Ang Marquesas at Tuamotus Inanyayahan na “Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso”
PAGKARAAN ng biyaheng mga 900 milya (1,450 km) pahilagang silangan buhat sa Tahiti, kaming mag-asawa ay dumating sa Nuku Hiva, ang pinakamalaking isla ng Marquesas Islands. Sa mapa, ang mga islang ito ay waring mga kudlit lamang sa malawak na Timog Pasipiko. Subalit kami ay humanga dahil sa kagandahan.
Sa karamihan ng mga isla ng kapuluang Marquesas ay naroroon ang matataas na bundok na umaabot hanggang sa ulap at may matatarik na mga bangin na animo’y tinipon na mga saya. Ang malalalim na mga libis, na nabubudburan ng mga tanim na punong niyog at iba pang mga halaman, ay sagad hanggang sa dagat na mistulang maliliit na loók. Datapuwat, dahil sa malalaking alon at agos sa palibot ng mga isla, at sa kawalan doon ng mga bahura ng korales, mahirap na lumunsad sa isang barko. Ang kalat-kalat na mga atolls ng Tuamotus ay halos hindi mo makikita sa abot-tanaw, kung kaya naintindihan namin kung bakit ito’y tinawag ng mga sinaunang nabigador na ang Mabababang Isla o ang Pilegrosong Kapuluan.
Sa mga tagaislang ito ay nagbigay kami ng imbitasyon na gaya ng nasa titulo ng makulay na aklat-aralin sa Bibliya na Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa. Sa Nuku Hiva, kami’y sumakay sa Araroa, isang barkong pangkargada, upang magsagawa kami ng isang 21-araw, 2,500-milya (4,000-km) na pagbibiyahe sa Marquesas at sa kapuluang Tuamotus. Sa pagdaong ng barko sa iba’t-ibang lugar upang maghatid at kumuha ng kargada, kami naman ay nangangaral.
Ang Simpleng Pamumuhay ng mga Tagaisla
Marahil ay ibig mong magkaroon ng kaalaman tungkol sa mga taong aming nakilala. Karamihan ng mga Marquesans ay nakatira sa mumunting mga nayon sa palibot ng loók o sa baybayin ng ilog. Sa mga nayon ay may nakatirang dalawa o tatlong pamilya at umaabot hanggang sa daming daang-daang katao. Karamihan ng pamilya ay malalaki, may 8 hanggang 10 mga anak, at ang iba’y hanggang sa 18 o 20. Ang kanilang pamumuhay ay simple ngunit mahirap. Kanilang kinakain kung anoman ang mahuli sa dagat, manaka-naka’y nadaragdagan pa ng karne ng baboy at manok na kanilang inaalagaan. Sila’y nagpupunta rin sa interyor upang mamundok para makahuli ng mga kambing-bundok o ng kabayong-bundok, at ang mga ito’y kanilang pinaaamo at ginagamit sa paghahakot ng kargada. Sa mga tanim na niyog naman ay nakakakuha sila ng kopra (tinuyong laman ng niyog na pinagkukunan ng langis para gamitin sa paggawa ng sabon at iba pang mga produkto). Ang kopra ang pangunahing produktong pinagkakakitaan ng mga tagapulo. Ngunit mayroon pa ring kita sila buhat sa mga carvings na kahoy, tapa (may dekorasyong tela na yari buhat sa balat ng punongkahoy), at piere (tinuyong saging).
Ang mga Marquesans dati ay naniniwala sa mga aswang at nagsasakripisyo ng tao sa kanilang mga diyos na tiki. Sa ngayon, karamihan ng mga tao ay Katoliko. Kanilang ginagayakan ang kanilang mga tahanan ng mga imahen at estatwa ni Maria at ni Jesus. Kapuna-puna, ang pasukan patungo sa tahanan ng obispong Katoliko sa Nuku Hiva ay nabubudburan ng nakahanay na mga estatwa ng tiki. Sa Tuamotus, ang nangingibabaw na relihiyon ay ang sa mga Mormon, ang mga Katoliko, at ang Reformed Church of Latter-day Saints, na ang lokal na pangalan ay Sanitos.
Ang mga tagapulo ay Marquesian ang salita, subalit nakakaintindi rin sila ng Pranses at Tahitian. Ang kanilang paraan ng pamumuhay ay karaniwan na sa lahat ng Polynesian—araw-araw na pamumuhay kasuwato ng mabagal na pagkilos doon sa mga isla. Dahilan sa di-palagian at madalang na pagdalaw ng mga barko, natutuhan ng mga tagaroon ang sining ng matiyagang paghihintay. Ang elektrisidad ay sinimulang mauso noong Enero 1979, at ngayon nang dumating ang telebisyon, ang mga tagaroon ay namulat sa mga tunay na pangyayari sa buong daigdig.
Dumaong Kami sa Nuku Hiva
Ang Nuku Hiva, na may 1,800 mamamayan, ang pinaka-sentro ng gobyerno ng Marquesas Islands. Ang bahay-pamahalaan, ang pinakamalaking puwerto, at ang tahanan ng obispo ay nasa Bay of Taiohae, na unang-unang lugar na pinagsimulaan namin.
Walang mga doorbell. Basta ang sasabihin lamang namin ay hou-hou. Pagka mayroong sumagot, ang sasabihin namin ay Kaoha! (“Hi!”) kasabay ng isang palakaibigang ngiti at pagkatapos ay ipaliliwanag namin kung bakit kami bumibisita. Marami sa tagaroon ang may kasabikang tumanggap ng aklat at ang sabi, “Maraming salamat sa inyo sa inyong pagpunta rito. Ngayon lamang kami nagkaroon ng ganito na tutulong sa amin na maunawaan ang Salita ng Diyos.” Mayroon silang mga Bibliyang Katoliko sa Tahitian at tatlo ng Ebanghelyo sa Marquesian.
Ang iba na tumanggap ng aming alok ay taimtim na nakiusap sa amin na dalawin ang mga iba pa. Halimbawa, isang binata ang nakiusap sa aking maybahay na ito’y sumunod sa kaniya, at ang sabi: “Sa likod roon! Sa likod roon!” Kung hindi pa niya itinuro iyon, marahil ay nakaligtaan ng aking maybahay ang tahanan ng isang eskultor, na, ang kinalabasan, nagpasalamat nang husto dahil sa mainam na aklat na iyon.
Sa Hakaui, ay mayroon lamang dalawang pamilya, na naninirahan sa magkabilang panig ng makitid na wawa ng ilog. Nang kami’y dumating, ang unang pamilya ay parang totoong magawain. Kaya, sa tulong ng mababait na magdaragat, kami’y tumawid sakay ng lantsa patungo sa isa pang pamilya. Samantalang kami’y palapit, may natanaw kaming dalawang babaing nakaupo sa gitna ng mga ilang baboy na gumagala sa palibot ng bahay—isang tanawin sa lugar ng mga dukha. Gayunman, nang ipakita namin sa kanila ang aklat, natutuwang inialok nila ang anomang mayroon sila upang makapalit ng isang aklat na iyon. Naisip tuloy namin yaong dukhang biyuda na binanggit sa Lucas 21:2-4 na nagbigay sa templo ng lahat ng kaniyang kayamanan.
Ang susunod na hinintuan namin ay ang Taipivai, na nasa timog-kanlurang baybayin ng Nuku Hiva, na napatanyag sa aklat ni Herman Melville na Typee. Iyon ay isang malalim at magandang libis, na nabubudburan ng mga punong niyog. Pagka alas-6 ng umaga, kami’y sasakay na sa aming lantsa at maglalakbay sa ilog, samantalang nasasalamin sa tubig ang mga punong niyog at ang unang silahis ng umaga. Kami’y nakakatanaw ng mga ilang bahay sa pagitan ng mga puno.
“Hanggang kailan kami lalagi roon?” Nabalitaan ko na ang trak na naghahatid ng mga sako ng kopra ay nasira. Kaya, kung kami’y magmamadali, magkakapanahon kami na sumakay sa kabayo at gawin ang buong teritoryo hanggang sa kadulu-duluhan ng libis, na kung saan may isang magandang talon na humuhulog ang tubig sa tumutubong mga iletso. Mga isang dosenang pamilya ang tumanggap sa amin sa biglaang pagdating naming iyon.
Nagtungo Kami sa mga Iba Pang Isla
Mga 25 milya (40 km) sa gawing silangan ng Nuku Hiva ay naroon ang Ua Huka. Ang islang ito ay mas maliit, di-gaanong mataba ang lupa, at mabundok. Muling nagsimula kami ng paglunsad sa dalampasigan alas-seis. Buhat sa mabatong dalampasigan kami ay unti-unting umakyat sa isang matarik na daan, at pagkaraan ng isang oras na paglalakad, dumating kami sa Hane, ang pinakamalaking nayon. Gaya ng dati, ang lokal na simbahan ang makikita sa kapaligiran. Ang impluwensiya nito ay lalong lumaki kamakailan dahilan sa kilusang charismatic na nakakaakit sa mga tao. Subalit isang binata na tagaroon ang nababahala sa malulubhang pangyayari ngayon sa daigdig at may kasabikang tumanggap sa aming “paanyaya,” ang mensahe tungkol sa pamumuhay sa isang makalupang paraiso.
Ang susunod na hinintuan natin ay ang isla ng Ua Pu. Agad kaming humanga sa 4,000-piye (1,200 m) bundok-bundukan ng itim na basalt, na nakatingala sa mga alapaap na mistulang mga tulis ng torre. Ang totoo’y mga namuong putik ito na galing sa naagnas na mga bulkan. Mayroong limang nayon na dadalawin kami sa islang ito. Maraming ngiti at kumikislap na mga mata ang sumalubong sa aming “paanyaya.” Kadalasa’y naririnig namin ang kanilang sinasabi na, “Mea kanahau!” (“Maganda!”) Ganiyan na lang ang paghanga ng maraming taganayon sa aklat kung kaya’t iginiit nila na punuin ang aming mga supot ng mga kabibe at mga prutas—lemon, mangga, dalanghita, at suha. Sa Haakuti, isang nayon na nasa gilid ng isang matarik na dalisdis, may nasumpungan kaming isang babae at kaniyang anak na babae na ganiyan na lang ang sigla tungkol sa napakinggan nila kung kaya’t umakyat sila hanggang sa daungan ng barko upang sabihin sa lahat doon na makinig sa aming mensahe at kumuha ng magandang aklat.
Nang kami’y dumating sa pinakamalaking nayon, ang Hakahau, kami’y nag-iisp kung paano makakausap namin ang mahigit na isang libong tagaroon sa loob ng gayong pagkaikli-ikling paghinto roon. Kami’y natuwa nang isang maginoo, na naging interesado sa mensahe, ang nag-alok na gamitin namin ang kaniyang kotse: “Maihahatid ko kayo saan man ninyo ibig pumunta.” Mga ilang taon ang aga, tinipon ng pari roon at pinagsusunog ang lahat ng literatura na naiwan ng mga Saksi ni Jehova. Kaya ang mga tao ay natakot. Subalit ang aming mensahe ay totoong kaakit-akit kung kaya’t isang dosenang pamilya ang nagwaksi ng kanilang pagkatakot sa tao at kanilang tinanggap ang dala naming aklat.
Ang Hiva Oa, ang susunod na islang dinalaw namin, ang may pinakamatabang lupa at pinakamaiinam na halaman sa Marquesas. Ito’y napatanyag dahilan sa makukulay, na impresyonistikong mga paintings ni Paul Gauguin. Ang kaniyang mga huling taon ay ginugol niya sa Atuona, na kung saan siya dumaong. Ang karaniwang tanong sa bisita ay: “Naparito ka ba upang makipagkita sa tiki?” Ang 8-piye (2.4 m) na batong tiki sa kadulu-duluhang ng look ang pinakamalaki sa Pranses na Polynesia. May kabaitang sumagot kami: “Iyon ay may mga mata pero hindi makakita, at bibig pero hindi makapagsalita. Yamang kami’y narito nang sandali lamang, ibig naming makipag-usap sa mga taong nabubuhay at ipakita sa kanila ang isang bagay na interesante.” Ganiyan na lang ang tuwa ng isang babae tungkol sa alok na iyon kung kaya’t hinimok niya ang isang kaibigan na kunin ang aklat. Pinahiram pa niya ng pera ang kaniyang kaibigan para makuha iyon. Isa pang babae ang nagsabi: “Naiintindihan ko na ngayon na ang pagbabasa ng Bibliya ay lalong mahalaga kaysa pagsisimba upang magdasal gabi-gabi.”
Nang nag-aagaw-dilim na kami ay nasa daungan ng Hanaiapa at nakikipag-usap sa mga tao sa liwanag ng lampara. Ang pag-uusap ay napauwi sa paksang impiyerno. “Ipagpalagay natin na kayo’y may isang napakasamang anak. Kayo ba ay magsisindi ng apoy at ihahagis ninyo siya roon?” ang tanong namin. “Hindi!” ang tugon nila. “Kung gayon, gagawin kaya ng Diyos na ang kaniyang mga anak ay parusahan nang walang hanggan sa apoy?” Apat na babae at isang lalaki ang lalung-lalo nang interesado sa maibiging “paanyaya” ng Diyos na mamuhay sa isang lupa na kung saan “mawawala na ang balakyot” dahilan sa nilipol na magpakailanman, hindi ito pinarurusahan nang walang hanggan.—Awit 37:10.
Mula sa Hiva Oa, ito’y malapit na sa munting isla ng Tahuata. Isang magdaragat ang nagbibirong nagsabi sa amin na mga isang daang taon na ngayon nag nakalipas may mga puti na kinain ng mga katutubong tagarito. Kami’y nakipag-usap sa kanila. Ang taong responsable sa kilusang charismatiko sa nayon ay nag-aatubili na kumuha ng aklat ngunit pinilit kami na tanggapin ang isang baso ng tubig. “Sa pamamagitan ng tubig na ibinibigay ko sa inyo,” aniya, anupa’t maling ikinakapit ang mga salita ni Jesus sa Juan 4:14, “kayo’y hindi na mauuhaw kailanman, kundi ito’y magiging isang bukal ng tubig na bumabalong sa inyo.” Pinasalamatan namin siya, at ang sabi namin: “Ang tubig na ito ay tubig lamang, at tinatanggap namin ng may pasasalamat. Subalit ikaw ba ay tatanggi sa nagbibigay-buhay na tubig at espirituwal na pagkain na sa iyo’y ipinag-aanyaya namin?” Siya’y napukaw ng mga salitang ito, kaya’t kumuha siya ng mga ilang aklat. Nang maglaon, sa piyer, may mga taong nanlibak: “Mayroon bang kahit isang tao na tumanggap ng inyong paanyaya?” Subalit ang pangulo ng mga manggagawa roon sa madla ay humiling na ipakita sa kaniya ang aklat at, doon sa harap ng lahat, kaniyang kinuha iyon. Takang-taka silang lahat nang mapag-alaman nila na ang iba rin ay tumanggap ng aming alok.
Ang huling binisita namin sa Marquesas ay ang islang nasa kadulu-duluhan sa gawing timog, ang Fatu Hiva. Ito ang isa sa unang nadiskubre, noong 1595, ng Kastilang si Álvaro de Mendaña de Neyra, na siyang nagpangalan sa mga isla sa karangalan ng maybahay ng viceroy ng Peru—Las Marquesa de Mendoza. Ang Fatu Hiva ay isang napakagandang isla. Sa pinakamalaking nayon, ang Omoa, may nakilala kaming isang pamilya na kinakitaan ng malaking interes. Pagkatapos na kami’y lumipat sa libis, ang ina ay lumabas upang tipunin ang kaniyang mga kaibigan, kaya’t nang kami’y bumalik, silang lahat ay naghihintay na sa amin na pawang nangakangiti. Ibig nilang kumuha ng mga aklat upang matuto tungkol sa Salita ng Diyos sa kanilang mga pulong sa gabi sa pag-aaral ng Bibliya. Nang sandaling kami’y bumalik na sa piyer, isa sa aming mga supot ay wala nang laman, at ang isa pa ay puno naman ng mga dalanghita at mga lemon.
Pumunta Kami sa Tuamotus
Pagkaraan ng maghapon at dalawang gabi ng paglalayag patungo sa timog-kanluran, dinating namin ang atoll ng Pukapuka sa Tuamotus. Gumawa ng pantanging mga kaayusan para ang Araroa ay makadaong sa dalawang atolls bawat araw. Kaya nagkaroon kami ng pagkakataon na marating ang ilan sa kung hindi sa gayong paraan ay hindi mararating na mga atolls.
Sa isang libong Pomotus na nasa mga islang ito, 30 pamilya ang may kagalakang tumanggap sa aming “paanyaya.” Sa isang dukhang tahanan na nasa gitna ng mga punong niyog, isang babae ang dali-daling nagbili ng tubig ng niyog upang makabili ng mga ilang kopya bago kami umalis. Mahirap naming makalimutan ang pamilyang ito, na pinilit din kaming tanggapin namin ang tinuyong bonito na nakabitin sa bubong na yero ng kanilang tahanan.
Di-Malilimot na mga Alaala
Napakaraming iba pang masasayang mukha na hindi namin malilimot, at kami’y nagtitiwala na si Jehova ang mangangalaga sa kanila. Anong tuwa namin na kami’y nakapaglakbay at nakadalaw sa Marquesas at sa Tuamotus, upang doo’y tuwirang masaksihan ang malaking epekto ng “paanyaya”: “Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa.”—Isinulat.
[Mga mapa sa pahina 25]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Marquesas Islands
Nuku Hiva
Taiohae
Ua Huka
Ua Pu
Hiva Oa
Atuona
Tahuata
Fatu Hiva
Omoa