Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w88 7/15 p. 26-29
  • Ang Di-Malilimot na Paglalakbay Namin sa Vanuatu

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Di-Malilimot na Paglalakbay Namin sa Vanuatu
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1988
  • Subtitulo
  • Kombensiyon sa Port-Vila
  • Nakatagpô Namin ang “Maliliit na Nambas”
  • Ang Pagkaligtas sa Buhawing Uma
  • Pagkatapos
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1988
w88 7/15 p. 26-29

Ang Di-Malilimot na Paglalakbay Namin sa Vanuatu

SAMANTALANG pumapaitaas ang aming sinasakyang eruplano sa paliparan ng Port-Vila upang maibalik kami sa Nouméa, New Caledonia, aming natanto na hindi namin gaanong inaasahan na makakaranas kami ng gayon sa aming paglalakbay. Malinaw na malinaw pa sa aming alaala hindi lamang ang mga tanawin at ang mga tunog na narinig sa magandang kapuluan ng Vanuatu at sa masasayang mga tao rito kundi pati na rin ang nakapanlulumong karanasan na maligtas nang buháy sa isang malakas na buhawi sa isang isla sa tropiko.

At ang Vanuatu ay isang korteng-Y na grupo ng humigit-kumulang 80 isla sa timog-kanlurang Pasipiko, mga 400 kilometro sa hilagang-silangan ng New Caledonia. Nakakalat sa mga isla ang 84 na mga kasamahang saksi ni Jehova sa dalawang kongregasyon. Kami ng aming maybahay ay talagang galak na galak nang gumawa ng mga kaayusan upang madalaw namin sila. Natural, maraming tanong ang sumilid sa aming isip. Anong mga kalagayan ang mapapaharap sa amin? Ano kaya ang hitsura ng mga tagaroon? At, ang pinakamahalaga, paano sila tutugon sa mabuting balita ng Kaharian?

Kombensiyon sa Port-Vila

Medyo kami nag-alaala nang mapag-alaman namin na bagama’t karamihan ng mga naninirahan doon ay Melanesian ang lahi, mayroon doon na mahigit na isang daang wikang ginagamit sa buong kapuluan. Subalit nakahinga kami nang maluwag nang mapag-alaman namin na isang uri ng Ingles Pidgin na tinatawag na Bislama ang karaniwang wika roon. Kaya’t hindi magkakaroon ng malaking problema sa pakikipag-usap sa mga tao.

Ang unang hinintuan namin ay Port-Vila, ang kabisera ng Vanuatu. Dito, kami’y nakatakdang dumalo sa “Banal na Kapayapaan” na Pandistritong Kombensiyon. Ang lokal na mga Saksi ay napagod nang husto upang maihanda ito. Nakagagalak naman na makilala ang mga delegado buhat sa malalayong isla na kinailangan ang maraming buwan na magtipon ng magasta upang makapaglakbay.

Ang bulwagan na pinagdausan ng kombensiyon ay napuno ng tao sa unang araw pa lamang. Mahigit na 300 katao ang dumalo at napanood ang drama sa Bibliya sa pamamagitan ng videotapes. Ito ay pambihira, kung isaalang-alang na mayroon lamang na 84 na mga mamamahayag ng Kaharian sa buong kapuluan. Oo, si Jehova ay naghahanda ng isang mabuting pag-aani sa gagakudlit na mga islang ito sa gitna ng Karagatang Pasipiko.

Nakatagpô Namin ang “Maliliit na Nambas”

Kinabukasan, ako at isang katutubong kapatid na lalaki ang sumakay sa isang munting eruplano at lumipad patungo sa isla ng Malekula. Pagkatapos ng isang maligalig at mahirap na biyahe, kami’y lumunsad sa South West Bay. Hinanap ng kasama ko ang kaniyang pinsan upang ikuha kami ng isang bangka. Ito ang tanging paraan upang marating ang nayon ng Letokas, ang huling pupuntahan namin.

Sumakay kami sa aming bangka at tinalunton namin ang baybaying dagat, samantala ako ay totoong nabighani sa natural na kagandahan ng isla. Ang matatarik na dalisdis na mistulang sumisisid sa karagatan ay talagang nakapanliliit. Makikita mo saanman ang malagong mga halaman, may magagandang bulaklak o nalalaganapan ng mga gumagapang na pananim, mga pakô, at kabigha-bighaning mga orkidyas. Palipat-lipat sa mga punungkahoy ang magagandang ibon, tulad halimbawa ng mga maya sa kaniyugan.

Buhat sa aming bangka ay natatanaw rin namin ang malawak na karagatan​—ang mga bahura ng korales, ang tradisyunal na pinakapaminggalan ng mga tagaisla. Mga taong galing sa lahat ng panig ng daigdig ang nagpupunta upang sumisid at humahanga sa kagandahan ng korales at ng tropikal na mga isda. Sagana rin doon ang mga kabibe at mga ulang, at bilang pagkain ay hinuhuli ng mga tagaroon sa pamamagitan ng lambat at ng pagsibat.

Sa di-kawasa may napansin kaming usok na nanggagaling sa isang plantasyon ng niyog sa malayo. Ito ang mapagkakilanlan sa aming pupuntahan, isang magandang look malapit sa Bamboo Bay. Habang kami’y papalapit sa dalampasigan, dumating ang maraming porpoise upang maglaro sa paligid namin. Pagkatapos ay nakita namin ang mga ilang lalaki na may mga busog at pana at galak na galak. Naroon at kasama nila ang natanawan naming mga kapatid, na tuwang-tuwa sa pagdating namin doon.

Ang mga ito ay yaong Small Nambas ng timugang Malekula, isa sa pinakanabubukod na tribo sa Timog Pasipiko. Sila’y nangakatira sa maliliit na mga bayan-bayan doon sa itaas ng kabundukan na mga ilang araw ng paglalakad bago marating buhat sa baybayin. Ang mga lalaki ay nakasuot ng “namba,” isang pantapis sa balakang na yari sa mga dahon na nakakabit sa isang sinturong balát ng punungkahoy. Ang mga babae ay nakasuot ng maiikling sayang damo. Sa bawat bayan-bayan, karaniwan nang mayroong isang seremonyal na sentro na kung saan ginaganap ang sakripisyong mga sayaw at iba pang mga rituwal. Bagaman marami sa mga tagaroon ang sumusunod sa Kanluraning istilo ng pamumuhay, karaniwan pa rin doon ang mga pamahiin at mga gawaing espiritismo.

Isang kagalakan na makatagpo at mabati ang mga kapatid. Ang mga lalaki ay medyo maliliit ngunit pagkalalakas. Ang kanilang likás na pagkamahiyain at kabaitan ay nakabagbag ng aking puso. Ang iba sa mga bata ay natatakot sa akin sapagkat ang mga puti na nakikilala nila ay karaniwang mga doktor, at tandang-tanda pa ng mga bata ang pag-iiniksiyon sa kanila!

Ang nayon ay nahahati sa dalawa ng isang munting plantasyon ng niyog sa gitna. Kalahati ng nayon ay nakareserba para sa mga taong tumanggap sa katotohanan, at hindi nagtagal ay napag-alaman ko ang dahilan nito. Upang sila’y makapanindigan sa katotohanan at makapagpatuloy sa kanilang pag-aaral ng Bibliya, kailangan ng iba na sila’y mamuhay nang hiwalay sa ibang taganayon.

Ang mga kubo ay itinayo sa ibabaw ng mga nakapasak na kawayan. Sa pagpasok namin sa isa sa mga ito, kaagad na nakalanghap ako ng makapal na usok na galing sa apoy sa gitna ng silid. Nangati ang aking mga mata dahil sa usok na iyon, subalit napalayas naman ang mga lamok at mga langaw. Sa kalapit, sa isa pang munting kubo, isang babae ang nag-aasikaso ng isang pirasong buluk, o karne ng baka, na nakalatag sa mga dahon ng laplap, nangingitim na sa mga langaw.

Aming inanyayahan ang mga tao na dumalo ng isang programa sa slide sa gabi ng Miyerkules. Iyon ay isang presentasyon ng kasaysayan ng mga Saksi ni Jehova at pinamagatang Pagsulong sa Buong Daigdig sa Kabila ng Pag-uusig. Isa sa mga mamamahayag ang patiunang naparoon doon sa pamamagitan ng isang-araw na pagbibiyahe upang mag-anyaya ng mga ilang taganayon sa kabundukan. Sabik akong makita kung sila’y pupunta nga. Nang magtatakip-silim na, isang kabataang lalaki ang dumating dala ang kaniyang busog at mga pana. Kasunod niya ang mga iba pang tao. Ako’y nagagalak makita na hindi nakahadlang sa kanila ang layo para pumunta sa miting na ito.

Di nagtagal, kami ay napalilibutan ng mga busog at mga pana. Mga 80 katao ang dumating, at sinimulan namin ang programa. Nakatutuwang pakinggan ang tunog na likha ng kanilang pagpalatak pagka sila’y namamangha sa anumang kanilang nakikita sa mga slide.

Pagkatapos ng programa sa slide, ang diskusyon ay dumako sa panig ng mga kustombre at mga kinaugalian ng mga tagaroon. Ang mga taganayong iyon ay nakinig nang puspusan at masayang tinanggap nila ang babala laban sa demonismo sa 1 Corinto 10:20, 21. Sa loob ng ilang panahon, kanilang nilabanan ang pagsisikap ng mga misyonero ng mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan na akitin sila na sumunod sa umano’y Kristiyanong paraan ng pamumuhay. Ang isang dahilan ay sapagkat hindi sila sang-ayon sa ilan sa mga doktrina na itinuro ng mga misyonero at isa pa’y dahilan sa sila’y nabibigla sa inuugali ng mga iba na nag-aangking mga Kristiyano. Ngayon, ang mga taganayon ay nalulugod na mapag-alaman ang tungkol sa pangako ng Diyos na ibabalik ang isang makalupang paraiso at na bubuhayin ang mga patay. Hindi ko mapigil na hindi pag-isipan ang mga sinabi ni Jesus sa Juan 8:32: “Inyong malalaman ang katotohanan, at ang katotohanan ay magpapalaya sa inyo.”

Ang pananampalataya ng mga taong ito at ang kanilang pag-ibig sa Bibliya ay nagdulot din naman sa kanila ng pananalansang. Pinilit ng mga ilang punong relihiyoso roon ang mga tagaroon na ang ating mga brochure ay ipako sa kanilang mga pinto bilang tanda na ‘ayaw namin ito rito.’ Subalit ang ganitong uri ng panggigipit ay nag-udyok lamang sa iba sa mga maybahay na maghangad ng isang pag-aaral sa Bibliya upang alamin ang tungkol sa katotohanan. Nahirapan ako na lisanin ang mabubuting kaibigang ito na umiibig sa katotohanan. Ako’y nangako na babalik ako at dadalawin ko ang kanilang nayon sa kabundukan.

Ang Pagkaligtas sa Buhawing Uma

Sa aming paglalakbay ay huminto kami sa Espiritu Santo, isa pang isla sa gawing hilaga ng Vanuatu. Doon ay dinalaw namin ang Luganville Congregation. Bagama’t mayroong iisa lamang elder sa kongregasyong iyon, mayroong magandang espiritu sa gitna ng mga kaibigan. Sa pahayag sa Bibliya noong Linggo, kami ay nagtaka sa pagkakita ng 150 katao, makaitlong beses ng dami ng mga mamamahayag ng Kaharian.

Kinailangan na kami ay bumalik sa Port-Vila upang makaabot kami sa eruplano na sasakyan namin pauwi sa Nouméa, New Caledonia. Samantalang naroon sa Port-Vila, nabalitaan namin noong Biyernes ng hapon na papalapit na ang buhawing Uma. Ang mga tao ay hindi gaanong nagtataka, palibhasa ang ganitong uri ng lagay ng panahon ay karaniwan na sa ganoong kapanahunan ng isang taon. Pagkatapos ay iniulat na ang buhawi ay darating sa ganap na ika-7 n.g. Agad kaming nagpadala ng pasabi sa pamamagitan ng istasyon ng radyo sa lugar na iyon na ang aming mga pulong ay ipagpapaliban. At medyo nag-aalaala ako tungkol sa aming pagbibiyahe pauwi sa Nouméa sa araw ng Linggo.

Nang sumapit ang ika-5:30 n.h., napakalakas ang hangin na anupa’t nakasira ng mga ilang bintana. Natalos namin na kailangang barikadahan namin ang mga bintana at mga pinto upang mapigil ang pagpasok ng hangin at pagkatanggal ng bubong. Ang mga kutson, kama, aparador, at mga lamesa ay itinambak namin malapit-lapit sa mga bintana at mga pinto. Nararamdaman namin ang lakas ng hangin na humahambalos sa bahay, subalit mabuti naman at lahat ay nanatiling nasa ayos. Nang maglaon napag-alaman namin na ang hangin ay umabot hanggang sa bilis na 240 kilometro por ora ng gabing iyon.

Di nagtagal ay kumalma. Aming sinamantala ito at dali-daling lumabas kami upang alamin kung ano na ang nangyayari sa mga Saksing kalapit namin. Kami’y nagtaka nang makita namin na may mga punungkahoy na nabuwal sa kanilang looban at ang dingding ng isang kuwarto ay gumuho. Ang tatlong kapatid na babae ay doon aabang-abang sa ibang kuwarto, naghihintay ng tulong. Naisip namin kung paano na nga ang mga iba pang kapatid. Kaming lahat ay nananalangin kay Jehova na ingatan sila.

Nang sumapit ang hatinggabi, pagkaraan ng halos walong nakahahapong mga oras, ang buhawi ay padako na sa gawing timog ng kapuluan. Subalit nagpatuloy pa rin ang pagkidlat at pag-ulan. Sa patuloy na pagkidlat, aming nakikita ang mga bubong na yero ng mga bahay na nagliliparan sa lahat ng dako. At hindi nagtagal ay umulan na rin sa loob ng bahay. Noon ay ika-2:30 n.u., at aming ipinasiya na dapat na kaming lumakad at tingnan kung ano ang nangyayari sa ating mga kapatid.

Pagkatapos

Sa mga kalye ay nagkalat ang mga dahon at mga sanga ng punungkahoy, mga kapi-kapirasong bahagi ng mga muwebles, mga bubong na yero at mga bagay-bagay na gamit sa tahanan. Ang mga posteng metal ng ilaw ay napilipit at bumagsak sa lupa. Kami’y kinailangang lumusong upang makaraan sa lahat ng napatambak na mga basurang iyon. Nasaksihan namin ang isang kakila-kilabot na tanawin ng kagibaan. Pagkatapos ay natagpuan namin ang punong tagapangasiwa sa lokal na kongregasyon pati ng kaniyang pamilya na nangangaligkig sa ginaw sa kanilang munting kotse. Ang bubong ng kanilang tahanan ay tinanggal at inilipad ng buhawi, at nawasak ang bahay. Kami’y napasasalamat at natagpuan namin sila na ligtas.

Ang buhawing iyon ang siyang pinakamalakas na naranasan ng Vanuatu sa loob ng 25 taon. Dahilan sa unos sa dagat lahat ng barko ay kumanlong, at aming nabalitaan na 46 katao ang nasawi o kundi man ay nawawala, karamihan sa kanila’y yaong mga nasa barko. Halos 4,000 katao ang nawalan ng kanilang tahanan, at ang mga pananim at mga ari-arian na napinsala ay tinataya na $200 milyon. Kami’y nagalak na mabalitaang wala sa ating mga kapatid ang nasawi o nasaktan.

Agad bumuo ng isang komite na magbibigay ng tulong. Ang mga Saksi ni Jehova sa New Caledonia ay nagpadala ng mahigit na isang libong libra ng suplay kasali na ang pagkain, damit, at mga bagay na makatutulong upang muling maitayo ng mga kapatid ang kani-kanilang tahanan. Isang grupo ng mga taong interesado sa kabilang ibayo ng isla ang yumakap sa amin ng kanilang makita kami. Ang kanilang mga pananim ay napinsala, at iisa-isang matandang-usong kubo ang hindi naigiba ng buhawi. Tiniyak namin na sila’y may sapat na pagkain para sa dalawang araw, at pagkatapos ay bumalik kami sa Port-Vila.

Ang mga maykapangyarihan doon ay nagsisimula na ring tumulong, at ang tulong buhat sa mga kalapit-bansa ay nagsimula na ring dumating. Nang magsimula nang mangalingasaw ang amoy ng nabubulok na mga bagay-bagay, hiniling ng gobyerno sa mga mamamayan na linisin ang siyudad sa pinakamadaling paraan na magagawa. Kami’y nag-alok ng mga ilang mungkahi tungkol sa paggamit ng tubig upang maiwasan ang paglaganap ng sakit na katulad ng tipos at kolera.

Nang sumunod na Huwebes ay nagawa namin na ipalabas ang programa sa slide at lahat ay nasiyahan. Pagkatapos ng miting, naririnig namin ang ugong ng mga usap-usapan ng mga kaibigan. Marami sa kanila ang mistulang tulala pa rin dahilan sa pagkawala ng lahat ng kanilang ari-arian. Subalit lahat doon ay kinamalasan ng kagila-gilalas na espiritu ng pagiging handang tumulong at mangalaga sa pangangailangan ng iba. Anong gandang pagtatanghal ng pagkakaisang Kristiyano!

Sa wakas, panahon na upang lisanin namin ang ating minamahal na mga kapatid. Kami’y lubhang pinalakas-loob ng kanilang pag-ibig at sigasig. Ang kahirapan na aming naranasan ay nagtulak lamang sa amin na maging lalong malapit sa isa’t isa. Samantalang ang aming eruplano ay palayo sa Port-Vila, ang taus-pusong hangarin namin ay na sana makabalik kami at makitang muli silang lahat.​—Isinulat.

[Mapa/Mga Larawan sa pahina 26]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

VANUATU

ESPÍRITU SANTO

Luganville

MALEKULA

EFATE

Port-Vila

NEW CALEDONIA

Nouméa

[Mga larawan]

Port-Vila, kabisera ng Vanuatu

Pangangaral sa isang tagaroon

Isang karaniwang nayon

[Larawan sa pahina 29]

Natutuwang makinig sa mabuting balita

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share