Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w88 11/15 p. 4-6
  • Ang Bagong Sanlibutan—Paraisong Natamong Muli!

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Bagong Sanlibutan—Paraisong Natamong Muli!
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1988
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Naiwala ang Paraiso
  • Paraisong Natamong-Muli
  • Ang Bagong Sanlibutan​—Talagang Naiiba!
  • Ito ba’y Para sa Iyo?
  • “Magkita-kita Tayo sa Paraiso!”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2018
  • Maaari Kang Magkaroon ng Maligayang Kinabukasan!
    Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan
  • Pagkaraan ng Armahedon, Isang Paraisong Lupa
    Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa
  • Ipinangako ang Isang Mas Mabuting Buhay
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1988
w88 11/15 p. 4-6

Ang Bagong Sanlibutan​—Paraisong Natamong Muli!

ISANG bagong kakakasal na mag-asawa ang mayroong lubhang kaakit-akit na tahanan​—isang malaking parke na punung-punô ng mga bulaklak, punungkahoy, ibon, at mga hayop. Iyon ay Paraiso, isang mapagmahal na regalo buhat sa kanilang maibiging Ama! Sila kaya’y “namuhay na maligaya magpakailanman”? Hindi. Hindi nagtagal, kanilang naiwala ang kanilang tahanan. Subalit bakit?

Ang tahanang Paraisong iyon ay nawala sapagkat hindi pinahalagahan ng mag-asawa ang ginawa para sa kanila ng kanilang Ama. Ang lalong masama, sila’y masuwayin. Upang subukin ang kanilang katapatan, sinabi sa kanila ng kanilang Ama na maaari silang kumain ng bunga ng bawat puno maliban sa isa, subalit sila’y mapaghimagsik na sumuway at kumain ng bunga niyaon.​—Genesis 2:15-17; 3:6, 7.

Bakit nga may gayong parusa sa waring isang maliit na krimen? Marahil ang isang paghahalimbawa ay tutulong upang masagot ang katanungang iyan. Isang may tindahan ang kumuha ng isang manedyer na may kinakailangang kredensiyal. Upang masiguro na ang bagong empleyadong ito ay mapagkakatiwalaan, ibinigay sa kaniya ng may tindahan ang mga susi ngunit sinabing anuman ang mangyari ay huwag niyang bubuksan ang isang kahon na nakasusi. Kapag binuksan iyon ng empleyado, siya’y aalisin sa trabaho. Nang siya’y nag-iisa na, pananabik ang nanaig sa manedyer at kaniyang binuksan ang kahon. Siya’y nahuli sa akto ng maytindahan at siya’y pinaalis.

Naiwala ang Paraiso

Paano nga ito may kaugnayan sa may kabataang mag-asawa? Dahilan sa kinain nila ang ipinagbabawal na bungangkahoy, sila’y pinaalis ng kanilang Ama sa kanilang magandang tahanan. Sa labas ng Paraiso ng Eden, mga tinik at mga dawag ang napaharap sa mag-asawang iyon, si Adan at si Eva. Sa halip na maging sakdal, sila ngayon ay di-sakdal. At sa halip na mabuhay magpakailanman, sila’y nagsimulang mamatay. Ang kanilang mga anak ay nagmana ng kanilang di-kasakdalan, pagkamakasalanan, at kamatayan.​—Roma 5:12.

Sa wakas, “nakita ni Jehova na mabigat ang kasamaan ng tao.” Kaya naman, noong kaarawan ni Noe, ginamit ng Diyos ang Baha upang linisin ang lupa. Mayroon bang mga taong nakaligtas? Wawalo lamang​—si Noe at ang kaniyang tatlong anak na lalaki kasama ang kani-kaniyang asawa. Bilang paghahanda sa matatawag na paglalakbay nila patungo sa isang naiibang daigdig, sila’y sumunod sa mga tagubilin ng Diyos at nakapagtayo ng isang napakalaking daong na masasakyan nila, ng maraming uri ng mga hayop, at mapaglalagyan ng sapat na pagkain. (Genesis 6:5-7, 13-22) Ang halamanan na kung saan maligayang namumuhay noon si Adan at si Eva ay pinalis ng Baha. Sa gayon, ang Paraiso ay nawala​—ngunit hindi magpakailanman!

Paraisong Natamong-Muli

Daan-daang taon ang lumipas, ang kaniyang bugtong na Anak ay sinugo ng Diyos sa lupa upang tubusin ang sangkatauhan sa kasalanan at kamatayan. Kaya naging posible para sa mga nananampalataya kay Jesu-Kristo na magtamo ng buhay na walang-hanggan. (Juan 3:16) Inihula rin ni Jesus na ang Paraiso ay muling matatamo. Oo, nang si Jesus ay mamamatay na sa pahirapang tulos, sinabi niya sa isang kriminal na nakabayubay katabi niya: “Ikaw ay makakasama ko sa Paraiso.”​—Lucas 23:43.

Ang pagtatamong-muli ng Paraiso ay kasunod ng malimit na tinatawag na katapusan ng sanlibutan, na inihula ni Jesus nang magtanong ang kaniyang mga alagad: “Ano ang magiging tanda ng iyong pagkanaririto at ng katapusan ng sistema ng mga bagay?” Bilang tugon, tinukoy ni Jesus ang mga digmaan, kakapusan sa pagkain, mga lindol, salot, paglago ng katampalasanan, at isang pambuong daigdig na kampanya ng pangangaral ng Kaharian. Ang mga ito at ang mga iba pang bahagi ng tanda ay nakikita sapol noong 1914. (Mateo 24:3-14) Ang mga ito ay palatandaan ng wakas ng sistemang ito at ng pagsasauli ng Paraiso sa lupang ito.

Sa hula ring iyan, sinabi rin ni Jesus: “Sa puno ng igos ay pag-aralan ninyo bilang ilustrasyon ang puntong ito: Pagka nanariwa na ang mga sanga at sumusupling ang mga dahon, nalalaman ninyo na malapit na ang tag-araw. Gayundin naman kayo, pagka nakita ninyo ang lahat ng mga bagay na ito, talastasin ninyo na siya’y malapit na, nasa mga pintuan na. Katotohanang sinasabi ko sa inyo na ang salinlahing ito ay hindi lilipas sa anumang paraan hanggang sa maganap ang mga bagay na ito.” (Mateo 24:32-35) Ang mga iba pang hula sa Bibliya ay nagpapakita rin na ang pagtatamong-muli o pagsasauli ng Paraiso ay pagkalapit-lapit na, na isang bagong sanlibutan ang nasa abot-tanaw. Subalit ano kaya ang makakatulad nito?

Ang Bagong Sanlibutan​—Talagang Naiiba!

Ang kasalukuyang mga pamahalaan ay hahalinhan ng Kaharian ng Diyos. (Daniel 2:44) Iiral ang katarungan at walang-hanggang kapayapaan para sa lahat na nasa bagong sanlibutan sa ilalim ng pang-Kahariang pamamahala ni Jesu-Kristo, ang “Prinsipe ng Kapayapaan.” (Isaias 9:6, 7) Yamang kaniyang lilipulin ang mga balakyot at ang mga elementong gumagawa ng katampalasanan at ngayo’y nangingibabaw sa sangkatauhan, tanging ang maibigin-sa-kapayapaan na mga taong “walang kapintasan” ang mananatili. (Kawikaan 2:21, 22; Apocalipsis 19:11-21; 16:14-16) Oo, ang makaliligtas ay yaong mga taong maaamo, maibigin sa kapayapaan. Anong laking kaginhawahan ang iiral sa panahong iyon!

Ang panlahi at iba pang mga anyo ng pagtatangi ay mawawala na sa bagong sanlibutan. Ang totoo, isang malaking pulutong ng mga tao ang malayo na ang narating sa pananaig sa gayong mga bagay. Sino sila? Ang mga Saksi ni Jehova. At bakit nga sila totoong naiiba? Sapagkat kanilang pinag-aaralan ang Bibliya nang buong sikap, ikinakapit ito sa kanilang buhay at sila’y nangag-iibigan. (Juan 13:34, 35; Gawa 10:34, 35) Ang mga Saksi ay umabot na ngayon sa bilang na angaw-angaw sa buong daigdig, subalit ayon sa hula ng Bibliya ang makalupang mga mananamba kay Jehova ay sa wakas magiging “isang napakalaking bilang, imposible na bilangin, ng mga taong buhat sa bawat bansa, lahi, tribo at wika.”​—Apocalipsis 7:9, The Jerusalem Bible.

Wala nang mga buhay ng tao na masasawi sa digmaan. Hindi na gagasta ng bilyun-bilyon sa mga armas nuklear, sa mga ibang armamento, at sa mga hukbong militar. Wala nang mga rebolusyon, mga alitan ng lahi, at lahat ng mga iba pang uri ng karahasan. (Isaias 2:4) Mawawala na ang mga pagsasanay sa hukbo at ang pangangalap ng mga sundalo, sapagkat ang mga ito ay hindi na kakailanganin. Anong ligaya ng araw na iyon pagka winakasan ng Diyos ang mga digmaan!​—Awit 46:8, 9.

Iiral ang tunay na kapayapaan. “Sapagkat sandali na lamang,” ang sabi ng salmista, “at ang balakyot ay mawawala na . . . Ngunit ang maaamo ay magmamana ng lupain, at sila’y lubusang masasayahan sa kasaganaan ng kapayapaan.”​—Awit 37:10, 11.

Ang kakapusan sa pagkain ay magbibigay-daan sa kasaganaan. Sa maraming lugar, ang mahihirap na magsasaka ay nakikipagpunyagi ngayon sa mga tinik at dawag, payat na lupa, lumalaganap na mga disyerto, tagtuyot, at sumasalantang kuyug-kuyog na mga balang. Lahat na ito ay kabaligtaran ng magaganap. (Isaias 35:1, 6, 7) Ang resulta? Ang napakaraming aanihin! (Awit 72:16) Pagkatapos na maalis ang kakapusan sa pagkain at sa inumin, si Jehova ay maglalaan ng “isang bangkete”!​—Isaias 25:6.

Lahat ay maliligayahan sa kasiya-siyang gawain. Anong laking kasiyahan ang magtayo ng mga tahanan, magtanim ng mga namumungang punungkahoy, at mag-alaga ng mga halamanan! At anong laking kaluguran ang umupo sa lilim ng iyong sariling upong igos at kumain ng katakam-takam na mga bunga niyaon!​—Mikas 4:4.

Bawat isa’y paglalaanan ng pinakamahusay na bahay. Sa ngayon, angaw-angaw ang naninirahan sa mga miserableng tirahan o sa mga bayan-bayanan ng mga barung-barong. Anong lungkot na pamumuhay! Sa Aprika, halimbawa, angaw-angaw na mga itim ang nag-aalisan sa mga bukid, subalit malimit na sila’y doon naninirahan sa mga tahanang yari sa putik o sa luwad na ang mga bubong ay mga yero, marurumi ang paligid, at bahagya na lamang makapagsasarili ang isa. Subalit, sa bagong sanlibutan ang mga tao ay magtatayo ng magagandang bahay at kanilang tatahanan.​—Isaias 65:21, 22.

Sakdal na kalusugan ang iiral sa halip na sakit at nakamamatay na mga karamdaman na tulad ng AIDS. Inihula ng kinasihang propeta na walang magsasabi: “Ako’y maysakit.” Isa pa, sa bagong sanlibutan na malapit na, “ang mga mata ng mga bulag ay madidilat, at ang mga pakinig ng mga bingi ay makaririnig. Sa panahong iyon, ang pilay ay lulukso na gaya ng isang usa, at ang dila ng pipi ay hihiyaw sa kagalakan.”​—Isaias 33:24; 35:5, 6.

Mawawala na ang kamatayan, pagluha, at mga punerarya. (Apocalipsis 21:4) Subalit kumusta naman ang bilyun-bilyong nangamatay na? Nang siya’y isang tao rito sa lupa, binuhay muli ni Jesus ang maraming tao. Halimbawa, minsan ay nasalubong niya ang libing ng isang yumaong binata na kamamatay-matay lang sa siyudad ng Nain. Pagkatapos na aliwin ang namimighating ina, na isang biyuda, sinabi ni Jesus: “Binata, sinasabi ko sa iyo, tumindig ka!” At siya nga ay tumindig! (Lucas 7:11-17) Nang minsan, ganito ang kasiguruhan na ibinigay ni Jesus: “Dumarating ang oras na lahat ng nasa alaalang libingan . . . ay magsisilabas.” (Juan 5:28, 29) Yamang nilalang ng Diyos ang quintiquintillion na mga bituin at iba pang paglalang sa kalangitan at ang mga ito’y tinatawag niya “sa pangalan,” tiyak na ang pagbuhay-muli sa bilyun-bilyong mga taong nangamatay na ay hindi magiging problema.​—Isaias 40:26.

Ito ba’y Para sa Iyo?

Noong una pa’y nilayon na ng Diyos na Jehova na hindi dapat na mamatay ang sangkatauhan kundi dapat na magtamasa ng walang-hanggang kaligayahan sa mabubuting bagay na kaniyang mapagmahal na inilaan. Kaya gunigunihin lamang ang mga pagpapala ng buhay sa bagong sanlibutan kasama ng maliligayang pami-pamilya! Gunigunihin ang mga anak na nakikipaglaro nang walang panganib sa mga hayop na ngayo’y napakamapanganib. (Isaias 11:6-9) Gunigunihin ang mga pagpapala na dulot ng kapayapaan, magandang bahay, kasiya-siyang trabaho, saganang pagkain. Oo, at isip-isipin ang walang hanggang pamumuhay sa isang makalupang paraiso.

Ikaw kaya’y naroroon? Oo, kung ikaw ay kukuha ng tumpak na kaalaman sa Salita ng Diyos at kikilos ka ayon dito. Ang mga Saksi ni Jehova ay handang tulungan ka na magtatag ng pananampalataya sa walang pagkabisalang mga layunin ng Diyos. Ikaw ay makapagtitiwala na ang Paraiso ay sa lalong madaling panahon matatamong-muli, sapagkat isang bagong sanlibutan ang pagkalapit-lapit na!

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share