Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w89 2/15 p. 3-4
  • Katarungan Para sa Lahat—Darating Pa Kaya?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Katarungan Para sa Lahat—Darating Pa Kaya?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
  • Kaparehong Materyal
  • “Lahat ng Ginagawa Niya ay Makatarungan”
    Maging Malapít kay Jehova
  • Si Jehova ay Maibigin sa Katarungan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2007
  • Makakamit Pa Ba Natin ang Katarungan?
    Iba Pang Paksa
  • Kikilos Pa Kaya ang Diyos Laban sa Kawalang-Katarungan?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
w89 2/15 p. 3-4

Katarungan Para sa Lahat​—Darating Pa Kaya?

ANG mga dumadalaw sa makasaysayang Old Bailey sa London, ang gusali ng Central Criminal Court, ay nakatatanaw sa taluktok nito ng isang estatuwa ng isang babae na sumasagisag sa katarungan. Sa isang kamay, siya’y may hawak na timbangan, nagpapakitang maingat na titimbangin ang ebidensiya. Sa kabilang kamay naman ay may hawak siyang isang tabak, upang ipagsanggalang ang walang malay at parusahan ang nagkasala. Sa mga iba pang dako, may makikita kang mga bersiyon ng simbolong ito, kung minsan ang “Katarungan” ay napipiringan bilang sagisag ng kawalang-pagkiling.a

Subalit, marahil ay magtatanong ka: ‘Ang kaniya bang isinasagisag, katarungan para sa lahat, ay tunay na umiiral sa anumang bansa?’ Kung sabagay, sa bawat bansa ay mayroong mga batas, at mayroon ding mga nagpapatupad ng mga ito. At mayroon ding mga hukom at mga hukuman. Tunay naman, maraming mga taong may prinsipyo na nagsikap na magtaguyod ng mga karapatan ng tao at nagsikap na ipatupad ang walang-itinatanging katarungan para sa lahat. Gayumpaman, maliwanag na ang kanilang pagsisikap ay nabigo. Halos araw-araw, ating nakikita, nababalitaan, o nababasa ang mga bagay na may kaugnayan sa katiwalian, kasamaan, at pang-aapi.

Nariyan halimbawa ang isang babaing inihabla sa hukuman. Bago napatunayan ang kaniyang kawalang-sala, ipinabatid sa kaniya ng hukom na siya na ang “mag-aasikaso” ng kaniyang kaso kung siya’y makikipagtagpo sa kaniya sa isang motel, maliwanag na para magkaroon ng mahalay na relasyon sa kaniya. Oo, ang mga tao pang dapat sanang makitaan ng katarungan ang kadalasa’y liko o walang kakayahan. Iniulat ng Time magasin na sa isang estado sa Estados Unidos ay tatlong kalima ng mga mahistrado ng mataas na hukuman ang akusado ng tiwaling asal sa pagtulong sa isang kasamahang hukom.

Isa pa, pagka nabalitaan ng mga tao na may mga kriminal na patuloy na nakaiiwas sa parusa, marami ang nangungutya at nasusumpungan nilang mas madaling labagin ang batas. (Eclesiastes 8:11) Tungkol sa Olanda ay mababasa natin: “Ang sinisisi ng maraming Olandes ay ang mga pulitiko dahil sa pagiging kunsintidor sa maluwag na disiplina na nagbubunga ng krimen. Ang mga hukuman naman ang inaakusahan ng iba, lalo na yaong mga hukom . . . na patuloy na naggagawad ng pinakamababang sentensiya, kung minsa’y taliwas ang pagiging labis na maluwag.” Subalit ang kailangan tungkol sa katarungan ay higit pa kaysa pagtutuwid ng mga ahensiya na nagpapatupad ng batas at ng sistema ng mga hukuman.

Batid mo na sa maraming bansa isang mayamang minoridad ng mga mamamayan ang patuloy na yumayaman, samantalang ang lubhang karamihan ng mga maralita ay api sa kanilang kabuhayan. Ang ganiyang mga pang-aapi ay umiiral pagka ang mga mamamayan, dahilan sa kulay ng kanilang balat, sa kanilang tribong kinabibilangan, sa kanilang wika, sekso, o relihiyon, ay walang gaanong pagkakataon na mapasulong ang kanilang kalagayan, maging ang pagtustos man sa kanilang sarili. Ang bunga nito’y angaw-angaw ang dumaranas ng karalitaan, gutom, at sakit. Samantalang maraming mga tao sa mayayamang bansa ang nakikinabang sa masulong na mga paraan sa panggagamot, di-mabilang na angaw-angaw naman ang nagdurusa at namamatay sapagkat hindi nila kaya na bumili ng kinakailangang mga gamot o kahit ng malinis na tubig. Kalabisan nang kausapin sila tungkol sa katarungan! Sila’y alipin na ng kaapihan buhat sa pagsilang hanggang sa kamatayan.​—Eclesiastes 8:9.

At kumusta naman ang waring mga pang-aapi na sa malas ay hindi kayang supilin ng tao? Isip-isipin ang mga sanggol na ipinanganak nang may mga depekto na​—bulag, bansot, o pangit ang anyo? Ang isang babae ay makadarama kaya ng katarungan kung sakaling ang kaniyang sanggol ay ipinanganak niya na lumpo o patay, samantalang ang mga babaing nasa karatig pook ay may mga malulusog na sanggol na niyayakap-yakap? Gaya ng ipakikita ng sumusunod na pagtalakay, ang gayon sa malas ay pang-aapi ang itutuwid.

Gayunman, sa mismong sandaling ito, hindi ka ba sasang-ayon sa sinasabi sa Eclesiastes 1:15? Doon isang pantas at may karanasang hari ang sumang-ayon, sa pangmalas ng isang tao: “Ang baluktot ay hindi maitutuwid, at ang kulang ay hindi mabibilang.”

Ang isang lalong tanyag na tao ay si Jesu-Kristo. Sa Lucas 18:1-5 mababasa natin ang kaniyang paghahalimbawa tungkol sa isang hukom “na hindi natatakot sa Diyos at walang paggalang sa tao.” Bueno, isang biyuda ang patuloy na nagmakaawa sa hukom na iyon na bigyan siya ng katarungan na ibinibigay naman sa kaniya ng batas. Ngunit sinabi ni Jesus na ang balakyot na hukom ay tumulong lamang sa kaniya (sa biyuda) dahilan sa nayamot na sa kaniyang pagmamakaawa. Samakatuwid, masasabi mong alam ni Jesus na laganap ang pang-aapi. Sa katunayan, siya mismo nang dakong huli ay pinahirapan at pinatay sa isang paratang na inimbento lamang, isa pang malaking kabiguan ng katarungan!

Marami ang naniniwala na mayroong isang Diyos na nababahala tungkol sa pang-aapi. Sa isang ginanap na Misa sa isang bansa sa Sentral Amerika, sinabi ni Papa Juan Paulo II: “Pagka iyong niyurakan ang isang tao, pagka iyong sinupil ang kaniyang mga karapatan, pagka iyong ginawan siya ng di-kawasang pang-aapi, pagka iyong pinadanas siya ng pagpapahirap, iyong pinasok siya sa tahanan at kinidnap siya o nilabag mo ang kaniyang karapatan sa buhay, ikaw ay nagkakasala ng krimen at iyon ay isang malaking pagkakasala sa Diyos.” Magagandang pangungusap. Gayunman, patuloy pa rin ang mga pang-aapi. Ang malnutrisyon sa bansang iyon ay nagpapahirap sa 8 sa 10 mga bata na wala pang limang taóng gulang. Dalawang porsiyento ng mga mamamayan ang nagmamay-ari ng 80 porsiyento ng lupaing tinatamnan.

Kung gayon ay mayroon talagang isang Diyos na tunay na nagmamalasakit tungkol sa gayung katakut-takot na mga pang-aapi, isang Diyos na nababahala sa mga pang-aapi na may epekto sa iyo? Kaniya pa kayang pangyayarihin na magkaroon ng katarungan?

[Talababa]

a Ang larawan sa aming pabalat ay galing sa Justitia Fountain sa Frankfurt am Main, Alemanya. Ang estatuwa sa pahinang ito ay nasa isang gusali ng munisipyo sa Brooklyn, New York, E.U.A.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share