Pag-ibig ang Sumagip
MAAGA noong nakaraang Setyembre (1984) dalawang bagyo ang nagkabanggaan sa itaas ng Korea. Sa loob lamang ng iilang oras, may mga pook na nagkaroon ng mahigit na 20 pulgada (50 cm) ng ulan. Ang resulta ay yaong pinakamatinding baha sa bansa noong nakalipas na 40 taon. Mahigit na 200,000 katao ang nawalan ng tahanan, at 181 ang iniulat na nangasawi o nangangawala. Ang pinsalang nagawang iyon sa ari-arian ay umabot sa angaw-angaw na dolyar, at katakut-takot ang nagawang pinsala sa mga pananim.
Ang malakas na ulan ay nagsimula noong gabi ng Biyernes at nagpatuloy nang buong maghapon kinabukasan ng Sabado. Anim na prinsa sa gawing itaas ng Han River ang umapaw, anupat ang ilog ay tumaas ng mahigit na isang piye at kalahati (0.5 m) higit sa karaniwang taas nito. Maaga noong Linggo ng umaga, walang ano mang abiso, isang patakbuhan ng tubig ang nasira, at sa gayo’y umapaw sa palibot na mga lugar ang ilog. Saka lamang nagsimulang umurong ang tubig nang gabing iyon, nang humigit-kumulang 60,000 katao sa dakong ito ang nangawalan ng mga tahanan.
Lahat ng dako sa bansa ay binahaan. Subalit ang kabiserang lunsod ng Seoul, na kung saan mayroong 174 na mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova, ang dinatnan ng pinakamatinding baha, lalung-lalo na ang dalawang lugar na pinaglilingkuran ng Mangwondong at Sungnaedong Congregations. Sa pagitan nito ay mayroong lahat-lahat na 130 mga pamilyang Saksi na nangawalan ng kani-kanilang tahanan. Karakaraka at may pagkukusang-loob, ang mga Saksi ni Jehova sa Korea ay tumugon sa pangangailangan ng kanilang mga kapuwa Kristiyano.
Bagaman ang linya ng telepono ay nangasira sa maraming lugar, ang tanggapang-sangay ng Watch Tower Society ay nakatanggap ng mga balita. Dalawang komite ang agad-agad binuo upang magsaayos ng tulong para sa mga Saksi sa dalawang dakong iyon na pinakamalubha ang pagkasalanta. Ang naglalakbay na mga tagapangasiwa ng sirkito sa Seoul ay pinagsabihan na makipag-alam sa mga kapatid upang alamin kung ano ang kanilang mga pangangailangan o kung ano ang magagawa upang tulungan ang mga naroroon sa dalawang lugar na pinakamalubha ang pagkasalanta.
Sa pamamagitan ng mga pabalita ng TV ay napag-alaman ng mga Saksi sa mga ibang lugar ang lawak ng napinsala. Sila’y nagtanong sa sangay kung saan nila ipadadala ang mga abuloy para sa mga kapatid na nasalanta ang mga ari-arian. (Ang sangay ng Watch Tower sa Hapon ay tumilepono rin, at naghandog ng tulong.) Nagsimulang tumanggap ng mga donasyon na salapi na galing sa lahat ng panig ng bansa. Bigas, noodles, at iba pang mga pagkain, pati mga damit at mga blangket, ang dumagsa. Ang mga ito ay agad ipinamahagi ng mga komite na nasa lugar na nasalanta. Bukas-palad ang mga kapatid sa kanilang pag-aabuloy kaya hindi nagtagal at ipinaalám ng tanggapan sa Seoul na sapat na ang mga salaping iniabuloy.
Pagkatapos ay kinailangan ang paglilinis. Tatlong daang mga Saksi ang nagkusang-loob sa paglilingkod na ito. Sila’y sinugo ng dala-dalawa sa bawat tahanan upang tumulong sa paglilinis at nang maisauli sa dati ang mga bagay-bagay sa pinakamadaling panahon hanggat maaari. Ganito ang sabi ng isang boluntaryo: “Sa pamamagitan ng pagsasanay na tinanggap natin sa ating mga asamblea at kombensiyon, alam natin kung paano magtutulungan hanggang sa matapos ang mga gawain.” Marami sa pamayanan ang naapektuhan nang kanilang makita na ang mga biktima ay pinagsasamantalahan ng mga ibang tao. Ngunit, takang-taka sila nang makita nila ang mga Saksi na kalmado, masasaya at magandang-loob pa rin, kahit na sa gitna ng gayong mga kalagayan.
“Minsan pang pinatunayan,” anang isang Saksi sa lugar na nasalanta, “na dahilan sa kapahamakan ay maaaring mawalang bigla ang ating mga ari-arian, subalit hindi maaaring mawala ang ating pananampalataya.” Samantalang tumutulo ang luha ng kagalakan, isang babaing Saksi ang nagsabi: “Bagamat nawala ang lahat ng aming ari-arian, kami’y may lakas pa rin. Ang mainit na pag-ibig ng aming mga kapatid ang nagbigay sa amin ng lakas.”
Oo, kahanga-hangang pagmasdan ang pag-ibig na nasa pagkilos. Kapuna-puna ang pagkukusa ng mga Saksi na naroon sa dako ng kapahamakan at ang agad-agad na pagtugon ng mga ‘kapananampalataya.’ (Galacia 6:10) Ang mga kapatid sa Korea ay napatibay na mabuti ng karanasang ito. Sila’y kombinsido ng organisadong pagtulong na buong pag-ibig na ginawa sa mga kinauukulan na anupa’t maipaliliwanag lamang iyon sa pangungusap na—pag-ibig ang sumagip!