Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g86 7/22 p. 25-29
  • Ang Kagandahan ng Personalidad na Kristiyano

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Kagandahan ng Personalidad na Kristiyano
  • Gumising!—1986
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Kung Ano ang Kagandahan sa Lalaking Kristiyano
  • Ang Ibig Sabihin ng Kagandahan sa Babaing Kristiyano
  • Ano Baga Tayo?
  • Ginagawang Matagumpay ang Buhay-Pamilya
    Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa
  • Dalawang Susi sa Panghabang-Buhay na Pag-aasawa
    Ang Lihim ng Kaligayahan sa Pamilya
  • Pagpapakita ng Pag-ibig at Paggalang Bilang Isang Asawang Babae
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
  • Tiyakin ang Isang Namamalaging Kinabukasan Para sa Iyong Pamilya
    Ang Lihim ng Kaligayahan sa Pamilya
Iba Pa
Gumising!—1986
g86 7/22 p. 25-29

Ang Kagandahan ng Personalidad na Kristiyano

“Kayo’y magbihis ng bagong personalidad [pagkatao] na nilikha ayon sa kalooban ng Diyos sa tunay na kabanalan at katapatan.”​—EFESO 4:24.

1. Anong kagandahan ang gusto nating ilarawan dito?

MAY kasabihan na ‘ang kagandahan ay nasa paningin ng nagmamasid,’ na ang ibig sabihin ay relatibo o depende sa nagmamasid ang kagandahan. Ano ba ang kagandahan ng isang lalaking Kristiyano o isang babaing Kristiyano? Iyan ang gusto nating pag-usapan ngayon.

Kung Ano ang Kagandahan sa Lalaking Kristiyano

2. Bakit hindi sa pisikal na mga katangian lamang nakikilala ang isang tao ng Diyos?

2 Pasimulan natin sa pamamagitan ng pagsasaalang-alang ng mga katangian na nagbibigay sa isang lalaking Kristiyano ng kalugud-lugod na hitsura na hihila sa iba na magustuhang sumama sa kaniya. Kung pisikal na mga katangian lamang ay hindi sapat upang ang isa’y maging isang “tao ng Diyos.” (1 Timoteo 6:11) Ang panlabas na hitsura ng isang tao, bagaman kaakit-akit, ay walang gaanong kabuluhan kung siya naman ay may kamangmangan kung mangatuwiran. Kung siya’y mayabang, walang modo, magaspang, at ignorante, siya’y hindi nakakaakit​—siya’y nilalayuan. Kung ang kaniyang ugali ay nagpapakita na siya’y walang pagpapahalaga, tunay na maaaring maging sanhi siya ng katitisuran para sa iba. Kung siya’y walang iniintindi kundi ang kaniyang sarili at ang kaniyang hitsura sa iba o ibig niyang hangaan siya ng iba, hindi siya ang uri ng tao na ibig makasama ng iba.

3, 4. (a) Ano ang ilan sa mga katangian ng isang tao ng Diyos gaya ng ipinakita ng taong si Jesu-Kristo? (b) Paano mo ipaliliwanag ang ilan sa mga katangian ng isang tao ng Diyos?

3 Bagkus, ang isang tao ng Diyos ay nakapagpaunlad ng mga katangian na pagkamakatarungan, awa, pag-ibig, at kabaitan. Si Jesu-Kristo ay hindi nakilala ng dahil sa kaniyang sakdal na katawan kundi dahil sa kaniyang pagiging tapat sa prinsipyo at sa katotohanan. Sa pamamagitan ng kaniyang paraan ng pagtuturo ay nakilala siya bilang isa na nagsasalita nang may awtoridad buhat sa Diyos. (Mateo 7:28, 29; Juan 7:46) Ang isang tao ng Diyos ay hindi mahihilang gumawa ng kalikuan dahilan sa paghahangad ng kapangyarihan o katanyagan. Hindi dahil sa pakinabang na dulot ng isang posisyon ay maaari siyang suhulan. Siya’y isang tao na mayroong tibay ng kalooban. Siya’y mahilig sa kababaang-loob at hindi siya magsisinungaling. Siya’y makikitaan ng isang kaaya-ayang pagkatakot kay Jehova. (Kawikaan 22:4) Ito ang ilan sa mga katangian na matatagpuan sa isang tao ng Diyos.

4 Ang isang tao ng Diyos ay may budhi, isang mabuting puso, at wastong motibo. (1 Timoteo 1:5; Kawikaan 4:23) Siya’y hindi gagawa ng mga bagay na lumalabag sa kaniyang budhi, na ipinagwawalang-bahala ang matuwid na mga simulain. Sapagkat mayroon siyang mabuting puso at wastong motibo, hindi siya gagamit ng marayang mga paraan sa kaniyang pakikitungo sa iba. (Hebreo 13:18) Hindi niya tutulutan na ang kaniyang mabubuting motibo ay sirain ng masamang paggawi at pagkilos. (Oseas 4:11) Hindi siya pabagu-bago ng pagdisiplina sa kaniyang sarili upang ang kaniyang puso ay huwag mahulog sa pandaraya. Sa salita at sa gawa siya ay isang taong may prinsipyo.​—Awit 15:1, 2.

5. Anong papel ang ginagampanan ng pagkahabag sa buhay ng isang tao ng Diyos?

5 Ang isang tao ng Diyos ay may pagkahabag sa iba, siya’y nagpapatawad at mabait. Ang isang mahabaging tao ay isang taong madamayin. Siya’y naaaring magpakita ng empatiya at pagkaunawa pagka ang iba ay may mga problema na mahirap lutasin at nagdudulot ng pagkabalisa. Higit pa sa riyan, siya’y naaaring magpatawad pagka ang sinuman ay gumawa sa kaniya ng kamalian. Kaniyang napaglalabanan ang likas na hangarin na ang masama ay gantihin ng masama at ang paglait ay gantihin ng paglait din. Tunay na natutupad niya ang payo ng 1 Pedro 3:8, 9. Sa pamamagitan ng pagpapala kaninuman imbis na pag-alipusta, kaniyang ipinakikita na siya’y mabait at nasusupil niya yaong mga imbing hangarin na makikita sa taong imbi, yaong walang katangian na mahabag, magpatawad, at magpakita ng kabaitan sa iba.​—Efeso 4:31, 32.

6. (a) Ano ang iba pang litaw na mga katangian ng isang tao ng Diyos, at ano ang ibig sabihin nito? (b) Ano ang pangmalas sa gayong tao ng kaniyang asawa at mga anak?

6 Ang isa pang litaw na katangian ng isang tao ng Diyos ay ang kaniyang pagkabukas-palad. At kung siya’y may-asawa, siya’y isang tunay na asawa at isang tapat na ama. Sa kaniyang pagkamay-asawa, ang tao ng Diyos ay may malaking pagkakataon na makaimpluwensiya at maging halimbawa ng kabutihan kapuwa para sa kaniyang maybahay at para sa kaniyang mga anak. (Colosas 3:19, 21) Sa pagiging bukas-palad, ang gayong tao ay sumusunod sa mainam na payo ng Panginoong Jesu-Kristo, na nagsabi: “Ugaliin ninyo ang pagbibigay, at kayo’y bibigyan ng mga tao. Takal na mabuti, pikpik, liglig, at umaapaw ang ibubuhos nito sa inyong kandungan. Sapagkat sa panukat na inyong isinusukat ay doon din naman kayo susukatin.” (Lucas 6:38) Sa kaniyang pamilya, ang gayong tao ay tunay na mangangalaga sa mga membro ng kaniyang sambahayan. Ngunit kaniya rin namang susundin ang mainam na payo ng Efeso 4:28, na gumawa ng “mabuting gawa, upang magkaroon siya ng maibibigay sa kaninumang nangangailangan.” Bilang isang tunay na asawang lalaki, ang tao ng Diyos ay mananatiling tapat sa kaayusan ng pagkamay-asawa. Ang kaniyang asawang babae ay magkakaroon ng lubos na pagtitiwala at kompiyansa sa kaniya bilang isang lalaki na talagang kaisang-dibdib niya. (Kawikaan 5:18, 19) Isa pa, kung sila’y may mga anak, kaniyang ipakikitang siya’y isang tapat na ama, hindi isang magdaraya o manlilinlang sa kaniyang mga pakikitungo sa iba. Sa ganoon, kaniyang maitatanim sa kaniyang mga anak ang mga simulain ng pagiging tapat sa kapuwa. (Kawikaan 4:1-5) Anong inam na halimbawa ang gayong tao bilang matutularan ng kaniyang mga anak na may nahuhubog pang mga kaisipan! Kanilang matutularan siya bilang isang taong mapagtapat, na nag-iingat ng katapatan.​—Kawikaan 11:3, 4.

7. Anong timbang na pangmalas sa pag-utang mayroon ang tao ng Diyos?

7 Sa bagay na ito rin naman, ang tao ng Diyos ay nagpapakaingat na siya at ang kaniyang pamilya ay hindi napapabaon sa mga utang, yamang alam niya na ang mga ito ay maaaring humantong sa malulubhang problema. Mangyari pa, ito’y nangangahulugan na hindi niya papayagan na siya at ang kaniyang pamilya ay mamuhay nang lampas sa kanilang kakayahan. Kaniyang tatayahin muna ang magagastos bago humakbang ng pagsasagawa ng isang bagay. (Lucas 14:28-30) Sa kasalukuyan ay maaaring pagkaitan niya ang kaniyang sarili ng anumang bagay alang-alang sa kinabukasan at ang nakikita ay naipagpaparaya niya para sa di-nakikita, wika nga. (Ihambing ang Hebreo 11:8-10.) Ang pamumuhay ng ganito ay tutulong sa tao ng Diyos na manatiling lumalakad sa landasing Kristiyano sa kaniyang araw-araw na pamumuhay.

8. Paano haharapin ng gayong tao ang di kaaya-ayang mga kalagayan sa kaniyang buhay?

8 Sa buhay ng lahat ng tao, dahilan sa kasalanan at di-kasakdalan, kinakailangan na paminsan-minsan ay humarap tayo sa hindi kaaya-ayang mga kalagayan. Ngunit ang tao ng Diyos ay magkakaroon ng lakas ng loob at hindi lilihis sa mga prinsipyo kung nasa gayong mga kalagayan, tulad ng halimbawang ipinakita ni Jesus. (Juan 16:33) Sa tulong ng lakas ng kaniyang Diyos, si Jehova, kaniyang haharapin ang mahihirap na problema na taglay ang lakas ng loob, umaasa kay Jehova para siya tulungan at patnubayan.​—Kawikaan 18:10.

9. Ano ang masasabi mo tungkol sa pamumuhay na may kalinisang-asal ng isang taong naghahangad na makalugod kay Jehova?

9 Ang tunay na tao ng Diyos ay may kapamahalaan sa kaniyang katawan. Na ang ibig sabihin, patuloy na sinusupil niya ang kaniyang mga hangarin at silakbo ng damdamin, yamang batid niya na ang kaniyang katawan ay isang karapat-dapat na utusán ngunit isang napakasamang panginoon. Lagi niyang isinasaalaala ang kinasihang salita ni apostol Pablo: “Hinahampas ko ang aking katawan at sinusupil na parang alipin.” (1 Corinto 9:27) Kaya, kaniyang laging sinisikap na pagyamanin ang ganiyang bunga “ng espiritu . . . pagpipigil-sa-sarili,” at iniiwasan ang mga bagay na hihila sa kaniya sa kasamaan. (Galacia 5:22, 23) Siya’y matalino sa pagkaalam na ang pagbibigay-daan sa imoral na mga kaisipan ay maaaring umakay tungo sa imoralidad. Muli, siya’y nagtitiwala sa kaniyang Diyos, si Jehova, at sa lakas na Kaniyang ibinibigay.​—Filipos 4:13.

10, 11. (a) Anong katangian ang makikita sa isang tao ng Diyos pagka siya’y nagkamali sa pagpapasiya sa mga bagay-bagay? (b) Anong halimbawa ang ipakikita ng mga ulo ng pamilya kung tungkol sa pampamilyang pag-aaral?

10 At sa wakas, inaamin ng tao ng Diyos ang kaniyang mga pagkakamali, siya’y nakapagsasabi na ikinalulungkot ko ang isang bagay, at humihingi siya ng gayong paumanhin sa kaniyang maybahay at sa mga iba pa na maaaring nagdamdam o nasaktan sa kaniyang ginawa o sinabi dahilan sa kaniyang di-kasakdalan. Maaari siyang lumapit ngayon kay Jehova na taglay ang isang dalisay na puso at humingi ng kapatawaran sa kaniyang mga pagkakasala sapagkat hiniling niya sa kaniyang maybahay, sa kaniyang kapuwa-tao, sa kaniyang mga anak, na siya’y patawarin. Ang abilidad na magsabi, “Ikinalulungkot ko, ako’y nagkamali” ay isang tanda na pagkakakilanlan sa tunay na lalaki, lalo na ng isang tao ng Diyos.​—Mateo 18:21, 22; Marcos 11:25.

11 Hindi mo baga masasabing ang isang tao, isang asawang lalaki, isang ama, na may ganiyang katangian ay tutulungan ni Jehova? (Awit 54:4) Oo, siya’y masasangkapan na harapin ang mga problema sa modernong daigdig na ito na dinaranas nating lahat dahilan sa mga pakana at layunin ni Satanas na wasakin ang lahat ng bagay na mabuti, pati na ang pag-aasawa at ang maligayang pamilya. Kaniyang pangangalagaan ang espirituwalidad ng mga membro ng pamilya, pangungunahan sila sa regular na pag-aaral ng Salita ng Diyos at sa panalangin, na tinutularan ang halimbawa ng tapat na mga lingkod ng Diyos noong mga panahon na tinutukoy ng Bibliya.​—Deuteronomio 11:18-21; Kawikaan 7:1-3.

12. Anong mahalagang ginagampanang papel ang susunod na isasaalang-alang natin?

12 Subalit mayroong higit pa na dapat isaalang-alang. Nariyan din ang papel na ginagampanan ng asawang babae sa pagharap sa mga problema sa pamilya. Bigyan-pansin natin ngayon ang mga katangian na nanaisin niyang pagyamanin sa kaniyang buhay.​—Kawikaan 19:14.

Ang Ibig Sabihin ng Kagandahan sa Babaing Kristiyano

13, 14. Anong mga hakbangin ang maaaring kunin ng isang babae upang kamtin ang pagsang-ayon ni Jehova at, kung siya’y may-asawa, ng kaniyang pamilya, at ano ang payo ni apostol Pedro sa 1 Pedro 3:1-5 para sa kababaihan?

13 Ang aklat ng Kawikaan ay may sinasabi sa atin tungkol sa isang babaing may takot sa Diyos: “Ang alindog ay magdaraya, at ang kagandahan ay walang kabuluhan; ngunit ang babaing natatakot kay Jehova ang siyang nagdadala ng kapurihan sa kaniyang sarili.” (Kawikaan 31:30) Kung gayon, paano ba nakakamit ng isang babae ang mga katangian na nagpapamahal sa kaniya sa kaniyang asawa at mga anak, o sa mga iba kung siya ay dalaga, at dahil doon ay naaakit ang iba na makisama sa kaniya? Unang-una, ang isang babaing may takot sa Diyos ay isang taong bukas-puso, na ang ibig sabihin siya ay bukas-palad, mahilig na tumulong sa iba sa anumang paraan na kaya niya, sa materyal man o espirituwal na paraan. Pagka mayroong mga taong nasa pangangailangan, siya ang isa sa mga unang-unang naghahangad na tumulong, at tunay na interesado sa mga pangangailangan ng iba. Mangyari pa, ang gayong interes ay tinitimbangan niya ng pag-aasikaso at atensiyon na, kung siya’y may-asawa, kailangang iukol niya sa kaniyang sariling pamilya.​—Tito 2:3-5.

14 Isa pa, ang gayong babae ay may kaisipan na mapagpakumbaba, hindi mapagmataas; mabait, hindi masungit; maayos, hindi burarâ; madamayin, hindi palaaway. At, kung may-asawa, sinisikap niyang sundin ang payo na ibinibigay ng apostol sa 1 Pedro 3:1-5.

15. (a) Ano ang dapat na maging tunguhin ng isang babaing may takot sa Diyos, at paano niya makakamit iyon? (b) Paano niya sinusuportahan ang kaniyang asawa? (c) Bakit siya patuloy na minamahal ng kaniyang pamilya?

15 Isa pa, ang isang babaing may takot sa Diyos ay hindi marunong ayon sa karunungan ng sanlibutan, kundi kaniyang sinisikap na pagyamanin ang espirituwalidad. Subalit siya’y isang masugid na mambabasa ng Bibliya at interesado sa pagkakapit ng mga simulain nito sa kaniyang buhay. (Awit 119:66) Ito’y hindi niya ginagawa alang-alang sa kapakanan lamang ng kaniyang sarili, na naghahangad ng kaalaman para sa kaniyang sarili, kundi, kaniyang isinasaisip na ibahagi sa iba ang mabubuting bagay na kaniyang natututuhan, kapuwa sa ministeryong Kristiyano at sa araw-araw na pakikisalamuha sa mga kapitbahay, mga kamag-anak, at mga kaibigan. Naliligayahan ang isang lalaking Kristiyano sa isang asawa na maaari niyang kausapin tungkol sa espirituwal na mga bagay, bilang kaniyang kapareha, isa na nagpapahalaga rin sa espirituwal na mga bagay at nagnanais na makahati niya sa higit pang pagkakilala kay Jehova. (Kawikaan 9:9, 10) Samakatuwid ang isang babaing may takot sa Diyos ay may pagkakilala at pagkaunawa. Kung siya’y may-asawa, batid niya ang kaniyang papel na ginagampanan bilang kapareha o kapupunan ng kaniyang asawang lalaki, siya’y sumusuporta sa kaniyang asawa sa pagbibigay ng espirituwal na turo sa mga anak, lalo na kung ang asawang lalaki ay wala sa tahanan. (Ihambing ang 2 Timoteo 1:2, 5; 2 Juan 1, 2.) Ang babaing ito ay patuloy na mamahalin at iibigin sa sambahayan kahit na marahil ay kumupas na ang kagandahan ng kaniyang kabataan sa kalaunan. Maaari siyang maasahan ng kaniyang asawang lalaki para sa mabubuti at nararapat na mga obserbasyon, mabubuting opinyon, at taimtim na pampatibay-loob, sapagkat siya’y magiliw at matalino. (Kawikaan 25:11) At nangyari na nang si Abigail ay kumilos na may katalinuhan at kaagad-agad kung kaya’t sinabi ni David: “Pagpalain ka nawa sa iyong katalinuhan.”​—1 Samuel 25:32, 33.

16. Anong uri ng pananalita at pagkilos ang nagpapakilala sa isang babaing may takot sa Diyos?

16 Ang mahinhing impluwensiya sa ikabubuti na taglay ng isang babae bilang pagsuporta sa kaniyang asawang lalaki ay hindi yaong matatalas, mapapait, o tumutuyang mga salita. Ang pabor o lingap ay nakakamit sa pamamagitan ng magiliw na mga pagkilos, mga nababagay na pananalita, malumanay na pagpapakita ng pag-ibig, kasipagan, ng magiliw na kabaitan at malawak na kaunawaan. (Ihambing ang Kawikaan 25:11; 31:10-28; 1 Tesalonica 2:7.) Ang kaamuan, pananampalataya, kahinhinan, ito ang mga bagay na nagpapamahal sa iba sa babaing may takot sa Diyos.​—Awit 37:11; Hebreo 11:11, 31, 35; Kawikaan 11:2.

17. Gaano kahalaga ang katangian na pag-ibig sa babaing may takot sa Diyos?

17 Ang isa pang litaw na katangian ng isang babaing may takot sa Diyos ay ang kaniyang kakayahan sa pagpapakita ng simpatiya at pag-ibig. (Roma 12:10) Ang kaniyang lubhang kaakit-akit na kagayakan ay pag-ibig, na aakay sa kaniya upang huwag maging mapansinin sa maliliit na bagay. Anong ganda ng pagkalarawan ng pag-ibig sa 1 Corinto 13:4-7. Ayon sa The New English Bible: “Ang pag-ibig ay matiisin; ang pag-ibig ay magandang-loob at hindi nananaghili kaninuman. Ang pag-ibig ay hindi naghahambog, ni nagpapalalo, ni magaspang; hindi mapag-imbot, hindi dagling nagdaramdam. Ang pag-ibig ay hindi umaalumana sa masama; hindi ikinatutuwa ang pagkakasala ng mga ibang tao, kundi nalulugod sa katotohanan. Walang anupaman na hindi maaaring harapin ang pag-ibig; walang hangganan ang taglay nito na pananampalataya, ang taglay nito na pag-asa, at ang taglay nito na pagtitiis.”

Ano Baga Tayo?

18. Anong personal na mga katanungan sa bawat isa sa atin ang nakaharap ngayon, at ano ang magagawa ng pagsusuri sa sarili?

18 Ang mahalagang katanungan ngayon ay: Bawat isa ba sa atin ay maaaring makilala bilang isang Kristiyano, maging tayo man ay may-asawa o wala? Mayroon bang mga pitak sa ating buhay na kung saan nakakakita tayo ng pangangailangan na gumawa nang higit pang mga pagbabago samantalang nagsisikap tayo na makalugod kay Jehova at sa ating kapuwa-tao? Malamang, sa anumang pagsusuri sa sarili na gawin natin ay makakakita tayo ng mga pitak na maaari nating pasulungin. Ngunit anong kagalakan na mapagmasdan natin ang ganiyang mga pagsulong sa ating sarili at, higit diyan, mapansin din ng iba at magkomento sila tungkol sa mga pagbabagong ginagawa natin dahilan sa ating masinsinang pagsunod sa Salita ng Diyos at sa mga turo nito!​—2 Corinto 13:5; 1 Timoteo 4:15, 16.

19. Paano tayo kikilos tungkol sa paglutas sa mga problema na napapaharap sa atin sa ating pagtataguyod ng isang mapayapa at maka-Diyos na pamumuhay?

19 Pagka dumaraan sa buhay-binata o buhay-dalaga, makapagsisikap ang isang tao na pagyamanin ang mga katangiang ito. (1 Corinto 7:32) At pagka sumapit na ang araw na ang isa ay magpasiyang mag-asawa, ang ganiyang mga katangian ay pakikinabangan nang husto ng isa na luminang ng mga iyan. Para sa mga may-asawa, ang patuloy na paglinang sa mga katangiang Kristiyano ay magbubunga ng lalong malaking kaligayahan at kagalakan. (Filipos 4:8, 9) Para malutas ang mga problema ay kailangan ang pagsisikap ng kapuwa-mag-asawa. Ang pagkilala at pagbabago sa mga ugaling di kanais-nais ay malaki ang magagawa upang makapagbihis ng isang kalugud-lugod na personalidad Kristiyano. (Colosas 3:8-10) Tandaan din, ang pagkakakilanlan sa isang lalaking Kristiyano o isang babaing Kristiyano ay ang kakayahan na magsabi ng, “Ikinalulungkot ko, pakisuyong patawarin mo ako.” Lahat tayo ay nagkakamali. Pagka ating inamin ang mga pagkakamali, ating pinatutunayan na pinagyayaman natin ang saganang mga katangian ng kahinhinan at kapakumbabaan.​—Mikas 6:8; Santiago 3:2.

20. Anong mga salita ni apostol Pablo sa Colosas 3:12-17 ang makatutulong at angkop para sa lahat?

20 Anong pagkaangkup-angkop nga ang mga salitang ito ni Pablo sa kongregasyon sa Colosas: “Kung gayon ay magbihis kayo ng mga kasuotan na angkop sa piniling bayan ng Diyos, na kaniyang sarili, kaniyang minamahal: pagkamahabagin, kabaitan, kapakumbabaan, pagkamagiliw, pagtitiyaga. Kayo’y maging matiisin sa isa’t isa, at nagpapatawaran, kung ang sinuman sa inyo ay may dahilan na magreklamo: kayo’y magpatawaran gaya ng Panginoon na nagpatawad sa inyo. At higit sa lahat, kailangan ang pag-ibig, upang magbuklod sa lahat na sama-sama at mabuo ito. Hayaang ang kapayapaan ni Kristo ang mamagitan sa inyong mga puso; sa kapayapaang ito kayo tinawag bilang mga sangkap ng iisang katawan. At kayo’y mapunô ng pagpapasalamat. Hayaang ang mensahe ni Kristo ay manahan sa gitna ninyo sa buong kapuspusan. Kayo’y magturuan at magpayuhan sa isa’t isa na taglay ang sukdulang karunungan. Umawit kayo ng pasasalamat sa inyong mga puso sa Diyos, sa pamamagitan ng mga salmo at himno at espirituwal na mga awit. Anuman ang inyong ginagawa, nagsasalita man kayo o gumagawa, gawin ang lahat ng bagay sa ngalan ng Panginoong Jesus, na nagpapasalamat sa Diyos na Ama sa pamamagitan niya.”​—Colosas 3:12-17, NEB.

21. Paanong ang ating asal at paggawa ay makapagpapatibay-loob sa iba?

21 Ang maiinam na halimbawa sa Bibliya, at gayundin sa kongregasyong Kristiyano sa ika-20 siglong ito, ay dapat na maging pampatibay-loob sa isa at sa lahat upang magpatuloy na gumagawa sa ikapagkakaroon ng bagong personalidad. (Efeso 4:22-24) Sa paggawa nito, tayo’y magiging isang pagpapala sa lahat ng ating mga kasalamuha. Higit pa riyan, para sa marami pang mga iba na ating dinadalhan ng balita ng Kaharian hahanga sila at mapatitibay-loob, hindi lamang dahil sa ating mga sinasalita kundi gayundin dahil sa sigasig at mabuting paggawi na nakikita nila sa pambuong globong pamilya ng mga Saksi ni Jehova.​—Juan 13:34, 35.

Bilang buod ng tinalakay na, ano ang masasabi mo?

◻ Anong mga katangian ang karapat-dapat na pagyamanin ng tao ng Diyos?

◻ Paanong ang lalaking Kristiyano ay mangangalaga sa kaniyang asawa at pamilya?

◻ Ang babaing Kristiyano ay makikilala sa pamamagitan ng anong mga katangian?

◻ Paanong ang mga taong wala pang asawa ay makapagtatayo nang may katalinuhan ukol sa hinaharap?

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share