Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
◼ Sinabi ni Jesus, “Kung kayo’y mga bulag, hindi kayo magkakaroon ng kasalanan.” (Juan 9:41) Ang ibig ba niyang sabihin ay mayroong mga tao na walang kasalanan?
Hindi, lahat ng tao ngayon ay makasalanan, gaya rin ng lahat ng tao noong unang siglo maliban kay Jesus. Sa mga salitang ito buhat sa Juan 9:41, may isang natatanging uri ng kasalanan na tinutukoy si Jesus.
Ang ating ninunong si Adan ay nagpasa ng kasalanan sa lahat niyang mga inapo. Si Adan ay nilalang na sakdal, walang kasalanan. (Deuteronomio 32:4; 2 Samuel 22:31) Nang siya’y sumuway sa mga pangunahing utos ni Jehova, si Adan ay naging di-sakdal. Ang pangunahing kahulugan ng magkasala ay “sumala sa pamantayan.” Ganoon nga ang nangyari kay Adan. Kaya’t sa paglabag sa utos ng Diyos, si Adan ay naging isang makasalanan.
Lahat tayo ay naapektuhan sapagkat lahat tayo ay nanggaling kay Adan. Maipaghahalimbawa ito nang ganito: Isang tao na ipinanganak na may nangingibabaw na depektong genetiko at kaniyang maipapasa ito sa lahat ng kaniyang mga supling; kanilang mamanahin ang depektong iyon. Nalalaman ng mga siyentipiko sa ngayon kung ang isang depekto sa kromosomo ay umiiral sa isang bilig o isang bagong silang, subalit higit pa riyan ang ginagawa ni Jehova. Kaniyang isinisiwalat na isang lalong malubhang depekto ang umiral kay Adan at na iyon ay ipinasa sa lahat sa atin. Ang depektong ito ay kasalanan. “Sa pamamagitan ng isang tao [si Adan] ay pumasok ang kasalanan sa sanlibutan at ang kamatayan sa pamamagitan ng kasalanan, at sa ganoon lumaganap ang kamatayan sa lahat ng tao sapagkat silang lahat ay nagkasala.” (Roma 5:12) Dahilan sa makasalanang kalagayang ito ang mga tao ay hindi na kasuwato ng Maylikha, bukod sa sila’y nagkakasakit na at namamatay. Walang tao maliban kay Jesus ang sapol noon ay naging sakdal at wala sa ilalim ng hatol na kamatayan.—Roma 5:18-21; 6:23; 2 Cronica 6:36.
Gayunman, sa Bibliya ang mga indibiduwal ay kung minsan tinatawag na “mga makasalanan” dahilan sa sila’y mga tanyag na namihasa na sa gawang pagkakasala o sa tahasang pagkakasala. (Lucas 19:2-7; Marcos 2:16, 17; 14:41) Mangyari pa, iyan ay hindi nangangahulugan na ang nalalabing bahagi ng mga tao ay sakdal, walang kasalanan. Kung ganoon, sila’y hindi sana tumanda at nangamatay sa wakas.
Ang ulat sa Juan kabanata 9 ay tungkol sa isang taong isinilang na bulag ngunit naisauli ni Jesus ang paningin. Ang taong iyon ay hindi naman nakakabasa ng Kasulatan sa ganang sarili niya, gayunman ay mayroon siyang limitadong kaalaman. Batid niya na hindi dinirinig ng Diyos ang panalangin ng mga taong sinasadya ang kasalanan. Ang pagbibigay ni Jehova ng kapangyarihan kay Jesus upang makapaghimala ng pagsasauli ng paningin ay patotoo na isang propeta si Jesus. Datapuwat, ang mapagmataas na mga Fariseo ay tumangging tanggapin ang makatuwirang patotoo ng taong ito, at kanilang pinalayas siya.—Juan 9:13-17, 26-34.
Pagkatapos nito, sinabi ni Jesus: “Sa paghatol na ito ay naparito ako sa sanlibutang ito: upang ang mga hindi nakakakita ay makakita at ang mga nakakakita ay maging mga bulag.” (Juan 9:39) Oo, salig sa kaniyang pangangaral, mga iba pang gawain, at papel na ginagampanan sa mga layunin ng Diyos, ang mga tao ay maaaring magtamo ng espirituwal na paningin at lumakad sa liwanag, o kung hindi ay doroon sila sa espirituwal na kadiliman. (Isaias 9:1, 2; 42:6, 7; Mateo 4:13-17; 6:23; 2 Pedro 1:9; 2 Corinto 4:4) Kung ang mga lider ng relihiyon ay mga Judiong basta walang kaalaman at may karaniwang pasanin ng kasalanan bilang mga tao, baka sakaling pinatawad pa sila sa hindi nila pagtanggap sa Mesiyas. Subalit sila, na nag-aangking “nakakakita,” o nakakaunawa, ay lalong higit na malaki ang kasalanan sapagkat sila’y may lalong malaking kaalaman sa Kautusan at sa makahulang Salita ng Diyos. Kaya’t ang kanilang pagtanggi kay Jesus ay isang malubhang kasalanan na humatol sa kanila nang higit kaysa kanilang normal na di-kasakdalan at kasalanan bilang tao. Kaya naman, sinabi ni Jesus ‘sa mga Fariseo: “Kung kayo’y mga bulag, hindi kayo magkakaroon ng kasalanan. Datapuwat ngayon ay sinasabi ninyo, ‘Kami’y nakakakita.’ Nananatili ang inyong kasalanan.”—Juan 9:41.