Isang Bagong Sanlibutan—Pagkalapit-lapit Na!
ANG sanlibutang ito ay naghihingalo na! Talaga kayang totoo iyan? Bueno, maingat na isaalang-alang ang mga kalagayan sa sanlibutan.
Mayroong sapat na dami ng mga armas nuklear na pupuksa sa buong populasyon ng lupa nang kung ilang beses. May digmaang sibil na nagaganap sa maraming bansa, tulad halimbawa sa Angola at sa Mozambique. Mayroong mga alitan ng mga iba’t ibang lahi at tribo sa Timog Aprika, Sri Lanka, at iba pang mga bansa. Ang terorismo at taggutom ay lumilipol ng kakilakilabot na dami ng buhay ng tao.
Kumusta naman ang salot ng AIDS? Sa Sunday Times ng Timog Aprika ng Oktubre 25, 1987, ito’y kinapitan ng terminong “bagong itim na kamatayan” at ang sabi pa: “Ngayon ang buong kakilabutan ng Aids sa Aprika ay napabunyag na: Sa mga ilang bansa anim katao sa bawat sampu ang malamang na mamatay pagsapit ng 1994.”
Takot ang umiiral dahilan sa gayong mga kalagayan. Tulad ng sinabi ng nanalo ng Nobel prize na si Harold C. Urey mga ilang taon na ngayon ang lumipas: “Tayo’y kakain sa takot, matutulog sa takot, mamumuhay sa takot at mamamatay sa takot.” Makabuluhan nga, si Jesu-Kristo, ang pinakadakilang propeta na nabuhay sa lupa, ay humula na sa mga huling araw ng sanlibutang ito, ang mga tao ay “manlulupaypay dahil sa takot at sa paghihintay sa mga bagay na darating sa tinatahang lupa.”—Lucas 21:26.
Subalit marami ang hindi natatakot. Sa halip, sila’y nagagalak. Bakit? Sapagkat batid nila na ang sistemang ito ng sanlibutan (hindi ang planetang Lupa) ay malapit nang magwakas, subalit isang bagong sanlibutan ang pagkalapit-lapit na. Paano nga nila natitiyak ito? Dahilan sa katuparan ng napakaraming hula sa Bibliya.
Halimbawa, nang tanungin si Jesu-Kristo kung ano ang magiging tanda ng kaniyang pagkanaririto at ng katapusan ng sanlibutan, sinabi niya: “Ang bansa ay titindig laban sa bansa at ang kaharian laban sa kaharian.” Noong 1914, sumiklab ang Digmaang Pandaigdig I. Ito ang sanhi ng pinakamaraming nangamatay sa digmaan magpahanggang noong panahong iyon. Ang dami ng mga sundalong nasawi sa digmaan? Mga 9,000,000 ang nangasawi, bukod pa sa milyun-milyong mga sibilyan! Subalit ang Digmaang Pandaigdig II ay lalong malaki ang nagawang pinsala, anupa’t pumuti ng mga 55,000,000 buhay! Binanggit ni Jesus na lahat ng ito ay may kasabay na mga kakapusan sa pagkain, mga lindol, salot, at katampalasanan.—Mateo 24:7-13; Lucas 21:10, 11.
Wasto rin ang pagkahula ng Kristiyanong apostol na si Pablo tungkol sa kasalukuyang mga kalagayan ng sanlibutan. Siya’y sumulat: “Sa mga huling araw ay darating ang mapanganib na mga panahong mahirap pakitunguhan. Sapagkat ang mga tao ay magiging maibigin sa kanilang sarili, maibigin sa salapi, mapagpakunwari, mapagmataas, mamumusong, masuwayin sa mga magulang, walang utang-na-loob, di-tapat, walang katutubong pagmamahal, di-marunong tumupad ng kasunduan, maninirang-puri, walang pagpipigil sa sarili, mababangis, hindi maibigin sa kabutihan, mga traidor, matitigas ang ulo, mga palalo, maibigin sa kalayawan kaysa maibigin sa Diyos, may anyo ng banal na debosyon ngunit itinatakuwil ang kapangyarihan niyaon; at sa mga ito ay lumayo ka.” (2 Timoteo 3:1-5) Ang kasalukuyang mga kalagayan ay hustung-hustong naihula ni Pablo sapagkat kinasihan siya ng Diyos na isulat ang mga salitang iyon.
Tungkol sa kaniyang sariling mga salita may kinalaman sa panahon ng kawakasan, sinabi ni Jesus: “Pagka nangakita ninyong nangyayari na ang mga bagay na ito, talastasin ninyo na malapit na malapit na ang kaharian ng Diyos.” (Lucas 21:31) Angaw-angaw ang gumagamit sa modelong panalangin ni Jesus at hinihiling na dumating na sana ang Kaharian ng Diyos. (Mateo 6:9, 10) Subalit pagka sila’y tinatanong, “Ano ba ang aktuwal na gagawin ng Kahariang ito?” Sila’y walang maisagot. Sa kabaligtaran naman, angaw-angaw na nag-aaral ng Bibliya nang buong sikap ang nakaalam na wawakasan ng Kaharian ang matandang sanlibutang ito at itatayo ang isang matatag na bagong sanlibutan na magdudulot ng di-mabilang na mga pagpapala sa sangkatauhan. Subalit paano? Kailan?