Pagpapatotoo Nagdadala ng Pagsulong sa Kaharian
“Kayo nawa’y dagdagan ni Jehova . . . ng makalibo pa sa dami ninyo ngayon, at kayo nawa’y pagpalain na gaya ng ipinangako niya sa inyo.”—DEUTERONOMIO 1:11.
1, 2. (a) Ano ang ipinangako ni Jehova sa Israel? (b) Paano niya tinupad ang kaniyang pangako, ngunit depende sa ano?
MAKALIBONG PAGSULONG! Ganiyan ang hiniling ni Moises kay Jehova ukol sa “banal na bansa,” ang Israel. Mga dakilang bagay ang ipinangako ni Jehova na ibibigay sa bansang iyan. (Exodo 19:5, 6; tingnan din ang Genesis 12:2, 3.) Tinupad ba niya ang mga pangakong iyon?
2 Mga 500 taon pagkatapos salitain iyan ni Moises, isinulat: “Ang Juda at ang Israel ay marami, na gaya ng buhangin sa tabi ng dagat sa karamihan, na nagkakainan at nag-iinuman at nagkakatuwaan.” Nang makita ng reyna ng Sheba ang kaningningan ng kahariang yaon, ibinulalas niya kay Solomon: “Narito! Ang kalahati ay hindi nasaysay sa akin. Ang iyong karunungan at kaginhawahan ay higit kaysa kabantugan na aking narinig. . . . Harinawang purihin si Jehovang iyong Diyos . . . sapagkat iniibig ni Jehova ang Israel hanggang sa panahong walang takda.” (1 Hari 4:20; 10:7-9) Habang ang bayang iyon ay naglilingkod nang tapat bilang mga saksi ni Jehova, tunay na kaniyang pinaunlad at pinarami sila.
3. (a) Ano ang patotoo ni Pedro tungkol sa “bayan [ng Diyos] ukol sa kaniyang pangalan”? (b) Bakit angkop para sa bayan niya ang pangalang mga Saksi ni Jehova?
3 Mahigit na isang libong taon pagkatapos ng kaarawan ni Solomon, samantalang nagpapatotoo si apostol Pedro sa harap ng lupong tagapamahala sa mga Kristiyano sa Jerusalem, kaniyang “lubusang ipinahayag kung paano sa unang pagkakataon ay ibinaling ng Diyos ang kaniyang pansin sa mga bansa upang kumuha sa kanila ng isang bayan ukol sa kaniyang pangalan.” (Gawa 15:14) Ang mga Israelita ay naging isang bayan ukol sa pangalan ng Diyos. Ngunit ngayon, muli na naman ang Diyos ay nagtitipon ng “isang bayan ukol sa kaniyang pangalan”—ang kongregasyong Kristiyano, ang espirituwal na Israel—na magiging mga saksi rin ukol kay Jehova, at mangangaral ng kaniyang Kaharian. (Galacia 6:16) Angkop naman, ang bayang ito ay kinikilala ngayon sa buong lupa sa pangalan na si Jehova mismo ang nagbigay ayon sa Isaias 43:10-12, ‘mga Saksi ni Jehova.’ Ano ba ang kasangkot sa kanilang pagiging isang bayan ukol sa pangalan ni Jehova?
“Mga Saksi Ko”
4. (a) Bakit ang mga Saksi ni Jehova ay kailangan ding maging ‘mga saksi ni Jesus’? (b) Ayon sa Kasulatan, si Jesus ay nag-iwan sa atin ng anong halimbawa sa pagpapatotoo tungkol kay Jehova?
4 Si Jesus mismo ang nagsugo sa kaniyang mga lingkod, na ang sabi: “Kayo’y magiging mga saksi ko . . . hanggang sa kadulu-duluhang bahagi ng lupa.” (Gawa 1:8) “Mga saksi ko”—ibig bang sabihin ng mga salitang ito ni Jesus na si Jesus lamang, at hindi si Jehova, ang sasaksihan? Hinding-hindi! Sa mahalagang panahong iyon, nang ang pabor ni Jehova ay inaalis sa likas na Israel at inililipat sa espirituwal na Israel, kailangang magbigay ng isang lubusang patotoo tungkol sa Kristo na siyang pinakasentro ng bagong kaayusang ito. Gayumpaman, si Jesus ay nagpapasakop pa rin sa kaniyang Ama. Siya’y halimbawa para sa atin sa pagsaksi tungkol sa pangalan at Kaharian ni Jehova.—Juan 5:30; 6:38; 17:6, 26; 18:37.
5. (a) Tungkol sa anong mga bagay dapat tayong magpatotoo may kaugnayan kay Jesus? (b) Dito, paano tayo sumusunod sa mga yapak ni Jesus?
5 Si Jesu-Kristo ang Tagapamagitan ng bagong tipan at ang pinahirang mga Kristiyano na kasali rito ay tinawag upang magmana ng Kaharian. Siya “ang Punong Ahente ng buhay” na ginagamit ni Jehova sa pagtubos sa sangkatauhan buhat sa kamatayan. Si Jesus ay “kailangang magpuno bilang hari” hanggang lahat ng mga kaaway ng Diyos at ng tao ay nasupil na at isang maluwalhating paraiso ang napasauli naman sa lupang ito. Siya “ang Anak ng Diyos” na tumatawag sa mga patay upang magbangon buhat sa kanilang libingan. (Hebreo 9:15; Gawa 3:15; Awit 110:1, 2, 5; 1 Corinto 15:25-28; Lucas 23:42, 43; Juan 5:25-29) Sa gayon, bilang mga Saksi ni Jehova, tayo’y nagpapatotoo rin tungkol sa mahalagang bahagi ng Anak sa pagbabangong-puri ng pangalan ni Jehova. Dito, tayo’y sumusunod sa yapak ng ating Panginoon na pangunahing saksi ukol kay Jehova—“ang Saksing Tapat.”—Apocalipsis 1:5; 3:14; Juan 18:37; 1 Pedro 2:21.
Sino ang Nagpapatotoo?
6. (a) Sino lamang ngayon ang nagpapatotoo sa Kaharian? (b) Bakit masasabing ang mga ito’y gumagawa ng “mga gawang lalong dakila”?
6 Ngayon, isang nagkakaisang bayan ang nagpapatotoo “hanggang sa kadulu-duluhang bahagi ng lupa.” Ito ang bayan na tinukoy ni apostol Pedro—ang ‘bayan ukol sa pangalan ng Diyos’—na nagpapatotoo kay Jehova at sa kaniyang Kaharian sa ilalim ni Kristo Jesus. Tungkol dito, si Jesus mismo ay nagsabi sa kaniyang mga alagad: “Siyang sumasampalataya sa akin, gagawin din niya ang mga gawa na ginagawa ko; at siya’y gagawa ng lalong dakilang mga gawa kaysa rito, sapagkat ako’y patungo sa Ama.” (Juan 14:12) Buhat sa kanan ng kaniyang Ama sa langit, ang Haring si Jesu-Kristo ay nagdidirekta ngayon ng pinakamalawak na pagpapatotoo kailanman dito sa lupa. Gaya ng inihula ni Jesus, pagka ang “mabuting balitang ito ng kaharian” ay ‘naipangaral na sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng bansa . . . kung magkagayo’y darating ang wakas.’—Mateo 24:14.
7. (a) Bakit ang mga sekta ng Sangkakristiyanuhan ay hindi nagpapatotoo? (b) Kabaligtaran nila, bakit totoong masigasig sa kanilang paglilingkod ang mga Saksi ni Jehova?
7 “Ang mabuting balitang ito ng kaharian” ang pinakamasayang balita na kailanma’y naibalita sa mga tao. Ito ang maluwalhating mabuting balita na tungkol dito’y walang masabing anuman ang mga sekta ng Sangkakristiyanuhan. Sila’y walang pag-asa sa Kaharian para sa hinaharap. Kaya naman hindi sila nagpapatotoo! Hindi nila binibigyang-pansin ang pinakamahalagang pangyayari sa buong kasaysayan—ang pagdating sa kaluwalhatian ng Kaharian ng Anak ng tao upang lumuklok sa kaniyang maningning na trono at maghukom sa mga bansa at bayan sa lupa. Iyan ang kailangang saksihan o patotohanan! Sa gayon, sa ilalim ng pangangasiwa ng mga anghel, ang mga sumasaksi para kay Jehova at sa kaniyang Kristo ay nangangaral ngayon ng “walang hanggang mabuting balita . . . bilang masasayang balita sa mga tumatahan sa lupa, at sa bawat bansa at tribo at wika at bayan.” Ikaw ba ay nakikibahagi nang puspusan sa pagpapatotoong ito?—Apocalipsis 14:6, 7; Mateo 25:31-33.
Malawak na Pagpapatotoo Noong 1984
8. (a) Bakit dapat nating ikagalak ang 1984 Taunang Ulat ng Paglilingkod? (b) Ano ang umaakit sa mga bagong alagad?
8 Ang 1984 Taunang Ulat ng Paglilingkod ng mga Saksi ni Jehova sa Buong Daigdig, na nasa mga pahina 20-23 ng magasing ito, ay nagpapatunay kung paano saganang pinagpapala ng ating Diyos, si Jehova, ang mga pagsisikap ng kaniyang mga saksi. Lahat-lahat, 203 bansa ang nag-ulat. Mayroong 172 bansa ang nag-ulat ng pagdami ng mamamahayag. At binanggit din ng mga tagapangaral na ito ng Kaharian kung paano ‘sila’y pinarami ng Panginoon, oo, pinasagana, sa pag-ibig sa isa’t-isa at sa lahat.’ (1 Tesalonica 3:12) Ang maibiging pagkakaisa ng mga lingkod ni Jehova, lakip na ang patotoo sa Kaharian, ay umaakit sa maraming mga bagong alagad. Sa kanila’y sinasabi ni Jesus: “Inyong malalaman ang katotohanan, at ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo.”—Juan 8:31, 32.
9. (a) Paano ka nagkaroon ng bahagi sa pag-uulat na ito? (b) Ano ang pinatutunayan ng mga ulat tungkol kay Jehova at sa kaniyang bayan?
9 Paano ba tinipon ang ulat na ito sa paglilingkod? Ito ang kabuuan ng paglilingkod sa larangan na buwan-buwan ay walang palyang iniuulat mo—bilang mamamahayag ng Kaharian. Hindi ka ba nagagalak na ikaw ay mayroong munting bahagi sa dakilang pagpapatotoong ito? Ang mga ulat na ito ay nagpapakita kung paano si Jehova ‘nagbuhos ng mga pagpapala’ sa kaniyang mga Saksi—ang “bayan ukol sa kaniyang pangalan”—na kaniyang pinagkaisa sa isang pambuong mundong kalipunan ng mga naglilingkod sa kaniya.—Malakias 3:10; Awit 56:10, 11; Colosas 3:14.
10. (a) Ano ang nagdiriin na ang mga saksi ay kailangang maging mapagsakripisyo-sa-sarili? (b) Ano ang sinasabi ng Kasulatan tungkol sa mga tapat at sa gantimpala sa kanila?
10 Karamihan ng pagpapatotoong ito ay naganap sa gitna ng pag-uusig o kahirapan at sa malaking pagsasakripisyo-sa-sarili. Ito ang dapat asahan, sapagkat ang salitang “pagpapatotoo” na ginagamit dito ay salin buhat sa Griegong martýs o martyr, at dito rin kinuha ang salitang “martir,” na ang ibig sabihin ay nagpapatotoo sa pamamagitan ng kaniyang kamatayan. Idiniriin nito na tayo, bilang mga Saksi ni Jehova, ay kailangang magsakripisyo-sa-sarili, disididong laging magpakasakit at manatiling tapat sa gitna ng lahat ng mga kalagayan, hanggang sa kamatayan kung kinakailangan.—Lucas 9:23; ihambing ang Job 2:3; 27:5; 31:6; Gawa 22:20; Apocalipsis 2:10.
Pinagpapala ang mga Tapat
11, 12. (a) Anong nagpapatibay na katiyakan ang ibinibigay sa atin ni Jehova? (b) Paano nagtagumpay ang kaniyang mga lingkod sa ginawang pag-uusig sa kanila ng mga pamahalaang makadiktador?
11 Sa panahon ng pag-uusig, ang ‘bayang nagdadala ng pangalan’ ni Jehova ay nangangailangan ng “lakas na di-pangkaraniwan” upang mapagtagumpayan nila ang malulupit na pag-atake ni Satanas at ang kaniyang mga demonyo. Si Jehova ang nagbibigay ng lakas na iyan at kaniyang inililigtas at pinauunlad ang kaniyang tapat na mga saksi. (2 Corinto 4:7-9; Isaias 54:17; Jeremias 1:19) Nariyan halimbawa noong Digmaang Pandaigdig II, nang nasa kapangyarihan ang mga bansang Axis, na pinangunguluhan ng Alemanya, Italya, at Hapon. Ginamit ng Diyablo ang malulupit na pamahalaang makadiktador, at ‘nagbuga buhat sa kaniyang bibig ng isang baha’ ng pag-uusig, upang sugpuin ang gawaing pagpapatotoo na isinasagawa noon sa pamamagitan ng makalangit na tulad-babaing organisasyon ng Diyos. Subalit nagtagumpay ba rito si Satanas? Hinding-hindi! Minaneobra ni Jehova ang mga pangyayari kung kaya’t nilamon ng mga bansang demokratiko ang isinagawang iyon na pagpapabaha. ‘Ang mga balakyot ay nalipol’ at ang tapat na mga saksi ni Jehova ngayon ay kagila-gilalas ang pagsulong sa mga bansang iyon.—Apocalipsis 12:15, 16; Awit 37:28, 29.
12 Kamakailan, sa tatlong bansang ito, ang Watch Tower Society ay nagtayo ng malalaking palimbagan upang buhat sa mga ito ay manggaling ang isang naiibang uri ng baha—angaw-angaw na mga Bibliya at mga publikasyon tungkol sa Kaharian para gamitin ng mga Saksi ni Jehova at iba pang mga taong nagugutom sa katotohanan. Sa Alemanya, Italya, at Hapon, ngayon ay mayroong mahigit na 300,000 mamamahayag ng Kaharian na nangangaral sa mga tahanan ng mga tao. At sa buong daigdig ay pinagpapala naman at pinararami ni Jehova ang kaniyang tapat na mga lingkod!—Ihambing ang Awit 115:12-15.
13. (a) Ano sa Taunang Ulat ang nagpapakita na ang tapat na mga saksi ay tumupad ng ating taunang teksto para sa 1984? (b) Paano tayo dapat pasiglahin nito?
13 Gayumpaman, yamang alam ng Diyablo na maikli na ang kaniyang panahon, siya’y patuloy na nakikipagbaka sa mga taong “tumutupad ng utos ng Diyos at may gawain na pagbibigay-patotoo kay Jesus.” (Apocalipsis 12:12, 17) Ang pananalansang ni Satanas ay lalo nang matindi sa mga bansa na nakaulat sa kalakip na report bilang “28 Iba Pang mga Bansa.” Ang mga saksi sa mga teritoryong ito ay may katapatang tumupad ng taunang teksto para sa 1984, na “nagpapakitang lalong nagkaroon ng lakas ng loob na salitaing walang takot ang salita ng Diyos.” (Filipos 1:14) Ang kanilang pagsulong sa bilang ng mamamahayag na 3.1 porsiyento ay totoong kapuri-puri. Pinasisigla ng kanilang halimbawa, harinawang lahat tayo ay masigasig na patuloy na maghandog “sa Diyos ng isang hain ng papuri, samakatuwid baga, ang bunga ng mga labi na nagpapahayag sa madla ng kaniyang pangalan.”—Hebreo 13:15.
14. (a) Ano ang “magiging patotoo” sa atin? (b) Sa kabila ng anong mga kalagayan dapat tayong patuloy na magpatotoo nang may tibay-loob, at bakit?
14 Habang patuloy na lumulubha ang mga kalagayan sa daigdig, tiyak na ang iba sa atin ay pag-uusigin, ihaharap sa mga hukuman at ibibilanggo. Binanggit ni Jesus ang mga bagay na iyan na “nakatakdang mangyari” bago sumapit ang wakas, at sinabi pa niya: “Ito’y magiging patotoo sa inyo.” Sa lahat ng pagkakataon, kung gayon, ang mga Saksi ni Jehova ay kailangang patuloy na magpatotoo tungkol sa Diyos at kay Kristo. Marami ang gumagawa nito sa kabila ng mahigpit na pananalansang ng kanilang pamilya, ng panlilibak ng kanilang mga kasamahan sa trabaho o mga kamag-aral, at mga pag-upasala na napapaharap sa kanila sa kanilang teritoryo. Ikaw ba ay nagpapatotoo nang may tibay-loob bagama’t nasa harap ng mahirap na mga kalagayan? Kung gayon ay isa ka na pinagsabihan ni Jesus: “Sa pamamagitan ng inyong pagtitiis ay ililigtas ninyo ang inyong mga kaluluwa.”—Lucas 21:7, 9-19.
Pagsulong ng Kaharian!
15. Ano ang ilan sa mahalagang mga punto sa tsart sa pahinang ito?
15 “Pagsulong ng Kaharian”—anong pagkaangkup-angkop ng temang iyon para sa ating pandistritong mga kombensiyon noong tag-araw ng 1984! Sapagkat ito nga ang ating pinakamainam na taon ng pagsulong. Tunghayan lamang ninyo ang tsart sa pahinang ito! Ito’y tinipon buhat sa mga report ng 95 mga sangay ng Watch Tower Society na nangangasiwa sa pagpapatotoo sa 203 bansa.
16. Banggitin ang ilang kapahayagan ng kagalakan buhat sa buong mundo.
16 Dahilan sa kakulangan ng espasyo ay hindi namin mailathala ang lahat ng kapahayagan ng kagalakan na tinanggap buhat sa mga tanggapang sangay kasama ng kani-kanilang taunang ulat, ngunit narito ang mga ilang sampol galing sa buong mundo:
Alaska: Nasaksihan ng buong bayan ng Metlakatla ang pagtatayo ng 230 mga Saksi ni Jehova ng magandang Kingdom Hall sa loob ng 32 oras; ito’y inialay noong Linggo nang dulo ng sanlinggong iyon.
Honduras: 3,663 mamamahayag ang aming pinakamataas na bilang kailanman; at ang dumalo sa Memoryal ay 17,005 kaya malaki ang dapat pang gawin.
Brazil: Mga bagong peak ang umabot sa 160,927 mamamahayag, at 474,450 ang dumalo sa Memoryal.
Thailand: Buháy na buháy ang espiritung pagpapayunir, 22 porsiyento ng lahat ng mamamahayag ang payunir sa Abril.
Papua New Guinea: Ang peak ng mga auxiliary payunir ay sumulong ng 91 porsiyento; ang dumalo sa Memoryal ay sumulong ng mahigit na 1,000—umabot sa 7,704.
Austria: Patuloy na umiiral ang espiritu ng pagpapayunir, at mayroon kaming limang sunud-sunod na mga peak sa pagpapayunir; mayroon kaming pitong peak ng mamamahayag, at ang pinakahuli ay 15,618.
Zambia: Naabot namin ang pinakamataas na peak na 58,925 mamamahayag: Ang dumalo sa Memoryal ay 393,431—110,447 pa ang kahigitan kaysa noong nakaraang taon.
17. (a) Paano lumalawak ang larangan ng mga payunir? (b) Ano ang praktikal na mga tunguhing inirirekomenda, at para kanino? (c) Ano ang bagong pinakamaraming bilang ng mamamahayag, at ano ang maaaring dahilan nito?
17 Pinatutunayan ng mga ulat na tapat na mga misyonero at payunir ang patuloy na nangunguna sa pagpapatotoo sa mga teritoryong dati na at pati sa bago. Nakapagpapatibay-loob ngang makita ang pagdami ng mga payunir. Ang kabuuang bilang ng mga auxiliary payunir na nag-ulat noong Abril ay umabot sa sukdulang bilang na 323,644 para sa pagsulong na 49 porsiyento. Marami sa mga ito ang nagpatuloy upang maging mga regular payunir. Gayundin, marami sa ating mga kabataang mamamahayag ng Kaharian ang nagtatakda na maging tunguhin nila ang pagpapayunir at naghahanda na para doon pagka sila’y natapos sa high school. Kaya naman ang pangkalahatang resulta ay dumarami ang mga payunir. Ito ay tumulong din upang sumigla ang paglilingkod sa ating mga kongregasyon, kaya ito marahil ang dahilan na sa buong daigdig ay umabot sa sukdulang bilang na 2,842,531 ang mga mamamahayag, isang 7.2-porsiyentong pagsulong kung ihahambing sa peak noong 1983. Hindi ba ikinagagalak mo na ikaw ay may bahagi sa ganitong pagsulong?
18. (a) Ano pang malalaking pagsulong ang natamo noong 1984? (b) Batay sa ulat sa Memoryal ano ang posible tungkol sa matitipon, at paano makatutugon ang ating mga mambabasa?
18 Ang maligayang pagpapatotoong ito noong 1984 ay pinatutunayan din ng pagsulong sa dami ng naipasakamay na mga magasin at iba pang babasahín, sa dami ng iniulat na mga oras sa paglilingkod sa larangan, sa lubhang pagdami ng mga pagdalaw-muli sa interesadong mga tao at sa pantahanang mga pag-aaral sa Bibliya na idinaos sa mga ito. Anong laki ng ating pananabik na higit pa ang ibunga ng masigasig na paglilingkod! At posible na higit pang marami ang matitipon! Ito’y ipinakikita ng pambihirang dami ng dumalo sa Hapunan ng Panginoon noong nakaraang Abril 15. Sa mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa buong lupa, lahat-lahat ay 7,416,974 ang dumalo, at dito ay 9,081 ang nagpakita na sila ay kabilang sa “munting kawan” ng Panginoon sa pamamagitan ng pakikibahagi sa tinapay at sa alak. Harinawang lahat ng ating mambabasa ay patuloy na sumulong sa espirituwalidad, upang magbigay-dako sila sa pakikibahagi sa dakilang pagpapatotoo at pagtitipon na kailangang gawin pa.—Ihambing ang Efeso 4:15; Filipos 1:9-11.
19. Ano ang maipagpapasalamat natin kay Jehova, at ano ang panalangin natin tungkol sa hinaharap?
19 Oo, ang mga sinabi ni Moises ay mauulit natin kung tungkol sa mga Saksi ni Jehova, ang modernong-panahong “bayan ukol sa kaniyang pangalan”: “Pinarami kayo ni Jehovang inyong Diyos, at narito kayo sa araw na ito na gaya ng mga bituin sa langit dahil sa karamihan.” (Deuteronomio 1:10) Ipanalangin natin na patuloy na paunlarin ng ating Soberanong Panginoon, si Jehova, ang pagpapatotoo sa Kaharian at patuloy na pasulungin ito!
Ano ang Sagot Mo?
◻ Bakit ang mga Saksi ni Jehova ay kailangang maging ‘mga saksi ni Jesus’ din naman?
◻ Anong dakilang pagpapatotoo ang naisagawa noong 1984?
◻ Ano ang nagpapatunay na pinagpapala ni Jehova ang tapat na mga saksi?
◻ Papaano tayo dapat pasiglahin ng 1984 ulat?
[Kahon sa pahina 26]
‘Masaya, Maligaya, Nagpapasalamat’
Ganito ang ulat galing sa lupain na doo’y may 40 taon nang hinihigpitan ang gawain ng mga Saksi ni Jehova: “Lubhang nagagalak kami sa lumalawak na pangangaral at pagtuturo rito. Marami ang auxiliary payunir. Ganito ang sabi ng isa sa kanila: ‘Ako’y puspos ng kagalakan at kaligayahan, at kasiyahan.’ Isa pang auxiliary payunir ang nagsabi: ‘Galak na galak ako na nakagagawa ako ng kalugud-lugod kay Jehova. Nakapagpasimula na ako ng limang bagong pantahanang mga pag-aaral sa Bibliya.’ Isa pa ang nagsabi: ‘Salamat kay Jehova na tumulong sa akin na magpaunlad ng pag-ibig na kailangan upang matulungan ang mga ibang tao.’ Sa isang kongregasyon na may 61 mamamahayag 38 ang naging auxiliary payunir sa isang buwan. Kaya naman, 66 na mga bagong pag-aaral sa Bibliya ang napasimulan.”
[Chart sa pahina 20-23]
ULAT SA 1984 TAON NG PAGLILINGKOD NG MGA SAKSI NI JEHOVA SA BUONG DAIGDIG
(Tingnan ang bound volume)
[Chart sa pahina 25]
Paghahambing ng Pandaigdig na Ulat
1984 1983 Pagsulong
Mga Sangay ng Watch Tower 95 94
Mga Bansang Nag-ulat 203 205
Peak ng Mamamahayag 2,842,531 2,652,323 7.2%
Aberids Mamamahayag 2,680,274 2,501,722 7.1%
Aberids Payunir 258,936 206,098 25.6%
Auxiliary Payunir (Abril) 323,644 217,860 48.6%
Kabuuang Oras sa Larangan 505,588,037 436,720,991 15.8%
Naipamahaging Literatura 36,639,925 36,039,400 1.7%
Nakuhang Suskripsiyon l,812,221 1,756,153 3.2%
Naipasakamay na Magasin 287,358,064 258,698,636 11.1%
Pagdalaw Muli 195,819,093 174,687,309 12.1%
Aber. Pag-aaral sa Bibliya 2,047,113 1,797,112 13.9%
Dumalo sa Memoryal 7,416,974 6,767,707 9.6%
Nakibahagi sa mga Emblema
sa Memoryal 9,081 9,292