“Ang Tinig Nila ay Lumaganap sa Buong Lupa”
SA AWIT 19, pinapupurihan ni David ang mga kaningningan ng pisikal na mga paglalang ng Diyos at nagpapatuloy ng pagpapahayag ng marubdob na pagpapahalaga sa batas ni Jehova, sa kaniyang mga paalaala, pag-uutos, kautusan, at matuwid na mga kahatulan. Si apostol Pablo ay nagpakita rin ng pagpapahalaga sa mga bagay na ito. Siya’y sumipi sa awit na ito at pinalawak pa ang katuparan nito sa mahalagang gawain ng mga tunay na Kristiyano. Tungkol sa mga ito ay sinabi niya: “Ang tinig nila ay lumaganap sa buong lupa, at ang kanilang mga salita ay hanggang sa mga kadulu-duluhan ng tinatahanang-lupa.”—Roma 10:18.
Ang mga ‘salitang’ ito ay makapagdadala ng buhay o kamatayan sa buong sangkatauhan sa ngayon, sapagkat ang matuwid na mga kahatulan ni Jehova ay halos ilalapat na sa balakyot na sistema ng mga bagay sa lupa. (Zefanias 2:2, 3; 3:8) Tunay na kailangang makilala ng sangkatauhan ang mabuting balita ng Kaharian ni Jehova. Saan ka man bumaling sa ngayon, makikita mo’y pagkakabaha-bahagi, katampalasanan, krimen, imoralidad, watak-watak na mga pamilya. Oo nga, may usap-usapan sa kapayapaan, subalit ang malalakas na bansa ay patuloy na gumagawa ng mga armas na lalong higit na mababagsik, samantalang ang mga miyembro ng ‘nuclear club’ ay patuloy na dumarami sa higit pang mga bansa. Ang mga kalagayan sa lupa ay malinaw na bumabagay sa “mga huling araw” na binanggit ni Pablo sa 2 Timoteo 3:1-5.
Sino baga ang ililigtas buhat sa masalimuot na kaguluhang ito, at sa paano? Malinaw ang sagot ni Pablo, na sumipi sa hula na nasa Joel 2:32: “Lahat ng nagsisitawag sa pangalan ni Jehova ay maliligtas.” (Roma 10:13) Subalit paano ‘makatatawag sa pangalan ni Jehova’ ang mga tao sa lupa? Aba, lubhang maraming mga tao ang wala man lamang kaalaman na Jehova ang pangalan ng Diyos! Paano matutulungan ang mga taong ito? Ang sagot ni Pablo ay na kailangang magsugo sa kanila ng mga tagapangaral.—Roma 10:14-16.
Nakatutuwa naman, isinugo ni Jehova ang kaniyang mga Saksi upang ipagbigay-alam sa mga tao na ang Kaharian ng Diyos ay naririto na at ito’y mangangahulugan ng kaligtasan at buhay na walang hanggan para sa mga taong makakikilala sa Diyos at sa kaniyang anak, si Jesu-Kristo. (Isaias 43:10, 12; Lucas 21:25, 26, 31; Juan 17:3) Ang mabuting balitang ito ay inihahayag “sa buong lupa.”
Milyun-milyon ang nakikinig sa pangangaral na ito, gaya ng pinatutunayan ng pambuong daigdig na kabuuang 9,201,071 dumalo sa pagtitipon na nagsilbing alaala sa kamatayan ni Jesus, noong Abril 1, 1988. Nang taong iyon, ang sukdulang bilang na 3,592,654 na mga tagapagbalita ng Kaharian ang naabot para sa larangan ng daigdig, at 239,268 mga bagong ministro ang nabautismuhan—isang 3.6-porsiyentong kahigitan kaysa naunang taon. Ang tapat na mga misyonero ang naglatag ng kalakhang bahagi ng saligan para sa pagsulong na ito, gaya ng tatalakayin ng magasing ito. Subalit noong kalilipas na mga taon, daan-daang libong lokal na mga Saksi, yaong mga ‘naglagak ng pananampalataya sa mga bagay na narinig,’ ang sinibulan din ng espiritu ng pagpapayunir at sa araw-araw ay ‘naghahayag ng mabuting balita ng mabubuting bagay.’ Ang katamtamang bilang na 455,561 mga Saksi ang nag-uulat bilang mga payunir, isang pagsulong para sa santaon na 4.4 na porsiyento. Kaya naman, lahat-lahat ay may kabuuang 785,521,697 oras na nagugol sa pangangaral, mahigit na doble sa kabuuang oras may 6 na taon na ngayon ang lumipas.
Ang tsart sa sumusunod na apat na pahina ng magasing ito ay detalyadong nagpapakita kung gaano kalaganap ang pangangaral na iyan. Inaanyayahan ka namin na pag-aralan mo itong 1988 report ng pambuong-daigdig na gawaing Kristiyano.
[Chart sa pahina 4-7]
1988 TAUNANG ULAT NG PAGLILINGKOD NG MGA SAKSI NI JEHOVA SA BUONG DAIGDIG
(Tingnan ang bound volume)