Pagpapatotoo sa Lupain ng 700 Wika
MAY alam ka bang isang bansa na ang sakop na lupain ay mas maliit pa kaysa lupain ng Espanya, subalit ang populasyon na wala pang apat na milyon ay nagsasalita ng halos isang-kaapat na bahagi ng mga wika ng daigdig? Masasabi mo ba kung aling bansa ang umuukupa ng mga kalahati ng ikalawang-pinakamalaking isla sa daigdig? Ang isla ay New Guinea, ang bansa ay Papua New Guinea, at ang bilang ng mga wika na sinasalita ng mga taong tagarito ay mahigit na 700! Paano nga nagkaroon nitong ganitong lugar na napakarami ang sarisaring wika?
Isang Malawak na Lupain na Napakaraming Wika
Ang Papua New Guinea ay isang islang nasa mismong norte ng Australia at mga ilang grado lamang sa gawing timog ng ekwador. Ito’y binubuo ng humigit-kumulang 600 tropikal na mga isla na kalat-kalat sa distansiyang may lawak na 1,000 milya (1,600 km). Gayunman, mahigit na apat na kalima ng buong laki ng lupain ng Papua New Guinea ang nasa pagkalaki-laking isla ng New Guinea, at dito’y kahati ng bansang ito ang Indonesia, sa gawing kanluran.
Ang pinakaunang mga nanirahan sa Papua New Guinea ay sinasabing nanggaling sa Asia at dumaan sa Indonesia. Sa kalaunan ang mga ito ay nahaluan ng mga Melanesian at Polynesian. Ang kutis ng mga mamamayan ay mula sa murang kayumanggi hanggang sa pagkaitim-itim at kung sa laki naman ay mula sa pandak at matipunong pangangatawan hanggang sa matangkad at payat. Dahilan sa baku-bako ang malaking bahagi ng interyor, na may malalaking mga gubat at matataas na mga bundok, ang maraming tribo ay namumuhay ng halos bukud-bukod sa isa’t isa at kanilang pinaunlad ang kanilang sariling mga wika. Karamihan ng mga wikang ito sa Papua ay lubhang masalimuot ang gramatika. Oo, ang Papua New Guinea ang siyang lupain ng humigit-kumulang 700 wika, hindi mga dialekto!
Noong 1975 ang Papua New Guinea ay naging isang bansang nagsasarili sa loob ng British Commonwealth. Ito’y isang parlamentong demokrasya na kung saan ang monarkang Britaniko ang pangulo ng estado subalit mayroon siyang isang lokal na pangulong ministro. Bagama’t ang Ingles ang opisyal na wika sa ngayon, marami sa mga kabilang sa 700 grupong linguwistiko ang nagsasalita ng alinman sa dalawang karaniwang wika, ang Hiri Motu o New Guinea Pidgin.
Isa Pang Wikang Naparagdag
Gayunman, sa maniwala kayo o hindi, mga ilang taon na ngayon na isang “wika” ang hindi pa rin matatagpuan sa lupain ng 700 wika na ito. Alin iyan? Iyan ay ang “dalisay na wika”—ang katotohanan ng Bibliya tungkol sa Diyos at sa kaniyang Kaharian. (Zepanias 3:9) Ang bagong wikang ito ay hindi napapasok sa Papua New Guinea hanggang noong kalagitnaan ng 1930’s.
Ito’y pawang nagsimula noong 1935 nang ang Lightbearer, isang maliit na motorisadong barkong may kasamang tripulanteng mga Saksi Jehova, ang lumisan sa Australia at sa wakas ay dumating sa Port Moresby na nasa timog-silangang baybayin ng Papua New Guinea. Ito ang unang pagkakataon na narinig ng mga tao na tagaroon ang tunog ng “dalisay na wika”—ang literal na pakikinig sa mensahe ng Kaharian ng Diyos na ibinobrodkas sa pamamagitan ng sound equipment sa kubyerta ng Lightbearer.
Gayunman, hindi nangyari kundi noong 1951 na ang “dalisay na wika” na ito ay higit na nakilala at ginamit. Mula na nang taon na iyon, mga Saksi sa Australia, Canada, Estados Unidos, Alemanya, Inglatera, at New Zealand ang nagboluntaryo upang makaparoon sa Teritoryo ng Papua at New Guinea, gaya ng tawag dito noon. Pagkatapos na makapagpatotoo sa mga Europeo roon, hindi nagtagal at nakasumpong sila ng mga paraan at pamamaraan ng pakikipag-usap sa mga katutubong Papuan tungkol sa Kaharian ng Diyos. Kasali na rito ang pagbabahay-bahay, na nangailangan ng karagdagang pagpapagal sapagkat ang mga ibang bahay ay nakapatong sa mga tayakad sa ibabaw ng tubig o sa katihan.
Siyempre pa, upang maituro ang “dalisay na wika” sa populasyon ng sarisaring wika, ang mga Saksing nandayuhan doon ay kailangang mag-aral ng hindi kukulangin sa isa sa dalawang karaniwan, o pangkalakal, na mga wika. Ito’y hindi nakalutas sa lahat ng kanilang mga problema sapagkat alinman sa dalawang wikang ito ay hindi naman siyang inang wika ng mga taong tagaroon kundi mga halu-halong wika na nagpapangyaring ang mga taong nagsasalita ng iba’t ibang wika ay makapag-usap. At kahit na ang dalawang wikang ito ay hindi naman sinasalita ng balana roon sa mga isla. Kaya’t ang pagpapatotoo ay kalimitan nangangailangan na ang isang tao’y kausapin sa isa sa mga wikang pangkalakal at pagkatapos ay isalin niya ang mensahe para sa kapakinabangan ng ibang naroroon.
Ang mga Saksi ay gumamit din ng unang-unang pamamaraan sa pagtuturo, tulad baga ng pagguhit ng simpleng mga larawan sa isang pisara o sa anumang ibang materyal na maaaring gamitin. Nang sumapit ang panahon, nagkaroon na ng literatura at mga magasin sa Bibliya sa pangkalakalang mga wika ng Hiri Motu at New Guinea Pidgin. Ang brosyur na Tamasahin ang Buhay sa Lupa Magpakailanman! sa dalawang wikang ito ang lalung-lalo nang malaki ang naitulong sa pagtuturo sa mga tagaisla ng “dalisay na wika.”
Narinig ng Isang Maharlika ang “Dalisay na Wika”
Sinabi ni Jesu-Kristo na ang kaniyang mga alagad ay ‘ihaharap sa mga gobernador at mga hari alang-alang sa kaniya, bilang pagpapatotoo sa kanila.’ (Marcos 13:9) Noong Agosto 9, 1984, ang mga ilang misyonero ng mga Saksi ni Jehova sa Manus Island ay nabigyan ng pagkakataon na magpatotoo sa isang maharlika, bagama’t sa gitna ng lalong kaaya-ayang mga kalagayan. Nang araw na iyon si Prince Charles, tagapagmana sa trono ng Gran Britanya ay dumalaw sa isla.
Sa kanilang nagagayakang mga canoe, ang mga nasa tribong Titan ay nagsilbing mga abay kay Prince Charles buhat sa kaniyang barkong sinasakyan hanggang sa dalampasigan, sa kabilang panig lamang ng kalye ng tahanang misyonero. Pagkatapos na batiin ng isang daang mananayaw at putungan ng korona bilang “chieftain,” siya’y dumalo sa pananghalian na kung saan inanyayahan ng Premiyer ng Manus Island ang mga misyonero. Nang tanungin sila ng Prinsipe kung ano ang ginagawa nila sa isla, malugod na nagpaliwanag sila nang maikli tungkol sa kanilang gawain. Ikinagalak nila ang pagkakataong ipabatid sa kaniya na ang Diyos na Jehova ay mayroon ding mga Saksi sa malayong Manus Island.
Sa di-sinasadya, ang (babaing) opisyal na nagpakilala sa mga misyonero kay Prince Charles ay nakabasa ng aklat na Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa. Nang minsan, siya ay nakaraan sa tahanang misyonero upang makipagbidahan samantalang nagkakape at kumakain ng cake.
Isang Bagong Wika Para sa Isang Pulitiko
Isang mangangalakal sa New Guinea ang isang pulitiko at miyembro ng Iglesia Lutherano. Subalit, ang lokal na simbahan na dinadaluhan niya ay totoong baha-bahagi na anupa’t ang dalawang nagkakasalungatang mga pastor ay bumuo ng dalawang grupong naglalabanan sa loob nang halos isang taon sa pamamagitan ng mga pana, palaso, sibat, at mga kalasag pandigma. Dahil sa paglalaban-laban ay siyam katao ang namatay at marami ang nasaktan. Ipinasiya ng taong iyon na umalis na sa Iglesia Lutherano subalit hindi niya alam kung saan niya matatagpuan ang tunay na nagkakaisang mga Kristiyano. ‘Hindi ang mga Saksi ni Jehova, sapagkat sila’y mga bulaang propeta,’ ang sumaisip niya.
Ganito ang kaisipan niya nang isang lokal na grupo ng mga Saksi ni Jehova ang nagpasabi na aarkilahin ang kaniyang bus upang sila’y makadalo sa isang pandistritong kombensiyon. Sa mga dahilang pangnegosyo, siya’y sumang-ayon at siya na rin ang nagmaneho ng bus. Siya’y dumalo sa programa noong Linggo at ganiyan na lang ang kaniyang paghanga sa kapayapaan at katahimikan doon, sa bigay na bigay na pakikinig ng mga nagsidalo—mga adulto at mga bata—na sumusubaybay sa tagapagpahayag at pinatutunayan iyon sa kanilang mga Bibliya. At lalo siyang humanga noong sandali ng pananghalian, nang makita niya ang mga masasayang Saksi na matiyagang nakapila para sa kanilang pananghalian, ang mga puti at ang mga nagpahayag sa plataporma ay naghihintay ng kanilang turno gaya rin ng iba at kumakain ng kaparehong pagkain. Sa anim na oras na pagbibiyaheng pauwi, kaniyang narinig ang mga Saksi na masayang nag-aawitan ng mga awiting pang-Kaharian. ‘Anong laking pagkakaiba pala sa naglalaban-labang mga Lutherano!’ ang sumaisip niya.
Ang taong ito ay sumang-ayong makipag-aral ng Bibliya sa isang lokal na Saksi, ngunit palihim, upang huwag namang magdamdam ang kaniyang kapuwa Lutherano. Gayunman, mabilis na nagkaroon siya ng espirituwal na lakas upang magbitiw buhat sa kaniyang simbahan at sa kaniyang pulitikal na tungkulin. Siya at ang kaniyang maybahay ay dumaan sa “pagbabago tungo sa isang dalisay na wika” at sila’y nagsimulang “tumawag sa pangalan ni Jehova, upang maglingkod sa kaniya ng may pakikipagbalikatan” sa Kaniyang nagkakaisang mga saksi.—Zefanias 3:9.
Malaki Pang Pagtuturo ang Kailangang Gawin
Anong kamangha-manghang gawain ang nagawa na ng mga misyonero at ng mga iba pang Saksi na mga tagaibang bansa ngunit nagboluntaryong pumaroon sa Papua New Guinea upang magturo ng “dalisay na wika”! Buhat sa dadalawang mamamahayag noong 1951, ang bilang ng mga mangangaral at mga tagapagturo ng mga Saksi ay umabot sa mahigit na 1,800, na karamihan dito’y galing na sa katutubong mga tagaroon.
Ang lokal na mga Saksing ito ay nakapagpapatibay-loob sa mga taong nanggaling sa mga ibang bansa upang maglingkod dito. Isang lalaking kapatid na Ingles na naninirahan sa isla ng Bougainville ang sumulat: “Isa sa pinakanakapagpapatibay-loob na mga bagay na gumaganyak sa amin na patuloy na maglingkod kay Jehova sa lugar na ito ay ang makitang ang aming mga kapatid na taga-Papua New Guinea ay patuloy na naglilingkod kay Jehova nang buong katapatan, kalimitan sa ilalim ng napakahihirap na kalagayan. Marami sa kanila ang walang sariling mga tahanan at nakikitira lamang sa mga kamag-anak. Malimit na sila’y naglalakad nang pagkalalayo sa napakainit na araw o sa malakas na ulan upang makadalo sa mga pulong o makalabas sa paglilingkod sa larangan. Isa sa mga sister na katutubong tagaroon ang naninirahan sa isang liblib na pook. Upang makatipid ng panahon pagka sasama siya sa amin sa pagpapatotoo sa lansangan, siya’y itinatawid ng kaniyang asawa, kasama ang kaniyang maliit na anak na babae at sanggol, sa isang ilog samantalang nakasakay siya sa isang malaking interyor ng gulong.”
Malaki pa ang pagtuturo na kailangang gawin sa katutubong mga tagaroon. Sila’y interesado. Ito’y mahahalata sa bagay na 10,235 katao ang dumalo sa Memoryal ng kamatayan ni Kristo noong 1987. Subalit higit pang tulong ang kinakailangan upang mapangalagaan ang lahat ng interesadong ito sa “dalisay na wika.” Gaya ng pagkakasabi ng isang Saksing banyaga, na naparito upang maglingkod kung saan lalong malaki ang pangangailangan: “Nalulungkot ang aking puso pagka pinag-iisipan ko ang maraming taong interesado sa pagkalalayo at liblib na mga nayong ito ng Papua New Guinea. Talagang wala kaming sapat na dami ng manggagawa sa larangan dito. Tunay na may malaking pangangailangan sa panig na ito ng daigdig. Batid namin na ito’y nalalaman ni Jehova at siya’y gagawa ng mga paglalaan upang mapangalagaan ang nagugutom sa katotohanan na mga taong ito.”
Kumusta ka naman? Ibig mo bang makibahagi sa pagtuturo ng “dalisay na wika” sa ganitong lupain ng 700 wika?
[Mapa sa pahina 21]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
AUSTRALIA
PAPUA NEW GUINEA
Manus
Port Moresby
Bougainville