Ano ang Pinakamahalaga sa Inyong Buhay?
SIYA ay kilala bilang pinakamayamang tao sa daigdig. Ang kaniyang kayamanan ay umabot sa bilyun-bilyong dolyar. Siya ay hinahangaan ng marami bilang nakarating na sa tugatog ng tagumpay. Subalit dalawang taon bago siya namatay, si J. Paul Getty ay nagsabi: “Hindi laging may kaugnayan sa kaligayahan ang salapi. Baka pa nga sa kawalan ng kaligayahan.”
Sa pagkakamal ng kayamanan na itinuturing ng marami na mahalaga sa buhay, ang tanyag na multimilyunaryong iyan ay tunay na nagtagumpay. Subalit siya kaya ay isang tao na nakasumpong ng kaligayahan sa pamamagitan ng kayamanan na kaniyang puspusang pinagpaguran? O natalos niya sa wakas na ang kaniyang pinaghirapan nang puspusan ay hindi pala siyang pinakamahalaga sa lahat?
Mithiin at Katuparan Nito
Ano ba ang itinuturing mong pinakamahalaga sa iyong buhay? Baka sabihin ng mga ibang tao na ang kalayaan ang pinakamahalaga sa lahat. Baka nga sabihin naman ng iba na ang tagumpay ang pinakamahalaga sa kanilang buhay. At ang iba naman ay maaaring sa ganang kanila’y pinakamahalaga na ang katuparan ng kanilang mithiin.
Bagama’t hindi nila aaminin iyon, ang istilo ng pamumuhay ng maraming mga tao pati ang kanilang mga kilos ay nagpapatunay na ang salapi at kalayawan ang talagang pinakamahalagang bagay sa kanilang buhay. Sila’y totoong disidido na yumaman o ‘magpakasawa sa kalayawan,’ kung kaya’t bale-wala sa kanila na pabayaan ang kanilang pamilya, ang kanilang kalusugan, at ang kanilang espirituwalidad sa paggawa ng gayon. At kapuna-puna, inihula ng Bibliya na sa “mga huling araw” ang mga tao ay magiging “maibigin sa kanilang sarili, maibigin sa salapi” at “maibigin sa kalayawan kaysa maibigin sa Diyos.”—2 Timoteo 3:1, 2, 4.
Isang Lalong Mahalaga
Si Jesu-Kristo, ang nagtatag ng Kristiyanismo, ay nagharap ng isang tanong na pumupukaw ng kaisipan. “Ang isang tao ba ay nagtatamo ng anuman kung makamit niya ang buong sanlibutan ngunit maiwala naman niya ang kaniyang buhay?” ang tanong niya. (Marcos 8:36, Today’s English Version) Pag-isipan iyan. Ano ba ang magagawa ng isang tao kung siya’y walang buhay? Wala!—Eclesiastes 9:5, 10.
Marahil ikaw ay nasa kabataan pa at inaakala mong ikaw ay may malaki pang panahon na gawin ang lahat ng bagay na maibigan mo. Subalit gayon nga kaya? Ang mga digmaan, krimen, sakit, at mga aksidente ang sumawi sa pagkarami-raming malulusog na mga lalaki at mga babae—biglang-biglang dumating sa kanila ang kamatayan nang hindi inaasahan. Ano ang nangyari sa lahat ng kanilang mga plano at mga mithiin?
Marahil ikaw ay may pamilya o ikaw ay matanda na. Kaya inaakala mong kailangang gugulin mo ang lahat ng iyong panahon at pagsisikap sa pagtatayo ng isang siguradong kinabukasan para sa iyong sarili at sa iyong mga mahal sa buhay bago ka mag-isip ng ano pa man. Subalit ano ba ang itinuturing mong may kasiguruhan? Gaya ng alam mo na, ang implasyon, pag-urong ng kabuhayan, at kawalang hanapbuhay ang umubos ng salaping naimpok ng marami, anupa’t sila’y namumulubi na ngayon at walang tahanan. Isa pa, ngayon na ang mga kalagayan sa buong daigdig ay walang kapanatagan, ano ang garantiya na ang mga bagay na pinagsunugan mo ng kilay ay hindi mawawala sakaling may dumating na di-inaasahang mga pangyayari?
Kung gayon, nakikita mo ang kahalagahan ng pagsusuri sa iyong personal na mga tunguhin. Kaya, ano bang talaga ang itinuturing mong pinakamahalaga sa iyong buhay?