Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w85 10/15 p. 26-29
  • Isang Nakagagalak na Report Buhat sa Dulong Hilaga

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Isang Nakagagalak na Report Buhat sa Dulong Hilaga
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
  • Subtitulo
  • Maagang mga Silahis ng Katotohanan
  • Mga Pagsulong sa Sangay
  • Mga Boluntaryo ang Tumugon sa Hamon
  • Ang Gawain sa Hinaharap
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
w85 10/15 p. 26-29

Isang Nakagagalak na Report Buhat sa Dulong Hilaga

ANG Finlandia (Finland) ay nasa dulong hilaga ng Europa, ang gawing hilaga nito ay umaabot hanggang sa Arctic Circle. Ito ay tanyag sa kagandahan ng mga gubat nito, ng mga look, ang tabing-dagat, at ng mga isla na nasa baybaying-dagat. Makikita rin dito ang mga pagbabago ng panahon, ang mahahabang gabi kung tagyelo, at ang pagsikat ng araw kung hatinggabi kung tag-araw.

Mahigit na 90 porsiyento ng limang angaw na taga-Finlandia ang mga naturingang miyembro ng Evangelical Lutheran Church, ang pambansang relihiyon ng Finlandia. Subalit, ngayong patuloy na tumataas ang gastos sa pamumuhay, karaniwan nang umuurong ang kanilang interes sa espirituwal na mga bagay. Gayunman, nagaganap sa bansang ito ang isang naiibang uri ng pagsulong sa espirituwal. Ang resulta ay na mayroon na ngayong mahigit na 15,000 mga Saksi ni Jehova sa Finlandia, isa sa bawat 320 mga mamamayan sa bansa. Sa pananalita ni propeta Isaias, sumapit ang panahon para ang mga Saksi ni Jehova sa Finlandia ay “palakihin ang dako ng tolda” at “magladlad ng mga tabing ng [kanilang] tolda” minsan pa.​—Isaias 54:2.

“Talaga bang kailangang magtayo uli?” Ganiyan ang reaksiyon ng ilan sa mga nakatatandang miyembro ng Bethel sa Finlandia, ang pamilya sa punong-tanggapan nang kanilang mapag-alaman ang mga plano na palawakin minsan pa ang mga pasilidad ng sangay. Subalit, sa kabila ng mga di-kaalwanan ng panahon nang ginagawa ang pagtatayo, sila’y buong kagalakan na naroroon nang ialay ang bagong ekstensiyon noong Mayo 5, 1984, nang si M. G. Henschel, isang miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova, ay isang pantanging panauhin.

Maagang mga Silahis ng Katotohanan

“Noong nakalipas na mga panahon ang Hari ng Sweden ay nag-utos na kombertihen nang puwersahan ang mga taga-Finlandia,” ang sabi ni Erkki Kankaanpää, ang coordinator ng branch committee sa Finlandia, sa kaniyang pambungad na pahayag sa programa ng dedikasyon. Ang tinutukoy niya ay ang panunupil ng klero sa mga taga-Finlandia nang ito’y nasa ilalim ng kapangyarihang Sweko. “Subalit hindi iyan ang silahis ng katotohanan sa Finlandia.”

Ang “silahis” ay dumating noong 1909 nang ang mga ilang colporteurs, o buong-panahong mga mangangaral, ay dumating sa Finlandia, at kanilang ipinamahagi ang mga aklat ni C. T. Russell. Ang resulta, si Osterman, isang mangangalakal, at si Harteva, isang inhenyero, ay naging interesado. Sila’y kumuha ng iba pang aklat sa tanggapang-sangay sa Sweden at sinimulan nilang isalin at ilathala ito sa Finlandes. Noong 1912 ang magasing Watchtower ay inilathala sa wikang Finlandes.

Ang dalawang kapatid na ito ay lubhang malakas ang loob at matiyaga ng pangangaral ng mabuting balita. Minsan ay inilalahad ni Brother Harteva ang bagong katutuklas na katotohanan sa isang dating kamag-aral niya.

“At ilan na kayo dito sa Finlandia?” ang tanong ng kamag-aral.

“Dalawa kami,” ang kaniyang tugon na walang pag-aatubili. “Pero, kung sasama ka sa amin, magiging tatlo na tayo.”

Minsan naman, si Brother Osterman ay nag-aalok sa mga dumaraan sa isang palengke ng isang pulyetong pinamagatang What Say the Scriptures About Hell? sa abuloy sa dalawang marks na Finlandes. At natawag ang kanilang pansin nang siya’y sumigaw: “Isang tiket sa impiyerno​—isang mark papasok, at isa pa papalabas!”

Si Brother Russell ay dumalaw sa Finlandia noong 1912. Noong Oktubre 1, 1912, ang labas ng The Watch Tower ay nag-ulat: “Ang miting publiko ay siksikan at napuno ang bulwagan​—1000​—marami ang nangakatayo; ang mga iba ay halos mapaiyak dahilan sa hindi sila makapasok.” Bagamat ang gawain ay bago pa rin noon, ang sabi ng ulat, “waring ekselente ang progreso. Dumami ang mga Colporteurs, at dahil sa yao’y sumusustine sa sarili, nakahila iyon ng maraming interesado.”

Ang sunud-sunod na mga pagdalaw ng mga ibang miyembro ng punong-tanggapan sa Brooklyn, kasali na rito si J. F. Rutherford, ang ikalawang pangulo ng Samahan, ay naging pampatibay-loob sa mga kapatid. Sa katunayan, noong Disyembre 1945, nang si Brother. N. H. Knorr at Brother M. G. Henschel ay dumalaw sa Finlandia nang unang-unang pagkakataon, mayroon nang humigit-kumulang sa 1,800 mga Saksi.

Sa ngayon, ang mga Saksi ni Jehova ay nagtatamasa ng lubos na kalayaan ng pagsamba sa Finlandia, at kanilang lubusang sinasamantala ito. Noong nakaraang Abril (1984) sukdulang 15,263 katao ang nakibahagi sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian sa buong bansa. Mahigit na 900 ang buong-panahong nangangaral bilang mga payunir, espesyal payunir, o naglilingkod bilang mga miyembro ng Bethel family sa punong-tanggapan.

Mga Pagsulong sa Sangay

Ang unang gusali ng sangay sa Finlandia ay itinayo noong 1933 sa Helsinki, ang kabisera. Ito’y binubuo ng isang pabrika at isang Bethel Home, at mainam ang dakong kinaroroonan nito. Subalit pagkaraan ng maraming taon ng paglilingkod, ito’y naging totoong maliit. Kaya noong 1957, bumili ng matatayuan ng isang bagong sangay sa siyudad ng Vantaa, mga 17 kilometro (10 milya) ang layo sa Helsinki.

Noong Enero 1962 ang sangay ay inilipat sa bagong pasilidad. Lahat ay nag-aakala nang panahong iyon na ang tahanang ito ay sasapat na upang maitaguyod ang gawaing pangangaral sa Finlandia. Subalit hindi nagkagayon. Sapol noon, ang silid-kainan, dormitoryo, opisina, bindery, sa katunayan, halos lahat ng mga pasilidad ay pinalawak upang matustusan ang dumaraming mga mamamahayag at ang lumalaking Bethel family.

Ang Bethel sa Finlandia ay maganda ang lokasyon, kombenyente sa transportasyon at nasa mapayapa at tahimik na lugar sa bansa. Ito’y naroroon sa isang maliit na burol at mayroong magandang halamanan. Ito’y kinikilala na maipagmamalaki ng komunidad kahit na ng mga awtoridad, na totoong magagandang-loob. Halimbawa, mga ilang panahon na ngayon ang nakararaan, nang dahil sa orihinal na mga plano para sa isang highway ay tatamaan sana ang aming looban, sila’y pumayag na baguhin ang mga planong iyon ng aming hilingin sa kanila. At, bagamat ang lugar na iyon ay isinaplano na maging isang parke, kami’y pinayagan na palawakin ang aming pasilidad. Natural, kami’y nagpapasalamat sa ganoong natatanging konsiderasyon.

Kami’y nagdagdag ngayon ng isang gusali na ang laki ng sahig ay 3,400 metro kuwadrado (36,500 pi ku). Kasali na rito ang paradahan ng mga sasakyan at ang bodega na underground. Nasa ground level ang talyer para sa mga makina, ang talyer para sa karpinterya, at ang garahe. Sa palapag sa itaas ay naroon ang bindery o patahian ng mga aklat, at may kalakip na maluwang na espasyo para sa mga locker rooms at mga ilang pasilidad sa paglilibang. Ang kayariang ito ay katulad din ang disenyo ng umiiral na gusali​—mga tisang pula at may nakahantad na mga barakilang kahoy na kaakit-akit ang kulay.

Mga Boluntaryo ang Tumugon sa Hamon

Nang ang proyektong pagtatayo ay ipatalastas, maraming mga Saksi ang nagboluntaryo ng kanilang paglilingkod. Apatnaput-lima sa kanila ang inanyayahan na magtrabaho sa loob ng mga isang taon. Sino ang mamamanihala sa proyektong ito? Isang kapatid na arkitekto at isang payunir na may dating negosyo sa konstruksiyon ang kabilang sa mga boluntaryo. Ang trabahong paghuhukay para sa basement ay ginawa ng isang kapatid na may-ari ng isang kompanya na nagsusuplay ng lupa. Isa pang kapatid na eksperto sa mga explosiba ang nag-asikaso sa trabahong may kinalaman sa malalaking bato. At isa pang kapatid ang nag-aral ng dalawang buwan para matuto ng pagpapaandar sa malaking kreyn upang huwag nang umupa pa ng isang tagalabas na gagawa ng trabahong iyon.

Dahilan sa pagkukusa ng mga kapatid, ang pagtatayo ay natapos sa isang katlo lamang ng gastos kaysa kung iyon ay ibinayad sa isang kontratistang tagalabas. Subalit kumusta naman ang kalidad? “Hindi magiging ganoon ang kalidad kahit na ginastahan iyon ng napakaraming salapi kung komersiyal na mga kontratista ang pinagawa niyaon,” ang sabi ng isa sa mga inspektor nang kaniyang makita ang natapos na gusali. Anong laking patotoo ng buong-pusong paglilingkod ng mga kapatid!

Ang Gawain sa Hinaharap

“Gayunman, hindi ang arkitektura o ang mga materyales sa pagtatayo ang mahalaga kay Jehova,” ang sabi ni Brother Henschel sa kaniyang pahayag sa dedikasyon. “Iyon ay ang paraan ng paggamit sa gusali.” Kaniyang binanggit ang templo sa Jerusalem nang itayo iyon ni Haring Solomon. Tiyak na iyon ang pinakamaningning na gusali na umiral noon, o marahil kaysa kailanman. Subalit itinakuwil iyon ni Jehova nang ang mga Israelita ay hindi magsagawa ng dalisay na pagsamba roon.

Kayat ang bagong gusali ay nakaalay sa pagpapasulong ng mga kapakanan ng Kaharian sa Finlandia. Tunay na pinagpala ni Jehova ang gawain sa bahaging ito ng larangan. Noong taon ng paglilingkurang 1984, 127,625 mga aklat at 128,083 mga pulyeto ang niyari sa Finlandia. Mahigit na 562,531 mga kopya ng aklat na The Truth That Leads to Eternal Life ang nailathala. Sapat na iyan upang maglaan sa bawat dalawang sambahayan ng Finlandia ng isang kopya! Gayundin, sa buwan-buwan ay mahigit na 350,000 mga kopya ng mga magasing Awake! at Watchtower ang inilathala.

Lahat na ito ay isang malaking hamon sa Bethel family sa Finlandia, na ngayo’y binubuo ng 73 miyembro. Subalit hindi ito bago. Dalawang taon na ang nakalipas, ang pamilyang Bethel ay humarap sa hamon na pagkukombirte ng paglimbag mula sa letterpress tungo sa offset. Mga kapatid sa buong bansa ang tumustos ng pananalapi, at yaong mga nasa Bethel ay puspusang nagsikap na maging dalubhasa sa mga kaukulang gawain. Ang resulta ay totoong kasiya-siya. Ang pabrika sa sangay sa Finlandia ay nakayayari ng mga magasin at mga aklat na de-kolor.

Para sa hinaharap na gawain, higit na pagpapalawak ang isinaplano. Kahit na ngayon, sinisimulan na ang gawain sa pagtatayo ng isang bago at malaking Kingdom Hall na idaragdag sa Bethel home. Pagkatapos, 28 na bagong mga kuwarto, at isang bagong kusina at silid-kainan, ang itatayo para sa karagdagan pang mga miyembro ng pamilya. Si Jehova ang naglalaan ng paraan at lakas para sa tagumpay ng gayong mga gawain noong nakalipas, at ang mga Saksi sa Finlandia ay may pagtitiwala sa mga pagpapala sa hinaharap. Taglay nila ang damdamin ng isa sa mga Saksi sa palatuntunan ng dedikasyon: “Kahanga-hanga ang maging isa ka sa mga Saksi ni Jehova sa mga panahong ito!”

[Mapa sa pahina 27]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

NORWAY

SWEDEN

FINLAND

Helsinki

Vantaa

U.S.S.R.

ARCTIC CIRCLE

[Larawan sa pahina 28]

Noong 1913 si J. F. Rutherford (may sombrero sa kaniyang paanan) ay kasama rito ng isang malaking grupo ng mga kapatid sa Finlandia

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share