Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w87 5/15 p. 26-27
  • ‘Sinasamantala ang Panahon’ sa Italya

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • ‘Sinasamantala ang Panahon’ sa Italya
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1987
  • Subtitulo
  • Ang Kabutihan ng Pagpapakilala ng Sarili
  • Napilitan na Sunugin ang Kaniyang Bibliya
  • Masigasig sa Edad na 70 Taon
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1987
w87 5/15 p. 26-27

‘Sinasamantala ang Panahon’ sa Italya

‘BILHIN ninyo ang napapanahong pagkakataon,’ ang dalawang beses na paghimok ni apostol Pablo sa kaniyang mga kapuwa Kristiyano nang siya’y nasa Roma, Italya. (Efeso 5:15, 16; Colosas 4:5) Ang kaniyang mga mambabasa noong unang siglo ay tumugon nang mainam. Sila’y humanap ng napapanahong pagkakataon upang maipamahagi ang “mabuting balita” at makatulong sa iba upang maging mga mananamba rin sila ng tunay na Diyos.​—Mateo 24:14.

Ang modernong-panahong mga lingkod ni Jehova sa Italya, na kung saan isinulat ni Pablo ang mga liham na iyon, ay tumutugon pa ring mainam sa kaniyang payo. Tulad ng mga sinaunang Kristiyano, sila’y humahanap ng mga paraan upang mapalaki ang kanilang bahagi sa gawaing pangangaral ng Kaharian. Papaano sila nakakasumpong ng “karapat-dapat na panahon”?

Ang Kabutihan ng Pagpapakilala ng Sarili

Si Giuseppe ay isang may edad nang buong-panahong ministro ng mga Saksi ni Jehova sa Roma, at kaniyang nagugunita pa ang panahon na siya ay may sekular na trabaho. Kaniyang tiniyak na lahat ng kaniyang mga kasama sa trabaho ay nakakaalam na siya’y isa sa mga Saksi ni Jehova. Ang ganitong pagpapakilala niya ay humantong sa isang “karapat-dapat” na pagkakataon para maipamahagi niya sa iba ang mga katotohanan ng Bibliya. Isang araw siya’y inatasan na magsanay sa isang lalaking nagngangalang Gianni. Agad-agad namang sinabi ng mga kamanggagawa ni Gianni na ang guro niya ay isa sa mga Saksi ni Jehova. Nang sandaling ang manggagawa’y nag-iisa at kasama ni Giuseppe, sinabi niya kay Giuseppe: “Ngayon ay mag-usap tayo tungkol sa ating trabaho, pero sa oras ng pananghalian ibig kong matuto ng tungkol kay Jehova.”

Nang panahon ng pananghalian marami silang bagay na tinalakay. Si Gianni’y tinuruan ni Giuseppe na ang Diyos ay may pangalan, at ito’y Jehova. Kaniya ring ipinaliwanag ang layunin ng Diyos para sa lupang ito. Ngayon, ano ang nangyari nang tapos na ang panahon ng pagsasanay? “Ibinigay ko sa kaniya ang numero ng aking telepono at binigyan ko siya ng ilang mga babasahin sa Bibliya,” ang sabi ni Giuseppe. “Tinanggap niya ang mga babasahin pero ang sabi niya: ‘Kung makakita ako rito sa mga lathalaing ito ng anuman na hindi kasuwato ng katotohanan ng Bibliya, babalik ako rito at patutunayan ko na ikaw ay mali sa harap ng lahat ng ating mga kasamahan.’”

Mga buwan ang lumipas. Walang balita buhat kay Gianni. “Subalit nangyari,” ang pagpapatuloy ni Giuseppe, “isang araw ay tinawagan niya ako at sinabing ibig niyang makita ako. Kami’y nagtagpo, at siya’y mayroong isang listahan ng mga tanong. Kami’y nag-usap nang may sampung oras! Tinanggap niya ang aking alok na siya’y regular na makipag-aral ng Bibliya.” Ano ang resulta? Ganito ang sabi ni Giuseppe: “Ang mahuhusay na mga pagbabagong ginawa niya ay hinangaan ng kaniyang maybahay at ng kaniyang ina kung kaya’t pati sila ay nagsimulang nagkaroon ng interes sa pag-aaral ng Bibliya. Sa ngayon si Gianni, ang kaniyang maybahay, at ang kaniyang ina ay pawang mga tapat na lingkod ni Jehova.”

Napilitan na Sunugin ang Kaniyang Bibliya

Ang mainam na ugaling Kristiyano ay humahantong sa ‘napapanahong pagkakataon’ para maipamahagi sa iba ang mga katotohanan ng Bibliya. Gaya ng sabi ni apostol Pablo, ang mabubuting pag-uugali ay ‘makapagpapaganda sa turo ng ating Tagapagligtas, ang Diyos, sa lahat ng bagay.’​—Tito 2:10.

Si Pietro, isa nang Saksi ngayon na malapit nang maging 30 anyos, ay naakit sa gayong “turo” dahil sa Kristiyanong pag-uugali ng isang kaklase. “Ako’y nasa ikalimang grado,” nagunita pa ni Pietro, “pero natatandaan ko pa ang ugali ng batang iyon. Siya ang tanging tumatangging manatili sa klase kung mga oras ng pag-aaral sa relihiyon.”

Isang araw tinanong ni Pietro ang batang lalaking iyon kung bakit sa tuwina’y umaalis siya. Ipinaliwanag ng batang iyon na siya’y ipinuwera sa klase dahil sa siya’y isa sa mga Saksi ni Jehova. Napukaw ang interes ni Pietro. Hiniling niya sa bata na dalhan siya ng isang Bibliya. Pagkatapos basahin ang mga ilang bahagi ng Bibliya, “Naunawaan ko na naroon ang katotohanan,” ang sabi ni Pietro. “Ipinasiya ko na ibig kong sundin iyon buhat noon. Dinala ko ang Bibliya pagpasok ko sa paaralan at sinabi ko sa lahat na ako’y isa sa mga Saksi ni Jehova. Noon ay sampung taóng gulang lamang ako.”

Nagsimula ang mga suliranin. Ganito pa ang pagpapatuloy ni Pietro: “Ang pari na nagtuturo sa mga klase ng relihiyon sa paaralan ay nagbalita sa mga magulang ko na ginagamit ko ang Bibliya sa paaralan, at kaniyang ipinayo sa kanila na sirain iyon. Nang ako’y umuwi sa tahanan, pinurbahan ng aking ina na agawin ang aking Bibliya, ngunit hinawakan ko iyon nang buong higpit. Ngayo’y pinalo na ako ni Inay at kaniyang inagaw iyon sa akin at pinagpunit-punit iyon. Pagkatapos ay kaniyang pinuwersa ako na sunugin ang aking sariling Bibliya.” Si Pietro ay nawalan ng kaniyang Bibliya ngunit hindi niya naiwala ang kaniyang pananampalataya. Naisip niya noon: ‘Paglaki ko, bibili ako ng isang bagong Bibliya at pupunta ako sa iba upang dalhin sa kanila ang mensahe niyaon.’

Dalawang taon ang lumipas. At nabalitaan ni Pietro na isang pag-aaral sa Bibliya ang idinaraos sa bahay ng isa sa kaniyang mga kaibigan. Lihim na dumalo siya sa pag-aaral. “Isang araw,” ang sabi ni Pietro, “sinabi ko sa aking mga magulang, ‘Ipinasiya ko na po na maging isa sa mga Saksi ni Jehova. Ngayon ay wala nang makapagpapabago ng aking pag-iisip!’” Nang makita ang matatag na pasiya ng kanilang 12-anyos na anak, sumuko na rin ang kaniyang mga magulang. Si Pietro ay nagsimulang dumalo sa mga pulong sa Kingdom Hall agad-agad. Nang makalipas ang mga apat na taon siya ay nabautismuhan bilang isa sa mga Saksi ni Jehova. Sa ngayon, 18 taon ang nakalipas matapos na una niyang malaman ang katotohanan buhat sa Bibliya dahilan sa tapat na inugali ng kaniyang kaklase, ‘sinasamantala [ni Pietro] ang napapanahong pagkakataon’ sa pamamagitan ng paglilingkod bilang isang buong-panahong ministro sa Italya.

Masigasig sa Edad na 70 Taon

Si Mafalda, isang babaing Kristiyano na taga-Livorno, ay isa pa sa mahigit na 22,000 masisigasig na payunir, o buong-panahong mga ministro sa Italya. Siya’y nagsimulang nagpayunir sa edad na 56. “Ang pagpapayunir,” ayon sa paliwanag niya, “ay humihingi ng di-kukulangin sa 1,000 oras isang taon na itatalaga sa gawaing pangangaral. Subalit yamang ito’y isang mahalagang mensahe, ako’y gumugugol ng 2,000 oras taun-taon bilang isang payunir.” Sa ngayon si Mafalda ay 70 taóng gulang. Ano ba ang kaniyang mga plano? “Kabilang sa mga Kristiyano noong unang siglo, nariyan ang mga masisipag na mga ginang ng tahanan na nakikibahagi noon sa ministeryo,” aniya. “Tulad nila, ibig kong magpatuloy ng pagbabalita ng Kaharian ng Diyos. Iyan ang tunguhin ko sa aking buhay.”

Oo, mula sa mababalutan ng niyebeng taluktok ng kabundukang alpino sa hilaga at hanggang sa kasinlayo ng Mediteraneo sa isla ng Sicily sa timog, ang modernong-panahong mga Saksi ni Jehova sa Italya ay nagpapakita ng sigasig ng kanilang mga katulad noong unang siglo. Sa araw-araw sa isang taon sila’y gumugugol, sa katamtaman, ng mahigit na 100,000 oras sa pangangaral ng Kaharian. Ang resulta? Noong nakaraang taon lamang, halos 12,000 katao ang nabautismuhan at naging ordinadong mga ministro ni Jehova. Ngayon sila, kasama ang 131,000 mga iba pang Saksi ni Jehova, ay ‘nagsasamantala ng napapanahong pagkakataon’ sa Italya.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share