Ang Magandang Kinabukasan ng Lupa sa Ilalim ng Kaharian ng Diyos
SINASABI ng Bibliya na “ang pananampalataya ang tiyak na pag-asa sa mga bagay na hinihintay.” (Hebreo 11:1) Gaya ng nakita natin sa naunang artikulo, mahigit na 500 taon bago isilang si Kristo, pinapangyari ng Diyos na mapasulat sa aklat ni Daniel ang isang makahulang pangitain ng pagbangon at pagbagsak ng mga kapangyarihan sa daigdig mula noong kaarawan ni Daniel hanggang sa ating sariling kaarawan. Ang kawastuan ng mga hulang ito ay nagbibigay sa atin ng katiyakan, ng matibay na dahilan para manampalataya, na ang natitirang bahagi ng mga hula ni Daniel ay matutupad din, at sa lalong madaling panahon ang Kaharian ng Diyos sa ilalim ni Kristo Jesus ang hahalili sa mga pamahalaan ng tao.
Anong laking pagbabago ang idudulot niyan sa sangkatauhan! Sa pagtanaw sa hinaharap tungkol sa panahong iyan, ang Diyos na mismo ang nagsasabi: “Narito! Ginagawa kong bago ang lahat ng bagay.” (Apocalipsis 21:5) Ang pagsasa-alang-alang ng ilan sa mga kinasihang hula na naglalarawan sa atin ng maligayang panahong iyan ang tutulong sa atin na makita kung paano ang magiging ayos ng ‘bagong’ mga bagay, kung paanong ito’y ibang-iba sa nakikita natin sa ngayon sa ilalim ng pamamahala ng tao. Oo, ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa kinabukasan ng ating lupa at ng buhay rito ay talagang kamangha-mangha. Pag-isipan ito:
Mawawala na ang krimen at karahasan. “Sapagkat ang mga manggagawa ng kasamaan ay lilipulin, . . . ang balakyot ay mawawala na.” Yaong mga nabubuhay ay “aktuwal na uupo, bawat isa sa ilalim ng kaniyang punong ubas at sa ilalim ng kaniyang punong igos, at walang tatakot sa kanila; sapagkat ang mismong bibig ni Jehova ng mga hukbo ang nagsalita.”—Awit 37:9, 10; Mikas 4:4.
Ang mga pagkakabaha-bahagi dahil sa lahi at bansa, at ang mga digmaan na likha nito, ay mapaparam na rin. “Ang bansa ay hindi magtataas ng tabak laban sa bansa, ni mag-aaral pa man sila ng pakikidigma.”—Isaias 2:4.
Ang kakapusan ng tahanan, kawalang tahanan at kawalang hanapbuhay ay magiging mga bagay na lipas na. Si Isaias ay humula: “Sila’y magtatayo nga ng mga bahay at sila rin ang titira; at sila’y magtatanim ng mga ubasan at sila ang kakain ng bunga niyaon. . . . At ang aking pinili ay makikinabang na lubusan sa gawa ng kanilang sariling mga kamay.”—Isaias 65:21, 22.
Ang kakila-kilabot na mga taggutom, katulad niyaong kamakailan lamang sumalanta sa mga bahagi ng Aprika, ay hahalinhan ng kasaganaan ng pagkain para sa lahat. “Magkakaroon ng saganang trigo sa lupa; sa taluktok ng mga bundok ay may labis-labis.” “Ang lupa mismo ay tiyak na magbibigay ng kaniyang ani; ang Diyos, ang ating Diyos, ay magpapala sa atin.”—Awit 72:16; 67:6, 7.
Bukod dito, magkakaroon ng kalusugan at buhay upang tamasahin ang ligaya ng pagkaranas sa mga pagpapalang ito. Kahit na noong panahon ng makalupang ministeryo ni Jesus, masasabing may katotohanan na “ang bulag ay tumatanggap ng paningin, ang pilay ay nagsisilakad, ang mga ketungin ay gumagaling at ang mga bingi ay nakakarinig.” Gayunman, masasaksihan ang lalong malaking katuparan ng pangakong: “Papahirin niya [ng Diyos] ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng dalamhati man o ng hirap pa man. Ang mga dating bagay ay naparam na.”—Lucas 7:22; Apocalipsis 21:4.
Anong pagkadaki-dakilang pagbabago! Anong laking kaginhawahan ang idudulot ng lahat na ito sa napipighating sangkatauhan! Ikaw ay aming hinihimok na pasakop kahit na ngayon pa sa Kaharian ng Diyos, upang ikaw man ay mag-ani ng mga pagpapala na manggagaling sa ganitong pambihirang pagbabago sa pamamahala ng daigdig.
[Larawan sa pahina 7]
Ang mga taong nabubuhay ngayon ay maaaring maghintay sa kamangha-manghang mga pagpapala—ang wakas ng digmaan, krimen, karalitaan, sakit, at maging ng kamatayan man. Masisiyahan ka ba sa gayong kinabukasan?