‘Pagpapahaba sa mga Lubid’ sa Hapon
“IYONG palakihin ang dako ng iyong tolda. At iladlad nila ang mga tabing ng tolda ng iyong dakilang tabernakulo. Huwag umurong. Habaan mo ang iyong mga lubid, at patibayin mo ang mga tulos ng iyong tolda.”—Isaias 54:2.
Sa pamamagitan ng mga salitang iyan, tinukoy ni propeta Isaias ang panahon na ang tunay na pagsamba sa Diyos na Jehova ay magkakaroon ng mabilis na pagsulong. Sa ngayon, sa sunud-sunod na mga bansa sa buong daigdig, nasasaksihan natin ang gayong kamangha-manghang pagsulong teokratiko. Marahil, ito’y lalong higit na nakikita sa Hapon, na kung saan mayroong mahigit na 96,000 mga sumasamba sa tunay na Diyos.
Pagsulong sa Lumipas na mga Taon
Noon ay nagsisimula pa lamang ang ikalawang dekada ng siglong ito nang ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos ay unang makarating sa Hapon. Si Charles T. Russell, ang unang presidente ng Watch Tower Society, ay naglakbay ng layong 700-milya (1,100-km) upang makarating sa mga kapuluang Hapones at doo’y nakita niya ang pangangailangan na ipangaral ang tunay na Kristiyanismo. Noong 1926 isang Amerikanong-Hapones ang ipinadala sa Hapon bilang unang misyonero ng Watch Tower Society.
Sa loob ng mga 20 taon, maraming binhi ng katotohanan ang inihasik at maraming mga taong nakaalam ng tungkol sa Kaharian ni Jehova. Marami sa kanila ang dumanas ng mahigpit na mga pagsubok dahilan sa kanilang pananampalataya at ito’y sa kamay ng gobyernong militar noong panahon ng 1933-45.a
Noong 1949 ang pangangaral sa Hapon ay muling nagsimula. Mga misyonerong nagsanay sa Gilead ang dumating. Nang sumapit ang Agosto, pitong misyonero ang gumagawa sa Tokyo, at, sa katamtaman, siyam katao ang nakikibahagi sa pangangaral ng ebanghelyo bawat buwan. Anim pang mga misyonero ang dumating noong Oktubre, lima sa mga ito ang nagsimulang mangaral sa Kobe. Paano kaya tatanggapin ang pangangaral na ito sa bansang ito ng Budhismo at Shintoismo na bago pa lamang nakakabangon sa kapinsalaan ng Digmaang Pandaigdig II?
Sa wala pang sampung taon ang bilang ng mga tagapangaral ng Kaharian ay umabot sa 1,000. Subalit ang ‘dako ng tolda ay noon pa lamang sinisimulang palakihin.’ Nang sumapit ang Nobyembre 1970 ang bilang ng mga Saksi ay makasampung ulit ang pagdami, at makalipas ang tatlong taon ay umabot ito sa 20,000. Sa isa pa uling tatlo at kalahating taon ang bilang na iyan ay naduble uli—para sa isang bagong sukdulang bilang na 40,000-at-higit-pa na mga mangangaral ng Kaharian! Gayunpaman, marami pang mga taong tulad-tupa na masusumpungan, at patuloy naman na pinagpala ni Jehova ang masigasig na pangangaral ng kaniyang mga lingkod sa Hapon. Sa mahigit-higit lamang na anim na taon, noong Hunyo 1983, ang 40,000 ay muli na namang nadoble at umabot sa mahigit na 80,000, at, sa pag-uulat na ito, ang bilang ng mga mamamahayag ng Kaharian sa Hapon ay umabot sa 97,305!
Yaong mga Nangangaral ng Buong Panahon
Maliwanag, si Jehovang Diyos ang isa na nasa likod ng paglawak na ito. Subalit, ang masisipag na mga misyonero at iba pang buong-panahong mangangaral ay may mahalagang bahagi rin.
Nang sumapit ang 1952 ang bilang ng mga misyonero ay mga 50, at maraming mga bagong Saksi na Hapones ang pumapasok sa pagpapayunir. Ang halimbawa ng masisipag na mga misyonero ang nakaakit sa parami nang parami na mga bagong bautismadong kasamahan nila na maglingkuran nang buong panahon kay Jehova. Sa ngayon, 37 taon pagkatapos na pumasok sa bansang ito ang mga unang misyonero, halos 40 porsiyento ng lahat ng mga Saksi sa Hapon ay nasa buong-panahon (pagpapayunir) na gawain bawat buwan, at 36,118 ang nag-ulat kahit na ng taglamig na buwan ng Pebrero 1985. Marami sa mga misyonero na nakikibahagi na sa pagpapalawak na ito sa pasimula pa lamang ang naglilingkod pa rin hangga ngayon doon, subalit ang kasalukuyang grupo ng 76 na mga misyonero ay katulad na lamang ngayon ng isang munting ‘patak sa malawak na karagatan’ ng libu-libong mga lokal na payunir.
Ibig ba ninyong makilala ang ilan sa mga masisipag na ito? Makipagkilala tayo sa mga ilan, na kumakatawan sa grupong ito ng mga payunir.
Una, makipagkilala tayo sa mga matatanda na sa paglilingkuran. Si Iwako Kono ang ating pinakamatandang espesyal payunir na babae. Sa edad na 70 siya’y nasa pribilehiyong ito ng paglilingkuran sa loob ng mga 28 taon at natulungan niya ang halos 50 katao sa pag-aalay at bautismo. At nariyan si Sadakichi Shimada. Sa edad na 87 anyos siya ang pinakamatandang regular payunir sa Hapon. Si Toyoko Umemoto ay 26 anyos nang siya’y magsimula bilang espesyal payunir. Ngayon, na mahigit nang 29 na taon siya sa tapat na paglilingkod, siya ang pinakamatagal na naglilingkod bilang espesyal payunir na Haponesa.
Sa kabilang dako, nariyan ang maraming mga kabataan na ginagamit ang kanilang kabataan upang maglingkod kay Jehova. Si Meri Aida ay 14 anyos nang tanggapin niya ang atas na maglingkod bilang isang regular na payunir. Bago nito ay isa siyang auxiliary payunir ng 41 buwan buhat nang siya’y bautismuhan sa edad na 11 anyos. At siya’y nagpapayunir samantalang nag-aaral.
Si Akiko Goto ay pitong taóng gulang nang ang kaniyang ina ay magregular payunir, bagamat may dalawang inaalagaang sanggol. Tinularan ni Akiko ang kaniyang ina at siya’y naging regular payunir din nang siya’y 18 anyos, at makalipas ang dalawang taon siya ang pinakabatang espesyal payunir sa Hapon. Si Hisako Wakui ay 21 anyos nang siya’y nagsimulang mag-espesyal payunir. Ngayon, pagkaraan ng mga 28 taon, natulungan niya ang di kukulangin sa 37 katao upang maging mga mananamba kay Jehova.
Marami ang nagsialis sa malalaking siyudad at nagtungo sa maliliit na bayan at nayon upang ang “mabuting balita ng kaharian” ay dalhin sa lahat ng mga karapatdapat. Kapuna-puna, mga 60 porsiyento ng lahat ng regular payunir ang mga ina ng tahanan, at ang karamihan sa kanila ay may mga asawang di-sumasampalataya. Ang kahanga-hangang espiritung ito ng pagpapayunir ang sanhi ng paglago ng mga intereses ng Kaharian sa Hapon.
Lubhang Kailangan ang mga Dakong Pulungan
Ang mga Saksing Hapones ay lubusang mapagpahalaga sa pag-uutos ng Bibliya na ‘huwag pabayaan ang ating pagkakatipon sama-sama, at lalo na kung nakikita natin na palapit nang palapit ang araw.’ (Hebreo 10:25) Noong lumipas na mga taon, karamihan ng mga kongregasyon ay nagdaraos ng kanilang mga pulong sa maliliit na kuwarto sa mga labor halls o mga auditorium na pampubliko. Marami sa mga ito ang inuupahan ng lingguhan. Malimit na ang mga kapatid ay dumarating sa kanilang mga pulong na sasalubungin ng pasabi na hindi nila maaaring gamitin sa araw na iyon ang kuwarto. Kaya naman kailangan na dagliang humanap sila ng dakong mapagpupulungan at pagkatapos, sa loob ng wala pang isang oras, ayusin iyon para sa mga pulong!
Nakatutuwa naman at tapos na ang karamihan ng gayong karanasan. Ang marami sa mga kongregasyon ngayon ay mayroon ng kanila-kanilang mga dakong pulungan. Ang iba ay umuupa ng taunan samantalang ang mga iba ay nagpaayos ng bakanteng mga gusali o mga bodega. Subalit ang halaga ng lupa sa Hapon ay totoong mataas—nagkakahalaga ng buhat sa $35 hanggang sa $50 (U.S.) por piye kuwadrado—anupat kakaunting mga kongregasyon ang may kaya na mag-ari ng lupa na kinatatayuan ng kanilang mga Kingdom Hall. Ang mga ibang kapatid na may sariling lupa ay naggiba ng kani-kanilang mga bahay at doo’y muling nagtayo ng isang bahay na ang unang palapag ay Kingdom Hall at nasa itaas naman ang kanilang tirahan. Sa maraming pambihirang mga kaso, mga taong hindi mga Saksi ni Jehova o ni hindi interesado sa pagka-Kristiyano ang nag-alok na magtatayo ng mga Kingdom Hall sa kanilang mga lupa at pinaupahan iyon sa mga Saksi ni Jehova, kung minsa’y ang mga Saksi pa ang hinihingan ng plano para sa kanilang itatayo. Kaya ang resulta ay tunay na mga pambihirang Kingdom Hall.
Halimbawa, sa Yokohama, isang taong may-ari ng isang loteng paradahan ng mga sasakyan ang pumayag na magtayo ng isang Kingdom Hall sa mga tiyakad na nasa ibabaw ng kaniyang lote at paupahan ang bahay na iyon sa mga Saksi. Ang isa na nasa Tokyo ay nasa ikalawang palapag ng isang gusali na nakapatong sa pagitan ng dalawang haliging sumusuporta sa isang riles ng tren na nasa ibabaw. Ayon sa huling report, ang mga kapatid doon ay nasanay na sa ingay ng mga tren na nagbibiyahe sa itaas.
Kung paanong ang mga kongregasyon ay lumaki, ganoon din ang mga asambleang pangsirkito. Samantalang noong 20 taóng nakalipas ang isang pangsirkitong asamblea ay dinadaluhan ng 300 hanggang 400 lamang, ngayon ay maaaring umabot iyon sa 1,500 hanggang 2,000 o higit pa. Ang mga pasilidad para sa mga asambleang ganitong kalalaki ay mahirap na matagpuan. Kaya naman, noong 1975, isang nabangkarotang bowling establishment sa labas ng Tokyo ang inupahan nang may kasunduan na ipari-remodel iyon upang maging unang Assembly Hall sa Hapon, at may kapasidad na 1,200 upuan. Ang ikalawa, isang gusaling materyales puwertes, ang nakuha naman noong 1982. Ito’y nasa sentro (Kansai) ng Hapon at itinayo ng boluntaryong mga Saksi, mga lalaki, mga babae, at mga bata. Dito’y nakauupo ang 1,800. Ang ikatlong Assembly Hall ay itinayo ng mga manggagawang boluntaryo sa lote ng tanggapang sangay ng Watch Tower Society sa Ebina. Ito’y may upuan para sa 3,000.
Ang huling pagkakataon na lahat ng mga mamamahayag sa Hapon ay nagsama-sama sa isang asamblea ay noong pandaigdig na kombensiyon sa Osaka noong 1973, na dinaluhan ng 31,263. Magbuhat noon, dahilan sa kakulangan ng pasilidad, naging lalong praktikal ang maliliit na kombensiyon, at maaaring sa lalong maraming lugar ay makapagpatotoo sa Kaharian. Dalawamput-apat ng gayong mga kombensiyon ang ginanap noong 1984, na dinaluhan ng 179,439 at 3,236 ang nabautismuhan.
Pagpapalawak sa Sangay
Upang matugunan ang mabilis na pagsulong sa larangan, sa tanggapang sangay ng Samahan ay nagkaroon ng maraming pagpapalawak nang lumipas na mga taon. Mula noong 1949 hanggang 1962 ang opisina ay nasa isang dalawang-palapag na estilong-Hapones na bahay sa Minato Ward, Tokyo. Ito’y hinalinhan ng isang gusaling may pitong-palapag na nagsilbing punong-tanggapan hanggang 1972. Noon ay nakita ng Samahan ang pangangailangan na gawin ang kaniyang sariling pag-iimprenta. Kayat isang bagong pabrika at isang bagong tahanang Bethel ang itinayo sa isang acre (0.4 ha) na lote sa Numazu City, 75 milya (120 km) sa gawing timog-kanluran ng Tokyo.
Gayunman, hindi natapos ang limang taon at ang mga pasilidad sa Numazu ay kulang na kulang na. Sa gayon, 18 acres (7 ha) ang binili sa Ebina, at isang magandang pabrika at isang tahanang Bethel, tatlong beses ang laki sa mga pasilidad sa Numazu, ang itinayo. Ang complex na ito, na ang nagtayo’y pawang mga Saksi, ay inialay noong Mayo 15, 1982.
Pinasimulan ang produksiyon ng magasin sa isang bagong rotary offset printing press samantalang isinasagawa pa ang konstruksiyon. Pagkatapos ng konstruksiyon, isa pang four-color rotary offset press ang itinayo. Ganiyan na lang ang kagalakan ng mga kapatid nang libu-libong mga kopya ng Hapones na New World Translation of the Holy Scriptures ang malimbag sa mga palimbagan ng Samahan noong 1982. Para matugunan ang lumalaking pangangailangan ng mga magasin at iba pang mga literatura, isang five-unit rotary offset press ang itinayo noong Enero 1984. Ito’y nakalilimbag ng isang libong magasin isang minuto at maaaring lumimbag nang magkasabay ng The Watchtower at Awake!
Upang magampanan ang lahat ng paglimbag na ito at pagkakarga at para mapangalagaan ang mga pangangailangan ng mga manggagawa, ang pamilyang Bethel ay mayroong 345 na mga miyembro. Bukod dito, 165 ang gumagawa sa bagong proyekto ng pagtatayo. Siyanga pala, mayroong 19 na pareha ng mga magkakapatid sa laman sa pamilyang ito.
Bagamat tatatlong taon lamang ang nakalilipas nang ialay ang mga pasilidad sa Ebina, nagsisimula na naman ang trabaho para sa patuloy na pagpapalawak pa. Itinatayo sa lote ring ito ang isang bagong walong-palapag na tahanang Bethel, na magiging tirahan ng 250 katao, at isa pang karagdagang anim-na-palapag na pabrika. Oo, ang “mga lubid” ay talagang patuloy na pinahahaba.
Mga Maaasahan sa Hinaharap
Sa lupaing ito ng Budhismo at Shintoismo, marami ang naghahanap ng isang bagay na kanilang mapaglalagakan ng pananampalataya. Kung ilan pa ang papasok sa “tolda” ni Jehova ay makikita natin sa hinaharap. Ang isa pang patotoo ng higit pang pagsulong ay ang bagay na 224,696 ang nagtipon noong Abril 15, 1984, upang alalahanin ang kamatayan ni Jesus. At puspusang sinisikap na matulungan ang mga interesado. Sa bawat buwan, mga 142,000 pantahanang mga pag-aaral sa Bibliya ang idinaraos.
Nang ang unang mga misyonero ay dumating noong 1949, sino ang makakaisip na pagkaraan ng 37 taon ay magkakaroon ng mahigit na 97,000 aktibong mga tagapuri kay Jehova sa lupaing ito? Gayunman, pinangyari ito ni Jehova. Tapat sa kaniyang pangako, tunay na kaniyang pinapangyaring ‘iladlad ang mga tabing ng tolda’ at ‘habaan ang mga lubid’ para sa kaniyang bayan. Ang kaniyang mga Saksi ay patuloy na magpapagal at sa kaniya aasa ng kanilang aanihin bago magtapos ang sistemang ito ng mga bagay.
[Talababa]
a Para sa detalye, tingnan ang 1973 Yearbook of Jehovah’s Witnesses, pahina 214-22.
[Graph sa pahina 23]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Pagsulong ng mga mamamahayag ng Kaharian sa Hapon noong nakalipas na 37 taon
(Peb.)
1949 9
1958 1,000
1970 10,000
1973 20,000
1976 40,000
1983 80,000
1985 97,305
[Larawan sa pahina 24]
Si Toyoko Umemoto ang may pinakamahabang rekord ng special pioneering
[Larawan sa pahina 25]
Si Sadakichi Shimada ang pinakamatandang regular payunir sa Hapon