Ang Pagsasakripisyo sa mga Bata—Hindi Buhat sa Diyos
SA LABAS ng mga pader ng Jerusalem, noong sinaunang panahon ay may isang lugar na tinatawag na Topheth. Doon, mga apostatang Israelita, kasali na sina Haring Ahaz at Manases, ang namihasa na sa kakila-kilabot na kaugalian na pagsasakripisyo sa mga bata. Sa wakas, ang tapat na haring si Josias ang nagpatigil sa gayong kaugalian nang kaniyang gawin na ang Topheth ay isang dakong di karapat-dapat sa mga seremonyang relihiyoso.—2 Hari 23:10; 2 Cronica 28:1-4; 33:1, 6.
Bakit nga ba ang lugar ay tinawag na Topheth? Ang pinagmulan ng salita ay pinagtatalunan, subalit kawili-wiling pansinin ang sinabi ng Judiong iskolar na si David Kimḥi, (c. 1160-c. 1235) tungkol sa nasabing lugar. Sa pagtalakay sa 2 Hari 23:10, na kung saan binabanggit ang Topheth, siya’y sumulat: “Ang pangalan ng lugar na kung saan ang kanilang mga anak ay pinararaan [sa apoy] kay Molech. Ang pangalan ng lugar ay Topheth, at kanilang sinabi na gayon ang tawag doon sapagkat sa oras ng pagsamba sila ay sumasayaw at tumutugtog ng mga pandereta, [Hebreo, tup·pimʹ] upang huwag marinig ng ama ang pag-iyak ng kaniyang anak pagka siya’y pinararaan sa apoy, at upang ang kaniyang puso ay huwag maligalig dahil sa kaniyang anak at bawiin niya ito sa kanila. At ang lugar na ito ay isang libis na pag-aari ng isang tao na nagngangalang Hinnom, at iyon ay tinawag na ‘Libis ni Hinnom’ at ‘Libis ng Anak ni Hinnom’ . . . Ang lugar na iyon ay pinarumi ni Josias, at ginawang isang karumal-dumal na dako, na pinagtatapunan ng lahat ng bangkay at lahat ng basura, upang huwag nang muling suma-puso ng isang tao na ang kaniyang anak na lalaki o kaya’y babae ay paraanin doon sa apoy bilang handog kay Molech.”
Sa modernong panahon, ang diyos na si Molech ay isa na lamang kasaysayan, at marami ang tiyak na nahihirapang maunawaan kung bakit pinapatay ng mga tao ang kanilang mga anak para ihandog sa kaniya. Subalit, sa ngayon ang mga adulto ay wari ngang handa pa ring patayin ang kanilang mga anak pagka naisipan nila. Sa siglong ito, angaw-angaw na kabataan ang isinakripisyo sa dambana ng digmaan. Taun-taon, di-mabilang na angaw-angaw na mga sanggol na di pa isinisilang ang sadyang pinapatay sa pamamagitan ng aborsiyon, marami sa kanila ang pinapatay dahilan sa ang pagkapaglihi sa kanila ay resulta ng pakikiapid o dahilan sa ang pagsilang nila ay hahadlang sa istilo ng pamumuhay ng kanilang mga magulang. Sa gayon, ang mga anak na ito ay isinasakripisyo sa mga diyos ng seksuwal na kalayaan at materyalismo.
Sinabi ni Jehova na ang pagsunog sa mga anak upang ihandog kay Molech ay kasuklam-suklam. (Jeremias 7:31) Napapaiba ba ang kaniyang pagkakilala sa walang patumanggang pagpatay sa mga kabataan sa lahi nating ito?
[Mga larawan sa pahina 31]
Paghahandog ng bata sa diyus-diyosan na si Molech, na napanood mga 75 taon na ang nakalipas sa “Photo-Drama of Creation”
Ang kasalukuyang Libis ni Hinnom, kung tatanawing pasilangan