Napabantog na mga Pag-aabuso sa Kapangyarihan Ngayon
SA KAUTUSAN na ibinigay kay Moises, idiniin ng Maylikha na kaniyang minamasama ang pagtanggap ng mga hukom ng suhol. (Exodo 23:8; Deuteronomio 10:17; 16:19) Makikita natin ang karunungan ng ganiyang mga tagubilin sa pamamagitan ng pagtalakay ng mga ilang kaso ng pag-aabuso ng mga opisyales ng kapangyarihan sa makabagong panahon.
Ang isa sa gayong opisyal ay si Hukom Martin T. Manton. Noong 1918 sinisikap niyang hadlangan ang gawain ng mga Bible Students, gaya ng tawag noon sa mga Saksi ni Jehova, upang huwag nilang mapiyansahan si J. F. Rutherford at ang pitong kasama niya. Ang walong Kristiyanong mga ministrong ito ay binibintangan na humahadlang sa pagsisikap sa digmaan kaya’t ipinakulong sa piitang pederal sa Atlanta, Georgia. Ang hukumang dulugan na duminig sa kanilang kaso ay binubuo ng tatlong hukom, kasali na si Manton. Siya’y tumutol, subalit yaong dalawa ay sumang-ayon sa pag-apela, kaya ang di-wastong sentensiya ay binaligtad.
Anong uri ng hukom si Manton? Siya’y tinukoy sa pahayagan na “ang pinakamataas ang ranggong opisyal ng hukuman [sa Estados Unidos] susunod sa siyam ng Mahistrado ng Korte Suprema.” Siya’y isa rin sa pinakalitaw na lego sa Amerika, anupat siya’y ginawa ng papa na “Kabalyero ni San Gregorio.” Si Manton ay bumagsak nang siya’y sentensiyahan na mabilanggo ng dalawang taon at pagmultahin ng $10,000. Isa pa, may mukha pa siya na manguwalta ng mga kasong kaniyang nililitis sa pamamagitan ng pananakot sa mga may kaso na maliban na kanilang bayaran siya ng malaking halaga ay hatol na laban sa kanila ang kaniyang igagawad. Ganito ang sabi ng The New York Times tungkol sa kaniya: “Nangunguwalta ang kabahayan ng korte Pederal.” Anong laking pag-aabuso ng kapangyarihan sa paghatol!
Mga ilang taon ang nakalipas napanbantog ang isa pang kaso, tungkol kay Spiro Agnew, bise-presidente ng Estados Unidos noong 1969-73. Siya’y inihabla sa salang panunuba sa pamahalaan ng libu-libong dolyar, kaya’t siya’y nagbitiw sa tungkulin. Noong 1983, siya’y nagbayad sa estado ng Maryland ng mahigit na $250,000 dahilan sa tinanggap niyang mga suhol.
At nariyan din si Richard Nixon, na siyang pumili kay Agnew na kumandidato bilang bise-presidente. Ang komite ng Senado ng E.U. na nakikialam sa kasong Watergate ang nagrekomenda na si Nixon ay ipagsakdal sa tatlong dahilan: sapagkat kaniyang inabuso ang kaniyang kapangyarihan bilang pangulo; sapagkat kaniyang pinigil ang katarungan; at sapagkat kaniyang sinuway ang mga subpoena. Marahil ay alam mo na siya’y nagbitiw sa tungkulin noong Agosto 9, 1974, bagaman dalawa at kalahating mga taon pa ang natitira sa kaniyang panunungkulan.
Laganap sa buong daigdig ang ganiyang pag-aabuso sa kapangyarihan. Halimbawa, ang magasin sa Canada na Maclean’s ng Hulyo 15, 1985, ay nag-ulat tungkol sa “walang patumanggang mga sex parties sa Parliament Hill . . . at di-autorisadong mga bayarin.” Binanggit nito na sa isang party isang senior na tauhan ng gobyerno ang nagsabi sa isang 30-anyos na babae: “Kung hindi ka maghuhubad, hindi ka magkakatrabaho.”
Halos kasabay nito, isang internasyonal na magasin ng balita ang naglathala ng artikulong “Ang Kabulukan ang Nagpapabagal sa Pagpapanibagong-Tatag ng Tsina.” Ito’y nag-ulat: “Halos tuwing makalawa, ang opisyal na pahayagan ay nag-uulat ng tungkol sa panggagantso ng salapi, at sa iba nito’y kasangkot ang matataas na opisyales.”
Kamakailan, ang New Zealand Herald, sa ilalim ng paulong: “Ang Sumpa ng Katiwalian ang Pangunahing Panganib sa ‘Masuwerteng Bansa,’” ay nag-ulat ng kuru-kuro ng isang ritiradong hukom: “Ang Australia, noong kalagitnaan ng 1980’s, ay mayaman, may tiwala at bulok.” Binanggit ng artikulo ang “isang sistema ng hustisya na noong nakaraang taon ay nakasaksi ng isang hukom buhat sa pinakamataas na hukuman na naipabilanggo at halos araw-araw ay makikitaan ng nakagigitlang ebidensiya ng pangungurakot ng mga pulis.”
Maliwanag na lahat ng gayong nag-aabuso ng kapangyarihan ay hindi sumusunod sa simulain na sinalita ni Kristo: “Walang bagay na natatakpan na hindi mahahayag, at lihim na hindi malalaman.”—Mateo 10:26.