Ang Pangalan ng Diyos at ang mga Tagapagsalin ng Bibliya
NOONG 1952, ang The Bible Translator ay naglathala ng isang pagtalakay sa “problema” ng pagkatawan sa pangalan ng Diyos sa mga salin ng Bibliya na para gamitin ng Sangkakristiyanuhan sa mga misyon sa larangan. Kinilala ng mga manunulat ang kahalagahan ng pangalan sa Bibliya—at ang pangalang ito’y lumilitaw sa Hebreong Kasulatan ng halos 7,000 beses. Subalit hindi sila magkaisa sa kung paano dapat isalin ito sa modernong mga wika. Ang iba’y pabor sa isang termino na tulad bagay ng “Ang Walang-hanggan.” Ang ibig naman ng iba ay ang titulong “Panginoon.” Walang sinuman na nagrekomenda ng pagsasalin nito ng “Jehova” o “Yahweh.” Bakit wala?
Dalawang dahilan ang binanggit ng manunulat na si H. Rosin. Una, siya’y naniniwala na nang ang Bibliyang Hebreo ay unang isalin sa Griego (ang saling Septuagint bago ng panahong Kristiyano) isinalin ng mga tagapagsalin ang pangalan ng Diyos sa salitang Griego para sa “Panginoon.” Pangalawa, nangangamba siya na ang pagpapasok ng pangalang Jehova sa mga salin ay “baka maging dahilan din naman ng pagkakahati ng iglesya.” Sapagkat, isinusog pa niya, “hindi ba ang mga ‘saksi ni Jehova’ ay laban sa Trinidad?”
Tungkol sa unang punto ni Rosin, ang mga natuklasan ng mga arkeologo ang nagpatunay na siya’y mali. Sa katunayan, hindi ginamit ng mga tagapagsalin ng Septuagint ang salitang Griego para sa “Panginoon” upang kumatawan sa banal na pangalan. Bagkus, kanilang isinulat ito sa orihinal na mga karakter Hebreo doon mismo sa tekstong Griego, kung kaya’t ang mga kopya ng saling Septuagint na ginamit ng mga sinaunang Kristiyano ay mayroon ng banal na pangalan.
Kapuna-puna, pagka ang sinaunang mga Kristiyano ay sumisipi sa Septuagint lubhang malayo na kanilang aalisin ang pangalan buhat sa sinipi. Sa gayon, ang orihinal na mga manuskrito ng Kristiyanong Griegong Kasulatan (ang “Bagong Tipan”) ay malamang na makikitaan ng pangalan ng Diyos. Si Propesor George Howard, sa isang artikulong inilathala sa Biblical Archaeology Review, Marso 1978, ay nagharap ng matitibay na mga argumento para sa konklusyong ito. Halimbawa, kaniyang binanggit ang “isang tanyag na talatang rabiniko (Talmud Shabbat 13.5)” na “tumatalakay sa problema ng pagsira ng mga tekstong erehes (malamang na malamang na kasali ang mga aklat ng Judiong-Kristiyano).” Ano baga ang problema? “Ang mga tekstong erehes ay may taglay ng banal na pangalan, at sa lansakang pagwawasak sa mga iyan ay kasali ang pagwawasak sa banal na pangalan.”
Subalit kumusta naman ang pangalawang pagtutol ni Rosin? Ang paggamit ba sa pangalan ng Diyos ay lilikha ng mga problema para sa Sangkakristiyanuhan? Bueno, isaalang-alang ang nangyari nang alisin ang pangalan. Pagkatapos nang unang siglo, ang pangalan ng Diyos ay hinalinhan ng mga “Kristiyanong” tagakopya ng mga salitang katulad ng “Diyos” at “Panginoon” sa kapuwa Septuagint at Kristiyanong Griegong Kasulatan. Sang-ayon kay Propesor Howard, malamang na ito’y may bahagi sa kaguluhan na naranasan ng Sangkakristiyanuhan noong mga taóng huli: “Marahil dahilan sa pag-aalis sa Tetragrammaton [ang pangalan ng Diyos sa Hebreo] ay naging sanhi ito ng noong bandang huli’y Kristolohikal at Trinitaryong mga debate na naging mistulang salot sa iglesya ng mga sinaunang siglong Kristiyano.”
Tunay, ang pag-aalis sa pangalan ng Diyos sa Bibliya ay lalong nagpadali ng pagtanggap ng Sangkakristiyanuhan sa doktrina ng Trinidad. Kung gayon, kung isasauli ng Sangkakristiyanuhan ang pangalan sa kompletong Bibliya at sa pagsamba, iyon ay magiging sanhi ng mga suliranin. Si Jehova, gaya ng pagsisiwalat tungkol sa kaniya sa Hebreo at Kristiyanong Griegong Kasulatan, ay maliwanag na iba kaysa kay Jesu-Kristo at hindi bahagi ng isang Trinidad.
Si Propesor Howard ay nagsabi bilang susog pa: “Ang pag-aalis sa Tetragrammaton ay marahil lumikha ng isang teolohikal na kapaligiran na naiiba sa umiiral noong panahon ng unang siglo sa Bagong Tipan. Ang Diyos ng mga Judio na sa tuwina’y maingat na nadidistinggi buhat sa lahat ng mga iba pa sa pamamagitan ng paggamit sa kaniyang pangalang Hebreo ay nawalan ng ilan sa kaniyang ikinaiiba at ito’y nang lumipas na nga ang Tetragrammaton.” Ang mga Saksi ni Jehova ang nagsauli sa pangalan ng Diyos hindi lamang sa kompletong Bibliya kundi sa kanila rin namang araw-araw na pagsamba. Sa ganoon, kanilang napagkikilala ang isang ‘maingat na pagkakaiba’ ng tunay na Diyos at ng huwad na mga diyos ng sanlibutang ito. Sa ganoo’y kanilang naisauli ang “teolohikal na kapaligiran” na umiral noong unang-siglong iglesyang Kristiyano.