Pagpuri sa Pangalan ni Jehova sa mga Isla ng Dagat
GUNIGUNIHIN ang pagtataka ng isang manggagalugad na, sa pagsayad ng paa sa isang “di-kilalang” isla ay madatnan niyang ang bandila ng kaniyang bansa’y naroroon na sa isang hayag na dako. Maaga noong ika-19 na siglo, si John Williams, isang miyembro ng London Missionary Society, ay nakaranas ng isang nahahawig na sorpresa nang siya’y dumating sa Rarotonga, isang munting isla sa Cook Islands, sa timog ng Pasipiko. Sa islang ito na kung saan inakala niyang siya ang unang kinatawan ng Sangkakristiyanuhan, nakatuklas siya ng isang dambana na itinayo sa karangalan ni Jehova at ni Jesu-Kristo. Ganito ang ulat ng kaniyang paglalakbay bilang misyonero:
Mga ilan taon bago dumating doon si Williams, isang babae ang nanggaling sa Tahiti at nagpahayag sa mga tagaroon tungkol sa kagila-gilalas na mga bagay na kaniyang nakita sa kaniyang tinubuang lupain. Binanggit niya na mayroong mga puti na tinatawag na Cookees (kinuha sa pangalan ni Kapitan Cook). May binanggit siyang mga kasangkapang metal na kanilang ginagamit sa halip na mga buto upang putulin ang mga kahoy at maginhawa at mabilis na makagawa ng mga canoe. Subalit kaniya ring sinabi sa kanila na ang mga puti ay sumasamba sa Diyos na si Jehova at kay Jesu-Kristo. Palibhasa’y nagkaroon ng inspirasyon, ang tiyuhin ng hari ng isla ay nagpasiya na magtayo ng isang dambana at isang marae na inialay sa kanila.a Sa ganitong paraan, ang personal na pangalan ng Diyos ay nauna sa mga misyonero ng Sangkakristiyanuhan sa Kapuluang Polynesian.
Jehova—Isang Pangalan na Kilalang-kilala Noong Una
Nang sila’y magsimulang magturo ng kanilang relihiyon sa mga bayan-bayan ng Polynesia, natuklasan ng mga misyonero ng Sangkakristiyanuhan na maraming mga diyos ang sinasamba sa mga islang iyon. Upang maiwasan ang anumang kalituhan sa gitna ng mga diyos na ito, sila’y nagsimulang tukuyin ang Kataas-taasang Diyos sa kaniyang pangalan imbis na sa isang tituló na tulad baga ng Panginoon, ang Walang-hanggan, o kahit na Atua, ang salita para sa “Diyos” sa karamihan ng mga wikang Polynesian. Sa gayon ang mga naninirahan sa mga islang ito ay natutong manalangin kay Jehova, at gamitin ang kaniyang personal na pangalan.
Nang magtagal, ang unang mga salin ng Bibliya ay lumitaw sa lokal na mga wika. Mangatuwiran nga, kanilang ginamit ang personal na pangalan ng Diyos: Iehova sa Hawayano, Rarotongan, Tahitiano, at Niueano; Ieova sa Samoano; at Ihowa sa Moari. Ang lalo pang kapuna-puna, sa maraming salin ang pangalan ay lumitaw pa mandin sa Kristiyanong Griegong Kasulatan (Bagong Tipan).
Ang mas matatandang salinlahi ng Maori sa New Zealand ay nakakatanda pa rin kung kailan palasak na ginagamit ang pangalang Jehova—lalo na sa marae. Sa opisyal na mga okasyon, mga sinipi na tulad baga ng “ang takot kay Jehova ang pasimula ng karunungan” ay bahagi ng pambungad na talumpati sa pagtanggap sa dumadalaw na mga dignitaryo. Sa buong Polynesia, malayang ginagamit ang pangalan sa mga serbisyo sa simbahan. Magpahanggang sa araw na ito, ang mga may edad na ay nakakakilala sa pangalan ng Diyos sa kanilang lokal na wika. Gayunman, ito ay hindi totoo kung tungkol sa marami sa nakababatang salinlahi, na napahiwalay na sa tradisyonal na pamumuhay.
Mga Pagtatangkang Sawatain ang Pangalan
Nang magtagal, ang ilang mga saling Polynesian ay nirebisa. Gaya ng nangyari sa iba’t ibang rebisyon, na ginawa sa Europa at Hilagang Amerika, ang isa sa pangunahing pagbabago ay ang pag-aalis ng pangalang Jehova (o ang ilan sa napakalapit na mga katumbas nito). Sa gayon, ito ay hinalinhan ng Alay (Panginoon) sa rebisadong edisyon ng Bibliyang Samoano na inilathala noong 1969, at isang katulad na rebisyon ang isinaplano sa Niueano.
Totoo, ang mga naninirahan sa Polynesia ay hindi na sumasamba sa kanilang mga diyos o mga idolo na gaya noong nakaraan, maging kay Ay ng sumasamba sa kanilang mga diyos o mga idolo na gaya noong nakaraan, maging kay Io ng Nakakubling Mukha, ang dating supremong diyos ng Maori. Subalit dahil ba diyan ay awtorisado na ang mga tagapagsalin ng Bibliya na alisan ng pangalan ang Diyos ng Bibliya at halinhan ang kaniyang pangalan ng isang hamak na titulo? Ang kaniya bang pangalan ay hindi na gaanong mahalaga sa ngayon? Tunay na hindi, yamang si Jesus mismo, sa modelong panalangin, ay nagturo sa kaniyang mga alagad na manalangin unang-una ukol sa pagbanal sa pangalang iyan.b
Tagapagtanggol ng Pangalan
Sa kabila ng mga pangyayaring ito kamakailan, ang pangalang Jehova ay hindi mapapawi sa Polynesia. Bakit hindi? Sapagkat, tulad din sa lahat ng iba pang mga lupain, ang mga Saksi ni Jehova ay regular na dumadalaw sa mga tao sa mga islang ito upang ipakilala sa kanila ang pangalang iyan. Sa mismong sandaling ito mahigit na 16,000 mga Saksi sa panig na ito ng daigdig ang nakikibahagi sa mahalagang gawaing ito, at kanilang ipinakikilala sa kanilang kapuwa-tao ang kahalagahan ng pagkakaroon ng tumpak na kaalaman sa Salita ng Diyos at pagsasagawa ng kaalamang iyon. Iyan ang ibig sabihin ng pagsamba sa Diyos at pagbanal sa kaniyang pangalan.—Juan 4:21-24.
[Mga talababa]
a Ang marae sa simula ay isang sagradong nakukulong na dako na ginagamit sa mga layuning relihiyoso at sosyal. Sa ngayon ito ay pangkalahatang tumutukoy sa isang dakong pinagtitipunan ng mga tribo.
b Ang modelong panalangin na itinuro ni Jesus sa kaniyang mga alagad (malimit na tinatawag na ang Ama Namin) ay nag-uumpisa sa mga salitang ito: “Ama namin na nasa langit, pakabanalin nawa ang pangalan mo.”—Mateo 6:9.
[Mapa sa pahina 14]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Hawaii
Samoa
Niue
Tahiti
Rarotonga
New Zealand
[Mga larawan sa pahina 15]
Tutuila, American Samoa
Lake Gunn, New Zealand
Savaii, Kanlurang Samoa
Avatele Beach sa Niue