Pangangalaga sa Nangalat na “Tupa” sa Caprivi
ANG kulay-kremang Land-Rover ay puno ng mga suplay, mga gamit, at literatura sa Bibliya. Ito’y pahilaga galing sa Windhoek, kabesera ng Timog-Kanlurang Aprika (Namibia). Kailan? Mayo ng 1981. Habang sila’y naglalakbay sa patag at tuyot na kalalawiganan, ang apat na pasahero ay nagbubulay-bulay sa kanilang pambihirang patutunguhang iyon.
Ang tsuper ng sasakyan, si Chris du Plessis, at ang kaniyang kapareha ay mga Saksi ni Jehova at mga regular payunir, mga buong-panahong mangangaral ng balita ng Kaharian. Sila’y gumugol kung ilang kasiya-siyang mga linggo sa Katatura, ang pinakamalaking bayan ng mga itim malapit sa Windhoek. Ang dalawang ito ay nagkaroon ng kasiyahan sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos sa bahay-bahay doon sa pamayanan ng mga itim na palakaibigan at tumatanggap sa mensahe.
Ang dalawang binatang ito ay pinakisuyuan na ihatid ang tagapangasiwa ng sirkitong si Schalk Coetzee at ang kaniyang maybahay sa hiwa-hiwalay na mga grupo ng mga Saksi doon sa gawing norte, na kung saan ang mga ilang daan ay hindi nadadaanan ng karaniwang mga sasakyan. Magkakaroon din sana noon ng problema tungkol sa matutuluyan. Ngunit dahil sa dala nilang Land-Rover sila’y maaaring magkampamento saanman—ang mag-asawang Coetzees ay matutulog sa “intresuwelo” ng sasakyan at ang dalawang binata ay sa “itaas na palapag” sa isang tolda sa bubong!
Pagkatapos makapagbiyahe ng mga 370 kilometroa sila’y nakarating sa “death triangle”—ganiyan ang pangalan sapagkat maraming mga tao ang nangasawi rito dahilan sa matitinding pananalakay ng mga gerilya na galing sa Angola. Doon pa sa gawing norte ay may nakita silang mga ilang napabarandal na mga sirang kotse ngunit hindi naman sila nagambala.
Ang unang dinalaw nila ay ang Ondangwa, isang kampo militar na hindi kalayuan sa Angola. Mga espesyal payunir ang nangangalaga sa maliit na kongregasyon doon. Si Christo Els at ang kaniyang maybahay na si Elizabeth ay natuto ng lokal na wika roon, ang Ndonga—isang tunay na hamon. Ngunit ang mga tao ay nakikinig na mabuti at may malaking paggalang sa Bibliya. Kung minsan si Christo ay siyang nag-aararo sa pamamagitan ng mga asno o kaya ang kaniyang maybahay ay nag-aasarol ng bukid upang ang mga maybahay ay malibre at makapakinig sa mensahe ng Kaharian!
Yamang ang lugar na iyon ay isang zona ng digmaan, ang mga naglalakbay sa mga daang graba ay nanganganib na makatuntong sa mga mina. Kaya si Christo at Elizabeth ay malimit na doon dumaraan sa mga daang buhangin, at ang mga taong kanilang nasasalubong ay takang-taka sapagkat sila’y walang dalang mga armas.
Isang tunay na kagalakan na madalaw nila ang mga taong Ovahimba na namumuhay nang primitibo sa mga ilang na lugar. Ang mga taong ito’y nakapanamit ng balat, ang kanilang mga katawan ay nakukulapulan ng ocher. Ginagamit ng mga payunir ang isang publikasyon na nagkaroon sila ng bahagi sa pagsasalin. Anong laking kagalakan na makitang ang mga taong ito ay nagpapahalaga sa balita ng Kaharian!
Isang maghapunang asamblea ang ginanap noong sanlinggong dalaw ni Brother Coetzee at ng kaniyang mga kasama. Yamang sa lugar na iyon ay kakaunti ang naninirahan, maliit lamang ang bilang ng nagsidalo. Subalit lahat ng nasa ilang na dakong ito ay nasiyahan sa palatuntunan at sa magandang pagsasamahan.
Ang Caprivi Strip
Pagkatapos ng sandaling paghinto sa Rundu upang kumuha ng mga permiso, ang grupo ay pumasok na sa Caprivi Strip. Gaya ng ipinakikita ng mapa, ito ay isang makitid na koridor ng teritoryo na nagsisimula sa hilagang-kanlurang Namibia at patu-patuloy hanggang sa pinaka-pusod ng timugang Aprika. Ito’y may habang 480 kilometro at 80 kilometro sa pinakamaluwang na lapad nito at ang hangganan ay Angola, Zambia, at Botswana. Bagamat ito rin naman ay isang lugar na kontrolado ng militar, ito’y lalong matahimik kaysa teritoryo sa gawing kanluran.
Ang populasyon ng Caprivi ay humigit-kumulang 40,000, na binubuo ang karamihan ng mga itim, bagamat mga Bushmen ang malimit na gagala-gala sa bahaging kanluran. Maraming tagaroon ang nagsasalita ng Ingles at marunong bumasa at sumulat. Samantalang pasilangan ang grupong iyon, malimit na sila’y humihinto upang makipag-usap sa mga tao, at sila’y natutuwa rin na magmasid sa magandang tanawin—mga punongkahoy, at mga hayop-gubat, kasali na riyan ang mga elepante at antelopo. Samantalang papalapit sa Katima Mulilo, ang kaisa-isang “bayan,” lalong madalas na makikita ang grupu-grupong mga inatipang bubong ng maliliit na bahay. Ang mga payunir ay totoong nabighani sa lugar kung kaya’t nang itanong ni Schalk Coetzee kung sila’y handang maglingkod sa ilang na dakong ito kanilang tinanggap nang may kagalakan ang pribilehiyong iyon.
Sila’y dumuon sandali sa Katima Mulilo, pagkatapos ang apat na ito ay nagbibiyahe na naman upang dalawin ang nakabukod na grupo sa Kasane sa hilagang Botswana. Ang dinaanan nila’y ang Chobe Game Reserve, manaka-naka’y may nakakasabay silang malalaking kawan ng mga buffalo at elepante. Pagka sila’y nagkampo na kung gabi, sila’y nakakarinig ng umaatungal na mga leon sa karatig-pook.
Sa Kasane, kasama ang tagasaling mga lokal na payunir, sila’y nangaral sa mga parang bahay-kubo, estilong Aprikano. Ang paglapit ay dahan-dahan at may dignidad. Ang panauhin ay tatayo sa labas ng maliit na bahay na ito at magsasalita nang malakas upang makatawag-pansin. Ang sinoman doon ay tutugon at siya’y aanyayahang pumasok at umupo. Karaniwan nang ang buong pamilya ay tinatawagan na makinig. Pagkatapos ay mayroong matagal na pangungumustahan at pagtatanong tungkol sa kalagayan ng kalusugan at sa kung tagasaan ang isa. Pagkatapos lamang nito makapagsisimula ang isang Saksi ng pagpapaliwanag tungkol sa Bibliya.
Ang lokal na mga Saksi ay tuwang-tuwa at napasasalamat dahil sa gayong pagdalaw sa kanila. Ang mga pulong ay doon idinadaos sa isang maliit na kubong-putik. Kaya sila’y hinimok ni Schalk Coetzee na magtayo ng kanilang sariling Kingdom Hall.
Sila’y nagbalik sa Katima Mulilo, at ang mga manglalakbay ay pawang naligayahan sa sanlinggong pagdalaw sa lokal na mga Saksi. Sa gabi sila’y nagkampo malapit sa Ilog Zambezi at nagpasalamat sila dahil sa katahimikan doon, na ginagambala sanda-sandali ng tunog ng malalayong tambol—ang “pintig-puso” ng Aprika. Kanilang nasumpungan na ang lokal na grupo ay masisigasig ngunit nangangailangan ng malaking tulong tungkol sa kung paano magdaraos ng mga pulong, kung paano magpapatotoo sa kubo at kubo, kung ano dapat gawin upang maging legal ang pagsasama ng mga mag-aasawa, at iba pa.
Talagang nasiyahan ang mga panauhin sa pangangaral! Ang sabi ng isa: “Nang mabalitaan ng mga tao na kami’y may mga aklat sa Bibliya sa Silozi, na kanilang wika, sila’y dumagsa sa amin, at humiling hindi lamang ng mga aklat kundi rin naman ng mga taong magtuturo sa kanila. Ito’y di kapani-paniwala!”
Mabigat ang loob na nilisan ng grupong iyon ang kanilang mga bagong kaibigan sa Katima Mulilo at nagsimulang ng biyaheng pabalik. Isang linggong nakisama sila sa lokal na kongregasyon sa Rundu sa hilagang Namibia. Karamihan ng mga kapatid doon ay mga takas galing sa Angola at ang salita ay Portuges. Isa na namang problema sa wika! Pagkaraan ng isang paglalakbay na mga 4,000 kilometro, sila’y sumapit sa Windhoek, hapo ngunit masaya at napasasalamat kay Jehova dahil sa maraming pribilehiyo na tinamasa nila.
Nakabalik sa Katima Mulilo
Ang dalawang payunir ay bumalik sa Katima Mulilo, ngayon ay upang manatili roon at tulungan ang “mga tupa” ni Jehova. Kailangan nila noon ang bahay na matutuluyan at trabahong sandalian. Sa unang paghanap nila ay nakatagpo na sila ng trabaho. Sila’y nakakuha rin ng pahintulot na gamitin ang isang caravan, isang behikulong de-motor, na pag-aari ng Watch Tower Society. At sila’y napasalamat kay Jehova sa ganoong pagbibigay ng kanilang pangangailangan.
Hindi nagtagal, ang mga payunir ay tumutulong na sa lokal na mga Saksi sa iba’t-ibang paraan. Kasali rito ang pagtatayo ng isang Kingdom Hall. Sila’y pumutol ng mahahabang damo para ibubong, kumuha ng isang tanging uri ng putik na masusumpungan sa mga punso at napakatigas kung tumigas, at sila’y natuto kung paano aatipan ang bubong—estilong Aprikano. Nang maeskoba na ang dinding, ang hall ay nagtingin na masinop at kaakit-akit. Hindi nila kayang bumili ng mga silya, kaya ang mga upuan ay mga bangko o mga troso. Ganoon lamang ang kaya nila, pero iyon naman ay sariling Kingdom Hall nila!
Ang mga pulong ay hindi tama ang pagkakondukta. Kaya’t inihanda ng mga payunir ang limang mga pulong sa sanlinggo na ginaganap ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig. Ito’y nangangailangan ng maraming trabaho, ngunit para sa kanila at sa lokal na mga Saksi ay pampatibay ito sa espirituwalidad. Ang mga payunir ay kinakailangan din na matuto ng Silozi, ang lokal na wika.
Hindi nagtagal, isang kongregasyon ang nabuo. Nang magtagal, apat sa lokal na mga kapatid na lalaki ang nakapagpapahayag na sa madla at nakapangangasiwa sa lahat na mga pulong at isa ang inatasan bilang ministeryal na lingkod. Samantala, ang mga payunir ay totoong naliligayahan sa pangangaral sa kubo at kubo. Napakarami ang ibig na mag-aral ng Bibliya na anupat hindi nila magampanan ang lahat ng kahilingan. Ayaw mo bang maglingkod sa ganiyang teritoryo? Maaari ka bang maglingkod?
Muling Pagdalaw sa Kasane
Hiniling ng tagapangasiwa ng sirkito na ang mga payunir ay dumalaw manaka-naka sa grupong nasa Kasane sa Botswana. Minsan, sila’y napaharap sa malubhang suliranin. Mga sundalo sa Botswana ang nagpahinto sa kanila malapit sa hangganan.
“Kayo’y mga espiya!” ang sabi ng lider.
“Hindi po, kami’y mga ministro, mga Saksi ni Jehova, na nagtuturo ng Bibliya sa mga tao.”
“Hindi ako naniniwalang kayo’y mga Kristiyano. Kayo’y mga sundalo ng Timog Aprika.”
Isang mahirap na kalagayan iyon. Ngunit nang makita ng mga sundalo ang suplay ng mga literatura sa Bibliya at wala namang mga dalang baril, kanilang pinayagan ang mga kapatid na magpatuloy sa kanilang lakad.
Dahil sa maigting na kalagayan ng militar sa lugar na iyon kaya napakahirap din na makipagtalastasan sa Zambia. Ang Ilog Zambezi lamang ang naghihiwalay ng Katima Mulilo sa Zambia, na kung saan ang mga Saksi ni Jehova ay marami at maraming suplay ng literaturang Silozi. Subalit dahil sa maraming bantay na mga sundalo, ang lokal na mga tagaroon ay hindi nangangahas na tumawid sa ilog sa kanilang mokolos, o mga dugout caones. Minsan o makalawang nagkaroon ng barilan sa ilog na iyon.
Pangangalaga sa Nangalat na mga “Tupa”
Datapuwat, lahat na ito ay hindi nakahadlang sa mga payunir sa pangangalaga sa “mga tupa” sa Caprivi Strip, kasali na ang ilang nakapangalat. Halimbawa, kanilang nabalitaan na si Andrew, isang lalaking may-edad na sa isang nayon na mga 70 kilometro ang layo sa Katima, ay lubhang interesado sa Bibliya. Nang kanilang matagpuan siya, nagkataong binabasa niya ang aklat na Ang Katotohanan na Umaakay Patungo sa Buhay na Walang Hanggan at ganiyan na lang ang kaniyang kagalakan sa pagtatagpong iyon! Sa loob ng maraming taon ay nag-aaral siyang mag-isa, at ganiyan na lang ang inilakas ng kaniyang loob dahil sa pagtulong sa kaniya ng mga payunir.
Si Frank Mwemba ay nasa isang ilang na ilang na dako rin. Siya’y doon naninirahan sa isang nayon na mga 100 kilometro ang layo sa Katima. Ang kaniyang tahanan ay mararating lamang sa pamamagitan ng behikulong four-wheel-drive, at sa ganoo’t-ganitong panahon lamang sa isang taon, yamang ang kalakhang bahagi ng Caprivi ay latian at sa pana-panahon ay binabahaan. Si Frank ay doon sa Zambia nakatanggap ng katotohanan, doon din siya nabautismuhan, at saka nagbalik sa kaniyang sariling nayon sa Caprivi. Maraming mga taon na siya’y nag-iisang Saksi. Siya ba’y nanatiling nangangaral sa ilang sa dakong iyon? Kaniya bang pinagtagumpayan ang lokal na mga gawaing pangkukulam at poligamiya? Siya ba’y kasal nang legal? Oo! Sinusuportahan ni Frank ang kaniyang asawang babae—iisa lamang at—mga anak sa pamamagitan ng pangingisda at pagsasaka, at siya ay gumugugol ng mga araw sa pagdalaw sa kalat-kalat na mga nayon sa kaniyang mokolo o siya’y naglalakad upang maipangaral ang mabuting balita. Siya’y may regular na pakikipag-aral sa kaniyang pamilya, iniiwasan niya ang mga doktor-kulam, at ipinagmamalaki niya sa kaniyang mga bisita ang kaniyang sertipiko ng kasal!
Minsan, si Chris ay sakay ng lantsa na nagbiyahe sa Ilog Zambezi patungo sa patag, at latiang rehiyon ng Nantungu. Kaniyang nabalitaan na doo’y mayroong mga interesado. ‘Ano kaya ang matatagpuan ko roon?’ Ang iniisip noon ni Chris samantalang pasan-pasan ang kaniyang kargada, siya’y lumundag buhat sa lantsa hanggang sa dalampasigan. Ganiyan na lang ang kaniyang tuwa nang siya’y makasumpong ng isang munting grupo na nagsisikap mamuhay ayon sa Bibliya pagkatapos na sila’y maturuan ng mga Saksing taga-Zambia. Sila’y tuwang-tuwa na makita ang mga publikasyong Silozi na dala ni Chris, kasali na ang pinakahuling labas ng Ang Bantayan. Nang sumunod na tatlong araw ay naging abala si Chris ng pakikipag-usap tungkol sa Bibliya at sa pagdalaw sa mga karatig na nayon para makilala ang mga interesado. Bago siya lumisan, siya’y nagsaayos ng regular na mga pulong at pangangaral ng Kaharian.
Pagbabago ng Kapareha
Dahilan sa mga problema sa kalusugan, noong may pasimula ng 1982 kinailangan ng kapareha ni Chris na lisanin ang Caprivi. Nang maglaon, ang ikalawang kapareha ni Chris ay si Melt Marais, isang kapatid na lalaking masigasig na naglingkod sa Caprivi nang halos isang taon. Ang ikatlong kapareha niya sa Caprivi ay si Magda, isang kabataang payunir sister na kaniyang pinakasalan noong Mayo 1983. Ang pahayag sa kanilang kasal ay doon ginawa sa munting Kingdom Hall na si Chris ang isa sa mga nagtayo.
Si Magda ay nangailangan ng sandaling panahon upang makibagay sa pamumuhay sa Caprivi. Ang caravan ay inilipat sa isang lugar sa labas ng bayan na walang elektrisidad o tubig-gripo. Kadalasan sila ay “nilulusob” ng mga elepante kung gabi. Ang pagsisindi ng isang sulo at pagdungaw sa isang bintana ng caravan at pagkakita sa isang malaking elepante na dalawang metro o higit pa ang layo ay noong una nagbigay ng malaking pagkasindak kay Magda! Subalit hindi nagtagal at nabihasa na siya sa bagong pamumuhay na iyon at nagustuhan niya. Ang kaniyang ulirang halimbawa ay nagpatibay-loob sa munting kongregasyon sa Katima.
Gayundin lubhang nakapagpatibay-loob sa mga kapatid sa Caprivi ang pagdalo sa mga asambleang pangsirkito sa Francistown, Botswana (650 kilometro ang layo). Sila’y galak na galak nang makadalo sa isang pandistritong kombensiyon malapit sa Johannesburg (mga 1,400 kilometro ang layo). Sila’y nagsipanggilalas nang makita ang malaking pulutong ng mga Saksi at ang gayong organisasyon na mahusay na umaandar at nang makaranas ng malaking kagandahang-loob na ipinakita ng mga puting kapatid—pawang ebidensiya ng kumikilos na espiritu ni Jehova.
Ngunit ang tapat at maibiging ministeryo ng mga kabataang payunir ang lubhang nakapagpatibay sa “mga tupa” sa Caprivi na nangangailangang apurahang tulungan. Sa kabilang panig, ang pagtulong ang nagdulot ng malaking kagalakan sa mga payunir na handang maglingkod kung saan napakalaki ang pangangailangan.
Noong Setyembre 1983, kailangang lumisan si Chris at si Magda. Bakit? Sinabi ni Chris: “Kami’y inaanyayahan na maglingkod sa sangay ng Watch Tower Society sa Timog Aprika. Kami’y nalulungkot na mamaalam sa 13 mga mamamahayag sa Caprivi at sa maraming mga interesado sa munting kongregasyon at tatlong grupo na iiwanan namin. Ang aming mga panalangin ay na harinawang magbigay si Jehova ng marami pang mga manggagawa upang linangin ang bukid na ito, na hinog na para sa pag-aani.”—Mateo 9:37, 38.
Marami pang mga ibang lugar na nangangailangan ng tulong. Ikaw ba ay makatutulong at handa ka bang maglingkod sa ganitong paraan? Upang magpakasakit at mangalaga sa mga tupa ni Jehova? Kung gayon, mayroong mayayamang kagantihan na naghihintay sa iyo. Gaya ng sinabi ni Jesus: “May higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa pagtanggap.”—Gawa 20:35.
[Talababa]
a Isang kilometro = 0.6 milya.
[Mga mapa/Larawan sa pahina 21]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
NAMIBIA
ANGOLA
OVAMBOLAND
Ondangwa
Rundu
Tsumeb
Otavi
Grootfontein
Ang “triyanggulo ng kamatayan”
Windhoek
CAPRIVI STRIP
Ilog Zambezi
Katima Mulilo
Kasane
BOTSWANA
DAGAT ATLANTIKO
[Larawan sa pahina 23]
Pagkakampo sa Ilog Zambezi sa Katima Mulilo. Si Schalk Coetzee na gumagawa ng kaniyang lingguhang report bilang tagapangasiwa ng sirkito. Pansinin ang “itaas na palapag” ng Land-Rover
[Larawan sa pahina 24]
Pangangaral ng Kaharian sa Kasane, hilagang Botswana