Pagpapanatili ng Ating Kristiyanong Pagkakaisa
“GUNIGUNIHIN na ikaw ay tinatawag na Brother o sister,” ang isinulat ng Katolikong manunulat na si Domenico Mosso, “hindi ng pari, kundi ng ginoong nasa katanghaliang-edad na katabi mo o ng kaakit-akit na dalagang kararating lamang at naroon sa kanan mo. ‘Pakiulit ninyo?’ ‘Ang sabi ko, magandang umaga kapatid.’ ‘Pangahas . . . di naman kita nakikilala, kaya ano’t may ganitong pagpapalagayang-loob? Ang totoo, tayo’y nasa simbahan.’”
Ang tunay na diwa ng pagkakapatiran ay hindi mo makikita sa mga simbahan ng Sangkakristiyanuhan. Ibinabadya nito ang kanilang kawalan ng pagkakaisa bilang mga Kristiyano. Subalit, hindi ganiyan kung tungkol sa mga Saksi ni Jehova. Tulad ng mga sinaunang mga tagasunod ni Jesus, malayang nagtatawagan tayo ng brother at sister. (2 Pedro 3:15) Saanman tayo magpunta sa daigdig, ang mainit at mistulang kapatid na pagtanggap ang nararanasan natin sa Kingdom Hall. Ang pagkakaisa ay makikita rin sa bagay na lahat ng kongregasyon ay sumusunod sa iisang kaayusan sa pagtuturo at na lahat ng Saksi ay nangangaral ng “mabuting balita ng kaharian.”—Mateo 24:14.
Noong gabi bago siya namatay, si Jesu-Kristo ay nanalangin: “Idinadalangin ko . . . sila na mga sumasampalataya sa akin sa pamamagitan ng kanilang salita; upang silang lahat ay maging isa, gaya mo, Ama, na kaisa ko at ako’y kaisa mo.” (Juan 17:20, 21) Ipinakikita ng Bibliya na sinagot ng Diyos na Jehova ang panalangin ni Jesus. Sa gitna ng mga sinaunang Kristiyano, ang malaon nang mga pagkakapootan sa pagitan ng mga Judio at mga Gentil ay napawi dahilan sa nagawa ng mga turo ni Kristo na sila’y pagkaisahin.—Galacia 3:28.
Gayunman, pagsisikap ang kailangan upang mapanatili ang pagkakaisang ito. Sa kaniyang mga kamanggagawa ay isinamo ni apostol Pablo na “lumakad nang nararapat sa [makalangit] na pagkatawag . . . na lubusang pinagsusumikapan ninyong ingatan ang pagkakaisa ng espiritu sa tagapagkaisang buklod ng kapayapaan.” Sila’y hindi dapat magkabaha-bahagi at maging iba’t ibang sekta. Hindi, “may isang katawan, at isang espiritu, gaya naman ng pagkatawag sa inyo sa isang pag-asa ng pagkatawag sa inyo; isang Panginoon, isang pananampalataya, isang bautismo; isang Diyos at Ama ng lahat.” Inilaan na tumulong ang mga apostol, pastol, at guro sa kongregasyon upang “tamuhin nating lahat ang pagkakaisa sa pananampalataya.”—Efeso 4:1-6, 11-14.
Ang mga Saksi ni Jehova sa modernong panahon ay matagumpay na nakapanatili sa ganitong “pagkakaisa.” Gayunman, ang iba’t ibang salik—ang espiritu ng pagsasarili, pagkakaiba sa kultura sa lahi, at sarisaring mga kahinaan at di-kasakdalan sa gitna ng mga kapuwa Kristiyano—ay maaaring magsapanganib ng ating “pagkakaisa sa pananampalataya.” Paano ito mapananatili?
Pagkain sa Iisang Mesa
Hindi isahang binibigyan ni Jehova ng kaliwanagan ang bawat Kristiyano. Bagkus, hinirang ni Kristo ang uring “tapat at maingat na alipin” upang maglaan ng maka-Kasulatang araling materyal at napapanahong payo sa mga Kristiyano sa buong daigdig. (Mateo 24:45-47) Kaya Ang Bantayan ay inilalathala sa 103 wika upang matugunan ang pambuong daigdig na pangangailangang iyan.
Ang pagkain sa iisang espirituwal na mesa ay malaki ang nagagawa upang magkaroon ng pagkakaisa sa pananampalataya at mapanatili iyon. Gayunman, kung minsan ang iba sa mga payo sa wari ay hindi kumakapit sa mga ilang lupain. Dapat ba nating isipin na hindi natin kailangan ang impormasyong ito? Hindi naman. Ang iba sa mga babala ni Pablo sa mga Kristiyano na namumuhay sa imoral, idolatrosong siyudad ng Corinto ay maaaring waring hindi lubusang kapit sa mga Kristiyano na namumuhay sa mga bandang kabukiran. (1 Corinto 6:15, 16; 10:14) Gayunman, ang mga Kristiyano saanman ay kumikilala sa mga isinulat ni Pablo bilang bahagi ng “Kasulatan.”—2 Pedro 3:16.
Gayundin naman sa ngayon, may mga artikulo na waring hindi kumakapit sa lokal na mga kalagayan tulad sa iba. Pero dapat din nating tanggapin ang patiunang babala sa pagkabatid na sa ating panahon ng mabilis na komunikasyon, ang mga pangyayaring di kanais-nais na nagsimula sa isang panig ng daigdig ay maaaring mabilis na lumaganap!
Mga Di-Kasakdalan at ang Sukdulang mga Pangmalas
Ang sabi ng alagad na si Santiago: “Tayong lahat ay natitisod nang maraming beses.” (Santiago 3:2) Dahilan sa di-kasakdalan, ang mga tao ay mahilig din na magmalabis. Waring hindi ito isang suliranin kung ang mga tao ay may iisang pangmalas. Halimbawa, dalawang labis na maselan na indibiduwal ang maaaring magkasundo. Subalit kung ang isa ay busalsal at yaong isa naman ay maselan, hindi matatapos ang kanilang pag-aaway!
Ang mga Saksi ni Jehova ay lumalabas “sa lahat ng bansa at tribo at bayan at wika.” (Apocalipsis 7:9) Kaya naman, ang mga indibiduwal sa gitna natin ay maaaring mayroong iba’t ibang ideya tungkol sa mga bagay na gaya ng pagkain, pananamit, pangangalaga sa kalusugan, at maging ang paggawi man sa lipunan. Ang gayong nagkakaibang mga pangmalas ay hindi dapat maglagay ng balakid sa pagitan natin. Ang Bibliya ay nagbababala laban sa mga pagmamalabis at tayo’y hinihimok na gumawa nang may katinuan at pagkamakatuwiran. “Ang karunungan buhat sa itaas ay . . . mapayapa, makatuwiran,” ang sabi ng Bibliya.—Santiago 3:17.
Totoo, ang Bibliya ay napakaespisipiko na humahatol sa mga ilang gawain. Subalit malimit na basta hinihimok tayo nito na lumagay sa gitna sa pagitan ng dalawang dulo. Isaalang-alang ang sinasabi ng Bibliya sa sumusunod na mga paksa:
Sekular na Trabaho: “Katamaran ay nagbabaon sa mahimbing na pagkatulog, at ang tamad na kaluluwa ay magugutom.” (Kawikaan 19:15) “Hindi ka makapagpapaalipin sa Diyos at sa Kayamanan.”—Mateo 6:24.
Pagsasalita: “Siyang nagpipigil ng kaniyang mga labi ay kumikilos nang may kapantasan.” (Kawikaan 10:19) “Sa bawat bagay ay may takdang kapanahunan . . . panahon ng pagtahimik at panahon ng pagsasalita.”—Eclesiastes 3:1, 7.
Pakikisalamuha sa tao: “Sa pamamagitan nito ay malalaman ng lahat na kayo’y aking mga alagad, kung kayo’y may pag-ibig sa isa’t isa.” (Juan 13:35) “Dalangan mo ang pagparoon sa bahay ng iyong kapuwa, upang siya’y huwag mayamot sa iyo.”—Kawikaan 25:17.
Pagpapalaki ng Anak: “Ang nagkakait ng pamalo ay napopoot sa kaniyang anak, ngunit siyang umiibig ay yaong dumidisiplina sa kaniya.” (Kawikaan 13:24) “Huwag ninyong yamutin ang inyong mga anak, upang sila’y huwag masiraan ng loob.”—Colosas 3:21.
Mientras timbang ang ating mga pangmalas imbis na nasa sukdulang kalabisan, lalong uunti ang ating di-pakikipagkaunawaan sa mga ibang Kristiyano. Subalit ano kung mayroon pa ring mga di-pagkakaunawaan dahilan sa di-kasakdalan? Alalahanin ang mga salita ni Pablo sa Colosas 3:13: “Patuloy na magtiisan sa isa’t isa at magpatawaran sa isa’t isa nang sagana kung ang sinuman ay may reklamo.”
‘Tinisod Niya Ako’
Gayunman, ang iba sa kongregasyon, ay baka labis-labis na sensitibo, ang inosenteng mga salita at mga kilos ay baka ihulog nila ang masasamang motibo. Baka ito’y dahil sa kanilang mga nakaraang karanasan. Anuman iyon, anong lungkot nga na ang gayong mga taong labis na sensitibo ay hinahayaan ang kanilang sarili na magdamdam sa mga bagay na walang kabuluhan o, lalong masama, ginagambala nila ang iba tungkol sa bagay na iyon sa pamamagitan ng paghahasik ng binhi ng pagkakabaha-bahagi!
Totoo, hinahatulan ng Bibliya ang mga paggawi na nakakatisod sa mga ibang alagad. (Lucas 17:1, 2) Ang ang mga maygulang ay dapat na maging sensitibo sa mga damdamin ng mga kapuwa Kristiyano. Kasabay nito, ang Bibliya ay matinding nagpapayo sa atin laban sa pagiging labis na sensitibo at sa pagpapalaki sa ating isip ng mga pagkakamali. (Eclesiastes 7:9) At, ang pagkakalat ng mga bulung-bulungan sa gitna ng ating mga kapatid sa pamamagitan ng pagbibilad ng mga kahinaan ng iba ang isa sa mga bagay na “kinapopootan ni Jehova.”—Kawikaan 6:16-19.
Ang espiritu ng Diyos ay makatutulong sa atin na madaig ang ating labis na pagkamaramdamin. Imbis na pabalik-balikin natin sa ating isip ang mga kahinaan ng ating mga kapatid, sa tulong ng espiritu, tayo’y makapag-iisip ng positibo, ng makapagpapatibay na mga kaisipan. (Filipos 4:8) Ito ay nagpapatibay ng pagkakaisa.
Ang Pagkakaisa ay Hindi Pagkakapare-pareho
Gayunman, ang pambuong daigdig na pagkakaisa ay hindi nangangahulugan ng pagsupil sa isa bilang indibiduwal o sa kaniyang pagkukusa. Pagka kumakapit ang mga prinsipyo ng Bibliya, nalulugod tayo na itakwil ang malasariling kaisipan na sinusunod sa sanlibutang ito at tanggapin ang pag-akay ng espiritu ni Jehova. Mangyari, sa pagsasagawa ng ating gawain bilang mga tagapangaral, may malaking pagkakataon na paunlarin natin ang atin-ating katangian bilang mga indibiduwal at, oo, ang guniguni. Tunay, ang ating mga kapatid ay kadalasan gumagamit ng malaking kadalubhasaan sa pagbabagay ng kanilang mga paraan ng pagpapatotoo sa lokal na mga kalagayan.
At nariyan din ang malawak na larangan ng mga aktibidades na kung saan hindi naman tuwirang kasangkot ang mga prinsipyo ng Kasulatan, kasali na ang mga ilang lokal na mga kaugalian. Sa kontinente ng Europa, malimit na ang mga tao ay nagkakamayan. Sa mga ilang panig ng Malayong Silangan, sila’y yumuyuko. Alin man diyan ay tinatanggap ng mga Kristiyano. O isaalang-alang ang damit at pag-aayos. Walang ibinibigay ang Bibliya kundi mga saligang alituntunin ng kahinhinan at katinuan. Sa loob ng nasasaklaw noon, maaari nating sundin ang ating sariling kagustuhan, kasabay ng pagsunod sa “katinuan ng isip.”—1 Timoteo 2:9, 10.
Sa gayon, ang hinirang na matatanda ay maingat sa tuwina na magbigay ng payo batay sa matatag na saligang mga simulain ng Bibliya sa halip na batay lamang sa ating personal na kagustuhan. Mangyari pa, kung tungkol sa espirituwal na mga bagay, sila ang dapat na nangunguna sa pagtataguyod ng tunay na pagkakaisa. Maaari nating ‘patuloy na subukin kung tayo’y nasa pananampalataya’ sa pamamagitan ng regular na pag-aaral ng Bibliya at ng mga publikasyon ng ‘tapat na alipin.’ (2 Corinto 13:5) Tayo’y makapagpapatuloy na nagkakaisa sa paggawa sa pamamagitan ng magiting na “pangmadlang pagpapahayag” ng ating pananampalataya.”—Hebreo 13:15.
Sa ganitong paraan masusunod natin ang kinasihang payo: “Ngayon ipinamamanhik ko sa inyo, mga kapatid, sa pamamagitan ng pangalan ng ating Panginoong Jesu-Kristo na kayong lahat ay magsalita nang may pagkakaisa, at na huwag magkaroon sa inyo ng pagkakabaha-bahagi, kundi na kayo’y lubusang nagkakaisa sa iisang isip at sa iisang takbo ng kaisipan.”—1 Corinto 1:10
[Larawan sa pahina 30]
Pananatiling may mabuting relasyon, kahit na kung ang isa ay may dahilan na magdamdam, ay mahalaga sa pagkakaisa