Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w86 6/15 p. 26-28
  • Pagsulong ng Kaharian sa Lupain ng mga Imperador

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagsulong ng Kaharian sa Lupain ng mga Imperador
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1986
  • Subtitulo
  • Ang Ikalawang Pandaigdig na Krisis
  • Pagsulong Kamakailan
  • Isang Pagtatanghal ng Pandaigdig na Pagkakaisa
  • Ang Pagsulong ng Kaharian ay Nagpapatuloy
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1986
w86 6/15 p. 26-28

Pagsulong ng Kaharian sa Lupain ng mga Imperador

KUNG titingin ka sa mapa ng Gitnang Europa, mapapansin mo sa paanan ng kabundukang Alpino ang munting bansa ng Austria, na mayroon lamang 32,375 milya kuwadrado (83,850 km kuwad.) ang laki. Ito ang bansa ni Johann Strauss, ang hari ng balse. Dito ang mga tao ay nagpupunta upang manood ng pagsasayaw ng mga kabayong Lippizaner. At dito, noong minsan, narito ang pinakasentro ng dakilang imperyong Austro-Hungarian, na nakasakop sa Bohemia at Moravia, mga ilang panig ng Italya, Poland, Romania at Yugoslavia.

Nasa alaala na lamang ngayon ang imperyong iyan, subalit umiiral pa iyan noong 1911 nang si Charles Taze Russell, ang unang pangulo ng Watch Tower Society, ay dumalaw sa Vienna at inilathala ng lokal na mga pahayagan ang kaniyang diskurso. Umiiral pa rin iyan makalipas ang tatlong taon nang mayroong isa pa na nagdala roon ng mabuting balita.

Si Max Froechl ay isang Judiyo na nang matagal ay gumamit ng pangalang Maxwell Friend. Ganito ang isinulat niya: ‘Nang si J. F. Rutherford, na magiging ikalawang pangulo ng Watch Tower Society noon, ay dumalaw sa amin, tinanong niya ako kung ibig kong maipadala ako sa Austria-Hungary upang maipalaganap doon ang mabuting balita ng Mesianikong Kaharian para sa maraming mga Judiyo na naninirahan doon. Malugod na tinanggap ko ang imbitasyon at ako’y naparoon sa Prague noong pasimula ng 1914. Pagkatapos ay nagtungo ako sa Vienna. Mayroon lang aapat na suskritor sa The Watchtower sa Vienna. Paulit-ulit na dinalaw ko sila upang pasiglahin ang kanilang interes sa salita ng Diyos.’

Nang malaunan sa taon ding iyon, ang prinsipe eriderong Austriano ay pinaslang, at sa Europa ay sumiklab ang Digmaang Pandaigdig I. Ang Central Powers, kasali na ang Austria-Hungary, ay natalo sa digmaan, at ang malawak na imperyong Austro-Hungarian ay nagkawatak-watak. Buhat sa pagkakawatak-watak na ito, dito bumangon ang maliit na Republika ng Austria na Aleman ang wika.

Subalit, ayon sa hula ng Bibliya, isa pang “bansa” ang isisilang nang panahong iyon, isang espirituwal na bansa na magkakaroon ng mga miyembro sa buong daigdig. (Isaias 66:8) Nang pasimulan ng ‘bansang’ ito ang pagpapalaganap sa lahat ng bansa ng mabuting balita ng ngayo’y natatatag nang Kaharian ng Diyos, ang impluwensiya nito ay nadama sa Austria.

Si Joseph Ehm, isang guro ng musika sa Deutsch-Wagram, malapit sa Vienna, ay nakarinig ng pabalita at nakilala niya na ito’y katotohanang naaayon sa Bibliya. Hindi nagtagal at kaniyang ibinahagi sa iba ang mabuting balita. Nang sumunod na taon, 1921, isa pang taong interesado sa Austria, si Franz Ganster, isang tinedor-de-libro sa Klagenfurt, ang tumanggap ng literatura buhat sa Switzerland. Kasabay nito, isang magbubukid sa Upper Austria, si Simon Riedler, ang tumanggap ng isang pulyeto sa isang kaibigan sa Linz. Sa gayon, nagsimula na ang gawain doon. Ang unang tanggapang-sangay ng Watch Tower Bible and Tract Society sa Vienna ay itinatag noong 1923. Ang binhi ng katotohanan ay napahasik sa mabuting lupa at tumubo. Noong 1937, 549 ang mga manggagawang nangangaral ng mabuting balita.

Ang Ikalawang Pandaigdig na Krisis

Subalit, noong panahong ito ay umandar ang mga puwersa na hahantong sa kapahamakan at minsang pang magtutulak sa Austria upang mapatanyag sa mga pangyayaring pandaigdig. Dahilan sa kaligaligan ng bansa at sa ribalan sa politika nangyari noong 1938 na kumilos ang Austrianong chancellor ng Alemanya, si Adolph Hitler, upang ang kaniyang tinubuang bansa ay maisanib sa bagong Alemang Reich, o imperyo. Ito’y inaprobahan ng isang pambansang plebisito at sinuportahan ng lokal na herarkiyang Katoliko. Subalit agad nagdulot ito ng mga suliranin sa mga Saksi ni Jehova sa Austria.

Dahilan sa kanilang pagkaneutral, maraming Saksing Austriano ang ipiniit sa mga kampong piitan. Die Geschichte des Konzentrationslagers Mauthausen (Ang Kasaysayan ng Mauthausen Concentration Camp), na may preambulo ni Franz Jonas, dating pangulo ng Austrian Federal Republic, ay nagsasabi: “May grupo ng mga tao sa Mauthausen Concentration Camp na pinag-uusig dahilan lamang sa kanilang relihiyon: mga miyembro ng sektang ‘Earnest Bible Students,’ o ‘Mga Saksi ni Jehova’ . . . Ang kanilang pagtangging manumpa ng katapatan kay Hitler at ang pag-ayaw nila na gumawa ng anomang uring paglilingkod militar​—isang makapolitikang resulta ng kanilang paniniwala​—ang dahilan sa pag-uusig sa kanila.”

Pagsulong Kamakailan

Ang “1,000-taon” na Reich o imperyo ni Hitler ay tumagal ng mga ilang taon lamang, at nang bumagsak ito, ang tapat na kawan ng mga lingkod ng Diyos ay muling nakalaya. Ang otsentay-kuwatro-anyos na si Alois Moser, na gumugol ng maraming taon sa mga kampong piitan, ang nagsasabi ng ganito tungkol sa araw ng kaniyang pagkalaya noong 1945: “Naroon ako sa gubat malapit sa Schwerin, Mecklenburg, na kung saan 230 mga Saksi buhat sa sampung bansa ay nagtitipon. Aming ipinahayag ang aming kaluguran at pasasalamat sa isang resolusyon: ‘Lahat kaming mga Saksi ni Jehova ay nagpapadala ng aming taus-pusong pagbati sa tapat na pinakipagtipanang bayan ni Jehova at sa mga kasamahan nito sa buong daigdig . . . Kami’y gumagawa ng mahalagang resolusyon na mayroong kaming iisa lamang hangarin, pagkatapos na maranasan ang walang katapusang katunayan ng kahanga-hangang proteksiyon at pagliligtas buhat sa lahat ng libu-libong mga gulo at kahirapan nang kami’y narito sa kulungan ng leon​—samakatuwid nga upang maglingkod kay Jehova at sa kaniyang Haring si Jesu-Kristo dahil sa taus-pusong pagpapasalamat na taglay ang pusong nagkukusa at nagagalak magpakailanman.”

Isang taon ang nakalipas, 730 mga tagapuri kay Jehova ang nag-ulat ng kanilang aktibidad. Pagkalipas ng dalawang taon ay mayroong 1,551, at ang pagsulong ay patu-patuloy na hanggang ngayon. Ang pangangaral ng libu-libong mga banyagang manggagawa ay nagkaroon din naman ng magagandang resulta. Ang Austria ngayon ay mayroong grupu-grupo ng mga Kristiyano na ang wika’y Hungarian, Ingles, Polish, Romanian, Kastila, Turkish, at Arabiko, pati na rin ang 229 na mga kongregasyon na ang wika’y Aleman at 6 na Serbo-Croatian ang wika. Sa kasalukuyan, ang mga Saksi ni Jehova roon ay mahigit na 15,000, subalit marami pang mga iba ang naaakit ng bisa ng mabuting balita. Kaya, 27,502 ang nagtipon noong 1985 para sa taunang pag-aalaala sa kamatayan ni Jesu-Kristo. Oo, ‘ang munti ay magiging isang libo.’​—Isaias 60:22.

Isang Pagtatanghal ng Pandaigdig na Pagkakaisa

Dahilan sa heograpiya ng Austria ay naging posible na ang mga Saksi buhat sa Gresya, Yugoslavia, Poland, Hungary, at Turkey ay pumarito noong nakalipas na mga taon para sa maligayang pagsasama-sama. Noong 1981 isang nakababagbag-damdaming tanawin ang nagaganap nang, sa “Katapatan sa Kaharian” na Pandistritong Kombensiyon, mga Saksing Austriano ang nagsitindig buhat sa kanilang mga upuan kasama ng kanilang mga kapatid na nanggaling sa Yugoslavia, Poland, at Hungary, upang tapusin ang kombensiyon sa masayang pag-awit ng papuri kay Jehova.

Noong 1982 ang mga Saksi sa Austria ay minsan pang naging mga punong-abala sa pagtanggap sa kanilang mga kapatid na taga-Hungary sa isang kombensiyon sa Vienna. Isang dating manlalarong Viennese ang naglahad sa nagkakatipong mga Saksi na siya’y nagsanay para sa kaniyang paglahok sa timpalak dito sa mismong estadyum na pinagdadausan ng asamblea, at sa huling timpalak na sinalihan niya ay isang koponang Hungarian ang nakatunggali niya. Nang maglaon, isang Saksi na taga-Hungary ang naparoon sa tanggapan ng kombensiyon at ibinida na siya man ay naging isa ring manlalaro. Ang kaniyang huling timpalak na nilahukan ay laban sa isang koponang Austriano. Ngayon ang dalawang Kristiyanong ito ay hindi na nakikipagtunggali sa isa’t-isa. Sila’y magkasamang tumatakbo sa karerang Kristiyano para sa buhay na walang hanggan.​—Hebreo 12:1.

Ang Pagsulong ng Kaharian ay Nagpapatuloy

Mga taong kung saan-saang bansa, at may iba’t-ibang pinanggalingang relihiyon at uri ng pamahalaan, ang nakaunawa na ang isang monarkiya o diktadura o demokrasya ay hindi makapagbibigay ng permanenteng lunas sa mga suliranin ng sangkatauhan. Ang resulta nito’y ang patuloy na pagdami ng mga kumikikila na talagang umiiral na ang Kaharian ng Diyos at buong pusong napaiilalim sila sa Kahariang ito bilang tapat na mga sakop nito. Ang mga Saksi ni Jehova sa Austria ay patuloy na buong sigasig na magdadala ng mabuting balita ng Kaharian sa lahat ng uri ng tao. Samantala, sa lupang ito ng mga imperador, kanilang inuuna ang gobyernong iyan na ang pamamahala ay makakarating “sa dagat at dagat at mula sa Ilog hanggang sa kadulu-duluhan ng lupa.”​—Awit 72:8.

[Mapa sa pahina 26]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

KANLURANG ALEMANYA

CZECHOSLOVAKIA

AUSTRIA

HUNGARY

YUGOSLAVIA

ITALYA

ANG ALPINO

SWITZERLAND

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share