Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w89 4/1 p. 10-15
  • Makinig sa Sinasabi ng Espiritu sa mga Kongregasyon

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Makinig sa Sinasabi ng Espiritu sa mga Kongregasyon
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Pitong Kongregasyon
  • Payo at Papuri
  • Magtiis Hanggang Wakas
  • Ang mga Tatak ng Balumbon ng Aklat
  • Pagsisiwalat sa Sagradong Lihim
    Apocalipsis—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito!
  • Nagsalita si Kristo sa mga Kongregasyon
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2003
  • Maging Maliligayang Mambabasa ng Aklat ng Apocalipsis
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
  • Namamasdan ni Juan ang Niluwalhating si Jesus
    Apocalipsis—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito!
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
w89 4/1 p. 10-15

Makinig sa Sinasabi ng Espiritu sa mga Kongregasyon

Ang impormasyon sa mga pahina 10 hanggang 21 ay ipinahayag sa Banal na Katarungang Pandistritong mga Kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova sa taon ng 1988 bilang ang pambungad na mga pahayag ng symposium na pinamagatang “Ang Takdang Panahon Ay Malapit Na.”

“Ang may pakinig ay makinig sa sinasabi ng espiritu sa mga kongregasyon.”​—APOCALIPSIS 3:22.

1. Anong mga salita ng Apocalipsis ang mabuting balita sa walang-ligayang panahong ito, at ano ang ‘hula’ at “ang takdang panahon” na tinutukoy dito?

MGA ilang taon na ngayon ang lumipas isang sosyologo sa Estados Unidos ang nagsabi na ang mga tao sa lupaing iyan ay may sobrang kalayaan ngunit kapos sa kaligayahan. Ang mga tao, isinusog pa niya, “ay walang kaligayahan. Ang paraisong ipinangako nila sa kanilang sarili ay nawalang-saysay.” Kaya naman, ang mga salita ni apostol Juan sa Apocalipsis 1:3 ay mabuting balita, sapagkat kaniyang sinasabi sa atin kung paano natin matatagpuan ang kaligayahan. Si Juan ay sumulat: “Maligaya siya na bumabasa nang malakas at silang mga nakikinig ng mga salita ng hulang ito, at tumutupad ng mga bagay na nasusulat dito; sapagkat ang takdang panahon ay malapit na.” Ang ‘hula’ na kaniyang tinutukoy ay yaong nakasulat sa aklat ng Apocalipsis. At “ang takdang panahon” ay yaong panahon na matutupad ang hulang ito sa Apocalipsis. Ang mga salita ni Juan ay may mahalagang kahulugan para sa atin ngayon.

2. Ano ang tiyak na kinasasabikan noon ni Juan na malaman habang nagtatapos ang unang siglo?

2 Mahigit na 60 taon bago niya isinulat ang aklat ng Apocalipsis, si Juan ay naroroon noong Pentecostes nang itatag ang pinahirang kongregasyong Kristiyano. Ngayon, noong 96 C.E., ang kongregasyong iyon ay lumago na buhat sa unang-unang 120 miyembro at naging isang malaking, pandaigdig na organisasyon. Subalit nagkaroon ng mga suliranin. Gaya ng ibinabala nina Jesus, Pablo, at Pedro, nagsimula noon na lumitaw ang apostasya at mga sekta-sekta, at tiyak na nasasabik noon si Juan na malaman kung ano ang mangyayari sa hinaharap.​—Mateo 13:24-30, 36-43; Gawa 20:29, 30; 2 Pedro 2:1-3.

3. Katiyakan ng ano ang mga pangitain na nakita at isinulat ni Juan sa Apocalipsis?

3 Kung gayon, gunigunihin ang kaniyang kaligayahan, nang kaniyang tanggapin ang “isang pagsisiwalat ni Jesu-Kristo, na ibinigay ng Diyos sa kaniya, upang ipakita sa kaniyang mga alipin ang mga bagay na kailangang maganap agad.” (Apocalipsis 1:1) Sa sunud-sunod na maniningning na mga pangitain, nakita ni Juan na ang mga layunin ni Jehova ay matutupad at na ang pagtitiis ng tapat na mga Kristiyano ay kahanga-hangang gagantihin. Siya’y tumanggap din ng mga mensahe buhat kay Jesus para sa pitong kongregasyon; ang mga ito, sa katunayan, ang huling tuwirang payo ni Jesus sa mga Kristiyano bago Siya pumarito na nasa kaluwalhatian ng Kaharian.

Ang Pitong Kongregasyon

4. (a) Ano ang pananagutan ng tapat na mga kongregasyong Kristiyano? (b) Ano ang ipinahihiwatig ng bagay na ang pinahirang matatanda ay makikitang gaya ng pitong bituin sa kanang kamay ni Kristo?

4 Ang pitong kongregasyong ito ng pinahirang mga Kristiyano ay isinasagisag ng pitong ilawan, at ang pinahirang matatanda sa loob ng mga ito ay isinagisag ng pitong bituin sa kanang kamay ni Kristo. (Apocalipsis 1:12, 16) Sa pamamagitan ng buong linaw na paglalarawang ito, nakita ni Juan na ang tapat na mga kongregasyong Kristiyano ay kailangang maging mga tagapagdala ng ilaw, tulad ng sindidong mga ilawan sa isang madilim na sanlibutan. (Mateo 5:14-16) Ang paghawak ni Jesus sa kaniyang kanang kamay sa hinirang na matatanda ay nagpapakita na kaniyang inaakay ang matatandang ito, pinapatnubayan at pinamamahalaan sila.

5. Para kanino noong kaarawan ni Juan ang mga mensahe sa pitong kongregasyon?

5 Sinasabi ni Jesus kay Juan: “Ang iyong nakita ay isulat mo sa isang balumbon ng aklat at ipadala mo sa pitong kongregasyon, sa Efeso at sa Smirna at sa Pergamo at sa Tiatira at sa Sardis at sa Filadelfia at sa Laodicea.” (Apocalipsis 1:11) Ang mga kongregasyong ito ay tunay na umiral noong kaarawan ni Juan, at matitiyak natin na nang matapos ni Juan ang pagsulat sa Apocalipsis, bawat kongregasyon ay tumanggap ng isang kopya. Subalit pansinin ang sinasabi tungkol sa Apocalipsis ng Dictionary of the Bible ni Hastings: “Halos walang ibang aklat sa B[agong] T[ipan] na napakalawak ang patotoo noong ika-2 sig[lo].” Ito’y nangangahulugang ang aklat ng Apocalipsis ay kilalá at binabasa hindi lamang ng mga Kristiyano sa pitong kongregasyon kundi ng marami pang mga iba na ibig mag-aral ng mga salita ng hula. Tunay, ang payo ni Jesus ay para sa lahat ng pinahirang Kristiyano.

6, 7. (a) Kailan lalung-lalo nang kumakapit ang mga salita ng Apocalipsis, at paano natin nalalaman ito? (b) Kanino sa ngayon kumakatawan ang pitong bituin at ang pitong kongregasyon?

6 Subalit ang mga mensaheng ito sa pitong kongregasyon ay may lalo pang malawak na pagkakapit. Sa Apocalipsis 1:10, sinasabi ni Juan: “Ako’y kinasihan na masaksihan ang araw ng Panginoon.” Ang talatang ito ay isang mahalagang susi sa pagbubukas ng unawa sa Apocalipsis. Ipinakikita nito na ang lalung-lalo nang kinakapitan nito ay “ang araw ng Panginoon,” na nagsimula nang si Jesus ay maging Hari noong 1914. Ang ganitong pagkaunawa ay pinatutunayan ng mga mensahe ni Jesus sa pitong kongregasyon. Dito’y makikita natin ang mga pananalitang gaya ng ganitong mga salita sa Pergamo: “Ako’y paririyan agad sa inyo.” (Apocalipsis 2:16; 3:3, 11) Pagkatapos ng 96 C.E., si Jesus ay hindi ‘naparito’ ayon sa anumang makahulugang paraan kundi simula nang siya’y iluklok na Hari noong 1914. (Gawa 1:9-11) Pagkatapos, bilang katuparan ng Malakias 3:1, siya’y ‘naparitong’ muli noong 1918, nang siya’y dumating sa templo ni Jehova upang maghukom unang-una sa sambahayan ng Diyos. (1 Pedro 4:17) Siya’y ‘paririto’ minsan pa, sa malapit na hinaharap, pagka siya’y “naghiganti sa mga hindi kumikilala sa Diyos at sa mga hindi tumatalima sa mabuting balita tungkol sa ating Panginoong Jesus.”​—2 Tesalonica 1:7, 8; Mateo 24:42-44.

7 Taglay ito sa isip, ating nauunawaan na ang pitong kongregasyon ay kumakatawan sa lahat ng mga kongregasyon ng pinahirang mga Kristiyano pagkatapos ng 1914, at ang pitong bituin ay kumakatawan sa lahat ng pinahirang matatanda sa mga kongregasyong iyon. Isa pa, ang matatanda na kabilang sa “mga ibang tupa” ay nasa kanang kamay din ni Jesus ng kapangyarihan, kung ito’y malawakang ikakapit. (Juan 10:16) At ang payo sa pitong kongregasyon ay kumakapit ang simulain sa lahat ng kongregasyon ng bayan ng Diyos ngayon sa buong daigdig, kasali na yaong binubuo ng mga Kristiyanong may makalupang pag-asa.

8. Anong kalagayan ang nadatnan ni Jesus nang siya’y pumarito upang suriin ang nag-aangking mga Kristiyano noong 1918?

8 Nang pumarito si Jesus upang suriin ang nag-aangking mga Kristiyano noong 1918, kaniyang nadatnan ang pinahirang mga Kristiyano sa lupa na puspusang nagsisikap tupdin ang mga salita ng hula. Sapol nang mga taon ng 1870’s kanilang ibinababala na sa mga tao ang kahalagahan ng taóng 1914. Sila’y nagdusa nang malaki sa kamay ng Sangkakristiyanuhan noong panahon ng unang digmaang pandaigdig, at noong 1918 ang kanilang gawain ay halos napahinto nang ang mga pangunahing opisyales ng Watch Tower Society ay ibilanggo dahil sa mga maling bintang. Subalit ang kanilang mga karanasan nang panahong iyon ay may kamangha-manghang pagkatugma sa mga hula sa Apocalipsis. At ang kanilang determinasyon na tuparin ang mga salita ni Jesus sa pitong kongregasyon ay tiyakang nagpapakilala sa kanila bilang ang tanging mga Kristiyanong may taglay ng liwanag sa inabutan-ng-gabing sanlibutang ito. Sa ngayon, ang nalabing ito ay bumubuo ng isang uring Juan na nabubuhay upang makakita at makabahagi sa katuparan ng maraming bahagi ng Apocalipsis.

Payo at Papuri

9, 10. Ang katuparan ng anong mga salita ni Jesus ang nagdala ng malaking kaligayahan sa modernong-panahong mga Kristiyano? Ipaliwanag.

9 Sa Apocalipsis 3:8, sinabi ni Jesus sa kongregasyon sa Filadelfia: “Nalalaman ko ang iyong mga gawa​—narito! inilagay ko sa harapan mo ang isang pintuang bukás, na di-mailalapat ninuman​—na ikaw ay may kaunting kapangyarihan, at tinupad mo ang aking salita at hindi mo ikinaila ang aking pangalan.” Maliwanag, ang mga Kristiyano sa Filadelfia ay patuloy na gumagawa, at ngayon, isang pintuan ng pagkakataon ang nabuksan para sa kanila.

10 Ang modernong-panahong katuparan ng mensaheng ito ay lubhang nagpaligaya sa bayan ng Diyos. Pagkatapos ng kanilang matitinding karanasan noong 1918, sila’y napasauli sa dating espirituwalidad, at noong 1919 si Jesus ay nagbukas ng isang pintuan ng pagkakataon para sa kanila. Sila ay pumasok sa pintuang iyon nang kanilang tanggapin ang pagkasugo na mangaral ng mabuting balita ng Kaharian sa lahat ng bansa. Sapagkat sumasa-kanila ang espiritu ni Jehova, walang makahadlang sa gawaing ito, at ang mga tapat na Kristiyanong ito ang nagkaroon ng malaking pribilehiyo na tupdin ang isang pangunahing bahagi ng tanda ng pagkanaririto ni Jesus. (Mateo 24:3, 14) Bilang resulta ng kanilang tapat na pangangaral, ang natitira pang mga kabilang sa 144,000 ay tinawag at pinahiran, at ang “malaking pulutong” ay natipon ang malaking bilang. (Apocalipsis 7:1-3, 9) Anong laking kagalakan ang idinulot nito sa bayan ng Diyos!

11. Paano sinikap ng mga sekta na pasamain ang organisasyon ni Jehova noong kaarawan ni Juan, at paano nila ginawa ito sa ating sariling kaarawan?

11 Ang kagalakan bang ito’y mananakaw sa kanila ng anuman? Oo, halimbawa, ang matatanda sa Pergamo, sa kabila ng kanilang mahusay na ulat ng pagtitiis, ay hindi nakahadlang sa pagpasok sa kanilang kongregasyon ng turo ng sekta ng mga Nicolaita. (Apocalipsis 2:15) Nauso ang pagtatayo ng mga sekta. Gayundin naman, sa mga huling araw na ito, may mga lumitaw na apostata at nagsikap na pasamain ang organisasyon ni Jehova. Ang matatanda sa kabuuan ay sumalansang sa mga ito, subalit, nakalulungkot sabihin, may mga nailigaw rin. Huwag sana nating pahintulutang nakawan tayo ng mga apostata ng ating kagalakan!

12. (a) Ano ba ang impluwensiya ni Balaam at ni Jezebel? (b) Sinubukan ba ni Satanas na magpasok ng impluwensiya ni Balaam o ni Jezebel sa kongregasyong Kristiyano sa modernong panahon?

12 Si Jesus ay nagbabala rin sa kongregasyon sa Pergamo laban sa mga “nanghahawakan sa turo ni Balaam.” (Apocalipsis 2:14) Ano bang turo ito? May isa roon sa Pergamo na nagpapasamâ sa mga Kristiyano roon gaya kung paano pinasamâ ni Balaam ang mga Israelita sa ilang: sa pamamagitan ng pag-uudyok sa kanila na “kumain ng mga bagay na inihandog sa mga diyus-diyusan at makiapid.” (Bilang 25:1-5; 31:8) Si Jesus ay nagbabala sa kongregasyon sa Tiatira laban sa “babaing iyan na si Jezebel.” Ang babaing ito ay nagtuturo rin sa mga Kristiyano na “makiapid at kumain ng mga bagay na inihandog sa mga idolo.” (Apocalipsis 2:20) Sinubukan ba ni Satanas na magpasok ng impluwensiya ni Balaam o ni Jezebel sa kongregasyong Kristiyano sa ngayon? Tunay na ginawa niya iyan hanggang sa sukdulang halos 40,000 sa isang taon ang natitiwalag, ang karamihan ay dahilan sa imoralidad. Anong laking kasawian! Kapuwa ang tulad-Balaam na mga lalaki at ang tulad-Jezebel na mga babae ay naghimagsik laban sa matatanda at sinubukan nila na pasamain ang kongregasyon. Sana’y labanan natin nang ating buong kaya ang gayong masasamang impluwensiya!​—1 Corinto 6:18; 1 Juan 5:21.

13. (a) Ilahad ang pagkasuklam ni Jesus sa pagkamalahininga. (b) Bakit ang mga taga-Laodicea ay malahininga, at paano natin maiiwasan ang ganitong kahinaan sa ngayon?

13 Sa Apocalipsis 3:15, 16, sinabi ni Jesus sa kongregasyon sa Laodicea: “Nalalaman ko ang iyong mga gawa, na ikaw ay hindi malamig o mainit man. Ibig ko sanang ikaw ay malamig o mainit. Kaya, sapagkat ikaw ay malahininga at hindi mainit o malamig man, isusuka kita sa aking bibig.” Anong linaw na paglalahad ng pagkasuklam ni Jesus sa pagkamalahininga! Siya’y nagpapatuloy pa: “Sinasabi mo, ‘Ako’y mayaman at nagkamit ng kayamanan at hindi ako nangangailangan ng anuman.’” Oo, ang materyalismo ang nagpariwara sa mga Kristiyano sa Laodicea. Sila’y nasisiyahan-sa-sarili at may kalamigan ang damdamin nila. Subalit sinabi sa kanila ni Jesus: “Hindi mo nalalamang ikaw ay aba at kahabag-habag at dukha at bulag at hubad.” (Apocalipsis 3:17) Ibig ba nating tayo’y maging “aba at kahabag-habag at dukha at bulag at hubad” sa paningin ni Jesus? Siyempre, hindi! Kaya sa lahat ng paraan ay ating labanan ang pagkahulog sa materyalismo o sa pagkamalahininga.​—1 Timoteo 6:9-12.

Magtiis Hanggang Wakas

14. (a) Anong mga kahirapan ang napaharap sa kongregasyon sa Smirna? (b) Ano ang modernong mga kahalintulad ng mga karanasan sa Smirna?

14 Ang isang kongregasyon na hindi malahininga ay ang Smirna. Sa mga Kristiyanong ito, sinabi ni Jesus: “Nalalaman ko ang iyong kapighatian at kadukhaan​—subalit ikaw ay mayaman ​—at ang pamumusong ng mga nagsasabing sila sa ganang sarili’y mga Judio, gayunman ay hindi sila gayon kundi isang sinagoga ni Satanas. Huwag mong katakutan ang mga bagay na malapit mo nang tiisin. Narito! Ipagha-hahagis ng Diyablo ang ilan sa inyo sa bilangguan upang lubusan kayong subukan, at upang magdanas kayo ng kapighatian ng sampung araw.” (Apocalipsis 2:8-10) Ito’y katugma ng karanasan ng mga Kristiyano sa ngayon! Ang modernong mga Kristiyano, kapuwa ang pinahiran at ang mga ibang tupa, ay nagtitiis din ng mahigpit na pananalansang buhat sa kasalukuyang “sinagoga ni Satanas,” ang Sangkakristiyanuhan. Mula noong unang digmaang pandaigdig hanggang sa ngayon, libu-libong mga lalaki, mga babae, at mga bata ang ginulpe, ibinilanggo, pinahirapan, ginahasa, o pinatay dahilan sa pagtangging ikumpromiso ang kanilang katapatan.

15, 16. (a) Paano lumiligaya ang pinahirang mga Kristiyano sa kabila ng pagdaranas nila ng pag-uusig? (b) Anong natatanging mga gantimpala na naghihintay sa mga ibang tupa ang tumutulong sa kanila na maging maligaya rin?

15 Ang gayon bang mga karanasan ay nagdudulot ng kaligayahan? Hindi kung sa ganang sarili. Subalit katulad ng mga apostol, ang tapat na mga Kristiyano na nagtitiis ng mga pagsubok ay dumaranas ng isang matinding kagalakan ng kalooban dahil sa sila’y “ibinilang na karapat-dapat na magbata ng masama dahil sa pangalan [ni Jesus].” (Gawa 5:41) At sila’y namamalaging maligaya anuman ang gawin sa kanila ng kanilang mga kaaway sapagkat nalalaman nila na ang itinakdang panahon ay malapit na para gantimpalaan ang kanilang katapatan, at ang gantimpala ay tunay na napakalaki. Sinabi ni Jesus sa mga Kristiyano sa Smirna: “Patunayan mong tapat ka hanggang kamatayan, at bibigyan kita ng korona ng buhay.” (Apocalipsis 2:10) At sa mga nasa Sardis ay sinabi niya: “Ang magtagumpay ay daramtan sa gayon ng mapuputing damit; at hindi ko papawiin sa anumang paraan ang kaniyang pangalan sa aklat ng buhay.”​—Apocalipsis 3:5.

16 Totoo, ang mga pangakong ito ay espesipikong kumakapit sa pinahirang mga Kristiyano, anupa’t ipinaaalaala sa kanila ang gantimpalang walang-kamatayang buhay sa langit na naghihintay sa kanila. Subalit yaong mga kabilang sa mga ibang tupa ay pinatitibay-loob din ng mga salitang ito. Si Jehova ay may inihanda ring gantimpala para sa kanila, kung sila’y masigasig at nagtitiis. Sila’y may maningning na pag-asang magmana ng buhay na walang-hanggan sa isang lupang paraiso sa ilalim ng Kaharian sa kamay ni Kristo. Doon ay masusumpungan nila ang Paraiso na hindi masusumpungan ng mga tao ng sanlibutang ito.

17. Sa anong mga salita tinapos ni Jesus ang bawat mensahe, at ano ang kahulugan para sa atin ngayon ng kaniyang mga salita?

17 Bawat isa sa kaniyang mga mensahe sa mga kongregasyon ay tinapos ni Jesus sa mga salitang: “Ang may pakinig ay makinig sa sinasabi ng espiritu sa mga kongregasyon.” (Apocalipsis 3:22) Oo, tayo’y kailangang makinig at tumalima sa mga salita ng Punong Pastol. Iwasan natin ang karumal-dumal na mga gawain at ang apostasya, at kailangang tayo’y patuloy na maging masigasig. Ang pagtanggap natin ng gantimpala ay depende rito. Sa ating pagsasaalang-alang sa higit pang impormasyon na nasa Apocalipsis, ganiyang-ganiyan ang disidido tayong gawin.

Ang mga Tatak ng Balumbon ng Aklat

18. (a) Ano ang tinatanggap ni Jesus sa makalangit na korte? (b) Ano ang kahulugan para sa nabubuhay ngayong sangkatauhan ng pagsakay ng tatlong mga mangangabayo ng Apocalipsis kabanata 6?

18 Sa mga Apoc kabanata 4 at 5, halimbawa, nakita ni Juan ang isang kamangha-manghang pangitain ng korte ni Jehova sa langit. Ang Kordero ng Diyos, si Jesu-Kristo, ay naroroon, at siya’y tumatanggap ng isang balumbon ng aklat na may pitong tatak. Sa Apoc kabanata 6, binubuksan ni Jesus ang anim sa pitong mga tatak, sunud-sunod. Nang buksan ang una, isang mangangabayo na nakasakay sa isang puting kabayo ang makikita. Siya’y binibigyan ng isang korona at samantalang nakasakay, “siya’y yumayaong nananakop at upang lubusin ang kaniyang pananakop.” (Apocalipsis 6:2) Ito ay si Jesus, ang bagong kaluluklok na Hari. Nang kaniyang pasimulan ang kaniyang mapagtagumpay, na maharlikang pagsakay bilang Hari noong 1914, noon nagsimula ang araw ng Panginoon. Nang buksan ang susunod na tatlong tatak, tatlo pang mga kabayo kasama ang kanilang nakasakay na mga mangangabayo ang lumilitaw. Ang mga ito ay nakasisindak ang mga hitsura, sumasagisag sa digmaan ng mga tao, taggutom, at kamatayan na likha ng salot at iba pang mga sanhi. Pinatutunayan nito ang dakilang hula ni Jesus na ang kaniyang pagkanaroroon sa langit na taglay ang kapangyarihan sa paghahari ay makikitaan ng tanda sa lupa sa nagaganap na mga malalaking digmaan, mga taggutom, salot, lindol, at iba pang mga kapahamakan. (Mateo 24:3, 7, 8; Lucas 21:10, 11) Tunay, kailangang makinig ang mga Kristiyano sa mga salita ni Jesus sa pitong kongregasyon kung ibig nilang mapagtiisan ang gayong panahon.

19. (a) Sa panahon ng pagkanaririto ni Kristo, anong gantimpala ang ibinibigay sa tapat na mga pinahirang Kristiyano na nangamatay na? (b) Anong kasindak-sindak na mga pangyayari ang inilarawan ng pagbubukas ng ikaanim na tatak, na umaakay tungo sa anong tanong?

19 Sa pagbubukas ng ikalimang tatak, isang pangyayari sa di-nakikitang dako ng mga espiritu ang nahahayag. Ang pinahirang mga Kristiyano na nangamatay dahil sa kanilang pananampalataya ay binibigyan bawat isa sa kanila ng isang maputing kasuotan. Maliwanag, ngayon ay isang katotohanan na ang pagkanaririto ni Kristo, nagsimula na ang pagkabuhay-muli sa langit. (1 Tesalonica 4:14-17; Apocalipsis 3:5) Pagkatapos ay binubuksan ang ikaanim na tatak, at ang “lupa,” ang makalupang sistema ng mga bagay ni Satanas, ay niyayanig ng isang malakas na lindol. (2 Corinto 4:4) “Ang langit” ng mga pamahalaan ng tao sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas ay hinahawi na gaya ng isang lumang balumbon ng aklat na nilulon, handang itapon. Nangingilabot, ang mapaghimagsik na mga tao ay sumisigaw sa kawalang-pag-asa sa mga batong-bundok: “Bagsakan ninyo kami at ikubli ninyo kami buhat sa mukha ng Isa na nakaluklok sa trono at mula sa poot ng Kordero, sapagkat ang dakilang araw ng poot nila’y sumapit na, at sino ba ang makatatayo?”​—Apocalipsis 6:13, 14, 16, 17.

20. Sino ang makatatayo sa panahon ng dakilang araw ng poot ni Jehova at ng Kordero?

20 At sino ba ang makatatayo? Aba, sinagot na ni Jesus ang tanong na iyan. Yaong mga “nakikinig sa sinasabi ng espiritu sa mga kongregasyon” ang tatayo sa dakilang araw na iyan ng poot. At upang patunayan ito, si Juan ay nagpatuloy ng pag-alam tungkol sa pagtatatak sa mga nahuhuling kabilang sa 144,000 at sa pagtitipon sa isang lubhang karamihan buhat sa lahat ng bansa upang makaligtas sa “malaking kapighatian.” (Apocalipsis 7:1-3, 14) Subalit ngayon ay panahon na upang ang ikapitong tatak ng balumbon ng aklat ay buksan at higit pang dramatikong mga pangitain ang ipakita kay Juan at, sa pamamagitan niya, sa atin sa ngayon. Ang sumusunod na artikulo ang tumatalakay ng ilan sa mga ito.

Natatandaan Mo Ba?

◻ Ano ang relasyon na namamagitan kay Jesus at sa matatanda sa kongregasyon?

◻ Anong mga suliranin ang napaharap sa matatanda sa Pergamo at Tiatira, at paano naapektuhan ng katulad na mga suliranin ang mga kongregasyon ngayon?

◻ Anong malubhang pagkakamali ang nagawa ng kongregasyon sa Laodicea, at paano natin maiiwasan ang ganoon ding pagkakamali ngayon?

◻ Paano kinailangan ng mga Kristiyano na magtiis sa ika-20 siglong ito, at anong mga pangako ni Jesus ang nakatulong sa kanila na gawin ang gayon?

◻ Paano natin maiiwasan ang kawalang-pag-asa at masaklap na sasapitin ng mga bansa sa Armagedon?

[Mga larawan sa pahina 13]

Ang ilan sa tapat na mga Kristiyanong nagdusa sa mga concentration camp ng mga Nazi

[Credit Line]

DÖW, Vienna, Austria

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share