Pagmamasid sa Bahamas—Sa Pamamagitan ng Pangmalas ng Isang Naglalakbay na Ministro
ANG Bahamas. May panahon noon na sa mga salitang iyan ay napapangarap ko na ako’y nakahiga sa magagandang buhanginan sa tabing-dagat sa lilim ng pumapagaspas na mga punong niyog o dili kaya’y lumalangoy ako sa sinlinaw-kristal at bughaw na katubigan. Oo, sa libu-libong mga bakasyunista na dumadalaw sa Bahamas buwan-buwan, ang ganiyang mga tanawin ay nagiging tunay na tunay. At hindi nga kataka-taka, sapagkat ang klima ng mga islang ito sa tropiko ay kawili-wili, sapagkat may katamtamang temperatura ito na 70 grado Fahrenheit (21°C.) kung taglamig at 85 grado Fahrenheit (29°C.) kung tag-init!
Bueno, higit pa ang halaga sa akin ng Bahamas kaysa lamang taglay nito ang init ng araw sa tropiko samantalang ako’y isang bakasyunista. Dito ako sa Bahamas nadestino bilang isang naglalakbay na ministro ng mga Saksi ni Jehova. Halina at pagmasdan mo ang Bahamas sa pamamagitan ng aking pangmalas.
Ang Out Islands
Mga 20 lamang ng 700 isla at mga bahura ang may tumatahang mga tao, at karamihan ng taga-Bahamas ay nangakatira sa kabiserang lunsod ng Nassau sa isla ng New Providence. Ang Nassau ay kilala bilang isang daungan ng mga barkong-dagat sa pagliliwaliw at marami itong mga malalaking otel para sa mga bakasyunista. Baka ikaw ay nakatuloy na sa isa sa mga ito. Pero nakapagliwaliw ka na ba sa mga ibang isla?
Marami sa mga taga-Bahamas ang nakatira sa Out Islands, na tinatawag din na Family Islands. Ang mga islang ito ay nakapalibot sa Nassau, at ang pinakamalayo ay mahigit na 300 milya (480 km) ang layo. Sa ilan sa mga Out Islands na ito, matitikman mo ang lahat ng modernong kaginhawahan ng Nassau, subalit ang iba ay hindi kasing-unlad ng iba. Halimbawa, ang iba ay walang elektrisidad o tubig-gripo. Sa mga iba namang isla, makikita mong ang mga tao ay gumagamit pa rin ng kahoy sa pagluluto sa kanilang inatipan-bubong na mga kusina o gumigiling ng mais sa kanilang demanong gilingan.
Kung Paano Ako Naglalakbay
Lahat ng Out Islands ay maaaring marating mula sa Nassau sa pamamagitan ng barko o eruplano, subalit dahil sa kanilang kalayuan ay nagsisilbing hamon ito sa mga taong may propesyon na gaya ng sa akin. Sa tulong ng isang pamamaraan na nahahawig sa pamamaraan ng mga Kristiyano noong unang siglo, ang isang naglalakbay na ministro o tagapangasiwa ng sirkito, ay dumadalaw sa mga kongregasyon at maliliit na grupo ng mga Saksi ni Jehova upang palakasin at patibayin-loob sila sa kanilang espirituwalidad.—Gawa 15:36; 16:4, 5.
Natatandaan ko pa ang isang grupo ng tatatlung Saksi na aking dadalawin sa isa sa mga Out Islands. Ang grupong ito ay hindi nadadalaw ng isang tagapangasiwa ng sirkito sa loob ng mahigit na tatlong taon. Ako’y sumulat sa kanila buhat sa Nassau, at ipinaalam ko sa kanila ang petsa ng aking pagdalaw. Subalit nang ako’y dumating doon sa pamamagitan ng barko, walang Saksi ang sumalubong sa akin sa piyer. Kaya’t nagtanung-tanong ako kung mayroong sinuman na makakatulong sa akin upang hanapin ang isa sa mga Saksi. Ako’y binigyan ng tagubilin sa paghanap sa isang babae, at nang matagpuan ko nga siya ay ipinakilala ko ang aking sarili bilang ang tagapangasiwa ng sirkito, gayon na lamang ang katuwaan niya anupa’t kumarimot siya ng takbo upang ibalita sa mga iba pang Saksi ang aking pagdating. Ako’y naiwang nakatayo roon sa gitna ng aking mga daladalahan. Hindi pala natanggap ng mga Saksing iyon ang aking liham, at ang aking pagdalaw ay nagsilbing sorpresa at kagalakan sa kanila.
Sa pagbabalik ko sa Nassau ay nagbiyahe ako sa isang munting barkong pangkargada at pangkoreo. Ang biyahe ay tumagal ng mahigit na 30 oras sa maligalig na karagatan, subalit mabilis na lumipas ang mga oras, kung para sa akin. Sinamantala ko ang pagkakataon upang mangaral sa ilan sa mga pasahero. Makalipas ang kaunting panahon, isa sa mga tripulante ay nagsimulang makipag-aral ng Bibliya at ngayon ay dumadalo sa mga pulong ng isa sa mga kongregasyon sa Nassau.
Isa pang paraan ng pagdalaw sa Out Islands ay sa pamamagitan ng biyahe sa eruplano. Datapuwat, maliliit na eruplano lamang ang nakakalapag sa ilan sa mga isla na may lapagan ng eruplano. Karaniwan naman na walang peligro ang mga ito, ngunit kung minsan ay mga mayroong nakasisindak na karanasan. Minsan, ako’y nerbiyos na nerbiyos nang makita kong nag-uusok ang bandang unahan ng eruplano samantalang pumapaitaas buhat sa lupa. Dagling bumuwelta ang eruplano sa lunsaran. Ang sanhi ng pag-uusok? Isang daga ang gumawa ng lungga sa lugar na nilalabasan at pinapasukan ng hangin malapit sa makina!
Kumusta Naman ang mga Tao?
Sa paglalakbay ko sa Out Islands, nakasumpong ako ng maraming tao na ibig ng mga babasahin sa Bibliya. Subalit para sa iba sa kanila, kahit na ang mababang halaga ng mga babasahin ay hindi nila kaya. Halimbawa, isang araw na sukdulan ang init, lima sa amin ang nangangaral sa isang malayong isla nang makatagpo ako ng isang babae na nagpakita ng matinding interes sa lathalain na Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya. Wala siyang anumang pera na maiaabuloy para roon, ngunit sa kaniyang repridyereytor ay naroon ang mismong kailangan namin—limang lata ng isang malamig na inumin. Aming ipinalit ang aklat sa kaniyang malamig na mga inumin, at lahat kami ay natuwa.
Ang mga taga-Bahamas ay may tunay na pag-ibig sa Bibliya. Kaya naman isang kagalakan ang dalhan sila ng “mabuting balita” ng Kaharian ni Jehova. (Mateo 24:14) Kadalasan sa pagdalaw sa isang tahanan, masusumpungan mo na ang maybahay ay nagbabasa ng Bibliya. Sa isang tahanan na aking dinalaw, ipinagmalaki ng ina ang kaniyang anak na tatlong-taong-gulang nang isa-isahin nito ang mga pangalan ng lahat ng 66 na aklat ng Bibliya ayon sa pagkakasunud-sunod.
Noong nakalipas na mga ilang taon, ang mga taga-Out Islands ay nakapanood ng ipinalabas na slide tungkol sa mga paksa sa Bibliya na inihanda ng Samahang Watch Tower. Sa isang isla, walang makuhang bulwagan, kaya’t isinaayos namin na ipalabas ang mga slide doon sa isang bagong kapipintang puting pader kasunod ng isang munting tindahan ng pagkain. Mga 60 katao ang nagsipanood—ang iba’y samantalang nakatayo, ang iba nama’y nakaupo.
Sa isa pang okasyon, 120 katao ang nanood. Ganiyan na lang ang kanilang pagkawili ng panonood sa mga slide kung kaya’t nang sindihan ang ilaw, walang isa man na umalis. Natatandaan ko na may dala akong isa pang set ng mga slide tungkol sa isang naiibang paksa sa Bibliya. Kaya pinatay uli ang ilaw, at ang ikalawang set ay ipinakita—upang mapanood ng naliligayahang mga tagapanood.
Kung minsan ay maaaring may bumangong mga problema. Sa isang isla isang grupo ng mga tao ang nagkatipon sa lokal na paaralan upang panoorin ang aming pagpapalabas ng slide. Nang paandarin ko na ang prodyektor, ang bombilya ay napundi. Wala akong isang ekstrang bombilya sa prodyektor, at walang maaaring makuha sa Out Islands na ito. Kalabisang sabihin, nabigo sa kanilang inaasahan ang mga tao roon. Subalit, dagling pinagkalas-kalas ko ang prodyektor at gumawa ako ng mga ilang pagbabago, kaya nagamit ko ang isang ordinaryong bombilya sa bahay para roon, medyo madilim nga lamang. Bale wala iyon sa mga tagapanood. Sila’y nasiyahan sa programa sa paano man.
Mga Tarantula, Lamok, at “Piniritong Pusa”
Kung regular na mga pagdalaw ang gagawin sa Out Islands kailangang makibagay sa tropikal na mga kalagayan. Natatandaan ko pa nang unang makakita ako ng isang tarantula. Ang gagamba ay gumagapang sa sahig at sa wari ko’y sinlaki ng aking kamay! Natigilan ako—sa takot. Salamat naman, ang maybahay ay sumaklolo sa akin. Mabilis na ginamitan niya iyon ng kaniyang matsete, at nailigpit ang “kaaway.” Ang maybahay ay isang lalaking 82-anyos. Dati, siya’y isang mahigpit na mananalansang sa pagsisikap ng kaniyang maybahay na maglingkod kay Jehova. Subalit nang sumapit ang panahon ay dumalo na siya sa mga pulong sa Kingdom Hall at nakipag-aral ng Bibliya kasama ng kaniyang maybahay.
Dahilan sa mainit na klima, ang mga lamok ay isang problema. Kung minsan ay pagkarami-rami ng lamok at pagka ikaw ay nagsasalita ay baka may pumasok sa mismong bibig mo. Kung sa bagay, maraming iba pang mga bagay na may buhay ang nakatutuwang panoorin, tulad ng magagandang kulay-rosas na mga flamingo na roon namumuhay sa kanilang likas na kapaligiran ng malagong mga halaman sa tropiko at mga punungkahoy.
Ang pagkatuto mo ng mga bagay-bagay tungkol sa lokal na mga pagkain ay kapana-panabik. Sa isang isla, nakatanaw ako ng animo’y isang punong dalanghita na hitik sa bunga. Itinanong ko sa maybahay kung puwede akong pumitas ng isa o dalawa ng kaniyang mga dalanghita. Kaniyang binalaan ako na mag-ingat. Ang mga iyon pala’y hindi mga dalanghita kundi mga sours. Pero puwede akong pumitas, aniya. Bueno, naisip ko na kilala ko ang isang dalanghita pagka nakakita ako niyaon. Kaya’t pumitas ako ng isang maganda’t malaki at kinagat ko. Anong laki ng aking pagkagulat! Napangiwi ang aking bibig. Ang prutas ay sobra ang asim, tulad ng isang limón. Nagtawa ang babae, pero napag-alaman ko na bagama’t ang bunga ng maasim na punong “dalanghita” ay mistulang isang dalanghita, tiyak na hindi naman iyon lasang dalanghita!
Noon ay naisip kong medyo nababagayan ko na ang buhay sa isla kung hindi nga lamang sa isang pangyayari sa isa sa mga isla hindi pa gaanong natatagalan. Ako’y doon tumutuloy sa bahay ng isang may edad nang biyudo sa aking paglilingkod sa kongregasyon. Nang ako’y magising noong unang umaga, kaniyang inanyayahan ako na makisalo sa kaniya sa almusal. Naglaway ako sa aking pananabik—hanggang sa kaniyang banggitin ang mga kakainin namin. “Piniritong pusa”! Nang ako’y papasok sa kusina at tatanggihan ko na ang kaniyang alok, nakita ko na siya’y nagpiprito ng pancakes. “Nasaan ang ‘mga piniritong pusa’?” ang tanong ko. Itinuro niya ang mga pancakes. Nakahinga ako nang maluwag, at kapuwa kami napahalakhak. Ang akala pala niya’y alam ko na ang tawag sa mga pancakes sa islang iyon ay mga piniritong pusa.
Gantimpala sa Paglalakbay
Dahilan sa kalayuan ng iba sa mga isla, lubhang kailangan ang higit pang mga ministro upang tumulong sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. Ang pangangailangang ito ay hindi lamang upang marating ang mga tao sa Bahamas na nagsasalita ng Ingles kundi rin naman upang marating pati ang mga dayuhang taga-Haiti na Pranses ang wika.
Ang pagiging isang naglalakbay na ministro sa Bahamas ay isang kapana-panabik na hamon na nangangailangan ng mga ilang pagbabago upang makabagay sa pamumuhay sa isla. Subalit mayroon din itong maraming kagantihan. Isa na rito ang walang kaparis na kagalakan ng pagkakita sa pagtugon ng mga tao sa pabalita ng Bibliya. Isa pa ay yaong magandang pribilehiyo na pagpapasigla sa espirituwal sa kalat-kalat na mga kongregasyon at nabubukod na mga grupo.
Kami sa Bahamas ay naliligayahan sa kagandahan ng mga baybaying-dagat na kumikislap sa buhanginan na kulay-rosas at puti at sa nakabibighaning mga bahura ng korales na kung saan labas-masok ang mga isda. Subalit ang higit na ikinagagalak namin ay yaong nagaganap dito at sa buong globo. Bilang mga Saksi ni Jehova, nakikita natin na natutupad ang Awit 97:1. Sinasabi nito: “Si Jehova mismo ay naging hari! Magalak ang lupa. Magsaya ang maraming isla.”—Inilahad ni Anthony Reed.
[Blurb sa pahina 27]
Nerbiyos na nerbiyos ako nang makita kong umuusok ang bandang unahan ng eruplano samantalang pumapaitaas iyon buhat sa lupa
[Blurb sa pahina 28]
Ang mga taga-Bahamas ay may tunay na pag-ibig sa Bibliya. Kaya naman isang kagalakan ang dalhan sila ng “mabuting balita” ng Kaharian ni Jehova
[Blurb sa pahina 28]
Natatandaan ko pa nang unang makakita ako ng isang tarantula. Ito’y gumagapang sa sahig at sa wari ko’y sinlaki ng aking kamay!
[Blurb sa pahina 29]
Ang tanong ko sa kaniya, “Nasaan ang ‘mga piniritong pusa’ ”?
[Mapa/Larawan sa pahina 26]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
FLORIDA
BAHAMAS
DAGAT ATLANTICO