Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w87 8/15 p. 25-27
  • Pagpapakita ng Katapatang Kristiyano sa New Caledonia

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagpapakita ng Katapatang Kristiyano sa New Caledonia
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1987
  • Subtitulo
  • Ang Pasimula ng Katapatang Kristiyano
  • Katapatan sa Kaharian ng Diyos Suma-ilalim ng Pagsubok
  • Ang Tapat na Pagpapalawak sa Kabila ng Kaligaligan
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1987
w87 8/15 p. 25-27

Pagpapakita ng Katapatang Kristiyano sa New Caledonia

HINDI lahat ay panatag sa paraiso. Noong magpasimula na ang 1985, dahil sa politikal na kaligaligan mga 20 buhay ang nasawi sa Timog Pasipikong isla ng New Caledonia. Ito’y umakay sa magasing Maclean’s upang magkomento: “Ang isla ay nagsisimula nang makatulad ng Northern Ireland, na nahahati sa dalawang armado at nagkakapootan na kampamento.”

Ang situwasyon ay malubhang-malubha noong Enero 1985 kung kaya’t si Pangulong François Mitterrand ng Pransiya ay mabilisang nagbiyahe patungo sa panig na iyon ng daigdig sa isang di-nakaiskedyul na Sabado upang dumalaw sa Nouméa, ang kabisera ng isla. Ang mga tagaisla, na nagkadalawang panig sa kanilang tinatangkilik, ay sabik na ipahayag ang kanilang damdamin sa panahon ng kaniyang pagdalaw. Ang taal na mga tagaroon, sa udyok ng kanilang relihiyosong mga lider at palibhasa’y matindi ang katapatan sa kanilang mga ninunong Melanesian, ang may matinding pagtataguyod na wakasan na ang mahigit 130 taon ng pamamahalang Pranses. Sa kabilang panig naman, maraming mga inapo ng Europeong Polynesian at Asianong mga naninirahan doon, at pati mga Melanesian, ang nagpahayag ng kanilang katapatan sa gobyernong Pranses at iminungkahi nila na magpatuloy ang pamamahala nito.

Samantala, nang Sabado ring ito, 1,567 ng mga Saksi ni Jehova pati kanilang kaibigan ang nagtipon din sa Nouméa upang ipakita sa madla ang kanilang katapatan. Gayunman, ang kanilang katapatan ay di nakaukol sa anumang partikular na grupong etniko o sa anumang makalupang gobyerno; iyon ay katapatan sa nakatatag na Kaharian ng Diyos. Subalit paano nga nangyari na sila ay nasa Nouméa sa natatanging araw na ito? Sa bagay na iyan, ano’t sila’y nasa New Caledonia?

Ang Pasimula ng Katapatang Kristiyano

Ang New Caledonia ay mayroon niyaong iyong maaasahan sa isang paraiso sa Timog Pasipiko​—kaaya-ayang klima sa buong santaon, masasarap na prutas na katakam-takam, saganang mga halaman na kalugud-lugod sa paningin, at pinaghalu-halong mahigit na 150,000 Melanesian, Polynesian, Asiano, at Europeo.

Ito’y nadiskubre noong 1774 ni Captain James Cook, ang tanyag na Britanong nabigador at eksplorador, ngunit ito’y naging isang kolonyang Pranses noong 1853. Ang mga unang eksplorador at mga mangangalakal ay sinundan ng mga misyonero ng Sangkakristiyanuhan. Ang mga taong kanilang natuklasan doon ay maliwanag na nangangailangang mapalaya sa mga maling kinaugalian. Ang mga misyonero ay nagtagumpay, halimbawa, sa paglipol sa kanibalismo. Kanila ring ipinakilala sa mga tao ang Bibliya at isinalin pa mandin iyon sa apat na wika roon. Kapuri-puri, kanilang isinali ang pangalan ng Diyos, na isinaling Iehova o Jehova sa diyalekto. Gayunman, higit pa ang kailangan.

Noong 1930’s isang grupo ng mga Saksi ni Jehova ang naglayag sa Loyalty Islands at namahagi ng mga literatura sa Bibliya. Noong kalagitnaan ng 1950’s may mga Australianong Saksi na lumipat sa New Caledonia. Bagama’t noong magtagal ay ideneporta sila, ang gawain ay umunlad, at noong 1967 ang bilang ng mga tagaroong Saksi ay umabot sa mahigit na isang daan. Noong 1976 ang Watch Tower Society ay nagtayo ng isang tanggapang sangay sa Nouméa at pinangasiwaan nito ang pagtatayo ng unang Kingdom Hall sa islang iyon.a

Lalung-lalo na sapol noon, nagkaroon ng malaking pagsulong sa pagtitipon ng tapat na mga sakop para sa natatag na Kaharian ni Jehova buhat sa lahat ng iba’t ibang grupong etniko ng bansa. Halimbawa, mga 17,000 katao buhat sa Wallis at Futuna​—pagkaliliit na mga islang naroon sa norte ng Fiji​—ang naninirahan sa New Caledonia. Marami sa Wallisians na ito ang mga Katoliko at masusugid na deboto sa kanilang simbahan. Subalit ang kanilang saloobin ay nagbabago habang parami nang parami sa kanila ang nakikinig sa mensahe ng Kaharian. Isang pari, na naligalig tungkol dito, ang nagsugo sa babaing nangangasiwa sa pananalapi ng simbahan upang “iligtas ang mga tupa sa pagkaligáw.” Gayunman, siya ay nakinig din. Pagkatapos ang kaniyang anak na babae, na nag-aaral sa Roma upang maging misyonera, ay umuwi at tumanggap ng katotohanan ng Bibliya na itinuturo ng mga Saksi ni Jehova. Ngayon siya at ang kaniyang ina ay kapuwa tapat na mga Saksing nag-alay.

Sa ngayon ang mga Saksi ay kilalang-kilala saanman sa mga islang ito; sa mga ilang lugar, may isang Saksi sa bawat 80 katao. Sa isla ng Lifou, isang kabataang anluwagi ang naging isang Pentecostal. Siya’y humayo sa nayon at nayon, na ibinabalita na si Kristo’y babalik at makikita sa isla. Upang ipamalas ang kaniyang matibay na paniniwalang wala na ngang halaga ang materyal na mga ari-arian, sa harap ng madla’y sinunog niya ang kaniyang damit at salapi. Subalit naging interesado siya sa kaniyang nabasa sa isang tract na lathala ng mga Saksi ni Jehova. Isang regular na pag-aaral sa Bibliya ang tumulong sa kaniya na magtamo ng tumpak na kaalaman sa Salita ng Diyos. Sa ngayon, siya ay isang timbang na Kristiyano, isang buong-panahong ministro.

Katapatan sa Kaharian ng Diyos Suma-ilalim ng Pagsubok

Ang politikal na kaligaligan at magugulong kalagayan na bumangon noong 1984 ay lumikha ng mga suliranin para sa maraming taga-New Caledonia, kasali na ang mga Saksi. Ang iba sa mga ito ay inumog at ginulpi samantalang sila’y nangangaral. Tatlong lalaki ang pumasok sa tahanan ng isang Saksi, hiningi ang susi ng kotse ng taong iyon samantalang nakatutok sa kaniya ang baril, at pagkatapos ay ninakaw ang kaniyang kotse. Natuklasan ng isang misyonero na ang kaniyang kotse ay sinilaban at winasak samantalang siya’y nagdaraos ng isang pag-aaral sa Bibliya.

Samantalang ang mga tagaisla ay baha-bahagi sa kanilang pinag-uukulan ng katapatan, ang mga Saksi​—anuman ang kanilang kinabibilangang grupong etniko​—ay nagkakaisa sa kanilang neutral na paninindigan. Ang klero, na kasangkot sa politika, ay nagsamantala sa kasalukuyang kaligaligan upang pukawin ang pagkapoot sa mga Saksi. Halimbawa, may mga Saksing nagmamaneho upang daanan ang interesadong mga tao para dalhin sa pulong ang pinahinto. Ang kanilang naglalakbay na tagapangasiwa, na dumadalaw sa kanila nang linggong iyon, ay kinaladkad buhat sa isa sa dalawang kotse at ginulpi, at niwasak ang kaniyang salamin. Isang taong interesado ang itinulak sa pader at ginulpi hanggang sa magdugo ang kaniyang ulo, habang ang kaniyang nagdadalantaong maybahay ay pilit na pinagmamasid.

Gayunman ay batid ng mga Saksi na ang kanilang katapatan ay nakalagak sa tamang dako. Kanilang nagugunita ang mga salita ni Pablo: “Lahat ng naghahangad na mamuhay na may banal na debosyon kasama ni Kristo Jesus ay pag-uusigin din.”​—2 Timoteo 3:12; tingnan din ang Mateo 10:16.

Ang Tapat na Pagpapalawak sa Kabila ng Kaligaligan

Noong kalagitnaan ng 1984 natalos ng mga Saksi ang pangangailangan na magtayo ng isang Assembly Hall. Isang angkop na lote ang natagpuan sa isang burol na nakapanunghay sa daungan ng Nouméa, at sinimulan ang trabaho roon noong Setyembre. Subalit noong Nobyembre, dahilan sa politikal na kaligaligan, ang mga awtoridad ay nagpatupad ng isang curfew, at isang kalagayan ng emergency o kagipitan ang ideneklara. Sa kabila nito, ang mga Saksi sa buong isla ay tumugon sa kinakailangang pagtulong upang maipagpatuloy ang konstruksiyon. Hanggang 400 boluntaryo ang dumating doon nang magkakasabay, at takang-taka ang mga nakapagmasid. Yamang ang konstruksiyon ay ginagawa kung mga araw na walang pasok ang eskuwela, maraming mga kabataan ang tumulong. Isang batang babae ang nagsabi: “Ito ang pinakamainam na bakasyon ko kailanman.” At ang pagkakita sa isang 60-anyos na babaing Saksi na nagpapala ng semento at graba tungo sa isang makinang tagahalo ng semento ay sapat na maging sorpresa sa kaninumang propesyonal na tagapagtayo!

Makalipas ang apat na buwan lamang ang proyekto ay natapos. Isinaplano ang pag-aalay niyaon, subalit nangyari na iyon ang mismong dulo ng sanlinggong di-inaasahang pagdalaw ni Mitterrand! Dahilan sa posibleng magsiklab na situwasyong politikal, hiniling ng mga awtoridad sa mga Saksi na kanselahin ang kanilang programa. Subalit, ang taong nakakaalam ng seguridad, na nakasaksi na ng isang kombensiyon ng mga Saksi sa Pransiya, ay nagsabi sa kanila: “Kilala ko kayo. Hindi kami magkakaroon ng problema sa inyo. Basta gumawa kayo ng kinakailangang hakbang sa seguridad; hindi namin pakikialaman ang inyong pagtitipon.”

Mahigit na 1,500 katao ang dumalo sa mainam na programa ng pag-aalay, na tinampukan ng isang pahayag sa pag-aalay ni Lyman Swingle, isang dumadalaw na miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova. Ang dami ng dumalo sa pagtitipong ito, sa kabila ng kaligaligang bayan, ay nagpakita ng katapatan sa Kaharian ni Jehova, isang katapatan na nagbubunga sa New Caledonia. Isang bagong peak na 889 na mga tagapaghayag ng Kaharian ang naabot, at napakainam ang pag-asa para sa higit pang pagsulong. Ang patotoo nito ay makikita sa 2,145 na dumalo sa Memoryal ng kamatayan ni Kristo noong 1986.

Ang kamakailang panahon ng politikal na kaligaligan ay malinaw na nagpapakita na karamihan ng mga taga-New Caledonia ay sa mga pamahalaang tao umaasa na lulutas ng kanilang mga problema. Hindi gayon kung tungkol sa mga tapat sa Kaharian ng Diyos, na naglalagak ng kanilang lubos na pagtitiwala sa pamamahala ng Diyos. Samantalang nasa gitna ng ganitong mga suliranin, isang karatula ang natanaw sa malaking kalye sa silangang baybayin na kababasahan: “Jehovah Out!” (Jehova Alis Diyan!) Subalit si Jehova, na kinakatawan ng kaniyang natatag na Kaharian, ay naririto at lalagi rito. Pati na rin ang “kaniyang mga tapat.”​—Awit 37:28; tingnan din ang Aw 37 talatang 9-11, 22, 29, at Aw 37:34.

[Mga talababa]

a Para sa isang higit na kompletong ulat ng kasaysayan ng mga Saksi ni Jehova sa New Caledonia, tingnan ang 1984 Yearbook of Jehovah’s Witnesses, pahina 243-9.

[Mga mapa sa pahina 25]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

AUSTRALIA

[Mapa]

NEW CALEDONIA

Lifou

LOYALTY ISLANDS

Nouméa

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share