Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w87 11/15 p. 26-29
  • Pagtugon sa Panawagan ng mga Isla ng Micronesia

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagtugon sa Panawagan ng mga Isla ng Micronesia
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1987
  • Subtitulo
  • Ang Hamon na mga Bagong Wika
  • Mga Kaugalian at mga Pamahiin
  • Narating ang Lalong Maliliit na Isla
  • Mga Sakripisyo at mga Kagantihan
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1987
w87 11/15 p. 26-29

Pagtugon sa Panawagan ng mga Isla ng Micronesia

MGA pangalan na gaya ng Truk, Yap, Ponape, Guam, at Saipan ay marahil medyo kabisado mo. Pero kumusta naman ang Belau, Rota, Kosrae, Nauru, o Kiribati? Ito at ang mga iba pa ay pawang bahagi ng mahigit na 2,000 libong kapuluan at maliliit na isla na kalat-kalat sa lawak na humigit-kumulang pitong milyon walong daang libong kilometro kuwadrado ng Kanlurang Pasipiko at bilang isang grupo’y kilala sa tawag na Micronesia, o maliliit na isla.

Sa loob ng mga hangganan ng malawak na lugar na ito, humigit-kumulang singlaki ng Australia o ng kontinental na Estados Unidos, ang mga Saksi ni Jehova ay abala ng paghahayag ng mabuting balita ng Kaharian. (Marcos 13:10) Sa kasalukuyan, ang gawaing ito ay isinasagawa ng mga 740 mga tagapagbalita ng Kaharian sa 13 mga kongregasyon. Oo, may lubhang pangangailangan para sa higit pang manggagawa na magtitipon ng mga inaani sa malayong mga kapuluan na ito ng karagatan.​—Ihambing ang Jeremias 31:10.

Noong nakalipas na 20 taon o higit pa, mga taga-Hawaii, Pilipinas, Canada, Estados Unidos, at Australia ang tumugon sa panawagan at nagmisyonero sa mga isla ng Micronesia. Nang ang mga kauna-unahan sa kanila ay dumating noong 1965, mayroon lamang 76 na mga mamamahayag ng Kaharian sa buong malawak na teritoryong ito. Subalit, noong 1987, mayroong lahat-lahat na 4,510 katao na dumalo sa Memoryal ng kamatayan ni Jesu-Kristo. Maliwanag, ang Kristiyanong mga gawa ng pag-ibig noong lumipas na mga taon ay saganang pinagpala.

Sa ngayon, mayroong 49 na mga misyonero na naglilingkod buhat sa 14 na mga tahanang misyonero na nakakalat sa buong kapuluan, pawang gumagawa sa ilalim ng pamamanihala ng sangay ng Watch Tower Society sa Guam. Ang kanilang pag-ibig kay Jehova at sa kanilang mga kapuwa taga-Micronesia ang nag-udyok sa kanila na tugunin ang panawagan sa misyonero. Anong mga karanasan ang pinagdaanan nila samantalang naglilingkod sa malalayong kapuluang ito? Kung tungkol sa mga bagong wika at mga kaugalian, anong mga hamon ang kinailangang mapagtagumpayan nila? At ano ang tumulong sa kanila na makapanatili sa kanilang atas? Pakinggan natin ang ilan sa kanila na maglahad tungkol sa kanilang gawain sa mga islang ito.

Ang Hamon na mga Bagong Wika

Mayroong walo o siyam na mga pangunahing wika sa Micronesia. Subalit dahilan sa ang mga ito ay hindi itinuturing na nasusulat na mga wika, mahirap para sa mga bagong misyonero na makakita ng mga aklat na gagamitin sa pag-aaral nito. Gayunman, sila’y puspusang gumagawa. Ang isang epektibong pamamaraan, ayon sa sabi sa kanila, ay sikaping gamitin karaka-raka ang kanilang natutuhan pagka sila’y nasa gawaing pangangaral. Bueno, natatandaan pa nila ang maraming nakakatawa​—at nakakahiya​—na mga situwasyon sa kanilang pagsisikap na gawin iyan.

Si Roger, isang katutubong taga-Hawaii, ay nakakaalaala pa sa isa sa gayong situwasyon nang unang dumating siya sa Belau 13 taon na ngayon ang lumipas. “Nang sabihin ng isang maybahay, ‘Ako’y isang Katoliko,’ ang tanging salitang Palauan na alam ko upang isagot ay ‘Bakit?’” Ang maybahay ay saka ngayon nagsimula ng isang mahabang paliwanag. “Wala akong naintindihang isa mang salita sa kaniyang sinabi. Nang siya’y magtatapos na, sinabi ko ang tanging isa pang salitang alam ko, ‘Salamat po,’ at lumisan na ako!”

Si Salvador, na dumating sa Truk kasama ang kaniyang maybahay, si Helen, sampung taon na ngayon ang nakalipas, ay nakaalaala pa ng isang karanasan nang tanungin niya ang isang babaing Trukese kung ibig niya na maging maligaya (pwapwa). Sa halip, ang kaniya palang naitanong ay kung ibig ng babae na siya’y mabuntis (pwopwo). At si Zenette, na nanggaling sa Canada kasama ng kaniyang asawa, si David, ay nakaalaala ng panahon na kaniyang sinabing “Salamat po” (kilisou) pero sa katapus-tapusan ay sinabi niyang “Niknik” (kiliso). Kalabisang sabihin, ang mga salitang iyon ay alam na alam na nila ngayon.

Nang si James ay ilipat sa isla ng Kosrae pagkatapos na makapaglingkod ng apat na taon sa Ponape, kinailangan na siya’y magsimula na naman sa umpisa. Ang hindi niya malimut-limutan ay ang pagsisikap niya noon na makipagkaibigan sa isang maybahay. Subalit imbis na itanong na, “Kumusta kayo?” kaniyang sinabi rito, “Ikaw ay isang taong hindi normal”! Ngayon, pagkaraan ng sampung taon, inaamin niya: “Sa primero, mahirap na sabihin ang iba sa mga salitang Kosraean sapagkat ang mga ito kung pakikinggan ay parang mga salitang panunungayaw sa Ingles.”

Gayunman, ang gayong mga karanasan ay hindi nakasisira ng loob ng mga misyonerong ito upang sila’y huminto na sa kanilang pag-aaral ng wika. “Bahagya lamang ang magagawa ng isa upang matulungan ang mga tao kung hindi siya matututo ng wika roon,” ang sabi ng isang misyonero. “Ito’y nagbibigay ng tunay na insentibo upang mag-aral nang buong sikap.

Mga Kaugalian at mga Pamahiin

Sa mga baguhan doon, marami sa lokal na mga kaugalian ang waring katawa-tawa. Halimbawa, may nakilala si David na isang taong ang kaniyang tatlong anak na lalaki ay pinanganlan ng Sardine, Tuna, at Spam. Nang magtagal, siya’y ipinakilala sa tatlong lalaki na ang mga pangalan ay Desire, Sin, at Repent. Nagtaka si Zenette nang kaniyang marinig na ang tawag ng mga tao sa kanilang mga ninuno ay Papa at Mama at ang kanilang mga magulang ay tinatawag nila sa kanilang unang pangalan. Nang unang manggaling si Sheri sa Hawaii, kaniyang naisip na totoong katawa-tawa na ginagamit ng mga tao ang kanilang mga ilong upang ituro ang direksiyon. At kinailangan ng ilang panahon upang mamihasa sa ganitong kaugalian: Pagka ang isang babae ay pumasok sa isang pangmadlang pagtitipon, siya’y “lumalakad” sa kaniyang mga tuhod patungo sa kaniyang “upuan” sa sahig upang magpakitang-galang sa mga lalaki.

Marami rin ang mga pamahiin. Sa Marshall Islands, halimbawa, pagka ang isang tao’y namatay ang pamilya ay maglalagay ng pagkain, sigarilyo, at mga bulaklak sa libingan ng namatay. O pagka ang isang ibon ay lumipad nang kumakanta pa sa palibot ng bahay, ito’y nangangahulugan ng panganib at napipintong kamatayan ng sinuman sa pamilyang nakatira roon.

Ang mga iba na naninirahan sa mga isla ay lubhang nasasangkot din naman sa espiritismo. Si Jon ay isa sa mga ito. Nang siya’y isang elder sa isang simbahang Protestante, siya ay nakapagpapalabas ng mga demonyo sa pamamagitan ng mga orasyon at ng paggamit ng mga gamot na galing sa langis ng niyog.

“Isang araw isang pangit na mukha ng isang demonyo na kasinglapad ng isang pinto ang lumitaw sa pasukan ng aking kuwarto,” ang bida ni Jon. Sa primero ay inakala ni Jon na siya ay nananaginip subalit hindi nagtagal at natalos niya na siya pala’y gising na gising noon.

“Sinabi sa akin ng demonyo na siya ang pinanggagalingan ng aking kapangyarihan na magsagawa ng madyik. Nabigla ako at naitanong ko sa aking sarili kung bakit nga ako pa ang gagamitin ng mga demonyo, isang diakono sa simbahan, at kung bakit ang ministro mismo ay naghangad na pag-ukulan ko siya ng mga serbisyong demonistiko.” Hindi nagtagal at si Jon ay natagpuan ng mga misyonerong Saksi at siya’y nagsimulang mag-aral ng Bibliya.

“Naging isang malaking kagalakan sa akin na matutuhan ang katotohanan tungkol sa mga demonyo at kung paano makikilala ang tunay na relihiyon,” ang nagunita pa ni Jon. Siya’y umalis sa kaniyang kinaanibang simbahan at huminto na siya ng kaniyang pakikialam sa demonismo. Sa ngayon kaniyang binababalaan ang mga iba na iwasan ang lahat ng demonistikong mga gawain.​—Deuteronomio 18:9-13; Apocalipsis 21:8.

Narating ang Lalong Maliliit na Isla

Ang pagdadala ng mabuting balita sa mga tao sa maliliit na isla sa bandang labas ay tunay na isang hamon. Kadalasan ang tanging paraan upang marating ang mga ito ay ang magpareserba ng lugar sa isang barko na nagbibiyahe ng kopra. Samantalang humihinto ang barko sa bawat munting isla sa loob ng mga ilang oras o mga araw upang maglulan ng kargada, ang mga misyonero at ang iba pang mga mamamahayag ng Kaharian ay masigasig na nagpapatotoo naman sa mga tagaisla. Ang lingguhang mga pagsasahimpapawid sa radyo ang isa pang paraan ng pagdadala ng mabuting balita sa kanila.

Ang mga residente sa mga isla sa gawing labas ay kalimitang nagbibiyahe sa mga sentro sa malaking isla para sa pagbili ng pagkain, pagpapagamot, at pag-aaral. Samantalang sila’y naroroon, sila’y maaaring natatagpuan ng mga Saksi ni Jehova at kumukuha ng mga literatura sa Bibliya. Ang interes ay sinusubaybayan sa pamamagitan ng mga liham o pagka dumalaw sa kanilang isla ang mga mamamahayag. Isang mag-asawa ang natagpuan sa ganitong paraan sa Majuro sa Marshall Islands at pagkatapos ay bumalik sila sa kanilang sariling isla ng Ailuk, 400 kilometro ang layo. Sila’y sumulong sa kanilang kaunawaan sa Bibliya. Hindi nagtagal at kanilang pinutol ang kanilang kaugnayan sa kanilang simbahan, nagpakasal, at nagpabautismo. Ngayon kapuwa sila nangangaral ng buong sigasig sa kanilang liblib na isla, kadalasa’y naglilingkod bilang auxiliary payunir.

Ang mga misyonero sa Ponape, Truk, at Belau ay sumasakay sa kanilang sariling mga bangka para sa pagpapatotoo sa mga isla. Yamang walang mga daungan sa karamihan ng mga lugar, kadalasa’y lumulusong sila sa putik na hanggang tuhod upang makarating sa dalampasigan. Karamihan ng mga residente ay palakaibigan at kanilang sinasalubong ang mga bisita sa pamamagitan ng paglalatag ng nilalang banig sa sahig para matuntungan nila at pagsisilbi sa kanila ng malamig na tubig ng niyog. Ang buong pamilya ay tinatawag at sila’y makikinig nang puspusan. Palibhasa’y marami ang walang pera, hindi pambihirang makakita ng mga mamamahayag na umuuwi pagkaraan ng dalawa o tatlong araw at ang kanilang mga bangka ay punô ng mga prutas na ipinalit sa literatura sa Bibliya na kanilang ipinamahagi.

Mga Sakripisyo at mga Kagantihan

Para sa mga misyonero, ang buhay sa mga isla ay hindi katulad ng buhay sa kanilang sariling bayan. Sila’y kailangang masanay sa malimit na pagkaputol ng koryente at sa mga kakapusan sa tubig, at dumepende sa tubig-ulan bilang kanilang gamit. Sa mga ibang isla naman, walang koryente, tubig, o mga palikuran, walang aspaltadong mga kalye, at walang mga awto. Subalit natuto ang mga misyonero na bumagay sa mga kalagayan. “Pagka nakikita ko ang mga kapatid na tagaroon na nangakatira sa mga bahay na niyari sa patapon nang mga tabla at mga pansahig, kami’y nakadarama ng empatiya para sa kanila, at ito’y tumutulong sa amin upang manatiling timbang sa aming mga pangangailangan at mga kagustuhan,” ang sabi ni Julian, na buong katapatang naglingkod nang may 17 taon sa Guam at sa Marshall Islands.

Si Rodney at si Sheri ay dumating sa Truk galing sa Hawaii. Inamin ni Rodney: “Prangkahan, ako’y nabigla dahil sa laki ng pagkakaiba ng kultura rito.” Ngayon, sampung taon ang nakaraan, siya’y sumulat: “Kami’y may lubhang kasiya-siyang gawain na ginagawa rito. Kami’y may mga tagumpay at mga kabiguan; kung minsan ay nasisiraan kami ng loob at nalulungkot. Subalit ibig naming magpatuloy na itaguyod ang aming layunin sa buhay bilang mga misyonero rito.” At masayang isinusog pa ni Sheri: “Ang mapagsakripisyong mga tao ay mga taong maliligaya.”

Totoo naman, ang kanilang pagsasakripisyo ay saganang ginaganti. Si Clemente at ang kaniyang maybahay, si Eunice, na nagpunta sa Marshall Islands sampung taon na ngayon ang nakalipas ay nagdaraos ng 34 na mga pantahanang pag-aaral sa Bibliya linggu-linggo. “Labing-apat sa mga estudyante ang nagsagisag ng kanilang pag-aalay ng sarili kay Jehova sa pamamagitan ng pagpapalubog sa tubig,” ayon sa ulat niya, “at ang iba naman ay patuloy na sumusulong tungo sa bautismo. Ang gayong nagliligtas-buhay na gawain ay may malaking halaga sa ating mga mata.” Si James, isang misyonero, sa loob ng mahigit na sampung taon ay nagsasabi: “Ang makita ang pagtitiis ng ating mga kapatid na Kosraeano sa taun-taon ay isang tunay na pagpapala.” Diyan sa Belau, si Roger ay nagkomento: “Kami’y pinagpala sa pagkakaroon ng isang bagong Kingdom Hall at ng isang matapat na grupo ng mga mamamahayag.” At sa paggunita sa lumipas na mga taon, ganito ang sabi ni Placido: “Ang patnubay ni Jehova at ang kaniyang banal na espiritu ay halatang-halata sa aming mga buhay. Ito’y tumulong sa amin na magpakalapit-lapit sa kaniya.”

Ang gayong mga karanasan ay nagpatibay-loob sa mga misyonero na manatili sa kanilang mga atas. Marami sa kanila ang maaaring lumingon sa nakaraan at alalahanin ang pagtatatag ng unang kongregasyon sa kanilang lugar. Tulad ni apostol Pablo, mayroon silang pambihirang kaganapan ng ‘hindi pagtatayo sa pundasyon ng iba.’ (Roma 15:20) Ang kanilang damdamin ay mainam ang pagkapahayag sa ganitong komento: “Malaki pa ang gawain na dapat gawin. Ako’y naniniwala na bubuksan ni Jehova ang marami pang pagkakataon upang mapasama sa pagtitipon ang marami pang mga tulad-tupang narito sa mga isla, at kami ay may pribilehiyo na makibahagi rito.”

“Ang pagpapala ni Jehova​—iyan ang nagpapayaman, at hindi niya idinaragdag ang kapanglawan,” ang sabi ng Bibliya sa Kawikaan 10:22. Yaong mga tumugon sa panawagang misyonero sa mga isla ng Micronesia ay tunay na nakakaranas ng pagpapalang ito kalakip ng kagalakan at ng kasiyahan na nanggagaling sa paglilingkod kay Jehova.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share