Dapat Bang Payagan ang Diborsiyo?
NOONG Hunyo 1986 ang mga botante sa Republika ng Ireland ay bumoto taglay ang pataan na 3 hanggang 2 upang itaguyod ang kanilang pagbabawal ng diborsiyo. Ito ang nagtakda na ang Republika ang maging tanging bansa sa Kanlurang Europa na kung saan ang diborsiyo’y ilegal pa hanggang sa ngayon.
Maliwanag, sa kabila ng daluyong ng mga saloobin at kaisipang liberal, ang pangmalas ng karamihan ng tao sa emosyonal na isyu ng diborsiyo ay lubhang naiimpluwensiyahan pa rin ng kanilang nakalipas na karanasan. Ang lahi, edukasyon, at mga salik na panlipunan ay pawang may bahaging ginagampanan. Subalit sa lahat ng bagay, ang relihiyon, o ang kakulangan nito, ang nananatiling may kaisa-isang pinakamahalagang impluwensiya.
Ano ba ang iyong pangmalas sa diborsiyo? Kung ang mag-asawa ay totoong nagkakasuyaan na ng pamumuhay na magkasama at talagang hindi magkasundo, sila ba’y dapat payagang tapusin na ang kanilang miserableng pamumuhay sa pamamagitan ng diborsiyo? Paano mo sasagutin ang tanong na ito? Lalong mahalaga, sa ano mo ibabatay ang iyong sagot?
Sarisari at Nagkakasalu-salungatang mga Paniniwala
Para sa angaw-angaw na sa mga pamantayang Romano Katoliko sumusunod, talagang walang diborsiyo. “Sa pag-aasawang Kristiyano,” ang paliwanag ng The Catholic Encyclopedia, “hindi maaaring magkaroon ng isang lubus-lubusang diborsiyo [taglay ang karapatan na muling makapag-asawa], kahit man lamang pagkatapos na magwakas na ang pag-aasawa.” Gayunman, ang Iglesya Katolika Romana ay nagbibigay ng pagpapawalang-bisa ng kasal batay sa mga ilang kondisyon, at ang ganitong sistema ay malaganap nang ginagamit. Halimbawa, noong Abril 1986 ay nag-ulat ang The Denver Post: “Ang lokal na mga Katoliko ay humihingi ng napakaraming pagpapawalang-bisa sa kasal kung kaya’t ang Denver Archdiocese ay gumugugol ng $250,000 dahil sa dagdag na mga empleado at sa isang computer upang magampanan ang lahat-lahat na trabaho.” Sinabi pa ng ulat na “sa Denver Archdiocese, may tatlong-taon nang nabibinbin ang aksiyon sa 700 mga kaso ng pagpapawalang-bisa.”
Ang mga Protestante sa daan-daang mga denominasyon sa buong daigdig ay napapaharap sa pagkarami-raming mga batas at regulasyon ng simbahan sa diborsiyo. Datapuwat, sa pangkalahatan ang pinapayagan lamang ng mga awtoridad na Protestante ay diborsiyo na ang dahilan ay malulubhang sanhi. Subalit ang itinuturing na malubha ay maaaring malaki ang pagkakaiba-iba sa iba’t ibang simbahan. Mga pagkakasala na tulad baga ng adulterya, kalupitan, at kapabayaan ay karaniwan nang tinatanggap, subalit hindi lamang ang mga ito ang tanging sanhi. May mga denominasyon ngayon na may mga seremonya at serbisyo sa diborsiyo na may mga himno at mga dasal tulad ng ginagawa sa mga pagkakasal. Sa isa sa gayong seremonya, “ang mga panata sa pag-aasawa ay binabawi. Ang mga singsing pangkasal ng dalawang ikinasal ay ibinibigay sa ministro. Ang serbisyo’y nagtatapos sa pagpapahayag ng ministro na ang kasal ay pinawi na, at ang dating mag-asawa ay nagkakamayan,” ayon sa ulat ng The New York Times.
Ang mga Judio ay mayroong tradisyon na ipinatutupad ng mga hukumang relihiyoso. Ang mga batas ng mga rabbi ay nagpapahintulot ng diborsiyo batay sa alinman sa kasunduan ng mag-asawa o dahilan sa pisikal na mga depekto o ugaling pangit. Gayunman, ang diborsiyo ay itinuturing na legal, tangi lamang pagka ang asawang lalaki ay nagpalabas ng isang “get,” o sertipiko ng diborsiyo, at ito’y maaaring pagmulan ng paglalaban. Dahil sa pagdaramdam may mga asawang lalaki na ayaw maglabas ng dokumento, o kanilang ginagamit iyon sa pakikipagtawaran. “Dahil sa problemang ito libu-libong debotong mga babaing Judio ang napalagay sa isang masaklap na limbo sa pag-aasawa,” ang sabi ng Pangulong Andrew Stein ng New York City Council sa isang pagtatalumpati sa isang pagtitipon ng mga rabbi, abogado, at iba pa. Kung wala niyaong “get,” ang muling pag-aasawa ng babae ay itinuturing na ilegal, at anumang maging anak ay itinuturing na may tibo ng isang mamzer, o bastardo, sa modernong Estado ng Israel.
Kung tungkol naman sa mga di-relihiyoso o mga ateista na nagkukunwaring sumusunod sa mga batas ng bansa, ang isyu ay hindi pa rin simple. Ito’y dahilan sa ang mga batas sa diborsiyo ay nagkakaiba-iba sa bansa at bansa at maging sa lugar at lugar na nasa iisang bansa. Isang awtoridad ang naglista ng mga 50 dahilan na maaaring pagbatayan ng pagkuha ng isang legal na diborsiyo sa iba’t ibang panig ng Estados Unidos. Kasali na rito ang “paggawa ng malubhang pagkakasala at kabalakyutan,” “walang makatuwirang posibilidad na maipagpatuloy ang pagsasama ng mag-asawa,” at “pagtanggi ng asawang babae na lumipat kasama ng asawang lalaki sa estadong ito.” Noong kalilipas na mga panahon, maging ang huling bakas ng pagkadama ng tama at mali ay inalis na sa pamamagitan ng karaniwang tinatawag na walang batayang diborsiyo.
Isa Pa Ring Kalagayan na Nakagugulo ng Isip
Kahit na marami sa mga sarisari at nagkakasalu-salungatang mga batas at regulasyong ito sa diborsiyo ay sinasabing nakasalig sa Bibliya, sila ba’y nagtagumpay sa pagpapatibay ng institusyon ng pag-aasawa o napatatag ang pinagmumulan ng kaligayahan ng tao? Ang dumaraming diborsiyo—isang diborsiyo para sa bawat dalawang pag-aasawa sa mga ilang bansa—ang nagbibigay ng malinaw na kasagutan. Hindi lamang bigo ang mga batas na ito sa pagpapatibay sa buklod ng pag-aasawa kundi dinagdagan din naman nito ang kaabahan at pagdurusa sa buhay ng angaw-angaw na mga tao.
Dahilan dito, mahalaga para sa mga tunay na nagnanais gawin ang matuwid na alamin kung ano talaga ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa paksang ito.