Natatandaan Mo Ba?
May praktikal na kahalagahan ba sa iyo ang kamakailang mga labas ng Ang Bantayan? Bakit hindi subukan ang iyong memorya sa tulong ng sumusunod na mga katanungan?
◻ Ano ang sagot sa kasalukuyang mga problema ng pagkabuntis ng mga tin-edyer?
Ang kabataan ay kailangang mabigyan ng moral at espirituwal na patnubay. Ipinakikita ng Bibliya na ang mga magulang ay may pananagutan na gawin ito. (Efeso 6:4)—4/15, pahina 4.
◻ Ano ang balakid sa matagumpay na pagpapalaki ng mga anak?
Ang mga magulang at ang mga anak ay di-sakdal, kung kaya’t nagkakamali. (Roma 5:12) At, ang nagsisilaking mga anak ay naiimpluwensiyahan ng malaki ng masasamang hilig ng kasalukuyang lipunan; may masamang epekto ito sa kanilang mga pinahahalagahan at pangmalas sa buhay. (2 Timoteo 3:1-5)—5/1, pahina 4.
◻ Ano ba ang apat na malalaking pagkakaiba ng tunay na mga Kristiyano at ng mga Kristiyano sa pangalan lamang?
Ang mga tunay na Kristiyano ay umiiwas sa dugo. (Gawa 15:28, 29) Sila’y sumusunod sa isang mataas na pamantayang-asal. (1 Corinto 6:9, 10) Ang tunay na mga Kristiyano ay walang kinikilingan sa pulitika at sa maraming mga alitang pambansa. (Juan 17:16) Yaong mga sumusunod kay Jesus ay gumagamit sa kaniyang halimbawa bilang modelo sa kanilang kasambahay. (Efeso 5:21-25)—5/1, pahina 17-19.
◻ Bakit si Jesus ay tinawag ng mga Judio na isang Samaritano? (Juan 8:48)
Kinapootan ng mga Judio ang mga Samaritano. Kaya naman, ang termino ay ginamit nila bilang pagpapakita ng paghamak at pag-upasala kay Jesus.—5/15, pahina 8.
◻ Ano ang “dalisay na wika” na tinutukoy sa Zefanias 3:9?
Ito ang wika ng katotohanan sa Kasulatan na nagbibigay sa may takot sa Diyos na mga tao ng lahat ng bansa at lahi ng pribilehiyo na maglingkod kay Jehova nang balikatan.—5/15, pahina 16.
◻ Anong mga kalayaan ang bunga ng pagpapabuti ng relasyon sa Diyos?
Ang paglaya buhat sa umaaliping pagkatakot sa tao at buhat sa nagpapabigat na mga kaugalian na walang tunay na kabuluhan o halaga. (Kawikaan 29:25) At, kalayaan buhat sa takot sa kamatayan. (Eclesiastes 9:5, 10; Juan 5:28, 29)—6/1, pahina 5-6.
◻ Ano ba ang ibig sabihin ni Jesus nang kaniyang banggitin: “Dumarating ang gabi na kung kailan walang tao na makagagawa”? (Juan 9:4)
Dito ay tinutukoy ni Jesus ang panahon na siya’y pupunta na sa libingan at hindi na makagagawa ng kahima-himalang gawa niya habang siya’y buhay.—6/1, pahina 8.
◻ Ano ba ang kahulugan ng bautismo sa tubig?
Ang lubusang paglulubog sa tubig ay isang angkop na simbolo ng pag-aalay ng isang tao sa Diyos, upang ang isa ay maging isang ordinadong ministro. Samantalang nasa ilalim ng tubig, siya, sa katunayan, ay namamatay sa kaniyang dating landasin ng buhay, at sa pag-ahon niya sa tubig, siya’y nabubuhay, wika nga, sa isang bagong landasin ng pagsasakripisyo-sa-sarili ng paglilingkuran kay Jehova. (Ihambing ang Roma 6:2-4; 12:1; Filipos 3:16.)—6/15, pahina 29.
◻ Ano ang ilan sa mga paraan upang maipakilala ang pagpapasalamat kay Jehova?
Pagka matindi ang pagpapasalamat, isang nag-uudyok na hangaring maglingkod sa Diyos ang bumabalong sa nagpapahalagang puso. Ang isang paraan upang masapatan ang pagnanasang ito ay ang pakikilahok sa ministeryo, marahil sa pagpapayunir. Ang isa pa ay ang makipagtulungan may kaugnayan sa proyekto ng pagtatayo na ngayon ay nagaganap sa buong lupa.—7/1, pahina 11.
◻ Bakit binigyan ni Jesus ng kapangyarihan ang 70 sa kaniyang mga alagad upang magpagaling ng maysakit nang kaniyang suguin sila sa isang kampaniya ng pangangaral sa Galilea?
Ang mga alagad na ito, sa paggawa ng gayong mga himala, ang naghanda ng daan para naman sa susunod na gawain ni Jesus. Ang kanilang ginawang mga himala ay aakay sa maraming maybahay na makiharap kay Jesus at makinig sa balita ng Kaharian.—7/1. pahina 16-17.
◻ Si Judas ba ang tinutukoy ni Jesus nang kaniyang sabihin kay Pilato: “Ang taong nagdala sa akin sa iyo ay may lalong kasalanan”?—Juan 19:11.
Wari nga na ang tinutukoy ni Jesus ay lahat ng may pananagutan sa kaniyang pagiging naroroon at nililitis sa harap ni Pilato. At tiyak na kasali riyan si Judas Iscariote na nagkanulo kay Jesus. (Lucas 22:2-6) Subalit ang mataas na saserdoteng si Caiaphas at iba pang lider ng relihiyon ay kasangkot din at may bahagi tungkol sa pagdakip kay Jesus. (Mateo 26:59-65; 27:1, 2, 20-23) Malamang na lahat nitong mga kasangkot ay kasali sa sinasabi ni Jesus sa Juan 19:11.—7/15, pahina 30.
◻ Anong partikular na nakamamatay na panganib ang dulot ng pagsamba sa imahen?
Sinabi ng salmista tungkol sa mga Israelita: “Sa paglilingkod sa paganong mga idolo, sila’y nasilo upang ang kanilang sariling anak na mga lalaki at mga babae ay ihandog nila sa mga demonyo.” (Awit 106:36, 37, The Jerusalem Bible) Ang Kasulatang Griegong Kristiyano ay nagbababala ng ganoon ding panganib. (1 Corinto 10:19, 20) Ang anumang uri ng pagsamba sa imahen ay nagbubukas ng posibilidad na ang isang imahen ay maaaring magsilbing tulay para sa mga demonyo.—8/1, pahina 6.