Natatandaan Mo Ba?
Napatunayan mo ba na ang kamakailang mga labas ng Ang Bantayan ay may praktikal na kahalagahan? Kung gayo’y tingnan mo kung natatandaan mo pa ang sumusunod:
◻ Ano ba ang ibig sabihin ng malagyan ng tanda para sa kaligtasan ng makahulang lalaking may tintero ng manunulat sa pangitain ni Ezekiel? (Ezekiel 9:2-6)
Ang ibig sabihin ay na inialay ng isa ang kaniyang sarili sa Diyos upang gawin ang kaniyang kalooban, siya’y nabautismuhan bilang isang alagad ni Jesu-Kristo, at nagbihis na ng tulad-Kristong personalidad.—4/15, pahina 11, 12.
◻ Sa anong mga layunin nagsisilbi ang hula sa Bibliya?
Ang mga hula ang nagpapakilala ng katotohanan tungkol sa Diyos, sa kaniyang kalooban, at sa kaniyang mga pamantayang-asal. Nililiwanag nito ang relasyon ng tao kay Jehova upang ang sangkatauhan ay maisauli na kasuwato ng Kaniyang layunin, na humahantong sa lubusang katuparan niyaon. (Isaias 1:18-20; 2:1-5; 55:8-11)—5/1, pahina 5.
◻ Anong nakamamatay na taggutom ang umiiral sa buong lupa ngayon?
Isang espirituwal na taggutom, “sa pakikinig sa mga salita ni Jehova.” (Amos 8:11)—5/1, pahina 10, 11.
◻ Ano “ang pagkatakot kay Jehova”? (Kawikaan 1:7)
Ito ay isang kaaya-ayang pagkatakot na hindi mapalugdan si Jehova dahilan sa pinahahalagahan natin ang kaniyang maibiging-awa at kabutihan. Nangangahulugan din ito ng pagkilala kay Jehova bilang ang Kataas-taasang Hukom at ang Makapangyarihan-sa-lahat, na tumitiwala sa kaniya nang lubusan, at kinapopootan ang masama sa kaniyang paningin. (Awit 2:11; 115:11; Kawikaan 8:13)—5/15, pahina 28.
◻ Anong mga alituntunin ang nasa 1 Timoteo 5 tungkol sa pag-aasikaso sa mga matatanda na?
Bagama’t ang mga miyembro ng pamilya ang unang may pananagutan, ang mga problema ng matatanda na ay dapat asikasuhin ng buong kongregasyon; ang pangangalaga sa kanila ay dapat na wastong organisahin; ang gayong pag-aasikaso ay dapat na ibigay tangi lamang sa mga tunay na nangangailangan.—6/1, pahina 9, 10.
◻ Sa anong apat na pangkalahatang paraan dinalisay ni Jehova ang kaniyang bayan noong nakaraang 69 na mga taon?
(1) Nilinis ang organisasyon; (2) pakikibahagi sa ministeryo sa larangan; (3) tumitinding liwanag ng katotohanan; (4) pagwawaksi sa maruruming gawain.—6/15, pahina 17-20.
◻ Sa anong dalawang paraan ginagamit ang salitang “tumatayo” may kaugnayan kay Miguel sa Daniel 12:1?
Si Miguel ay tinutukoy na “tumatayo alang-alang sa mga anak ng iyong bayan.” Si Kristo Jesus ay gumagamit na ng awtoridad sa ganitong paraan alang-alang sa kaniyang bayan sa lupa sapol noong 1914 nang siya’y iluklok bilang ang nagpupunong Hari ng Kaharian ng Diyos. Sinasabi rin ni Daniel: “At sa panahong iyon si Miguel ay tatayo.” Ito’y tumutukoy sa kaniyang paghahari na nagsisimula ng isang bagong yugto na kung saan siya’y kikilos sa isang natatanging paraan upang iligtas ang bayan ni Daniel. Sa gayon, hindi sila malilipol ng mga pamahalaan ng tao sa “panahon ng kawakasan” para sa hari ng hilaga at sa hari ng timog. (Daniel 11:40-45)—7/1, pahina 18, 19.