Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w87 11/1 p. 21-23
  • Ang Kalayaan ng Relihiyon ay Pinagtibay sa India

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Kalayaan ng Relihiyon ay Pinagtibay sa India
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1987
  • Subtitulo
  • Kung Paano Bumangon ang Isyu
  • Mga Bata Laban sa Estado
  • Isang Banta ba sa Pambansang Pagkakaisa?
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1987
w87 11/1 p. 21-23

Ang Kalayaan ng Relihiyon ay Pinagtibay sa India

ANG hatol ng Korte Suprema sa New Delhi noong Agosto 11, 1986 ay nagsilbing sorpresa sa angaw-angaw. Sa panahon na matindi ang nasyonalismo, kakaunti ang umaasang ang kalayaan sa relihiyon ng sa pangkalahatan ay di-kilalang relihiyosong minoridad ay igagalang. Subalit pagkatapos ng isang masusing pagsusuri sa mga katibayan, ang pinakamataas na hukuman ng India ay humatol na ang mga anak ng mga Saksi ni Jehova ay hindi maaaring piliting magsiawit ng pambansang awit. Sa isang napakahalagang disisyon ay sinabi ng hukuman:

“Kami’y nasisiyahan, sa kasalukuyang kaso, na ang pagpapaalis sa tatlong bata buhat sa paaralan dahilan sa kanilang taimtim na pananampalatayang relihiyoso, sila’y hindi nakikisali sa pag-awit ng pambansang awit sa pang-umagang pagkakatipon bagama’t sila’y nakatindig nang magalang pagka inaawit ang pambansang awit, ay isang paglabag sa kanilang mahalagang karapatan ‘sa kalayaan ng budhi at sa malayang pag-aangkin, pagsasagawa at pagpapalaganap ng relihiyon.’”

Sina Mahistrado O. Chinnappa Reddy at Mahistrado M. M. Dutt ng Korte Suprema ng India ang siyang mga hukom na duminig sa ngayo’y napatanyag na kaso ng mga Saksi ni Jehova tungkol sa pambansang awit.

Kung Paano Bumangon ang Isyu

Halos kalahati ng 8,000 mga Saksi ni Jehova sa India ay naroroon sa munting estado ng Kerala sa kadulu-duluhang timugang bahagi ng malawak na bansang ito. Sa karamihan ng mga paaralan doon, ang pambansang awit ay inaawit araw-araw. Ang kinaugalian sa partikular na paaralang tinutukoy rito ay ang awiting sama-sama ng mga estudyante ang pambansang awit. Subalit, ang mga anak ng mga Saksi ni Jehova ay basta nakatayo lamang samantalang nag-aawitan ang mga iba. Gaya ng sabi ng hatol ng Korte Suprema: “Walang sinumang nagambala. Walang nabahala. Walang nag-isip na iyon ay pagkawalang-galang o hindi pagkamakabayan. Ang mga bata ay pinabayaang magpatuloy sa kapayapaan at sa kani-kanilang paniniwala.” Ganito ang situwasyon sa loob ng mga taon.

At dumating ang Hulyo 1985. Isang kagawad ng Pang-estadong Batasang Kapulungan ang tumutol sapagkat inaakala niyang ang sinuman ay hindi makabayan kung tatangging umawit ng pambansang awit. Ito’y sinundan ng isang talakayan, at ang tinalakay ay inilathala sa maraming prominenteng mga pahayagan sa bansa.

Ang mga awtoridad ng karamihan ng mga paaralan sa Kerala, na magpahanggang noon ay may simpatiya sa mga anak ng mga Saksi ni Jehova, ay nangatakot dahilan sa pagtutol na nanggaling sa Batasang Kapulungan at sa negatibong publisidad. Kaya naman, ang mga anak ng mga Saksi ni Jehova ay pinaalis sa sunud-sunod na mga paaralan.

Mga Bata Laban sa Estado

Si V. J. Emmanuel, na ang tatlong anak na mga minor de edad, sina Bijoe, Binu Mol, at Bindu, ang pinaalis sa paaralan ay nagdemanda. Si Mr. Emmanuel ay matatag na kombinsido na nasa kaniyang panig ang batas. Batid niya na, alinsunod sa Artikulo 25 (1) ng Konstitusyon ng India, “lahat ng tao ay pare-parehong may karapatan sa kalayaan ng budhi at sa malayang pag-aangkin, pagsasagawa at pagpapalaganap ng relihiyon.”

Nang bandang huli isang Division Bench ng Mataas na Hukuman ng Kerala ang duminig sa kaso, subalit tinanggihan nito ang pag-apela ni V. J. Emmanuel. Ito’y nagdulot ng malaking kabiglaanan sapagkat ang Konstitusyon ng India ay hindi nagsasabi na ang pambansang awit ay kailangang awitin upang maipakita ang paggalang doon. Ang tanging sinasabi nito ay na dapat ang mga mamamaya’y “sumunod sa Konstitusyon at igalang ang mga mithiin at mga institusyon niyaon, ang Pambansang Bandila at ang Pambansang Awit.” Wala rin namang iba pang batas na nag-uutos na lahat ng mga mamamayan ng India ay umawit ng pambansang awit.

Ang kaso ay inapela sa Korte Suprema ng India. Sa pananaig sa Mataas na Hukuman ng Kerala, ang hatol ng Korte Suprema ay nagsabi: “Ang Mataas na Hukuman ay napaligaw at napalihis. Kanilang isinaalang-alang, sa kaliit-liitang detalye, ang bawat salita at kaisipan ng Pambansang Awit at nanghinuha sila na walang salita o kaisipan sa Pambansang Awit na maaaring magbigay ng pagdaramdam sa damdamin ng sinumang relihiyoso.” Gayunman, gaya ng tamang pagkabanggit ng Korte Suprema, “hindi iyan ang kaso.”

Ang kaso ay may kinalaman sa relihiyon, samakatuwid nga, ang karapatan ng mga indibiduwal na manatili sa kanilang kalayaan ng pagsamba. Ang totoo ay, hindi umaawit ang mga Saksi ni Jehova ng pambansang awit ng anumang bansa. Ang gayong mga pambansang awit ay, sa totoo, mga himno o mga panalangin na sinaliwan ng musika, at ang mga Saksi ni Jehova ay taimtim na tumututol sa pag-awit ng mga iyan. “Sila’y tumatangging aktuwal na magsiawit,” ang may pagkaunawang paliwanag ng hatol ng Korte Suprema ng India, “dahilan sa kanilang tapat na paniwala at kombiksiyon na ang kanilang relihiyon ay hindi nagpapahintulot sa kanila na makisali sa anumang ritwal maliban sa kanilang mga panalangin kay Jehova na kanilang Diyos.”

Makahulugan nga, na ang Konstitusyon ng India ay gumagarantiya ng “kalayaan ng pagsasalita at pagpapahayag,” na kasali na rito ang kalayaan na tumahimik. Iyan ang ginagawa ng mga bata pagka inaawit ang pambansang awit sa oras ng pagtitipon kung umaga sa paaralan​—sila’y namamalaging tahimik. Subalit, ang mga awtoridad ng Kerala sa edukasyon ay, sa totoo, nagbawal ng pananahimik. Kaya’t bumangon ang tanong kung ang gayon bagang pagbabawal ay katugma ng mga karapatan na garantisado ng Konstitusyon.

Ito ang konklusyon ng Korte Suprema sa kasong ito: “Masasabi nating biglaan na walang probisyon ang batas na umuobliga sa kaninuman na awitin ang Pambansang Awit ni inaakala man namin na hindi paggalang sa Pambansang Awit kung ang isang taong nakatayo nang may paggalang pagka inaawit ang Pambansang Awit ay hindi nakisali sa pag-awit.”

Gaya ng binanggit na kanina, ang tungkulin ng bawat mamamayan, ayon sa Konstitusyon, ay ‘igalang ang Pambansang Awit.’ Tungkol sa gayong paggalang, ang Prevention of Insults to National Honor Act of 1971 ay nagsasabi: “Sinumang kusang humahadlang sa pag-awit ng Pambansang Awit o sanhi ng panggugulo sa anumang pagtitipon na gumagawa ng gayong pag-awit ay dapat parusahan sa pamamagitan ng pagbibilanggo sa habang maaaring umabot ng tatlong taon, o may kasamang multa, o kapuwa nito.” Datapuwat, ang mga anak ng mga Saksi ni Jehova ay hindi kailanman humadlang sa kaninuman sa pag-awit ng pambansang awit. Sila’y hindi pinagmulan ng anumang panggugulo sa anumang pagtitipon na gumagawa ng gayong pag-awit.

Isang Banta ba sa Pambansang Pagkakaisa?

Isa sa mga argumento ng Estado ay na kailangan daw ang pag-awit ng pambansang awit para sa ikapagkakaisa at sa integridad ng bansa. Subalit, ang puwersahang pagpapaawit ba sa isang pambansang awit ay talagang may nagagawa sa ikapagkakaisa ng isang bansa o sa integridad ng kaniyang mga mamamayan?

Kapuna-puna, ang pambansang awit ng India ay nasa wika lamang ng isang estado, kaya ito’y hindi naiintindihan ng karamihan ng mga taga-India na umaawit nito. Samakatuwid, para sa karamihan, ang pag-awit ng pambansang awit ay marahil walang kabuluhan at, sa pinaka-ugat, isang walang saysay na ritwal. Ang mga Saksi ni Jehova ay hindi sumasali sa gayong mga ritwal. Sila’y nananalangin tangi lamang sa kanilang Diyos, si Jehova.

Naging argumento rin na kung ang hatol ng Korte Suprema ay pabor sa mga Saksi ni Jehova, isasapanganib noon ang seguridad ng bansa. Subalit ang mga Saksi ni Jehova sa India ay isang maliit na minoridad, na humigit-kumulang 8,000 katao lamang. Ang gayon bang maliit na grupo ay magiging isang panganib sa isang bansa na may mahigit na 800 milyong katao? Isa pa, ang mga Saksi ni Jehova ay kilala sa buong daigdig dahil sa kanilang pagiging tapat sa kapuwa at sa kanilang pagkamasunurin sa mga batas ng mga gobyerno sa mga bansang kinaroroonan nila.

Sa Nigeria’y isang abugado ang nagsabi: ‘Ang mga Saksi ay nagbabayad ng buwis at masunurin-sa-batas na mga mamamayan. Sinumang Saksi na tapat sa kaniyang relihiyon sa sukdulan na pagsunod doon kahit nanganganib na maiwala ang mga ilang pribilehiyo ay magiging tapat din naman sa karamihan ng iba pang mga bagay. Ang rason kung bakit siya’y tumatangging magnakaw ng salapi ng pamahalaan samantalang ang kaniyang mga ibang kasamahan ay umaawit ng pambansang awit at sa kabila niyao’y lumulustay ng mga pondo ay dahil sa ang kaniyang Bibliya na nag-uutos sa kaniya na huwag umawit ng pambansang awit ay nagsabi rin na siya’y huwag magnanakaw.’

Ang huling pangungusap ng mahalagang hatol ng Korte Suprema ay kapansin-pansin. Sinasabi niyaon: “Ibig lang naming isusog: ang ating tradisyon ay nagtuturo ng pagpaparaya; ang ating pilosopya ay nagtuturo ng pagpaparaya; ang ating konstitusyon ay sumusunod sa simulain ng pagpaparaya; huwag natin itong bantuan.” Pahahalagahan kaya ng gobyerno at ng mga lider ang mahusay na kaisipang ito? Ang disisyon kaya ng Korte Suprema ay mananatiling pang-ultimo na? Tanging ang panahon ang makapagsasabi.

[Mga larawan sa pahina 23]

Ang tatlong bata na magalang na tumangging sumali sa isang makabayang seremonya

Ang nag-alay na pamilya ng tatlong bata

Nabasa ng apat kataong ito ang kaso sa hukuman, sila’y nag-aral ng Bibliya, at nangabautismuhan

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share