Ang Aking Salinlahi—Bukod-tangi at Lubhang Pinagpalà!
Inilahad ni Melvin Sargent
MARAMING kabataan sa ngayon ang isinilang sa isang pamilya ng mga Saksi ni Jehova. Subalit noong 1896 ito ay isang pambihirang pribilehiyo nga. Sapol sa pagkasanggol, tinuruan na ako ni Inay na matakot nang husto kay Jehova at pahalagahan ang haing pantubos na ibinigay ng kaniyang Anak. Kaya ako ay nasa isang bukod-tangi at lubhang pinagpalàng salinlahi—may sapat na gulang upang masaksihan ang pasimula ng tanda ng pagkanaririto ni Kristo noong 1914 subalit posible nga na may kabataan pa rin upang mabuhay hanggang sa makita ang katapusan nito sa Armagedon.—Mateo 24:3, 33, 34.
Ang Pagkakaroon ng Isang Mainam na Pasimula sa TLC
Bilang isang anak, ako’y binigyan ng tinatawag na tratong TLC, Tender Loving Care (malumanay at maibiging pangangalaga). Subalit kung minsan ang pangangalagang iyan ay ipinakikita sa mga paraan na sa ngayon ay itinuturing ng iba na may kabagsikan. Natatandaan ko pa na minsan naulinigan ni Inay na ako’y nakikipaglaro sa isang batang may edad sa akin na biglang gumamit ng mga salitang totoong bago sa akin. “Iyon ay mga masasamang salita na hindi mo kailanman dapat gamitin,” ang sabi niya sa akin, at itinanim niya iyon sa akin hindi lamang sa pamamagitan ng mga salita! Subalit natalos ko na ang kaniyang pagdisiplina sa akin ay isang pagpapakita ng malumanay at maibiging pangangalaga, at natatandaan ko kung bakit nagtataka ako at si Jimmie ay hindi dinisiplina ng kaniyang nanay. Hindi kaya siya talagang minamahal ng kaniyang nanay?
Kami lamang ang pamilyang Saksi sa Jewell County, Kansas. Si Itay ay hindi isang nag-alay na lingkod ni Jehova, subalit napahinuhod siya na manguna sa isang pag-aaral ng Bibliya sa amin na kaniyang mga anak. Ang aking kapatid na babaing si Eva ang panganay, at si Walter naman ay 16 na buwan ang tanda sa akin. Tuwing gabi ay inaasahang tutulong kami sa pagliligpit ng kinainan. Subalit malimit na nagdadahilan si Walter at umaatras. Gayunman, ginamit namin ni Eva ang trabahong ito bilang isang pagkakataon sa araw-araw na makipag-usap tungkol sa mga katotohanan ng Bibliya, kaya naman isang pagpapalà iyon na nakabalatkayo. Nang maglaon ay napagkilala ko na ang mga taong umaatras sa mga pananagutan sa buhay ay nawawalan ng maraming pagpapalà. Ito’y nangyari kay Walter, na nang maglaon ay tumalikod sa katotohanan.
Ang pakikitungo sa amin na TLC ay humantong sa mainam na resulta noong Agosto 4, 1912. Kami ni Eva ay gumising bago sumapit ang umaga at naglakbay ng sampung milya (16 km) sakay ng kabayo at karwahe upang abutin ko ang maagang biyahe ng tren patungong Jamestown, Kansas. Isang pilgrim, na siyang tawag sa naglalakbay na mga Bible Student, ang dumadalaw roon, at ito ang itinakdang maging aming unang pakikipagpulong sa mga Bible Student sa labas ng aming tahanan. Iyon din ang araw ng aming bautismo.
Bagama’t ako’y 16 anyos lamang, itinanong ko sa kapatid na pilgrim kung maaari akong lumahok sa buong-panahong ministeryo, na noo’y tinatawag na gawaing colporteur. Kaniyang hinimok kami na sumulat sa Watch Tower Society. Gayunman, palibhasa’y kailangan pa ako noon sa tahanan, ito’y ipinagpaliban ko. Samantala, ginamit ko ang aking libreng panahon nang regular na pagtulong sa mga Bible Student sa Jamestown sa pamamahagi ng mga tract sa humigit-kumulang 75 karatig na mga siyudad at mga bayan.
Nagpatotoo rin naman ako sa mga iba pang panahon. Minsan nang ang aming kasera ay dumating doon sa amin para sa trabaho at siya’y pumisan sa amin ng mga ilang araw, siya’y binigyan ko ng isang tract. Marahil ay nagustuhan niya ito. Subalit pagkatapos na bumalik siya sa kanila sa Iowa, nakalipas ang 30 taon bago ko siya nakita uli. Siya’y naging isang Adventista at hindi interesado sa ‘aking relihiyon.’ Gayunman, siya’y may asyenda na nangangailangan ng pag-aasikaso, at sa pagkaalam na walang “tunay na Kristiyano” sa kaniyang relihiyon na kaniyang mapagkakatiwalaan, ako ang kaniyang kinuha. Ang kaniyang ibinayad sa akin ang tumulong upang ako’y makapanatili sa buong-panahong ministeryo ng maraming taon. Ito’y isang pagpapatunay ng sinasabi ng Eclesiastes 11:1: “Ihasik mo ang iyong tinapay sa tubigan, sapagkat iyong masusumpungan pagkaraan ng maraming araw.” O ng minsa’y sinabi ni Jesus: “Patuloy, kung gayon, na hanapin muna ang kaharian at ang kaniyang katuwiran, at ang lahat ng iba pang mga bagay na ito ay idaragdag sa inyo.”—Mateo 6:33.
Di-malilimot na mga Alaala
Dumalo ako sa aking unang kombensiyon noong 1913. Natuwa ako nang makita kong 41 mga baguhan ang nabautismuhan, at ako’y nahimok na maniwalang dahil sa una akong nabautismuhan (sampung buwan na akong nabautismuhan), marahil ay may pag-asa akong magkakaroon na ng isang “tulad-Kristong ugali” pagsapit ng 1914, upang masiguro ang sa aki’y ‘pagkatawag at pagkahalal.’ Natutuwa rin ako na makitang napakarami roon ang may mga lasong pula at dilaw. Ang mga colporteur na naghahanap ng kapareha ay may mga pulang laso, at sinuman na ibig pumareha sa kanila ay mayroon namang lasong dilaw.
Para sa akin, ang isang tampok ng kombensiyon noong 1914 ay ang pagkapanood ko ng Photo-Drama of Creation at ang malapitang pagmamasid ko kay Brother Russell. Siya’y may natatanging kasiglahan at isang tunay na hangarin na maghatid ng nakapagpapatibay na impormasyon sa kaniyang mga tagapakinig. Siya’y madamayin at handang makinig sa mga lumalapit sa kaniya na may mga problema. Subalit siya’y hindi naman totoong mataas upang makitungo sa isang tin-edyer na manaka-naka’y nakagagawa ng kapilyuhan. Isang gabi samantalang namamahagi ako ng mga senaryo ng programa ng Photo-Drama, siya’y sa-daraan. Inalok ko siya ng isang sipi, at nagkunwari akong hindi ko siya nakikilala. Sa primero’y lumampas siya, subalit pagkatapos ay bumalik siya at nagtatawang napasalamat sa akin, anupa’t ipinaalam niya sa akin na nasakyan niya ang pagsisisting iyon.
Sa wakas noong 1917, sa edad na 21, ako ay nakapasok sa gawaing colporteur. Noon ay may tatlong taon nang nagaganap ang Digmaang Pandaigdig I. Bitbit ko ang isang maleta, at may dala akong maraming aklat, at $30.00 sa aking bulsa, ako’y nagbiyahe patungong Nebraska kasama ang aking kapareha, si Ernest Leuba, isang nakatatandang colporteur na may karanasan na. Ang aming mga karanasan ay kapuwa positibo at negatibo. Halimbawa, natatandaan ko na minsan nang gumamit kami ng isang madaliang paraan ng pamamahagi ng mga aklat. Kami’y nagpaimprenta ng mga kard na nag-aalok sa mga tao ng isang libreng dalawang-araw na pagsusuri ng aklat na The Finished Mystery, at ito’y may kasamang pribilehiyo na pagbabalik namin ay maging kanila na iyon sa abuloy na 60 cents. Isang umaga kami’y nagpahiram ng tigsampung aklat sa pamamagitan ng ganitong kaayusan. Nakalipas ang dalawang araw, nakapamahagi ako ng pitong aklat, samantalang si Brother Leuba, na doon gumawa sa isang teritoryo na ang karamihan ng tao ay Katoliko, ay nakapamahagi ng isa lamang. Upang mabawi ang isa sa mga aklat na kaniyang ipinahiram, siya’y naparoon sa paring Katoliko roon na pinagpasahan niyaon. Kaya natiyak namin na ang aming mabilisang paraan ng pamamahagi ay hindi kasing-inam niyaong pamamaraan na paggugol ng higit pang panahon sa pakikipag-usap sa mga tao.
Sabihin pa, kakaunti-kaunti ang aming pera, kung kaya kung minsan ay maingat naming pinag-iisipan ang mga pamamaraan ng pagtitipid. Kaya nang kami’y lumipat sa isang bagong atas sa Boulder, Colorado, kami’y bumili ng isang tiket sa pinakamalapit na istasyon doon sa lampas sa hangganan ng estado. Pagkatapos ay umibis kami sa tren at bumili ng isa pang tiket para sa natitirang bahagi ng biyahe sa susunod na tren. Bakit? Sapagkat ang pasahe sa loob ng isang estado ay dalawang cents isang milya, ngunit mas malaki ang pasahe buhat sa isang estado patungo sa susunod na estado. Bukod sa pagtitipid ng pera, sa panahon ng sandaling paghinto ng tren ay nakapagsasagawa kami ng impormal na pagpapatotoo.
Mga Suliranin Noong Panahon ng Giyera at Isang Bagong Pasimula
Sumapit na noon ang 1918, at ang Estados Unidos ay napasangkot na rin sa digmaan. Hayagang nagpasimula ang isang bagyo ng pananalansang laban sa mga Bible Student, at nakilala yaong mga natatakot at yaong mga hindi. Ang ibang mga kapatid na lalaki na nasa edad ng pagsusundalo, bagama’t may mga budhing tumututol, ay sumang-ayong magsagawa ng serbisyo militar nang sibilyan.
Nang ako’y magparehistro, bilang isang ministro ay inangkin ko ang karapatan na mapapuwera. Sa palagay ko, ang aking mga argumento ay may matatag na batayan, at ang pagtatalaga sa serbisyo ay naantala samantalang iniaapela ang aking kaso. Kabaligtaran ang kanilang naisip at tinanggihan ang aking kahilingan. Gayunman, ang pagkaantalang ito ay tumulong upang huwag akong ipiit sapagkat panahon na noon ng pag-aani, at ipinagpaliban iyon hanggang sa ang mahalagang gawaing ito sa bukid ng aking mga magulang ay matapos. Sa wakas ang pagtatalaga sa akin sa serbisyo ay itinakda para sa Nobyembre 15. Ang giyera ay natapos noong Nobyembre 11. Apat na araw pa sana at ako ay mabibilanggo na.
Ang mga iba na walang takot na sumuporta sa nuetralidad Kristiyano ay hindi nakaranas ng gayong mainam na resulta. Sa isang kombensiyon sa Denver, nakilala ko ang isa sa kanila. Bilang paliwanag ng kapatid na ito kung bakit siya kalbo, sinabi niya na siya’y iginapos sa isang punungkahoy ng isang pangkat ng panatikong mga mang-uumog at binuhusan ng mainit na alkitran. “Ang mga babae sa grupong iyon,” ang sabi niya, “ang siyang pinakamatitindi.” Kaniyang ipinakalbo ang kaniyang ulo upang matanggal ang alkitran. Pagkatapos ay ngumiti siya nang husto at ang sabi tungkol sa kaniyang karanasan: “Hindi ko ipagpapalit ito nang anupaman.”
Dahilan sa kanilang walang pakikipagkompromisong paninindigan, ang ilan sa mga opisyales ng Watch Tower Society ay ibinilanggo nang walang dahilan. Subalit noong 1919, samantalang sila’y nakabilanggo pa, sila’y muling inihalal sa kanilang mga puwesto sa Samahan, sa kabila ng pagtatangka ng mga apostata na halinhan sila. Ito’y tinanggap ng tapat na mga kapatid bilang katunayan ng pagsang-ayon ni Jehova. Lipos ng kagalakan, pinatibay ng isang panibagong agos ng banal na espiritu, sila’y lalong disidido ngayon higit kailanman upang ipagpatuloy ang pangangaral ng Kaharian at ibilad ang klero sa kanilang paimbabaw na pagtangging sumuporta sa Kaharian ng Diyos. Nagsimula ang isang lubusang paghiwalay sa Babilonya.
Noong Pebrero 24, 1918, sa Los Angeles, California, pagkatapos mapasangkot ang Estados Unidos sa Digmaang Pandaigdig I noong Abril 6, 1917, si Brother Rutherford ay sa unang pagkakataon nagpahayag ng kapana-panabik na paksang “Angaw-angaw na Ngayo’y Nabubuhay Ay Hindi na Mamamatay Kailanman.”
Mahalagang mga Pagbabago sa Paglakad ng mga Taon
May pitong taon din na kami ni Lydia Tannahill ay nagpatuloy na magkaibigan sa pamamagitan ng pagsusulatan. Pagkatapos ng may kalakip-panalanging pagsasaalang-alang, ipinasiya namin noong 1921 na pinakamagaling na para sa amin na samantalahin ang payo ni Pablo nang kaniyang ipinapayo ang pananatiling walang asawa, samakatuwid nga, na siyang “nag-iiwan ng kaniyang pagkabinata at nag-aasawa ay gumagawa ng mabuti.” (1 Corinto 7:38) Ang aming pag-aasawa ay isang regalo ni Jehova at pinagalak ang aming puso. Datapuwat, hindi nagtagal kami ay napaharap sa isang kagipitan. Dahil sa kabibiyahe ang dating sakit ni Lydia sa kaniyang likod ay lumubha, at ang aking puso naman, bagama’t tapat at mapagmahal, ay naging mabagal, naging “isang nahahapong puso” ang tawag dito ng mga doktor. Kaya naman ako’y sinapian ng anemia. Kapuwa kami nauubusan na ng lakas. Kami’y hinatulan na lumipat sa ibang lugar na iba ang klima at bawasan ang aming araw-araw na pagbibiyahe. Ang aming palipat-lipat na tahanan ay angkop para tumulong sa amin na sundin ang payong ito, kaya noong Setyembre 1923 ay naroon kami sa daan patungo sa California.
Palibhasa’y naroon ako sa lubhang pinagpalàng salinlahi, ako’y pinahintulutan na makita ang pag-unlad sa lumipas na mga taon ng nakikitang organisasyon ni Jehova. Naroon ako nang ang Los Angeles ay unang itakda bilang indibiduwal na mga teritoryo sa pangangaral, nang ang pagpapatotoo kung Linggo ay magsimula, at nang tanggapin namin ang ating bagong pangalan, mga Saksi ni Jehova, noong 1931. Anong laking kagalakan na masaksihan ang mga pagbabagong ginawa noong 1932 at 1938 na nagbigay ng kasiguruhan sa teokratiko, imbis na sa demokratiko, na pag-aatas ng matatanda. At naging isang kagalakan na makita ang paglinaw na nangyari sa dating malalabong isyu at mga tanong, katulad ng isyu sa neutralidad at sa kabanalan ng dugo.
Bagama’t ako’y huminto na sa gawaing colporteur noong 1923, sa tuwina’y taglay ko ang espiritu ng pagpapayunir. Kaya’t noong 1943 ay nagbalik ako sa mabilis na lumalagong ranggo ng mga payunir. Noong 1945 ay nagkapribilehiyo pa man din ako na maging isang espesyal payunir at naglingkod ng siyam na taon sa gawaing iyan hanggang minsan pa’y ginambala ako ng aking “napapagod na puso.” Sapol noong 1954 ako ay naglilingkod bilang isang regular payunir.
Ang aming pagsasama ni Lydia bilang mag-asawa ay tumagal ng 48 taon hanggang noong 1969 nang siya’y lumipat na sa isang bagong atas, isang mana niya na “nakalaan sa langit,” isang atas na inaasahan kong tatanggapin ko rin sa takdang panahon. (1 Pedro 1:4) Bagama’t kami’y hindi kailanman nagkaanak, kami’y pinagpalà sa pagkakaroon ng itinuturing ng marami na isang ulirang pag-aasawa. Bagaman ininda kong mainam ang gayong pagkaulila, ang pananatiling magawain sa mga kapakanang teokratiko ang tumulong sa akin na mapagtagumpayan iyon. Nang maglaon ay nag-asawa ako sa isang may karanasang payunir na nakilala ko ng maraming mga taon, si Evamae Bell. Kami’y nagsama nang may 13 taon hanggang sa siya’y pumanaw rin.
Ang Aking Salinlahi—Bukod-tangi sa Isang Natatanging Paraan
Kung minsan ay tinatanong ako: “Ano po ba ang inyong pinakamahalagang karanasan sa katotohanan?” Walang atubili na isasagot ko: “Ang nakita kong natupad sa loob ng aking salinlahi ang mga hula ng Bibliya na isinulat ng kinasihan at nag-alay na mga lalaki daan-daang taon na ngayon.”
Mangyari pa, ang mga kabilang sa aking salinlahi na wala sa organisasyong teokratiko ay lumabas na kagayang-kagaya ng sinasabi ng Photo-Drama of Creation: sakim sa salapi, hibang sa kalayawan, at baliw sa kapangyarihan. Kami naman na nasa loob ng organisasyon ng Panginoon ay nagsumikap, sa lahat ng paraang posible, na ibaling ang kanilang pansin sa mensahe ng buhay. Gumamit kami ng mga salawikain, mga anunsiyong buong-pahina, radyo, sound cars, nabibitbit na ponograpo, pagkalalaking mga kombensiyon, mga parada ng information-walkers na may dalang mga karatula, at isang dumadaming hukbo ng mga ministro sa bahay-bahay. Ang gawaing ito ay nagsilbing tagapagbaha-bahagi sa mga tao—ang mga nasa panig ng tatag na Kaharian ng Diyos, at ang mga laban dito na nasa kabilang panig. Ito ang gawain na inihula ni Jesus para sa aking salinlahi!—Mateo 25:31-46.
Hanggang sa ang “napapagod na pusong” ito na taglay ko ay pumintig ng kaniyang kahuli-hulihang pintig, patuloy na pipintig ito sa pagpapahalaga sa pribilehiyo na tinatamasa ko bilang narito sa isang bukod-tanging salinlahi. Ito’y patuloy na pipintig dahil sa malabis na kagalakan sa taglay ko ngayong pribilehiyo na makita ang angaw-angaw na nakangiting mga mukha na nakatalagang magpapatuloy na ngumiti magpakailanman.
[Larawan sa pahina 23]
Si Melvin at si Lydia Sargent, mga colporteur,noong 1921
[Larawan sa pahina 24]
Si Melvin at Evamae Sargent, noong 1976