Dakilang mga Bagay na Nangyayari sa Isang Munting Lupain!
MATAGPUAN mo kaya sa inyong mapa ang Grand Duchy of Luxembourg? Ang kayliit-liit na bansang ito ay nakasalagmak sa mismong pinagsasalubungan ng mga hangganan ng Belgium, Pransya, at Alemanya. Bagaman maliit, ito’y mahalaga. Ang kabisera nito, na Luxembourg City, ay isa sa mga sentro ng European Communities. Ito’y isa ring kinikilalang sentro ng pananalapi, at sa kasalukuyan ay mayroong 125 bangko. Gayumpaman, ang laki ng Grand Duchy of Luxembourg ay mayroon lamang 2,586 kilometro kuwadrado at ito ay may populasyon na 372,000 lamang!
Mauunawaan, kung gayon, na ang abuloy ng mga Saksi ni Jehova sa Luxembourg sa pambuong sanlibutang gawaing pangangaral ng Kaharian ay maliit kung ihahambing sa iniaabuloy ng mga Saksi sa lalong malalaking bansa sa palibot natin. Sa kabila nito, ang pagsulong dito ng gawaing pangangaral ng Kaharian ay nagpapagunita sa atin ng Zacarias 4:10: “Sapagkat sino ang nagsihamak sa araw ng maliliit na bagay?” Gaya ng sinabi ng isang anghel sa propetang Hebreong iyan, “‘hindi sa pamamagitan ng lakas ng hukbo, ni ng kapangyarihan man, kundi ng aking espiritu,’ ang sabi ni Jehova ng mga hukbo.” (Zacarias 4:6) Kaya’t ang ating gawain, gaano mang kaliit, ay tunay na hindi dapat hamakin. Palibhasa’y inaakay ng espiritu ng Diyos, ito’y nagdadala ng kapurihan sa kaniya.
‘Mga Araw ng Maliliit na Bagay’
Ang gawaing pagpapatotoo sa Kaharian ay nagsimula sa Luxembourg, sa pagitan ng 1922 at 1925, nang ilang mga Kristiyanong galing sa Strasbourg, Pransya, ay dumating dito upang mamahagi ng mga tract. Bagaman sila’y kakaunti, ang kanilang nakalimbag na mga mensahe ay epektibo. Pag-isipan ang mga titulo ng mga tract: A Challenge to World Leaders, A Warning to All Christians, at Ecclesiastics Indicted. Lakas ng loob ang kailangan upang mapalaganap ang mga mensaheng iyon, sapagkat sa Grand Duchy of Luxembourg ay mahigit na 96 na porsiyento ang Romano Katoliko at panatiko sa kanilang relihiyon at mga tradisyon.
Noong 1930 at 1931, ang Photo-Drama of Creation ay ipinalabas sa Luxembourg. Sa isang paraan, ang mga pagpapalabas at ang mga resulta’y nagpagunita ng tungkol sa ministeryo ni Jesus. Lubhang maraming tao ang nagsiksikan sa paligid ni Jesus upang kanilang mapakinggan ang kaniyang sinasabi at makita o maranasan ang kaniyang ginagawang pagpapagaling, subalit kakaunti lamang ang kaniyang naging mga alagad. (Mateo 4:23-25; 23:37) Sa pagpapalabas ng Photo-Drama sa Luxembourg City, ang bulwagan na inupahan ay siksikan gabi-gabi hanggang sa sukdulang 300 katao. Subalit kakaunti ang bumalik para makinig sa kaugnay na diskurso at sa tanong-at-sagot na mga sesyon pagkalipas ng mga linggo. Sa simula, mayroong 20 o 30 katao, pagkatapos ay 10, at sa katapus-tapusan ay 4. Tanging ang kakaunting ito ang may walang-kupas na pagpapahalaga sa espirituwal na pagkain na iniaalok sa kanila.
May Gantimpala ang Pagtitiyaga
Noong 1931 ang unang katutubong mga taga-Luxembourg ay nagpasimula sa gawaing pangangaral. Ito’y hindi madali. Ang Iglesiya Katolika Romana ay naglunsad ng isang kampanya ng propaganda ng pagkapoot laban sa bayan ng Diyos, at naimpluwensiyahan nito ang pulisya na makialam hangga’t maaari sa aming ministeryo sa bahay-bahay. Kinumpiska ng pulisya ang aming literatura, sila’y nagbigay ng babala, o gumawa ng mga pag-aresto halos tuwing lumalabas ang mga kapatid sa paglilingkod sa larangan. Ang paglawak kaya ng tunay na pagsamba sa Grand Duchy ngayon ay mahihinto? Ang kabaligtaran ang natutupad! Pagkatapos na pagkatapos mapaalis doon si August Riedmueller, na unang buong-panahong ministro na gumawa sa bansang iyan, sampung taga-Luxembourg ang nabautismuhan noong Setyembre 25, 1932. Sila’y humayo nang palagian sa gawaing pangangaral, sa kabila ng suliranin sa pakikitungo sa pulisya.
Noong taon ng 1934 bago magkadigma, ang 15 mamamahayag dito ay namahagi ng 3,164 na piraso ng literatura sa Bibliya. Kalimitan sila’y naglalakbay ng mula sa 80 hanggang 100 kilometro isang araw sakay ng bisikleta! Isang sister ang nag-ulat: “Ang aking bisikleta ang aking palaging ‘kasama.’ Ang paggawa sa sunud-sunod na bayan ang naging aking paboritong gawain, lalo na kung mga araw ng Linggo.”
Ang mga hukbong Aleman ay lumusob sa Grand Duchy of Luxembourg noong 1940, kung kaya’t ang ating mga kapatid doon ay may limang taon din na gumawang patagô. Marami sa kanila ang naaresto. Pagkaraan ng maraming buwan sa bilangguan, sila’y pinalaya kasabay ng mahigpit na utos na huwag nang magpatuloy sa pangangaral sa madla bilang mga Saksi ni Jehova. (Tingnan ang Gawa 4:17, 18.) Dalawang kapatid na lalaki ang dinala sa mga kampong piitan. Gayunman, ang natitirang mga kapatid ay gumawa ng lahat ng magagawa nila, at ang bilang ng mga pantahanang pag-aaral sa Bibliya sa mga taong interesado ay umakyat mula sa 6 noong 1942 hanggang sa 20 noong 1944. At samantalang 23 katao ang nag-ulat ng paglilingkod sa larangan noong taóng 1939, nang taóng 1946 ay nagkaroon ng isang bagong pinakamalaking bilang na 39.
Nasaksihan ang Pagpapala ni Jehova
Sa loob ng kung ilang dekada sapol noon, saganang pinagpala at pinalago ng Diyos na Jehova ang gawaing pangangaral ng Kaharian sa Luxembourg. Ang bilang ng mga Saksi ay umabot sa sukdulan na 1,336 noong 1988. Ngayon ay mayroong 1 saksi ni Jehova, sa katamtaman, para sa bawat 327 mamamayan sa aming teritoryo na nasasakupan ng sangay. Mahigit na 2,900 katao ang dumalo sa pagdiriwang ng Hapunan ng Panginoon noong Abril 1, 1988, anupa’t may 1 katao para sa bawat 148 mamamayan! Marami ang interesado rin sa buong-panahong ministeryo. Noong 1955, may 5 lamang na buong-panahong mga manggagawa, o mga payunir, subalit noong Mayo 1988 ay nagkaroon ng kabuuang 190 mga payunir sa larangan!
Dahilan sa paglagong ito ay kinailangang palakihin ang aming mga pasilidad ng sangay. Isang tanggapang sangay ng Watch Tower Bible and Tract Society ang unang itinatag dito noong Setyembre 1955 at may dalawang kuwarto sa isang pribadong tahanan. Noong Setyembre 12, 1987, isang maganda’t bagong 20-kuwartong tanggapang sangay at Bethel Home complex ang pinasinayaan. Kasabay nito, isang maganda’t bagong tahanang misyonero na may tatlong apartment at dalawang Kingdom Hall ang inialay din.
Pangangaral sa Lahat ng Pagkakataon
Ang Luxembourg ay tunay na internasyonal. Ang mga taga-Luxembourg mismo ay may tatlong wika. Gayunman, dahilan sa 1 sa bawat 4 na mga mamamayan ang galing sa isang bansang banyaga, napakaraming wika ang karaniwang ginagamit.
Ang mga banyaga ay naparoon upang magtrabaho para sa European Communities, para sa maraming bangko, o sa mga trabahong manwál. Kaya’t kami’y may mga kongregasyon sa Pranses, Italyano, at Portuges upang maglingkod sa mga grupong itong may mga wikang banyaga.
Isa sa aming mga sister na Portuges ang nagbibida ng nangyari sa isang biyahe sa eruplano kamakailan: “Nagdala ako ng mga ilang magasin para sa pagbabaka-sakaling makapagsagawa ako ng impormal na pagpapatotoo. Sa simulang hintuan ng aming eruplano, kinailangan na kumpunihin muna iyon. Walang sinuman na pinayagang bumaba pa sa eruplano. Sa primero ay hindi ako nagkaroon ng lakas ng loob na gawin ang sinasabi ng aking puso na dapat kong gawin. Muli akong nanalangin kay Jehova nang paulit-ulit upang bigyan ako ng lakas upang samantalahin ang pagkakataong ito.
“Pagkatapos na ang mga bagay-bagay ay sandaling pag-isipan ko, lumapit ako sa mga hostess at tinanong ko sila kung puwede akong mag-alok ng mga ilang nagpapatibay-loob at kapaki-pakinabang na mga magasin sa mga pasahero. Ako’y kanilang pinayagang gawin iyon, at ako’y nalugod na lapitan nang buong laya ang mga pasahero, sunud-sunod na nilapitan ko ang mga hilera ng mga upuan, tulad baga kung ako’y gumagawa sa bahay-bahay. Ako’y nakapagpasakamay ng 12 magasin at isang booklet sa iba’t ibang tao at mahusay na nakausap ko ang iba.
“Ang huling taong nilapitan ko ay tumugon na mistulang may pagpapakumbaba na hindi raw niya kailangan ang tulong, sapagkat siya ay isang klerigong Ebangheliko. At, inaakala raw niyang hindi tama na lapitan ko ang mga pasahero gaya ng ginawa ko. Mataktika, ipinagpatuloy ko ang pakikipag-usap sa kaniya sa karaniwang batayan ng pananampalataya sa Diyos at pagpapahalaga sa lahat ng pagpapala na kaniyang ipinagkakaloob sa lahat ng sumasampalataya sa kaniya. Pagkatapos ng talakayan, ako’y pinapurihan pa ng pastor dahil sa pagkakaroon ng pananampalataya at pati rin sa lakas ng loob ko na makipag-usap sa lahat ng pasahero.
“Bueno, ang aking katabi ay nagharap ng mga tanong, at kami ay nag-usap ng halos tatlong oras!”
Ang mga kapatid natin ay nagpakita rin ng pambihirang sigasig sa kanilang paglilingkod sa bahay-bahay. Isang tagapangasiwa ng sirkito ang nag-uulat tungkol sa pagtangkilik na ipinakikita ng isang kongregasyon: “Ang sukdulan ay dumating nang kami ay magtipun-tipon para sa paglilingkod sa larangan noong Linggo ng umaga. Sa 109 na mamamahayag na kaugnay ng kongregasyon, 102 ang presente para makibahagi sa gawaing pangangaral! Sila’y gumawa ng napakainam na pagsisikap na anyayahan ang mga taong interesado sa pahayag pangmadla sa hapon, at ang resulta’y isang bulwagang punung-puno ng 198 katao! Para sa marami iyon ang unang-unang pagdalo nila sa pulong, bagaman mayroong 1 Saksi para sa bawat 50 mamamayan sa teritoryong iyon ng kongregasyon!”
Ang mga kabataan din naman ay nagpapakita ng mahusay na saloobin kung tungkol sa kanilang mga pagkakataon na mangaral ng balita ng Kaharian. Nang mapag-alaman nila sa The Watchtower ng Abril 1, 1985, ang tungkol sa pagbibilanggo sa ilan sa ating mga kapatid sa Turkiya, dalawang tinedyer ang nagpasiyang lumapit sa embahador na Turko. Sila’y nag-uulat ng ganito:
“Ang unang hakbang namin ay ang makipag-ayos kung kailan puwede kaming makipag-usap sa embahador. Sa simula, ang kaniyang sekretarya ay hindi seryoso ng pakikipag-usap sa amin. Upang siya’y makumbinse ng aming taimtim na hangarin, aming ipinakita sa kaniya ang mga kopya, sa iba’t ibang wika, ng magasin na may ganoong balita. Siya’y naniwala, at kinuha niya ang mga magasin at naparoon sa opisina ng embahador. Pagkaraan ng sampung minuto, siya’y bumalik at sinabihan kami na puwede kaming bumalik pagkalipas ng dalawang linggo ngunit ipinaiwan daw ng embahador ang mga magasin upang maingat na suriin ang matitinding paratang na binanggit doon. Kami ay may paniwala na ito’y isang mabuting palatandaan.
“Nang kami’y bumalik sa embahada sa araw na pinagkasunduan, natagpuan namin na ang embahador ay isang taong napakabait at palakaibigan. Kaniyang ipinakita sa amin ang isang mensaheng telex na kaniyang ipinadala sa pamahalaang Turko upang alamin ang mga ilang detalye sa ulat na lathala sa ating magasin. Ang mga ito’y napatunayan at nagsilbing mahusay na ebidensiya sa aming reklamo.
“Siya’y humanga sa bagay na ang artikulo’y isinulat nang walang sinumang kinikilingan, walang pagmamalabis o di-makatuwirang pamimintas sa mga pinunong pulitiko. Siya’y aming nakausap nang isa at kalahating oras tungkol sa soberanya ng Diyos, sa pagkawalang-kinikilingan ng Kristiyano, at sa kawalang-kakayahan ng tao na mamahalang matagumpay sa kaniyang kapuwa tao. Siya’y nagpahayag ng pagkaunawa sa ating katayuan at tinanong kami kung ano ang maaari niyang gawin upang makatulong. Aming iminungkahi na ipabatid niya sa kaniyang pamahalaan ang tungkol sa aming pakikipag-usap sa kaniya at sabihin niya sa kanila kung ano ang palagay niya tungkol sa buong kasong iyon. Siya’y pumayag na gawin iyon, at siya’y humingi ng mga ilang kopya ng magasin upang ipadala sa iba’t ibang kinatawan ng pamahalaan. Sinabi niyang gagawa siya ng salansan ng kaugnay na impormasyon at sisikapin niyang tumulong sa anumang paraan na magagawa niya.”
Mga ilang buwan ang nakalipas, iniulat ng The Watchtower na ang mga Saksi sa Turkiya ay nakalaya na sa bilangguan sa pamamagitan ng dekreto ng Korte Suprema ng Turkiya. Nang kanilang mapag-alaman iyan, ang mga binatilyo ay muling bumalik at sila’y masiglang tinanggap ng embahador.
Sa kasaysayan ng gawaing pagbabalita ng Kaharian dito sa Grand Duchy of Luxembourg, makikita natin ang karunungan ng hindi paghamak sa “araw ng maliliit na bagay” kundi ng pagtitiwala sa espiritu ni Jehova na magbigay sa bawat isa sa atin ng lakas na kailangan natin upang maisagawa ang kaniyang kalooban hanggang sa ito’y matapos. Sa tulong ng Diyos na Jehova, dakilang mga bagay ang nagaganap dito sa aming maliit na teritoryo ng sangay sa Luxembourg. Kami’y nananawagan nang malakas na tinig sa inyo na hindi pa tumutugon sa panawagang “dakilain si Jehova” at sa gayo’y “tikman at tingnan ninyo na si Jehova ay mabuti.”—Awit 34:3, 8.
[Mga mapa sa pahina 25]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
North Sea
Netherlands
Federal Republic of Germany
Belgium
France
Luxembourg
150 km
100 mi
Belgium
Luxembourg
Luxembourg
Federal Republic of Germany
Trier
France
Metz
[Larawan sa pahina 27]
Bagaman mahigit na 80 anyos na, si Victor Bruch, na noong Digmaang Pandaigdig II ay nasa isang piitang kampo, ay naglilingkod bilang isang elder na Kristiyano