Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w86 2/15 p. 27-30
  • Isang Bagong Awit sa Tabi ng “Ilog ng mga Ibon”

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Isang Bagong Awit sa Tabi ng “Ilog ng mga Ibon”
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1986
  • Subtitulo
  • Pagdating ng “Bagong Awit”
  • Ang mga Misyonero ay Nakatulong sa Paglago
  • Paglago at Paglawak
  • Isang Bagong Dugtong sa Sangay
  • Pagmamasid sa Hinaharap
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1986
w86 2/15 p. 27-30

Isang Bagong Awit sa Tabi ng “Ilog ng mga Ibon”

ANG tawag dito ng mga Indyan ay ang Ilog ng mga Ibon. Hanggang sa araw na ito, sa mga tabi ng ilog na ito ay maririnig pa rin natin ang magandang awitan ng ruwisinyor (lark), ang huni ng kalapati, ang malambing na awit ng tulad-mayang Chincol, at ang kasaliw na mga huni ng dilaw-ang-tiyan na Benteveo. Subalit, nang sumapit ang panahon, ang lupain na nasa gawing silangan ng ilog ay nakilala rin sa tawag na Ilog ng mga Ibon, o gaya ng sabi sa Tupí na wika ng mga Indyan​—URUGUAY.

Datapuwat, “isang bagong awit” ang inaawit ngayon sa Ilog ng mga Ibon. Noong sinaunang panahon ay inihula ito ni Isaias, na ang sabi: “Magsiawit kayo kay Jehova ng isang bagong awit, ng kapurihan niya mula sa wakas ng lupa, kayong mga tao na nagsisibaba sa dagat at ang buong naririyan, kayong mga pulo at kayong mga tumatahan diyan.” (Isaias 42:10) Paano nga, kung gayon, nakarating sa Uruguay ang “bagong awit” na ito tungkol sa pagkatatag ng Kaharian ng Diyos?

Pagdating ng “Bagong Awit”

Ang makapangyarihang mensahe ng Kaharian ay nagsimulang narinig nang marahan sa Uruguay noong 1923. Nang taon na iyan isa sa mga Saksi ni Jehova ang dumaan sa bansang ito at namahagi ng isang daang pulyeto. Noong Setyembre ng 1924 si Juan Muñiz ay dumating dito. Siya ay isang dating paring Katoliko na taga-Espanya na nawalan ng tiwala sa kaniyang relihiyon at umaklas. Gayumpaman, pagkatapos na siya’y lumipat sa Estados Unidos noong 1916 muling nanariwa ang kaniyang pag-ibig sa Bibliya dahil sa pabalita ng Kaharian na kaniyang narinig buhat sa mga tao na ngayo’y kilala bilang mga Saksi ni Jehova. Si Muñiz ay bumalik sa Espanya upang ipamahagi ang kaniyang natutuhan. Subalit napaharap siya sa matinding pananalansang kaya, sa mungkahi ng pangulo ng Watchtower Society, siya’y lumipat sa Timog Amerika. Si Juan Muñiz ay inilagay na tagapangasiwa sa gawaing pangangaral ng Kaharian sa Argentina, Paraguay, at Uruguay.

Si Brother Muñiz ay isang mahusay na tagapagsalita. Ayon sa sabi siya’y nakakaakit ng mga tagapakinig sa loob ng kung ilang oras, anupa’t ginagamit niya ang Bibliya lamang, walang nota o balangkas. Nang makita niya na ang mga tao sa Uruguay ay lubhang interesado, si Juan Muñiz ay humiling sa Samahan na magpadala nang higit pang tulong.

Kaya, lumisan si Carlos Ott sa Alemanya noong 1925, pagkalipas ng kaunting panahon ay dumating siya sa Uruguay. Dito siya nagbuhos ng kaniyang buong sikap sa loob ng sumunod na walong taon. Yamang gusto niyang marating ang pinakamaraming tao hangga’t maaari, malayang ginamit ni Brother Ott ang radyo, at ang isang istasyon ng radyo ay sumang-ayon pa na ibrodkast nang libre ang kaniyang isinaplakang mga pahayag. Buhat sa munting pasimulang ito, ang gawain ay lumawak sa lahat ng 19 na mga departamento (mga probinsiya) ng Uruguay.

May mga binhi ng katotohanan na nahulog sa mga banyagang nandayuhan doon. Halimbawa, sa hilagang Uruguay ay mayroong kung ilang mga pamilyang Ruso na nagsilikas doon nang lisanin nila ang kanilang sariling bansa noong kainitan ng Digmaang Pandaigdig I. Isa sa mga ito, si Nikifor Tkachenco, ay tumanggap ng pulyetong Nasaan ang mga Patay? at kaniyang nakilala ang malinaw na taginting ng katotohanan. Kaya’t walang atubiling sinikap niyang ibahagi sa mga ibang Ruso ang kaniyang bagong katutuklas na pananampalataya. Ang ilan sa kanila ay tumanggap sa katotohanan, at nagsilbing saligan para sa mga kongregasyon sa Salto at Paysandú, dalawang malalaking siyudad.

Noong 1939 anim na mga payunir na Aleman ang idinestino sa Uruguay. Subalit, sila’y gumugol ng anim na taon para makarating sa kanilang atas; dahil sa mga mang-uusig na Nazi ay naging biktima sila ng isang matagal na pagtugis at hinalughog ang buong Europa upang sila’y mahuli. Gayunman, nang sa wakas ay dumating sila sa Uruguay, kaagad na sila’y gumawa. Una muna’y sinikap nilang matagpuan ang mga pamilyang Aleman at magpatotoo sa kanila. Pagkatapos, samantalang nag-aaral sila ng wika roon, sila’y may dala-dalang isang Kastilang “testimony card” na maikling nagpapaliwanag sa kanilang misyon.

Ang munting grupong ito ay buong sikap na gumawa sa buong bansa sakay ng kanilang mga bisikleta, ang kanilang literatura ay ipinagpapalit nila ng pagkain at sila’y natutulog sa maliliit na tolda na itinatayo nila sa tabing-daan pagka sila’y walang matuluyan. Sa kanilang mga bisikleta ay nagkakarga sila ng sapat na damit para sa taglamig, ng isang munting kalan na de-gas, ng mga gamit sa kusina, at ng isang ponograpo na may mga plaka tungkol sa mga pahayag sa Bibliya. Sila’y patuloy na gumawa sa kabila ng ginaw, init, hangin, at mga baha. Subalit sa ganitong paraan mga binhi ng katotohanan ang napasabog sa buong bansa. Hindi nagtagal at marami nang mga tinig ang kasali sa koro ng mga umaawit ng “bagong awit.”

Ang mga Misyonero ay Nakatulong sa Paglago

Noong Marso 1945, si N. H. Knorr at F. W. Franz, mga opisyal ng Watch Tower Society, ay dumalaw sa Uruguay sa unang-unang pagkakataon. Bukod sa pagbibigay ng nagpapatibay na payo, dala rin nila sa Uruguay ang unang-unang nadestino ritong nagtapos sa Gilead, si Russell S. Cornelius. Bagama’t sa pasimula ay mga ilang salitang Kastila lamang ang alam niya, pagkaraan lamang ng isang buwan at kalahati, siya ay nakapagbigay na ng pahayag pangmadla. Siya’y nagpatuloy na sumulong at naging isang malaking tulong sa pagdidirekta ng gawaing pang-Kaharian. Hindi nagtagal, dumating ang iba pang kabataang mga misyonero, umabot sa 27​—halos sindami ang mga misyonero ng mga mamamahayag​—ang nagsiksikan doon sa inupahan ng sangay na tahanang pangmisyonero. Natural, nagkaroon ng epekto sa komunidad ang pagkakita roon ng banyagang mga babaing misyonera. Binanggit pa ng isang pahayagan na “mga blondeng anghel” ang lumusob sa Montevideo!

Isa na rito si Mabel Jones. Samantalang dumadalo sa isang asamblea sa Salto noong 1950, ang pag-asa sa Kaharian ay kaniyang naibalita kay Carola Beltramelli at Catalina Pomponi, dalawang magkalapit-bahay na kaibigan niya. Sila kapuwa ay dumalo sa asambleang iyon at, makalipas ang isang buwan, naglakbay ng 300 milya (500 km) upang dumalo sa isa pang asamblea sa Montevideo. Sila’y mabilis na sumulong sa espirituwalidad. Ang mga anak na lalaki ni Carola ay tumugon din sa katotohanan. Isa sa mga anak na ito, si Delfos, ay pumasok sa buong-panahong paglilingkod at nagtapos sa Gilead noong 1965. Siya ngayon ang nagsisilbing coordinator ng branch committee. Ang nakababatang anak na lalaki, si Luis, ay isang hinirang na matanda sa kongregasyon. Si Sister Pomponi ay pumasok sa pagpapayunir noong 1953 at kaniyang natulungan ang mahigit na 80 katao upang ialay ang kanilang buhay kay Jehova.

Lahat-lahat, 82 mga nagtapos sa Gilead ang naglingkod sa Uruguay. Bagama’t mayroong mga iba sa kanila na kinailangang magsiuwi ng dahil sa ganoo’t-ganitong kadahilanan, sila naman ay nakapag-iwan ng isang rekord ng mabungang paglilingkod. Kahit na ngayon ay makakabalita ka ng mga “old-timer” sa mga kapatid sa Uruguay na nagsasabi, “Ang aking mga anak ay mas bata kaysa aking mga apo ngayon nang turuan ako ni Mary Batko ng Bibliya,” o, “Ako ay nasa paaralang primarya lamang nang ako’y isama nina Jack at Jane Powers sa pangangaral kung Linggo.”

Paglago at Paglawak

Ang “bagong awit” ay napakinggan ng maraming taingang interesado. Noong 1949 si Gerardo Escribano, isang kabataang ateista, ay inanyayahan sa isang pulong sa Bibliya. Kaniyang tinanggap ang imbitasyon sa kondisyon na kung doo’y may mga imahen o kung siya’y hihilingan na magdasal ng mga panalangin sa relihiyon, hindi na siya muling babalik. Ganiyan na lang ang kaniyang paghanga sa kaniyang napakinggan, at sa wakas ay nabautismuhan siya, at ngayon ay naglilingkod bilang isang tagapangasiwang pandistrito at miyembro ng branch committee.

Ang pelikulang The New World Society in Action, ginawa noong 1956, ay ipinalabas sa halos lahat ng siyudad at mga bayan. Ipinalabas ni Brother Liber Berrueta ang pelikulang ito may daan-daang beses sa mga Kingdom Hall, mga pribadong tahanan, mga parkeng pampubliko, at mga bulwagan. Siya’y nagkaroon din naman ng malaking bahagi sa pagtatatag ng legal na korporasyon ng Samahan sa Uruguay, at nagsilbi siya bilang unang pangulo hanggang sa kaniyang kamatayan.

Nang katapusan ng 1961, na mayroon nang 1,570 mga Saksi sa bansa, isa pang mahalagang hakbang ang naganap nang ialay ang bagong Tahanang Bethel. Nang ito’y matapos, ang arkitekto, si Justino Apolo, ay napukaw na sagisagan ang kaniyang pag-aalay sa Diyos sa pamamagitan ng bautismo. Nang malaunan siya ay naging isang elder at nagmagandang-loob ng pagtulong sa pagtatayo ng mga 40 Kingdom Hall sa Uruguay.

Gayundin naman, pagkatapos ng proyekto sa konstruksiyon, si Avelino Filipponi, isang dalubhasang tagapagtayo, ay pumasok sa buong-panahong paglilingkuran kasama ang kaniyang asawa. Siya ngayon ay isang tagapangasiwa ng sirkito. Siya, rin naman, ay malaki ang naitulong sa pagtatayo ng maraming Kingdom Hall. Kamakailan, siya’y tumulong sa pamamanihala sa konstruksiyon ng isang bahaging idinagdag sa Bethel sa Uruguay.

Isang Bagong Dugtong sa Sangay

Ang idinugtong ay isang gusaling may dalawang palapag at ito’y may malawak na pinaka-silong. Yamang ito’y may mahigit na 8,500 piye kuwadrado (790 sq m) ng suwelo, sa aktuwal ay mas malaki ito kaysa orihinal na gusali. Sa idinugtong na ito ay naroon ang palimbagan, ang mga departamento para sa pagkakarga ng mga aklat at mga magasin, bodega ng mga aklat, isang garahe, at isang magandang Kingdom Hall. Ang karamihan ng materyales sa pagtatayo ay donasyon ng mga kapatid, at lahat ng trabaho ay ginawa ng mga 500 boluntaryo. Mga Saksi na eksperto sa pagkakantero, sa trabahong may kinalaman sa bakal, sa karpinterya, at marami pang mga iba ang gumasta ng kanilang panahon at karunungan sa pagdidisenyo, pagtatayo, pagdidekorasyon, at pagsasaayos upang matapos ang buong proyektong iyon.

Noong Pebrero 4, 1985, ang dedikasyon ng bagong gusali ay sinimulan sa pamamagitan ni Grant Miller, isang miyembro ng Branch Committee, na nagbigay ng maikling kasaysayan ng Uruguay at ng paglago ng gawaing pang-Kaharian sa lupain ng Ilog ng mga Ibon. Ito ay sinundan ng kalugud-lugod na mga karanasan at detalye tungkol sa bagong gusali. Sa wakas, ang 250 mga nakinig ay nagpahalaga sa pahayag sa dedikasyon, “Isang Maligayang Bayan na May Layunin,” na binigkas ni Delfos Beltramelli, coordinator ng branch committee. Iyon nga ay isang araw na hindi malilimot!

Pagmamasid sa Hinaharap

Subalit ano ang laan ng kinabukasan para sa gawain sa Uruguay? Isaalang-alang ang mabilis na paglago. Noong 1964 mayroon 2,000 mga Saksi. Noong 1974 ang daming iyan ay nadoble. Noong 1985 umabot ito sa pinakamataas na bilang na 5,329. Na mayroon pang potensiyal para sa pagsulong ay maliwanag na makikita nang 15,243​—isa sa bawat 190 katao sa bansa​—ang dumalo sa 1985 Memoryal ng kamatayan ni Kristo.

Ngunit ang lalong higit na kapuna-puna ay ang kaurian ng pagka-Kristiyano na ipinakikita ng ating mga kapatid sa Uruguay. Halimbawa, sa loob ng mga ilang taon ang mga ito ay nangailangan na maglakbay sa Brazil para sa pagdalo sa kanilang taunang mga kombensiyon sapagkat ipinagkait sa kanila ng gobyerno ng Uruguay ang permiso na magdaos doon ng kombensiyon. Noong 1982 ang gobyerno ay nagbaba ng utos na lahat ng mamamayan at mga tao na umaalis sa bansa ay kailangang magbayad ng buwis. Ito’y nagpataw ng mabigat na pasanin sa gastos ng maraming mga kapatid. Subalit, ang mga kapatid na may higit na kakayahan sa buhay ay tumulong sa mga pamilyang dukha. Isang grupo ang nagtrabaho pa at nagkumpuni ng mga tahanan sa panahon na libre sila sa kanilang hanapbuhay upang may maiabuloy sa gastos ng iba. Kaya naman mga 3,500 na mga taga-Uruguay ang nakapaglakbay upang dumalo sa kombensiyon sa Brazil!

Pagkatapos, dahil sa isang sorpresa na pagbabago ng mga pangyayari, ang mga kapatid ay tumanggap ng pahintulot na magdaos ng isang kombensiyon sa Montevideo ng linggo bago isagawa ang dedikasyon ng bagong gusali ng sangay. Lahat ng mga kaayusang ito ay 20 na mga araw lamang ang kinailangan upang maihanda, kasali na ang pag-aatas ng mga maybahagi sa programa, pag-oorganisa ng mga departamento, at pagkukumpuni at paglilinis sa giba-giba nang Hippodrome na dati’y hindi na ginagamit. Subalit anong laking kagalakan para sa pagtitipon ng 6,245!

Kung gayon ay makapagtitiwala tayo na patuloy na pagpapalain ni Jehova ang pagsisikap ng ating mga kapatid habang sila’y nagkakaisang gumagawa na awitin ang maluwalhating pabalita ng Kaharian ng Diyos sa tabi ng Ilog ng mga Ibon​—ang Uruguay!

[Mga mapa/Larawan sa pahina 27]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

URUGUAY

Salto

Paysandú

Montevideo

[Mapa]

Timog Amerika

[Larawan sa pahina 29]

Ang Kingdom Hall ng bagong tahanan ng sangay sa Uruguay

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share