Maligaya ang mga Gumagamit Nang Matuwid sa Kapangyarihan!
“Si Jehova ay mabagal sa pagkagalit at dakila sa kapangyarihan, at sa anomang paraan si Jehova ay hindi mag-uurong ng parusa.”—NAHUM 1:3.
1. Bakit ang pagkakaroon ng isang tao ng isang uri ng kapangyarihan ay hindi dahilan upang ipagmalaki iyon?
MARAMING uri ng kapangyarihan na maaaring gamitin ng intelihenteng mga tao sa tamang paraan. Dahilan sa likas na katangian o likha ng mga kalagayan, tayo ay baka may isang uri ng partikular na kapangyarihan. Ngunit ito ba ay isang dahilan upang ipagmalaki? Hindi nga. Ano ang mababasa natin sa Jeremias 9:23? “Huwag ipagmalaki ng taong pantas ang kaniyang karunungan o ipagmalaki man ng taong malakas ang kaniyang lakas o ipagmalaki man ng taong mayaman ang kaniyang kayamanan.” (New International Version) Bakit huwag? Si apostol Pablo ay nagbibigay ng isang mabuting kasagutan sa 1 Corinto 4:7: “Sino ang gumawa na ikaw ay mapaiba? Oo, ano ang mayroon ka na hindi mo tinanggap? Ngunit, ngayon, kung tinanggap mo bakit mo ipinagmamalaki na para bang hindi mo tinanggap ito?”
2. Bakit kailangang tayo’y mag-ingat kung tungkol sa paggamit ng kapangyarihan?
2 Bakit tayo kailangang maging maingat laban sa maling paggamit ng anomang kapangyarihan na taglay natin? Sapagkat “ang hilig ng puso ng tao ay masama na mula pa sa kaniyang kabataan.” (Genesis 8:21) Yamang tayong lahat ay mayroong minanang hilig na ito sa kaimbutan, sa tuwina’y kailangang maging maingat tayo upang magamit natin sa tamang paraan ang anomang kapangyarihan na taglay natin. Isang makata ang minsa’y nagpahayag ng ganitong kaisipan: “Walang kayamanan kung walang kasunod na pag-iingat. Walang kapangyarihan kung walang nakukubling tusong silo.” Oo, dahilan sa minanang di-kasakdalan, sa tuwina’y nariyan ang hilig na gamitin nang may pag-imbot ang kapangyarihan.
Si Jehova—Makapangyarihan Ngunit Marunong Din at Makatarungan
3. Anong mga uri ng kapangyarihan ang taglay ni Jehova?
3 Walang iba kundi ang Maylikha, si Jehovang Diyos, ang nagbibigay sa atin ng isang mainam, oo, sakdal, na halimbawa sa paggamit ng kapangyarihan. Siya’y hindi padalus-dalos kundi mabagal sa pagkagalit kahit na kung kinakailangan na ipahayag sa masakit na paraan ang kaniyang kapangyarihan. (Nahum 1:3) Walang sinoman na may higit na kapangyarihan kaysa Diyos, kaya naman siya’y tinutukoy natin na ang Isang makapangyarihan-sa-lahat, ang Isang omnipotente. Wastong kumakapit sa kaniya ang titulong “Makapangyarihan-sa-lahat.” (Genesis 17:1) Siya’y hindi lamang may lubos na kapangyarihan sa diwa na walang hangganan ang kaniyang lakas, kundi mayroon din siya ng lubos na kapangyarihan sapagkat taglay niya ang lahat ng autoridad dahil sa kaniyang posisyon bilang ang Soberanong Panginoon ng sansinukob, na kaniyang nilalang. Kaya naman walang sinoman na makapangangahas na ‘pigilin ang kaniyang kamay o sabihin sa kaniya, “Ano ba ang ginagawa mo?”’—Daniel 4:35.
4. Bakit isang karunungan na matakot kay Jehova?
4 Dahilan nga sa bagay na si Jehovang Diyos ay makapangyarihan-sa-lahat, isang karunungan para sa atin na matakot na hindi siya mapalugdan. Oo, “ang pagkatakot kay Jehova ang pasimula ng karunungan, at ang kaalaman sa Isang Kabanal-banalan ay kaunawaan.” (Kawikaan 9:10) Tayo’y pinaaalalahanan ni Pablo na huwag pukawin ang Diyos na Jehova sa panibugho sa pamamagitan ng paggawa ng anomang anyo ng idolatriya sapagkat “tayo’y hindi mas malakas kaysa kaniya, di ba?” Talagang hindi! (1 Corinto 10:22) Subalit, lahat ng kusang lumalabag sa matuwid na mga utos ng Diyos ay kumikilos na para bang sila’y lalong malakas kaysa kay Jehova! Ang karagdagan pang mga pananalita ni Pablo ang nagdidiin ng puntong ito: “Ang ating Diyos ay isa ring apoy na mamumugnaw.”—Hebreo 12:29.
5. Bakit tayo hindi kailangang magkaroon ng kakilakilabut na pagkatakot kay Jehova dahilan sa kaniyang sukdulang kapangyarihan?
5 Dahilan sa mga katotohanang ito ay baka tayo mapuspos ng kakilakilabot na pagkatakot o panginginig kung hindi nga ang kaniyang sukdulang kapangyarihan ay tinitimbangan ng Diyos na Jehova sa sakdal na paraan ng kaniyang tatlong iba pang mga pangunahing katangian: karunungan, katarungan, at pag-ibig. Ang kaniyang paggamit ng kapangyarihan sa isang mapait na paraan ay laging kasuwato, o katugma, ng mga katangiang ito. Halimbawa, ang Baha noong kaarawan ni Noe ay tunay na isang dakilang pagpapakilala ng kapangyarihan ni Jehova. Subalit ang ganiyan bang paggamit ng Diyos ng kapangyarihan ay salat sa katarungan o pag-ibig? Hinding-hindi! Likung-liko ang sangkatauhan noon kung kaya’t ang Diyos ay nakadama ng malaking panghihinayang dahilan sa kaniyang nakita. (Genesis 6:5-11) Palibhasa’y ang mga pagpapala ng Diyos ay ginagamit ng mga tao noon sa maling paraan, siya’y kumilos nang nararapat at sila’y nilipol niya sa lupa, lalo na dahil sa hindi nila pinansin ang babala ng “mangangaral ng katuwiran,” si Noe.—2 Pedro 2:5.
6. Ano ang ipinakikita ng pakikitungo ni Jehova sa Sodoma at Gomora?
6 Nang ang mga tao sa Sodoma at Gomora ay magpakita na sila’y totoong napakasasamang mga makasalanan, dahilan sa kanilang pag-aabuso sa mga pagpapala na, bilang sila’y bahagi ng sangkatauhan, kanilang tinatamasa sa kamay ni Jehova, kaniyang iniutos na ang mga tao sa dakong iyon ay lipulin. Sa pagpapakundangan sa kaniyang kaibigan na si Abraham, sinabi ni Jehova sa taong iyan na may pananampalataya ang Kaniyang layunin tungkol sa Sodoma at Gomora. Wari ngang may palagay noon si Abraham na ito’y magiging isang malubhang maling paggamit sa kapangyarihan, kaya’t itinanong niya kay Jehova: “Hindi ba matuwid ang gagawin ng Hukom ng buong lupa?” Subalit, si Abraham ay may maling pagkaunawa. Sa wakas, tinanggap niya na ang utos ni Jehova ay tunay ngang matuwid, sapagkat walang masumpungan doon sa dalawang siyudad na iyon na kahit na sampung mga matuwid na kaluluwa. Tunay na ito’y nagpapakita kung gaanong kaingat ang Diyos na Jehova sa paggamit ng kaniyang matuwid na kapangyarihan.—Genesis 18:17-33; Isaias 41:8.
7. Bakit karapatdapat tanggapin ni Paraon ang parusa na likha ng pagpapakita ng kapangyarihan ni Jehova?
7 Nang malaunan, nang sumapit ang panahon upang iligtas ang mga Israelita buhat sa mapang-aping pagkaalipin sa Egipto, binigyan ni Jehova si Paraon ng pagkakataon na makipagtulungan. Ito’y hindi makapipinsala kay Paraon at sa kaniyang bayan. Subalit ang haring iyan ay may kahambugan at katigasan ng ulong tumanggi na sundin ang hinihiling ni Jehova. Kaya’t ipinakilala ng Diyos kay Paraon ang kaniyang kapangyarihan sa pamamagitan ng sunud-sunod na Sampung Salot sa Egipto. (Exodo 9:16) Pagkatapos na payagan ni Paraon na humayo na ang mga Israelita, may katigasan ng ulo na nagpatuloy siya ng paghamon kay Jehova sa pamamagitan ng paghabol sa mga Israelita. Sa gayon, makatuwiran na ginamit ni Jehova ang kaniyang kapangyarihan upang lipulin si Paraon at ang kaniyang hukbo sa Dagat na Pula. (Awit 136:15) Sa bawat kasong ito, pansinin, ginamit din ni Jehova ang kaniyang dakilang kapangyarihan upang iligtas ang kaniyang tapat na mga lingkod: si Noe at ang kaniyang pamilya, si Lot at ang kaniyang dalawang anak na babae, at ang bansa ng Israel.—Genesis 19:16.
8. Sa anong mabuting dahilan nakitungo si Jehova kay Senakerib ayon sa paraan na sinunod niya?
8 Makalipas ang daan-daang taon, noong panahon ni Haring Hezekias, ipinakilala ng Diyos na Jehova ang kaniyang dakilang kapangyarihan sa isang pambihira at matuwid na paraan nang ang haring Asiryo na si Senakerib ay magbanta sa Jerusalem. Ang bayan ni Jehova, na ang nangungulo’y ang may takot sa Diyos at tapat na si Haring Hezekias, ay dumulog sa Kaniya para humingi ng tulong. Sila’y naglilingkod sa kaniya nang may katapatan, kaya’t ang Diyos ay kumilos alang-alang sa kanila. Ang kinatawan ni Haring Senakerib, sa kabilang dako, ay nangalandakan: ‘Huwag kang makinig kay Hezekias, huwag kang padala sa kaniyang panghihikayat sa pamamagitan ng pangangako na ikaw ay ililigtas ni Jehova. Ang sinoman baga sa mga diyos ng mga ibang bansa ay nakapagligtas sa kanilang mga mamamayan buhat sa kamay ni Senakerib? Yamang wala sa mga diyos na ito ang nakagawa nang gayon, bakit mo iniisip na ikaw ay maililigtas ni Jehova?’ (Isaias 36:13-20) Dahilan sa gayong pangangalandakan, kinailangan ng Diyos na ipakita ang kaniyang dakilang kapangyarihan, at pinaslang ang 185,000 mga kawal sa loob ng isang gabi, at pinatunayan na may pagkakaiba ang mga diyos ng mga bansa at si Jehova.
9. Ano pa ang mga ibang halimbawang maaaring banggitin na nagpapakita na si Jehova ay maingat tungkol sa paggamit niya ng kapangyarihan?
9 Isaalang-alang ang ilan pa sa maraming mga halimbawa na maibibigay. Nang si Miriam ay pagkasakitin ni Jehova ng ketong, iyon ay lubos na makatarungan at pantas na kapahayagan ng kaniyang kapangyarihan. Karapatdapat si Miriam sa gayong parusa dahilan sa pangangahas na magsalita laban sa kaniyang kapatid na si Moises, na hinirang ng Diyos. (Bilang 12:1-15) Ganoon din nang si Haring Uzias ay walang lingong-likod na pumasok sa banal na templo sa santuaryo nito at nangahas na maghandog ng insenso sa gintong dambana, at tumangging pasaway sa mga saserdoteng Levita. Ipinakita ni Jehova ang kaniyang kapangyarihan nang ang hari ay pagkasakitin niya ng ketong. (2 Cronica 26:16-21) Kung paano ang kanilang mga kasalanan ay iba-iba ang tindi, gayundin ang parusa ni Jehova sa kanila: Ang ketong ni Miriam ay pansamantala lamang, ngunit si Uzias ay namatay na isang ketongin. Makikita natin kung gayon na sa lahat ng iyon si Jehova ay maingat sa paggamit ng kaniyang kapangyarihan sa matalino at makatuwirang paraan, at kaniyang naililigtas ang mga tapat na umiibig sa kaniya at nalilipol naman ang mga balakyot.—Awit 145:20.
Ang Halimbawa ni Jesu-Kristo
10, 11. Anong mga pagkakataon ang nagpapakita na si Jesus ay may pagkabahala tungkol sa matuwid na paggamit ng kapangyarihan?
10 Ang Anak ng Diyos ay tunay na isang mainam na halimbawa ng isang tagatulad sa kaniyang Ama sa paggamit ng kapangyarihan. Isa sa pinakamaagang pangyayari nito ay noong panahon na si Satanas ay makipagtalo sa kaniya sa katawan ni Moises. Disin sana si Satanas ay may kahigpitan na sinaway ng Logos. Sa halip, ang Logos ay nagparaya, wika nga, upang hayaan na si Jehovang Diyos mismo ang sumaway.—Judas 8, 9.
11 Ang unang-unang tukso na iniharap ni Satanas kay Jesus sa ilang ay may kinalaman sa bagay na ito na pagmamalabis sa kapangyarihan. Tinukso ni Satanas si Jesus upang gamitin ang kaniyang malawak na kapangyarihan sa isang mapag-imbot na layunin, ang gawing pagkain ang mga bato. Ito ay isang malaking tukso sapagkat si Jesus ay mayroon nang 40 araw na hindi kumakain, at “siya’y nakaramdam ng gutom.” Ang tuksong ito ay iniharap ni Satanas sa tusong paraan para siluin si Jesus upang gumawa ng isang mapag-imbot na hakbang, sapagkat siya’y nagsimula ng pagsasabi, “KUNG ikaw ay anak ng Diyos, sabihin mo sa mga batong ito na maging tinapay.” Walang alinlangan na inaasahan niya na tutugon si Jesus, ‘Aba oo, ako’y isang anak ng Diyos, at upang mapatunayan ko ito ang mga batong ito ay gagawin kong tinapay.’ Sa halip na matukso o masilo si Jesus sa pagkilos nang may kaimbutan o kamangmangan, siya’y tumugon: “Nasusulat, ‘Ang tao ay mabubuhay hindi sa tinapay lamang, kundi sa bawat pananalita na nanggagaling sa bibig ni Jehova.’” (Mateo 4:1-4) Hindi niya pinansin ang pagpapahiwatig ng pag-aalinlangan na siya’y isang anak ng Diyos, at siya’y tumanggi na gamitin sa maling paraan ang kapangyarihan na ipinagkaloob sa kaniya ng Diyos.
12. Paano pa ipinakita ni Jesus na siya’y hindi masakim sa kapangyarihan?
12 Nang magtagal, pagkatapos na pakainin ni Jesu-Kristo ang 5,000 mga lalaki bukod sa marami pang mga babae at mga bata, ibig ng mga Judio na gawin siyang hari. Kung tinanggap niya ang kanilang alok, iyon ay isang maling paggamit sa kapangyarihan na taglay niya upang maimpluwensiyahan ang mga tao sa pamamagitan ng kaniyang mga himala. Batid niya na kailangan siyang maging neutral kung tungkol sa makasanlibutang politika at hintayin na si Jehovang Diyos ang magbigay sa kaniya ng paghahari. (Juan 6:1-15) At pagtatagal pa rin, nang ang mga mang-uumog ay pumaroon sa kaniya upang dakpin siya, maaari sanang humingi siya ng 12 pulutong ng mga anghel at sa gayo’y nahadlangan ang gayong pagdakip. Datapuwat, iyon ay magiging isang maling paggamit ng kapangyarihan, sapagkat ang kalooban ng kaniyang Ama ay siya’y padakip.—Mateo 26:39, 53.
Mga Iba Pa na Hindi Nagmalabis sa Kapangyarihan
13, 14. (a) Anong mainam na halimbawa ang ipinakita ni Gideon, na nagpapatunay na siya’y hindi sakim at hindi siya nag-abuso sa kaniyang kapangyarihan? (b) Paano nagpakita si Saul ng mabuting halimbawa nang siya’y unang maging hari?
13 Kabilang sa di-sakdal na mga tao na hindi napadala sa tukso na magmalabis sa kapangyarihan, si Hukom Gideon ay isa na na mababanggit. Pagkatapos na iligtas niya ang Israel sa kamay ni Midian, gusto ng mga tao na gawin siyang hari. Si Gideon ay tumanggi, at ang may katuwirang sabi: “Ako ay hindi maghahari sa inyo, ni ang anak ko man ay maghahari sa inyo. Si Jehova ang siyang maghahari sa inyo.” Oo, ang kahinhinan na ipinakita niya sa mismong pasimula pa lamang ng kaniyang pagkahukom ay naroroon pa rin. At sa tugon ni Gideon ay mababanaag ang damdamin ng Diyos na Jehova tungkol sa pagkakaroon ng Israel ng isang taong hari. Ating makikilala iyan sa pagtugon ng Diyos sa paghahangad ng Israel na magkaroon ng hari noong panahon ni propeta Samuel.—Hukom 8:23; 6:12-16; 1 Samuel 8:7.
14 Nang isang hari ang piliin, sa simula si Saul ay nagpakita ng isang mabuting halimbawa ng pagpipigil sa paggamit ng kapangyarihan. May mga taong walang kabuluhan na nagsabi: “‘Paano ngang ililigtas tayo ng isang ito?’ Kaya naman kanilang hinamak-hamak siya . . . Subalit siya’y nagpatuloy na gaya ng isang hindi makapangusap.” Maaari sana siyang kumilos nang padalus-dalos, sa taglay niyang kapangyarihan bilang hari, subalit hindi niya ginawa iyon. Gayundin naman, pagkatapos na si Saul ay magtagumpay sa mga Amonita, inakala ng iba sa kaniyang mga tauhan na ito’y magandang pagkakataon na gantihan ang mga humamak kay Saul. Kaya’t kanilang sinabi sa kaniya: “Sino baga ang magsasabi, ‘Saul—siya ba ang maghahari sa atin?’ Dalhin ninyo rito ang mga lalaking iyon, upang aming mapatay sila.” Datapuwat, hindi ganoon ang kaisipan ni Saul. Siya’y tumugon: “Walang sinomang tao ang papatayin sa araw na ito, sapagkat sa araw na ito si Jehova ay nagsagawa ng pagliligtas sa Israel.” Makikita natin na si Saul sa pasimula ay mabuti at may kahinhinan. (1 Samuel 9:21; 10:20-23, 27; 11:12, 13) Anong lungkot nga na nagsimula naman siyang magmalabis sa kaniyang kapangyarihan bilang hari at sa gayo’y dumanas ng malungkot na wakas.—1 Samuel 28:6; 31:3-6.
15, 16. (a) Si Hukom Samuel ay nakapagbigay ng anong patotoo tungkol sa paggamit niya ng kapangyarihang maghukom? (b) Anong nakakatulad na halimbawa ang ipinakita ni Haring David?
15 Si Samuel, ang propeta na naghukom din sa Israel, ay nagpakita ng isang magandang halimbawa. Siya’y ginamit na ng Diyos sapol sa kaniyang pinakamaagang kabataan. Si Samuel ay naging matuwid na hukom sa kaniyang bayan at may bahagi sa pagliligtas sa kanila. Siya ba kailanman ay nagsamantala sa kaniyang tungkulin para magtamo ng mapag-imbot na pakinabang? Tunay na hindi! Sinabi niya sa kaniyang pahimakas na pahayag sa bayan: “Narito, aking dininig ang inyong tinig sa lahat ng inyong sinabi sa akin na maghalal ako ng isang hari sa inyo . . . Narito ako. Sumasaksi kayo laban sa akin sa harap ni Jehova at sa harap ng kaniyang pinahiran: Kaninong baka ang kinuha ko o kaninong asno ang kinuha ko o sino ang aking dinaya o sino ang aking pinighati o kaninong kamay ako kumuha ng suhol upang bulagin ang mga mata niyaon?” Inamin ng kaniyang mga mamamayan na sa lahat ng mga bagay na ito ay walang maipipintas kay Samuel. Hindi siya nagmalabis sa kaniyang kapangyarihan bilang hukom.—1 Samuel 12:1-5.
16 Huwag din nating kaliligtaan ang magandang halimbawa na ipinakita ni David. Makalawang si Haring Saul ay napasailalim ng kaniyang kapangyarihan at maaari sana niyang napatay ito. Maaari sanang si David ay nangatuwiran: ‘Si Saul ay nagsisikap na ako’y patayin, kaya’t alin sa aming dalawa.’ O maaari din naman siyang nangatuwiran nang may pag-iimbot: ‘Yamang ako’y pinahiran ni Samuel na maging panghinaharap na hari ng Israel, ako ang magiging hari balang araw. Bakit hindi pa ngayon?’ Hindi, si David ay matiyagang naghintay hanggang sa sumapit ang panahon ni Jehova na ibigay sa kaniya ang kaharian. (1 Samuel 24:1-22; 26:1-25) Datapuwat, nakalulungkot sabihin, pagkatapos na maging hari si David, sa dalawang okasyon ay nagmalabis siya sa kaniyang kapangyarihan: pinapangyari niya ang kamatayan ni Uria, at kaniyang binilang ang mga nasa hukbo ng Israel.—2 Samuel 11:15; 24:2-4, 12-14.
17. Paano ipinakita ni Pablo na kailanman hindi siya naging sakim o nagmalabis ng paggamit sa kaniyang kapangyarihan?
17 Sa mga tagasunod ni Jesu-Kristo, si apostol Pablo ay isa sa nagpakita ng magandang halimbawa sa bagay na ito. Maaari sana siyang humingi ng suporta sa mga kongregasyon na kaniyang pinaglilingkuran. Ngunit hindi niya sinamantala ito. Sinabi niya sa hinirang na matatanda sa Efeso: “Ako’y hindi nag-imbot sa pilak o ginto o damit ng sinomang tao. Kayo na rin ang nakakaalam na ang mga kamay na ito ang gumawa upang matugunan ang mga pangangailangan ko at ng mga kasama ko.” (Gawa 20:33, 34) Sa kaniyang pagsulat sa kongregasyon sa Corinto, ang apostol ay nagpahayag ng matinding damdamin sa puntong ito. (1 Corinto 9:1-18) Mayroon siyang autoridad na tumanggi na maghanapbuhay pa, sapagkat sino ba ang naglilingkod bilang isang kawal at ito’y sa kaniyang sariling gastos? Hindi baga sinabi ni Moises na huwag lalagyan ng busal ang baka pagka gumigiik? “Ngunit,” sinabi ni Pablo, “hindi ko ginamit ang isa man sa mga paglalaang ito.” Ano ang kaniyang gantimpala? “Na pagka ipinangangaral ko ang mabuting balita ay maibigay ko ang mabuting balita nang walang bayad, upang huwag kong maabuso ang aking autoridad sa mabuting balita.”
18. (a) Ano ang dapat nating madama tungkol sa mahusay na paggamit ni Jehova ng kapangyarihan? (b) Bakit yaong mga tumutulad sa kaniya sa mga bagay na ito ay masasabi na maligaya?
18 Tunay ngang masasabi, ‘Maligaya ang lahat na hindi nag-aabuso ng kanilang kapangyarihan.’ Anong pagkagaling-galing na pangalan ang taglay ng Diyos na Jehova dahilan sa pagpapakita ng gayong mainam na halimbawa, anupat ang kaniyang sukdulang kapangyarihan ay laging tinitimbangan ng kaniyang iba pang mga katangian ng karunungan, katarungan, at pag-ibig! Kung gayon, tayo’y maaaring makiisa sa salmistang si David ng pagsasabi: “Purihin mo si Jehova, Oh kaluluwa ko, at lahat ng mga nasa loob ko ay magsisipuri, sa kaniyang banal na pangalan.” (Awit 103:1) Lahat ng sumunod sa halimbawa ni Jehova sa wastong paggamit ng kapangyarihan ay tunay na maliligaya. Ang mga halimbawang ating isinaalang-alang buhat sa Kasulatan ay nagpapatunay na bagamat tayo’y mga taong di-sakdal, ating magagamit sa matuwid na paraan ang taglay nating kapangyarihan. Sa paggawa ng gayon, tataglayin natin hindi lamang ang isang malinis na budhi kundi rin naman ang pagsang-ayon ng Diyos at ang paggalang ng ating mga kapuwa tao.
Natatandaan Mo Ba?
◻ Bakit kailangan ang payo tungkol sa maling paggamit ng kapangyarihan?
◻ Anong mga halimbawa ang nagpapakita na ang kaniyang kapangyarihan ay ginagamit ng Diyos na Jehova sa matuwid na paraan?
◻ Bakit masasabi na si Jesus ay maingat sa hindi pag-abuso ng kaniyang kapangyarihan?
◻ Anong mga karakter sa Kasulatang Hebreo ang nagpapakita na sila’y hindi nag-abuso ng kapangyarihan?
◻ Paano ipinakita ni apostol Pablo na siya’y uliran sa paggamit ng kapangyarihan?
[Larawan sa pahina 9]
Ang mga pangunahing katangian ni Jehova ay timbang na timbang
Pag-ibig Kapangyarihan Katarungan Karunungan
[Mga larawan sa pahina 10]
Makatuwirang ipinakita ng Diyos ang kaniyang kapangyarihan:
sa pamamagitan ng Baha
sa Sodoma at Gomora
sa Dagat na Pula