Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w87 4/15 p. 22-25
  • Pagpapatunay na “Masikap sa Mabubuting Gawa” sa Kenya

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagpapatunay na “Masikap sa Mabubuting Gawa” sa Kenya
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1987
  • Subtitulo
  • Ang mga Unang Payunir ang Naghanda ng Daan
  • Higit Pang Paglago
  • Magagandang Halimbawa ng Sigasig
  • Espiritu ng Pagpapayunir
  • Papuri​—Buhat sa Bibig ng “mga Sanggol”
  • Higit Pang Paglago ang Inaasahan
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1987
w87 4/15 p. 22-25

Pagpapatunay na “Masikap sa Mabubuting Gawa” sa Kenya

“ITO ang hinahanap-hanap ko sa tanang buhay ko!” ang bulalas ng isang lalaking Hindu pagkatapos na makadalo sa isang kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova kamakailan sa Kenya, Aprika. “Ito’y isang bagay na espesyal.”

Ano nga ba ang nag-udyok sa kaniya ng gayon? “Mga taong may iba’t ibang kulay, karanasan, at mga bansa​—pawang malayang nakikihalubilo sa isa’t isa at mahahalata sa kanila ang pagmamahalan ng isa’t isa,” ang sabi niya. Subalit paano nga ito posible sa isang daigdig na lipos ng pagkakabaha-bahagi at pagtatangi-tangi ng lahi? Ano ba ang sanhi ng gayong pagkakaisa at espirituwal na pagkakasundu-sundo sa Kenya?

Ang mga Unang Payunir ang Naghanda ng Daan

Noong 1931, si Frank at Gray Smith ay tumulak buhat sa Timog Aprika patungo sa Mombasa dala ang 40 kahon ng mga aklat. Mula roon sila’y gumawa ng isang nakahahapo at mapanganib na paglalakbay patungong Nairobi, na kung saan sila’y namahagi ng lahat ng dala nilang mga literatura sa loob ng mga isang buwan. Kapuwa sila nagkasakit ng malaria, at si Frank ay namatay​—tapat hanggang wakas. Nang bandang dulo ng taon ding iyon, si Robert Nisbet at David Norman ang sumunod na nagtungo roon, sila’y namahagi ng 200 kahon ng mga publikasyon sa Silangang Aprika. Sa mga paglalakbay na ito naihasik nila ang mga unang binhi ng katotohanan sa Kenya.

At noong 1935, si Gray Smith at ang kaniyang maybahay, kasama si Robert Nisbet at ang kaniyang kapatid na si George, ay humayo upang diligin ang nasumpungang interes. Sa pagkakataong ito si Robert naman ang nagkasakit ng tipos. Ang mga iba ay nagkasakit ng malaria at blackwater fever. Ang pananalansang at ang ipinalabas na utos ng gobyerno ng kolonya may kinalaman sa deportasyon ang isa pang nagpahirap sa kanila. Magkagayon man, sa kabila ng lahat na ito, ang mga unang masisigasig na payunir na ito ay nakapamahagi ng napakaraming literatura, anupa’t inilatag nila ang pundasyon para sa paglago. Halimbawa, makalipas ang mga 30 taon, isang Saksi na gumagawa sa liblib na teritoryo sa kabukiran sa Kenya ang nagtaka nang makasumpong siya ng isang lalaki na may sipi ng aklat na Reconciliation. Ang kaniya palang kapatid na lalaki ang tumanggap niyaon noong 1935. Ang lalaking ito ay sumulong at ngayon ay isa na sa mga Saksi ni Jehova.

Higit Pang Paglago

Hindi nangyari kundi noong 1949 na ang unang Saksi, si Mary Whittington ay nanirahan sa Nairobi, ang kabisera ng Kenya. Siya’y nabautismuhan sa Inglatera isang taon lamang noon ang nakalipas. Wala siyang katiting mang kabatiran tungkol sa sandali na lamang at haharapin niya ang kalagayan ng pagkanabubukod, mga hadlang, at pananalansang. Gayunpaman, nagkaroon siya ng kagalakan na makitang ang ‘munti ay naging isang libo.’ (Isaias 60:22) Sa ngayon, sa edad na 73, siya ay naglilingkod pa rin bilang isang regular payunir.

Si Bill at si Muriel Nisbet, ang mga unang graduwado ng Watchtower Bible School of Gilead na napadestino sa Kenya, ay dumating doon noong 1956. Nang panahong iyon, umiiral ang segregasyon ng lahi, at ang kolonyal na administrasyon ay may mga batas na naghihigpit sa pangangaral at nagtakda na ang dami ng dadalo sa mga pulong ay hindi hihigit sa siyam katao. Kaya’t ang mag-asawang Nisbet ay doon lamang gumagawa sa larangan ng mga Europeo at sa mga Aprikano ay gumagawa sila ng impormal na pagpapatotoo. Gayunpaman, dumating din ang pagsulong.

Noong 1962 ang gawain ng mga Saksi ni Jehova ay legal na kinilala. Hindi nagtagal pagkatapos, noong 1963, natapos ang kolonyal na pamamahala, sa gayo’y binuksan ang pinto sa higit pang pagpapalawak ng ating gawaing Kristiyano. Ngayon ang mga publikasyon ay maaaring limbagin sa wikang Swahili, at ang mga hinirang na matatanda ng mga Saksi ni Jehova ay awtorisado ng gobyerno na magkasal. Sapol noon, ang mga Saksi ni Jehova ay nakatulong sa halos 2,000 mga parehas na magpakasal ng legal.

Noong 1972 isang magandang bagong gusali ng tanggapang sangay, na nasa kombenyenteng lokasyon sa Nairobi, ang inialay. (Sapol noon ay pinalawak na ito.) Ang Kenya ay nasa higit na mabuting kalagayan ngayon na mangasiwa sa gawaing pangkaharian sa sampung bansa sa Silangang Aprika at tumustos sa pangangailangan para sa higit pang mga publikasyon sa sari-saring mga wikang katutubo.

Magagandang Halimbawa ng Sigasig

Ang mga tagapangaral ng mabuting balita sa Kenya ay makikitaan ng ganoon ding ‘sigasig sa mabubuting gawa’ na kapuna-puna sa mga Kristiyano noong unang siglo. (Tito 2:14) Hindi nila tinutulutan na ang mga kahirapan ay humadlang sa kanila sa pagtulong sa iba upang magkamit ng tumpak na kaalaman sa Bibliya.

Minsan, isang Saksi ang tumanggap ng pahiwatig buhat sa tanggapang sangay upang dumalaw sa isang lalaking bulag na interesado, na naninirahan sa layong 16 na milya (26 km). Ang Saksi ay regular na naglalakbay sakay ng bisikleta upang magdaos sa kaniya ng isang pag-aaral sa Bibliya. Bagama’t ang taong ito ay dumaan sa mga yugto ng negatibong pag-iisip at pamamanglaw, ngayon ay isa na siyang Saksi, na masigasig na nagbabalita sa iba ng ipinangako ng Diyos na Paraisong isasauli na kung saan ang mga mata ng bulag ay makakakita na.​—Isaias 35:5.

Sa mga ilang lugar, kailangan ang malaking pagsusumikap upang makadalo sa mga pulong Kristiyano. Isang 70-anyos na babae ang regular na naglalakad ng anim na milya (10 km) upang makadalo sa lingguhang mga pulong. Sa pagpunta roon, siya’y lumulusong sa isa sa pinakamalalaking ilog sa Kenya, kahit na may mga buwayang nangungubli sa malapit. Paminsan-minsan ang agos ay totoong napakalakas at halos madala siya. Gayunpaman, kaniyang itinuturing na ang espirituwal na kapistahan ay sulit sa kaniyang pagpapagal. Anong namumukod-tanging uliran ng sigasig!

Ang isa pang magandang halimbawa ng sigasig at pagpapahalaga ay nakita sa isang Saksi na naglakad ng siyam na oras upang makadalo sa pansirkitong asamblea. Bakit ginawa niya iyon, bagama’t may sapat siyang pera na maipapamasahe sa bus? Udyok ng pag-ibig, ang kaniyang pera ay ibinigay niya sa kaniyang inaaralan ng Bibliya upang ito man ay makadalo rin at matuto sa asamblea! Oo, ang pag-ibig at ‘sigasig sa mabubuting gawa,’ salig sa tumpak na kaalaman sa Bibliya, ay malinaw na makikita sa Kenya.

Espiritu ng Pagpapayunir

Ang isa pang litaw na halimbawa ng pagpapakita ng sigasig na ito ay yaong buong-panahong ministeryo ng pagpapayunir. Marami ang nakasumpong ng kagalakan sa paglilingkod na ito sa kabila ng mahihirap na mga kalagayan. Isang kabataang regular payunir ang naglilingkod sa mainit at maumidong puwertong lunsod ng Mombasa. Mga ilang taon na ngayon ang nakararaan ang dalawa niyang paa ay kailangang putulin dahilan sa isang aksidente sa trak. Nang siya’y nasa ospital, siya’y nagbalak na magpatiwakal at ipinakiusap niya sa nars na turukan siya ng iniksiyon na makamamatay, ngunit tumanggi ang nars. Pagkatapos na siya’y makalabas sa ospital, siya’y nakasumpong ng mga Saksi at nagsimulang nakipag-aral sa kanila ng Bibliya. Humantong ito sa kaniyang pagpapabautismo at sa isang panibagong-buhay sa buong-panahong paglilingkod. Siya’y nag-uumapaw sa sigasig at pagpapasalamat.

Maraming mga ina na may pananagutang pampamilya ang naging mga regular payunir din naman. Kabilang sa kanila ang isa na may tatlong anak. Siya’y may malubhang altapresyon at pagkagaril sa pagsasalita. Siya’y kailangang maghanapbuhay nang buong panahon, at ang kaniyang asawang lalaki ay hindi naman Saksi. Gayunman, siya’y isang maligayang payunir. Mangyari pa, hindi lamang ang mga ina ang nakikibahagi sa regular na pagpapayunir; kamakailan, isang ama na may walong anak na inaasikaso at isang trabaho na rilyebo ang tumanggap din naman ng ganitong pribilehiyo ng paglilingkod.

Marami na hindi makapagregular payunir ang masayang makikitaan ng espiritu ng pagpapayunir. Sila’y humahanap ng mga pagkakataon upang makabahagi sa buong-panahong ministeryo bilang mga auxiliary payunir na gumugugol ng 60 oras sa pangangaral buwan-buwan.

Noong Abril 1984, at gayundin noong 1985, mahigit na isang katlo ng lahat ng mga mamamahayag sa Kenya ang nakibahagi sa isang anyo ng buong panahong paglilingkod. Isang kongregasyon ang may 73 mamamahayag na nag-auxiliary payunir nang buwan na iyon, kasama ng limang regular payunir. Yaong natitirang 28 mga miyembro ng kongregasyon ay nagkaroon ng aberids na 64.6 na oras, bagama’t marami sa kanila ang hindi pa bautismado. Kaya naman, lahat-lahat ay 233 mga pag-aaral sa Bibliya ang naidaos!

Ang edad ay hindi nagsisilbing hadlang. Isang 99-anyos na lola ang nag-auxiliary payunir. Sa kabila ng kaniyang kahinaan ng pangangatawan, ang kaniyang liwanag ay lakas-loob na pinasisikat niya sa mga kabataan at sa mga may edad. (Mateo 5:16) Sa kaniyang pagsisikap, marami ang natulungan upang maging mga tagapagbalita ng Kaharian, at hindi nila malilimot ang debosyon at espiritu ng pagpapayunir ng lolang ito. Oo, ang gayong ‘sigasig sa mabubuting gawa’ ay umakay sa marami na linangin ang espiritu ng pagpapayunir.

Papuri​—Buhat sa Bibig ng “mga Sanggol”

Ang mga bata rin naman, bagama’t hindi pa bautismado, ay masaya at sabik na kasa-kasama ng kanilang mga magulang sa pagdadala ng mabuting balita buhat sa tunay na Diyos sa mga ibang tao. (Mateo 21:16) Sa panahon ng isang pantanging kampanya, isang batang babaing apat at kalahating taong gulang ang gumawa na kasama ng kaniyang mga magulang sa nakabukod na teritoryo. Siya’y gumugol ng 160 oras sa ministeryo sa larangan nang buwan na iyon, at nakapaglagay ng 27 mga aklat, 66 na mga pulyeto, at 47 mga magasin sa mga taong interesado sa Bibliya!

Ang ‘sigasig sa mabubuting gawa’ na ito ay makikita rin naman sa mga paaralan. Sa isang lugar sa may bukid sa labas ng Nairobi, isang batang lalaking nasa primarya, na ang ina’y nakikipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova, ang nakatulong sa kaniyang guro upang lumakad sa daan patungo sa buhay na walang hanggan. Sa klase, nang banggitin ng guro ang paksang tungkol sa kabilang buhay, magalang na binanggit ng batang ito na siya’y tinuruan ng kaniyang ina ng isang bagay na naiiba, batay sa Bibliya. Ito ang pumukaw sa pananabik ng guro. Siya’y nakipagkita sa ina ng batang iyon na tumulong sa kaniya upang makilala niya ang isang lalong may karanasang Saksi. Ngayon ang gurong iyon ay nangangaral na sa iba ng katotohanan ng Bibliya, salamat na lamang sa lakas ng loob ng batang ito. Anong inam na halimbawa ng sigasig ng mga batang Kristiyano sa ngayon!

Higit Pang Paglago ang Inaasahan

Mahigit na kalahati ng populasyon ng Kenya ang kailangan pang makarinig ng mabuting balita ng Kaharian. Dahilan sa kalayuan, ang ibang mga nabubukod na teritoryo ay nagagawa lamang ng minsan isang taon. Pagdating mo roon, karaniwan nang babatiin ang mga Saksi ng mga salitang: “Saan ka nanggaling? Matagal nang nawala ka rito sa amin.” At, pagkatapos magpatotoo roon ng mga ilang araw o mga linggo at sumapit na ang panahon upang lumisan, ang isa ay maaantig ang damdamin sa pagkarinig ng mga pangungusap na gaya ng: “Ngayon ay iiwanan mo na kami uli? Paano nga kami susulong?” Nakatutuwa naman, gumawa ng mga kaayusan upang madalaw muli ang karamihan ng mga taong gutom sa espirituwal.

Sa ngayon, mayroong 3,686 na mga ministro ng Kaharian sa Kenya. Doon sa 1986 na selebrasyon ng Memorial ng kamatayan ni Kristo, 13,067 ang dumalo. Iyan ay halos apat na beses ang dami sa bilang ng mga Saksi! Mga dating alkoholiko, basag-ulero, mga lider ng gang, mangingikil, espiritista, at iba pa ang gumawa ng malaking pagbabago sa kanilang buhay at ngayo’y lumalakad sa landas ng katotohanan. Ano ba ang ibinabadya nito sa atin tungkol sa hinaharap?

Maliwanag, higit pang paglago ang inaasahan. Oo, ang mga tao sa Kenya ay tumutugon ng kaaya-aya sa “mabuting balita ng kaharian.” (Mateo 24:14) Marami ang sumama na upang mapabilang sa mga Saksi ni Jehova​—isang bayan na “masigasig na mabubuting gawa.” Dahilan sa mga gawang ito, sila’y kilala bilang isang bukod-tanging bayan, walang mga pagtatangi ng lahi at iba pang mga hadlang sa tunay na pagkakaisa. Oo, “ito ay isang bagay na natatangi.”

[Mga mapa sa pahina 22]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

KENYA

Nairobi

Mombasa

[Larawan sa pahina 23]

Libu-libong mga delegadong ang wika’y Swahili ang dumalo sa kombensiyon ng mga “Tagapag-ingat ng Katapatan” noong Disyembre 1985

[Larawan sa pahina 24]

Mga drama sa Bibliya na itinanghal sa Swahili at Ingles ang nagpatibay sa mga tagapanood

[Larawan sa pahina 25]

Ang pangmadlang bautismo ay patotoo ng pagpapala ni Jehova

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share