang nakalipas, ang Republika ng Israel at ang likas na mga Judio sa buong lupa ay hindi nag-aangkin na sila’y nasa bagong tipan na sinabi ni Jehovang kaniyang itatatag sa sambahayan ng Israel. (Jeremias 31:31-34) Mahigit na 19 na siglo na ngayon, noong Nisan 14, 33 C.E., na gabi ng Paskua ng mga Judio, ang magiging Tagapamagitan ng tipan na iyon ay nagpasa ng kopa ng alak sa kaniyang tapat na mga apostol at nagsabi: “Ang kopang ito ay nangangahulugan ng bagong tipan sa bisa ng aking dugo, na ibubuhos alang-alang sa inyo.” (Lucas 22:20) Makalipas ang lahat ng panahong ito si Jesu-Kristo ay hindi kinikilala ng Republika ng Israel bilang ang Tagapamagitan ng tipan na inihula ni Jeremias.
10. Ang sumasampalatayang likas na mga Judio ay bumuo ng gaanong bahagi ng “binhi” ni Abraham para sa pagpapala sa sangkatauhan, at ano ang naging resulta?
10 Sang-ayon sa mga Israelis, “ang tagapagligtas” ay hindi pa nanggagaling sa Sion. (Isaias 59:20; Roma 11:26) Subali’t noong araw ng Pentecostes ng 33 C.E., isang nalabi ng sinaunang Israel ang tumanggap kay Jesus bilang ang Mesiyas. At magmula noon ay tinanggap ng nalabi ang ipinangakong banal na espiritu at sila’y inilakip sa inihulang bagong tipan. Gayunman, ang isang nalabi ay hindi sapat upang mabuo ang espirituwal na “nobya” ni Kristo, na 144,000. (Apocalipsis 7:1-8; 14:1-3; 21:9) Kaya’t hindi sapat ang dami ng likas na mga Israelita na naging bahagi ng simbolikong punong olivo na nag-ugat sa Lalung-dakilang Abraham, na nangakong ang “binhi” ng sinaunang patriyarkang iyan ay magdadala ng mga pagpapala sa mga pamilya sa lupa, Judio at di-Judio.
11, 12. “Ang buong Israel” ay tumutukoy sa anong Israel, at paano mapatutunayan ito sa Kasulatan?
11 Kung gayon, paanong “ang buong Israel” ay “maliligtas” sa pamamagitan ng ipinangakong “tagapagligtas”? Pakisuyong pansinin na ang kaniyang sulat sa mga taga-Roma ay isinulat ni Pablo humigit-kumulang 56 C.E., pagkatapos na sumulat siya sa mga taga-Galacia (humigit-kumulang 50-52 C.E.). Samakatuwid, ang Roma 11:25-27 ay isinulat pagkatapos ng kaniyang pananalita sa Galacia 6:16 tungkol sa “Israel ng Diyos.” Ang Israel na iyon ay yaong ginawan ng bagong tipan sa pamamagitan ni Jesu-Kristo, hindi ng propetang si Moises. Si Jesus ang Tagapamagitan para sa isang Kristiyanong Israel, na isinilang bilang isang bansa noong araw ng Pentecostes, 33 C.E., nang ang banal na espiritu ay ibuhos sa mga Judio na tumanggap kay Jesu-Kristo bilang Tagapamagitan ng bagong tipan.
12 Naroon nang okasyong iyon ang Judiong apostol na si Pedro. Nang maglaon, sumulat siya sa “mga pinili ayon sa patiunang kaalaman ng Diyos” at ang sabi: “Kayo ay ‘isang piniling lahi, isang makaharing pagkasaserdote, bansang banal, bayang tanging pag-aari’ . . . dati’y hindi kayo bayan, nguni’t ngayon ay bayan na ng Diyos.” (1 Pedro 1:1, 2; 2:9, 10) Pinagtitibay nito ang katotohanan na ang “buong” Israel na “maliligtas” ay hindi ang kasalukuyang republika ng mga Israelis o ang kalat-kalat na likas na mga Israelita sa buong mundo. “Ang buong Israel” na “maliligtas” ay ang espirituwal na Israel na isinilang noong Pentecostes ng 33 C.E. nang sila’y maging mga anak ng Diyos sa pamamagitan ng kaniyang espiritu. Sa “Israel ng Diyos” na ito darating ang ipinangakong Tagapagligtas.
13. (a) Paano at kailan nanggaling sa Sion ang ipinangakong Tagapagligtas? (b) Nang sumapit ang panahon, sino ang mga napalakip sa “Israel ng Diyos”?
13 Si Jehova, ang dakilang Tagapagligtas na ito ay dumating nga noong araw ng Pentecostes ng 33 C.E. Sa paano? Sa pamamagitan ng paggamit kay Jesus sa pagbubuhos ng banal na espiritu sa humigit-kumulang 120 mga alagad sa isang silid sa itaas sa pambansang kabisera ng Jerusalem. Kaya’t ang mga alagad na iyon ang naging mga unang bahagi ng “Israel ng Diyos” na inianak para sa espirituwal na buhay at may pag-asang buhay na walang hanggan sa dako ng mga espiritu sa itaas. At sa espirituwal na Israel na ito ay napalakip sa wakas ang di-Judiong mga mananampalataya sa ipinangakong Tagapagligtas. Kailan ito? Nang makumberte ang mga Samaritano—at nang malaunan ang mismong mga Gentil nang makumberte ang Romanong senturion na si Cornelio pati kaniyang pamilya at mga kaibigan noong 36 C.E.—lahat ng mga di-Judiong ito na sumasampalataya ay inampon ni Jehova, na Lalung-dakilang Abraham, upang mapalakip sa kaniyang bugtong na Anak, si Jesu-Kristo, ang simbolikong katawan ng makasagisag na punong olivo. Kaya’t ang mga di-Judiong ito ay maihahalili sa lugar ng di-sumasampalatayang mga Judio na binali sa punong olivo na may 144,000 “mga sanga.”—Gawa, kabanata 10; Gawa 15:14-21.
Tapos Na Ngayon ang Gawaing Pagdurugtong
14. Ngayon ay ano ang ipinakikita ng mainam na ebidensiya tungkol sa “buong Israel”?
14 May 1,948 taon na ang lumipas mula ng mahalagang pangyayari noong 36 C.E. Kaya, maaasahan ngayon na ang gawain ng Pinakamakapangyarihang Diyos na pagliligtas sa “buong Israel” ay matagumpay na natupad na. Isang yugto iyan ng panahon na mas mahaba kaysa yugto ng panahon ng bukud-tanging paglingap ng Diyos sa mga Judio mula 1513 B.C.E., noong kaarawan ni Moises, hanggang 36 C.E., sa unang kombersiyon ng di-tuling mga Gentil. Ito’y sapat na panahon upang iligtas ang “buong Israel,” pagka nahusto na ang bilang. Ngayo’y sapat na ang ebidensiya tungkol dito.
15. Sa hula ni Jesus tungkol sa “tanda” ng “katapusan ng sistema ng mga bagay,” paano ba titipunin ang “mga pinili,” ayon sa sabi niya?
15 Ang yugtong iyan ng panahon ang tinukoy ni Jesu-Kristo sa hula ng kaniyang di-nakikitang “pagkanaririto” bilang espiritu at ng “katapusan ng sistema ng mga bagay” na ang sabi: “Ang tanda ng Anak ng tao ay lilitaw sa langit, at kung magkagayo’y lahat ng angkan sa lupa ay magsisitaghoy, at makikita nila ang Anak ng tao na pumaparitong nasa mga alapaap ng langit na may kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian. At susuguin niya ang kaniyang mga anghel na may kaylakas-lakas na tunog ng trumpeta, at kanilang titipunin ang kaniyang mga pinili mula sa apat na hangin, mula sa isang dulo ng langit hanggang sa kabila.” (Mateo 24:3, 30, 31) Kailan nagsimula ang “pagkanaririto” ni Jesu-Kristo?
16, 17. Kailan nagsimula ang “pagkanaririto” ni Jesu-Kristo, at anong mahalagang mga pangyayari ang kasunod may kaugnayan sa tinipong “mga pinili”?
16 Ang “pagkanaririto” ni Jesus ay nagsimula nang matapos ang “pitong panahon” ng mga Gentil noong taglagas ng 1914. (Daniel 4:23-36) Sa may-digmaang lupang ito ibinaling noon ni Jesu-Kristo ang kaniyang pansin para siya’y maghari. Pinatutunayan ng mga pangyayari na noong taóng 1919, na tapos na ang digmaan, ang nagpupunong Haring si Jesu-Kristo ay nagsugo ng kaniyang makalangit na mga anghel upang tipunin ang “mga pinili” sa lahat ng panig ng mundo. Sa pamamanihala ng Watch Tower Bible and Tract Society, sila’y tinipon sa pagkakaisa sa buong daigdig, upang sama-samang ganapin nila ang iniutos ni Jesus na nakasulat sa Mateo 24:14: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.”
17 Sa pangkalahatang kombensiyon ng bayan ng Diyos noong 1931, buong pagkakaisang pinagtibay nila na tanggapin ang bagong pangalan, mga Saksi ni Jehova. Pagkatapos ay sinundan ito ng paglalathala ng Samahan ng aklat na Jehovah, na nagtatanyag ng pangalan ng Diyos na galak na galak silang taglayin. Anong laking pagpapasalamat ng mga Saksi ni Jehova nang tanggapin nila ang bagong aklat na iyan noong taóng 1934, nang ang Nazi Führer, na si Adolf Hitler, ay nagsisimula na ng paglipol sa mga Saksi sa gitnang Europa.
18. Nang takdang panahon, anong pangyayari ang nagpatunay na ang buong bilang ng “mga pinili” ay natipon na?
18 Ang kasunod na mga pangyayari ang nagpatunay na ang pagtitipon sa nag-alay at bautismadong “mga pinili” para sa makalangit na Kaharian ay natupad na. Sa paano? Sapagka’t noong taóng 1935 ang atensiyon at pagpapagal ng “mga pinili” ay itinuon sa “lubhang karamihan” na nakita sa pangitain sa Apocalipsis 7:9-17. (AV) Sino ba ang mga bubuo ng “lubhang karamihan,” o “malaking pulutong” na ito? Yaong mga tao na luluwalhati at magpaparangal sa Diyos na Jehova at kay Jesu-Kristo at gagantimpalaan ng buhay na walang hanggan sa isang lupang paraiso pagkatapos na sila’y makatawid nang buháy sa pinakamalaking “kapighatian” sa buong kasaysayan ng tao. Ang mga pinagpalang ito ay nakilala bilang ang makalupang “mga ibang tupa” ng Mabuting Pastol, si Jesu-Kristo. Anong laking kagalakan, sila’y gagawin noon na ‘kaisang-kawan’ ng nalabi ng “buong Israel” na buháy pa rito sa lupa.—Juan 10:16.
Ano ang Sagot Mo?
◻ Bakit ang Republika ng Israel ay hindi siyang Israel na tinutukoy sa Roma 11:26?
◻ Bakit hindi lahat ng mga sanga ng simbolikong punong olivo ay likas na mga Israelita?
◻ Sino ang ipinangakong Tagapagligtas, at kailan at paano siya nanggaling sa Sion?
◻ Sino ang bumubuo ng “buong Israel,” at magmula pa kailan natipon ang buong bilang nila?
[Blurb sa pahina 13]
Noong 1935 ang “mga ibang tupa” na nakikisama sa nalabi ng “buong Israel” ay nakilala bilang ang “malaking pulutong”
[Larawan sa pahina 11]
Nang itatag ni Jesus ang Hapunan ng Panginoon, ano ang kahulugan ng “kopa”?
[Larawan sa pahina 13]
Mga dumalo sa 1935 kombensiyon sa Washington, D.C.