Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w85 10/1 p. 27-31
  • Ipinabilanggo ng Hukuman sa Turkey ang mga Saksi ni Jehova

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ipinabilanggo ng Hukuman sa Turkey ang mga Saksi ni Jehova
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
  • Subtitulo
  • Mga Taong Masunurin sa Batas
  • Mga Pangyayaring Humantong sa Paglilitis
  • Mga Maling Paratang
  • Patotoo ng mga Sinungaling na Relihiyonista
  • Nagharap ng Ebidensiya ang Tagapagtanggol
  • Tinanggihan ng Hukuman ang Ebidensiya
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
w85 10/1 p. 27-31

Ipinabilanggo ng Hukuman sa Turkey ang mga Saksi ni Jehova

NOONG Disyembre 12, 1984, nakagigitla ang ginawang disisyon ng State Security Court sa Ankara, Turkey. Sinentensiyahan ang limang Saksi ni Jehova ng pagkabilanggo, bawat isa sa kanila’y anim na taon at walong buwan, at may karagdagan pang dalawang taon at dalawang buwan na sila’y ipatatapon! Labingwalong iba pang mga Saksi ang sinentensiyahan ng apat na taon at dalawang buwan sa pagkabilanggo, at isa pang taon at apat na buwan sa pagkatapon. Ang mga ibang Saksi ay inilaang gumanap sa isang bukod na paglilitis sa harap ng isang hukumang kriminal.

Ano ba ang kanilang “krimen”? Sila’y natuklasang nagkasala ng paglabag sa artikulo 163 ng Turkish Penal Code. Sang-ayon dito, isang krimen ang ‘gumawa ng propaganda sa relihiyon na ang layunin ay baguhin ang sosyal, ekonomiko, pulitikal, o legal na kaayusan ng estado.’ Kaya’t isang napakaliit na bilang daw​—kaunting-kaunti​—ng mga Saksi ni Jehova ang nagsisikap na baguhin ang umiiral na kaayusang pampamahalaan sa Turkey. Subalit paanong ang napakaliit na grupong ito ng mga tao na mapayapa, wala namang armas, at lubusang walang pagsasanay sa subersiyon ay magiging isang panganib na magbabagsak sa buong tatag na sistema ng bansa?

Mga Taong Masunurin sa Batas

Ang mga Saksi ni Jehova ay kilalang-kilala sa buong daigdig bilang isang bayan na masunurin sa batas. Halimbawa, isang gobernador-heneral ng Nigeria ang nagsabi ng ganito tungkol sa kanila: “Sila’y may malaking nagawa tungkol sa espirituwalidad ng ating mga mamamayan sa Nigeria.” Sinabi pa rin niya: “Kung lahat ng mga denominasyon ng relihiyon ay katulad ng mga Saksi ni Jehova, hindi tayo magkakaroon ng mga patayan, nakawan, delingkuwensiya, mga preso at mga bomba atomika. Ang mga pinto ay hindi na isususi sa araw-araw.”

Gayundin, ang mga Saksi ni Jehova ay hindi kailanman nakikihalubilo sa pulitika. Ang kanilang pagkaneutral sa ganiyang mga bagay ay kilalang-kilala. Ang publikasyong Italyano na Il Corriere di Trieste ay nagsabi na “ang mga Saksi ni Jehova ay dapat pa ngang hangaan.” Bakit nga, at ano ang mga ibang dahilan? Sapagkat, ang sabi nito, ang kanilang relihiyon ay nagtuturo sa kanila na ‘huwag paghaluin ang pulitika at relihiyon at huwag magtaguyod ng mga intereses ng mga partido pulitika.’

Sa gayon, sa loob ng mahigit na isang daang taon ng kanilang kasaysayan, kailanman ay hindi sila nagsikap na baguhin ang anumang kaayusang pulitikal ng anumang estado. Bagkus, kanilang ginagawa ang sinasabi sa kanila na gawin​—tanggapin ang umiiral na mga pamahalaan bilang “nakatataas na mga awtoridad” na kailangan nilang igalang. (Roma 13:1) Samakatuwid ay labag sa kanilang mga paniwalang relihiyoso na lumahok sa anumang gawaing subersibo. Kaya naman ang mga bansang hindi makadiktador ay kumikilala na ang mga Saksi ni Jehova ay tunay na isang relihiyon at binigyan sila ng mga kalayaan na taglay ng mga ibang mamamayan, kasali na ang kalayaan ng pagsamba.

Ang mga sentensiya ay talagang walang katuwiran at ito’y may isa pang dahilan. Noong Marso 24, 1980, ang Korte Suprema ng Pag-apela sa Turkey ay humatol na ang mga Saksi ni Jehova ay hindi maaaring parusahan, yamang ang kanilang relihiyon ay hindi naman lumalabag sa batas. Ang hukuman ay humatol na sila’y walang sala buhat sa mga paratang ng subersiyon.

Mga Pangyayaring Humantong sa Paglilitis

Kaya’t ang bumabangong tanong ay: Anong impormasyon ang ginamit ng hukuman upang makarating sa ganoong disisyon? Ang mga Saksi ba ni Jehova ay nagbago ng kanilang aktibidad o mga paniwala sapol noong 1980? Maikliang isaalang-alang natin ang mga pagkakataon na humantong sa paglilitis, at pati na rin ang mga rekord ng hukuman.

Noong Nobyembre 20, 1974, isang district court sa Istanbul ang nagbigay ng legal na pagsang-ayon sa mga Saksi ni Jehova bilang isang relihiyon. Kaya naman, ang mga Saksi ay maaaring legal na makapagrehistro ng kanilang relihiyon sa kanilang mga identification card, at ganoon nga ang ginawa nila. At mula Disyembre 1974, ang ma Saksi ni Jehova ay nagsimulang magtipon nang may kalayaan para sa pagsamba sa iba’t ibang siyudad ng bansa. Ang gobyerno militar na napasa-kapangyarihan noong Setyembre ng 1980 ay nagbigay din ng pahintulot sa kanilang mga miting publiko sa kanilang mga “Bulwagan ng Pagsamba.”

Subalit, noong Marso ng 1984, tatlong pamilya sa Eskişehir ang nagharap ng kahilingan sa hukuman na irehistro ang kanilang relihiyon bilang mga Saksi ni Jehova. Ang pangyayaring iyon ay naging paulong-balita sa lokal na pahayagan. Yamang sila’y mga dating Muslim, ang kanilang aplikasyon ay pumukaw sa galit ng panatikong mga Muslim na nagsimula ng pag-atake at paninira sa mga Saksi ni Jehova sa iba’t ibang pahayagan.

Kabilang sa mga mananalansang ang “High Council of Religion in the Directorate of Religious Affairs,” isang opisina ng gobyerno na Muslim. Ang sabi ng konsilyong ito: “Ang kilusang ito [mga Saksi ni Jehova], na hindi tinatanggap bilang isang relihiyon sa alinmang bansa . . . ay isang kilusang Kristiyano sa ilalim ng impluwensiyang Judio.” Sinabi pa niya na “kung ang kilusang ito ay papayagan [sa Turkey] ito’y magiging mapanganib para sa Estado at pati na sa Islam.”

Pagkatapos ng kampaniyang iyan sa pahayagan, biglang-bigla na dalawang Saksi ang inaresto sa Ankara dahilan sa pag-aalok ng kanilang mga publikasyon sa iba. Subalit, ang mga publikasyong iyon ay legal naman ang pagkalimbag sa Turkey.

Nang sumunod na mga araw, inaresto ng pulisya sa Ankara ang limang elders ng isang kongregasyon, at pati rin ang mga iba na kilala bilang mga Saksi ni Jehova. Lahat-lahat ay 31 ang inaresto. Ang iba’y inaresto sa kanilang mga tahanan, ang iba ay sa kanilang dakong pinagtatrabahuhan, at ang iba naman ay pagkatapos ng kanilang pulong sa kanilang “Bulwagan ng Pagsamba.” Sa 31 unang-unang inaresto, 23 ang hindi pinalaya bagama’t ang mga iba’y pinalaya.

Mga Maling Paratang

Sa pagpapatuloy ng paglilitis ng hukuman, patuloy na nahalata na sa aktuwal ay hindi isang kaso iyon ng paglabag sa batas. Bagkus, yaon ay isang relihiyosong usapin na nililitis ng hukuman.

Halimbawa, bilang pinagpapalagay na ebidensiya ng pagkakasala, ang nagsakdal ay gumamit ng isang pangungusap buhat sa Directorate of Religious Affairs. Sa pangungusap na ito, ang mga Saksi ni Jehova ay kinabitan ng tawag na “isang baliw na kilusang Kristiyano” na “walang mga propeta at walang natatanging banal na aklat.” Sa kabaligtaran, ang mga Saksi ni Jehova ay kilala bilang isang napakatino, masunurin sa batas, mapayapang lipunan ng mga tao. At tunay na mayroon naman silang isang propeta​—si Jesu-Kristo​—na, siyanga pala, kilala kahit na ng mga Muslim na isang propeta. At hindi na sila nangangailangan ng anumang “natatanging banal na aklat,” sapagkat mayroon na silang isa nito​—ang Banal na Bibliya, na “kinasihan ng Diyos.”​—2 Timoteo 3:16.

Inaangkin din na hindi kinikilala ng mga Saksi ni Jehova ang “umiiral na mga bansa at mga estado at ang kani-kanilang pambansang mga hangganan.” Ito rin naman ay lubusang walang katotohanan. Kahilingan ng kanilang relihiyon na sila’y “pasakop sa nakatataas [pampamahalaan] na mga awtoridad” at sa lahat ng batas na hindi salungat sa mga batas ng Diyos. Iyan ang iniutos ng Bibliya.​—Roma 13:1; Gawa 5:29.

Bukod diyan, sinabi ng Directorate of Religious Affairs na ang mga Saksi ni Jehova ay nagtataguyod ng isang kilusan na “magtatatag ng isang salig-Bibliyang relihiyosong kaayusan na sasakop sa buong daigdig,” at na ang Kaharian ng Diyos ay itatatag sa pagitan ng mga ilog “Eufrates at Nilo.” Ang pangungusap na ito ang nagpapakahulugan na ang mga Saksi ni Jehova ang magbabago sa tatag na kaayusang pulitikal sa Turkey, yamang ang Ilog Eufrates ay naglalagos sa Silangang Turkey.

Ito’y isa pang paratang na walang anumang katotohanan. Ang mga Saksi ni Jehova ay hindi kailanman nagkaroon ng paniwala na ang Kaharian ng Diyos ay dito itatatag sa lupa. Sa halip, sa tuwina’y itinuturo nila na ito’y isang makalangit na pamamahala. Kaya’t hindi ito maaaring naroroon sa anumang bahagi ng Turkey.​—Mateo 4:17; 6:9, 10.

Patotoo ng mga Sinungaling na Relihiyonista

Ang hukuman ay humirang din ng tatlong “eksperto” na susuri sa publikasyon at mga paniwala ng mga Saksi ni Jehova. Ang isa ay kagawad ng Directorate of Religious Affairs. Ang pangalawa ay isang assistant propesor ng pakultad Islamiko. Ang ikatlo ay isang assistant propesor ng legal na pakultad ng Unibersidad ng Ankara.

Ang abugadong tagapagtanggol ay tumutol sa paghirang ng dalawa sa relihiyosong “eksperto.” Ang mga ito ay nagpahayag na ng kanilang opinyong laban sa mga Saksi ni Jehova sa isang aklat. Kung gayon, hindi maaasahan na sila’y magbibigay ng walang kinikilingang opinyon sa hukuman. Gayumpaman, tinanggihan ng hukuman ang kahilingan ng tagapagtanggol at pinayagan na ang may kinikilingang mga taong relihiyosong ito ay sumali.

Nang ang tatlong ito ay magbigay ng kanilang report, iyon ay gaya nga ng inaasahan. Ang relihiyosong mga tagasuri ay nag-ulat na ang mga Saksi ni Jehova ay nagkasala. Subalit, ang eksperto sa batas ay walang nasumpungang anumang pagkakasala sa kanila. Sinabi niya: “Kanilang inaasahan ang darating na pagbabago sa daigdig na gagawin ng Diyos pagkatapos ng digmaan ng Armagedon,” at hindi sa pamamagitan ng anumang gawa ng tao.

Ang mga relihiyonista ay nag-angkin na ang mga Saksi ni Jehova’y hindi isang relihiyon. Malinaw na isa pang paratang iyan na walang katotohanan. Sinabi rin nila na ang paniwala ng mga Saksi ni Jehova sa Diyos at kay Jesu-Kristo ay “nagsisilbing isa lamang talukbong na relihiyoso upang maikubli ang tunay na layunin.” At ano ang ipinagpapalagay na tunay na layunin na iyon? Ang sabi ng relihiyosong mga tagapagpayo: “Sa kunwaring Kaharian ng Diyos sila’y naglalatag ng isang pundasyon para sa mga kaayusang pulitikal sa di pa alam na hinaharap.” Sila’y sumipi ng walang kaugnayang mga pangungusap buhat sa mga publikasyon ng mga Saksi ni Jehova, at sila’y nanghinuha na ang mga ito ay ‘isang lihim na organisasyon sa ilalim ng impluwensiya ng Zionismo na ang mga relihiyosong pagtitipon ay ginagamit na isang talukbong.’

Datapuwat, ang dalawang relihiyosong taong ito ay hindi nakapagpakita ng kahit isang ebidensiya na ang mga Saksi ni Jehova ay nagsisikap na ibuwal ang estado ng Turkey. Hindi sila makapagpakita ng gayong ebidensiya sapagkat ang mga Saksi ay hindi naman nagsisikap na ibuwal ang umiiral na mga gobyerno. Ang Diyos mismo ang hihingi ng sulit sa mga gobyerno. Siya ang Hukom, hindi ang sinumang tao. At sinuman na nakakakilala sa mga Saksi ay nakababatid na sila’y walang anumang kaugnayan sa Zionismo.

Nagharap ng Ebidensiya ang Tagapagtanggol

Sa kabilang dako, ang depensa o tagapagtanggol ay nagbigay ng maraming ebidensiya na ang mga Saksi ni Jehova ay walang kasalanan at hindi lumalabag ng anumang batas. Bukod sa disisyon ng Korte Suprema ng Pag-apela noong Marso 24, 1980, ang depensa ay nagharap ng tatlong iba pang mga disisyon ng Korte Suprema. Ang mga ito ay dati nang naggawad ng hatol na nagpapawalang-saysay sa ganoon ding mga paratang laban sa mga Saksi ni Jehova.

Ang depensa ay nagharap din ng pangalawang opinyon buhat sa isa pang propesor ng batas na sumuri sa mga publikasyon ng mga Saksi ni Jehova. Hindi siya nakasumpong ng anumang paglabag sa batas sa mga iyon.

Ang hukuman ay binigyang-alam din tungkol sa mga 20 pang mga hatol ng hukuman na iginawad nang nakalipas na 30 taon sa Turkey. Lahat ng mga hukumang iyon ay nagpawalang-saysay sa ganoon ding mga paratang sa mga Saksi.

At sa kahuli-hulihan, kahit na ang opisyal ng pulisya na inatasang kumontrol sa mga pulong ng mga Saksi ay nagpatotoo sa harap ng hukuman. Kaniyang sinabi na “hindi siya nakapansin ng anumang paglabag sa batas noong buong santaon” na iyon na kaniyang kinontrol ang mga pulong.

Tinanggihan ng Hukuman ang Ebidensiya

Gayumpaman, tinanggihan ng hukuman ang lahat ng ebidensiya ng tagapagtanggol! Wala siyang tinanggap kundi iyong mapanira at lubusang walang batayan na mga kasulatan na iniharap ng tagausig. Ito yaong mga pangungusap buhat sa Directorate of Religious Affairs pati na ang report buhat sa dalawang komentaristang relihiyoso na may maling patotoo.

Ang mga sentensiyang iyon ay nagbangon ng malubhang mga pag-aalinlangan. Ang mga hukom ba ng korte ay mayroon ding pagtatangi dahilan sa kanilang relihiyong Muslim? Ang hukuman ba ay ginipit ng mga relihiyoso upang sentensiyahan ang mga Saksi ni Jehova?

Kung sa bagay, ang disisyon ay inaapela. Kaya’t ang Korte Suprema ay magkakaroon ng pagkakataon na repasuhin ang kasong iyon. Inaasahan na ang korteng ito ay maggagawad ng hatol na lubusang kasuwato ng mga ebidensiya. Nakalulungkot, hanggang sa panahon na iyon ang 23 mga Saksi​—15 lalaki at 8 babae​—ay nakakulong pa.

Oo, ang mga taong makatarungan at maibigin sa kalayaan sa buong daigdig ay nagtatanong: Papaano nga mangyayari ang gayong bagay sa isang bansa na nag-aangkin na demokratiko? Paanong ang mga hukuman sa Turkey ay nakagagawa ng gayong bagay gayong ang gobyerno ng Turkey ay lumagda rin naman sa Declaration of Human Rights, na gumagarantiya ng kalayaan ng relihiyon?

Kung kayo’y namumuhi dahilan sa ang gayong mga taong mapayapa at wala namang kasalanan ay sinentensiyahan nang walang katarungan na sila’y mabilanggo, may pagkakataon kayo na ipahayag ang inyong opinyon. Maaari kayong sumulat sa kaninuman o sa lahat ng mga opisyales na nasa ibaba ang pangalan at ipabatid ninyo sa kanila kung ano ang inyong damdamin tungkol sa bagay na ito:

President of the Republic:

His Excellency Kenan EVREN, Bakanliklar, Ankara, Turkey.

Prime Minister:

Mr. Turgut ÖZAL, Bakanliklar, Ankara, Turkey

Minister of Interior:

Mr. Yildirim AKBULUT, Bakanliklar, Ankara, Turkey

Minister of Justice:

Mr. M. Necat ELDEM, Bakanliklar, Ankara, Turkey

Gayundin, maaari kayong sumulat sa Turkish Ambassador sa lugar ninyo.

[Blurb sa pahina 30]

Ang mga Saksi ni Jehova ay hindi mga tagapagbagsak ng anumang pamahalaan

[Blurb sa pahina 31]

Paano maaaring mangyari ang ganiyang bagay sa isang bansa na nag-aangking demokratiko?

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share