Ang Lupain ng “Pepper Bird” ay Nakakapakinig ng “Bagong Awit”
SA PAGBUBUKANG liwayway, ang malambing na awitin ng pepper bird ay maririnig sa buong Liberia. Sa loob ng kung ilang sali’t-saling lahi, ang awit nito ay nagsilbing panggising sa mga taganayon upang salubungin ang maghapon na pagtatrabaho sa ilalim ng kainitan ng araw sa tropiko. Ang karaniwang bulbul (isang uri ng ibon) ang nagbigay sa Liberia ng palayaw na “lupain ng pepper bird.”
Gayunman, ang pangalang Liberia ay nagpapagunita ng isa pang kuwento. Noong 1822 ang pinalayang mga alipin na galing sa Amerika at bumabalik sa kontinente ng kanilang mga ninuno ang dumating sa may bukana ng Ilog Mesurado at kanilang binuo ang pamayanan na naging Monrovia. Ang iba pang mga pamayanan ay isa-isang napatayo sa Buchanan, Greenville, at Harper, at ang mga mamamayan doon ay pumasok sa mga kasunduan sa mga hari ng mga tribong katutubo roon. Ang mga unang balikbayan na iyon ay may taglay na mga espirituwal ng Negro—mga awiting pinaghalong mga ritmong Aprikano at mga tema sa Bibliya at kababanaagan ng kanilang paghahangad ng kalayaan. Upang matugunan ang pagnanasang iyan, noong 1824 ang kanilang kolonya ay pinanganlang Liberia. Noong 1847 iyon ang naging unang republikang itim sa Aprika.
Subalit, noong nakalipas na mga taon, isang bagong awit ang narinig sa lupaing ito. Ito ay inaawit, hindi ng pepper bird o ng nagsibalik na mga alipin, kundi ng isang dumaraming pangkat ng nag-aawitang mga tao na tumutugon sa paanyaya ng salmista sa Bibliya: “Magsiawit kayo kay Jehova ng isang bagong awit. Magsiawit kayo kay Jehova, lahat kayong mga tao sa lupa. Sabihin ninyo sa gitna ng mga bansa: ‘Si Jehova mismo ay naging hari.’” (Awit 96:1, 10) Oo, ito ang awit ng natatag nang Kaharian ng Diyos, na si Jesu-Kristo ang Hari. Ito’y inaawit ng magiging mga tagapagmana ng makalangit na pamahalaan ni Jehova. Sila at ang kanilang mga kasamahan ay masayang naghahayag ng “mabuting balita” tungkol sa Kahariang iyan sa lahat ng bansa—kasali na ang Liberia—sa panahon ng “katapusan ng sistema ng mga bagay,” na kinabubuhayan natin ngayon. (Mateo 24:3, 14) Kailan at paano unang narinig ang awit na ito sa lupain ng pepper bird? At ano ang naging epekto ng sumasaliksik-pusong himig nito sa nagpapahalagang mga tagapakinig? Pakinggan natin.
Sumapit sa Liberia ang “Bagong Awit”
Noong 1946 si Harry C. Behannan, isang dalubhasang piyanistang itim na nakapagtanghal na sa buong Europa, ay nag-iwan ng kaniyang karera sa musika upang magsilbing isang misyonero. Sa loob ng anim na buwan siya’y naglingkod na nag-iisa bilang isang payunir na Saksi ni Jehova, na nagbabahay-bahay upang maipalaganap ang katotohanang pang-Kaharian. Siya’y nakapamahagi ng mahigit na 500 aklat at nagkaroon ng maraming kaibigan. Pagkatapos, nakalulungkot sabihin, si Brother Behannan ay namatay sa sakit na lagnat na uso sa tropiko. Subalit ang “bagong awit” ay hindi naman pumanaw, sapagkat siya’y sinundan ng mga iba pang misyonero.
Noong 1947 si George Watkins (isang dating bagitong boksingero) at ang kaniyang maybahay na si Willa Mae ay dumating sa Monrovia, na kabisera ng Liberia, upang doon maglingkod. Sila’y matiyaga at masipag sa pagtuturo sa mapagpakumbabang mga taga-Liberia “na ganapin ang lahat ng bagay na iniutos [ni Jesus].” (Mateo 28:19, 20) Nang sumapit ang Setyembre 1948 isang grupo ng 15 katao ang kasama nilang nakikibahagi sa paglilingkurang pang-Kaharian. Sa gayon, ang unang kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova ay nabuo sa Liberia.
Ang pangangaral ay mabilis na lumaganap sa baybaying-dagat hanggang sa puwerto ng Harper, sa Kakata at palibot na mga nayon, at sa mga Kisi-wikang mga manggagawa sa plantasyon ng goma ng Firestone. Nang sumapit ang 1952 isang tanggapang sangay ng Watch Tower Society ang itinatag sa Liberia. Noong sumunod na taon, ang unang Kingdom Hall kasama na ang tahanang misyonero ay itinayo sa McDonald Street sa Monrovia. Iyon ay nakatutuwang mga panahon. Sa ngayon, mayroong 1,724 na mga tagapuri kay Jehova sa lupaing ito, at sila’y nagtatamo ng maiinam na resulta sa gitna ng palakaibigan, mapagpatuloy at mapagpakumbabang mga tao roon.
Ang Pagtugon sa “Bagong Awit” sa Ngayon
Ang mga Saksi ni Jehova buhat sa 16 na mga pangunahing tribo ng Liberia, kasama ang mga misyonero at mga taong naparoon upang maglingkod kung saan lalong malaki ang pangangailangan, ay ngayon nagkakaisang-tinig sa pagdadala ng balita ng Kaharian. Nitong kamakailan, ang kanilang awit ay may himig ng pagkaapurahan sa pananawagan sa mga naghahanap ng katotohanan. Sa katamtaman, bawat Saksi ay gumugugol ng 27 oras bawat buwan sa pangangaral, at ang bilang ng mga nasa buong-panahong ministeryo ay mahigit na tatlong suson ang idinami noong nakalipas na limang taon. Ang gayong pagsisikap ay nagdala ng mga pagpapala kapuwa sa kanila at sa mga iba. Pakinggan natin ang ilan sa mga iyon.
Isinaayos ni Emmanuel ang kaniyang pamumuhay upang kaniyang maasikaso ang kaniyang malaking pamilya at makibahagi rin naman sa buong-panahong pagpapayunir sa Gardnersville. Kaniyang nakilala si Varney at si Lucinda at siya’y nagsimula ng isang pantahanang pakikipag-aaral sa kanila ng Bibliya. Gayunman, ang kanilang paniwala ay na isang kasalanan na magbago ng kaniyang relihiyon ang isang tao. Ipinakita sa kanila ni Emmanuel ang sinasabi ng aklat tungkol sa paksang iyan sa Nangangatuwiran Mula sa Kasulatan. Kanilang hiniram ang aklat, binasa ang iba pang materyal doon, at nagsimulang dumalo sa mga pulong Kristiyano. Hindi nagtagal pagkatapos, sila’y lumahok na sa ministeryong Kristiyano. Samantala, ang kanilang kasera—na isang klerigo—ay nakapansin ng pagbabago sa kanilang ugali at inanyayahan sila na gamitin ang kaniyang pinaka-salas para sa kanilang pag-aaral sa Bibliya. Pagkatapos na dumalo sa isang pandistritong kombensiyon, ang kasera ay nakumbinse na natagpuan na niya ang katotohanan at humiling na siya’y aralan ng Bibliya.
Ang pagtugon sa “bagong awit” ang nagpalaya kay Tamba, isang lalaking naging espiritistang medium na taga-Lofa County. Palibhasa’y nababalisa dahil sa sakit ng kaniyang anak na lalaki, siya’y kumunsulta sa mga espiritu. Kanilang tiniyak sa kaniya na ang kaniyang anak ay mabubuhay subalit sinabi nilang ang kaniyang asawang babae ay nagbabalak na patayin ang kaniyang anak. Kasabay ng mga paghahandog at paghahain, si Tamba ay nagdasal sa mga espiritu na patayin ang asawang babaing iyon upang mailigtas ang kaniyang anak. Ano ang naging resulta? Ang anak ay namatay subalit ang asawang babae ay hindi dumanas ng anuman. Si Tamba ay nagalit dahil sa kaniyang pagkabigo at lahat ng kaniyang mga gamit sa espiritismo ay kaniyang itinapon. Sa ganitong pamimighati niya, siya’y lubhang napukaw sa mensahe tungkol sa pag-asa sa pagkabuhay-muli at sa dumarating na lupang paraiso. Siya’y sumang-ayon na aralan siya ng Bibliya, nilinis niya ang kaniyang buhay, at nag-alay ng kaniyang sarili kay Jehova. Magmula noon ay natulungan niya ang kaniyang pamilya at siyam na iba pa sa kaniyang sambayanan upang sila’y mangag-alay.
Ang buhay ng maraming taong tapat-puso ay nabago dahilan sa pagkarinig nila ng “bagong awit.” Si Herbert ay binigyan ng scholarship sa pamantasan sa Monrovia at ng isang trabaho sa gobyerno dahilan sa kaniyang natatanging kahusayan sa paglalaro ng soccer. Nang kaniyang mapag-alaman ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa espiritu ng kompetisyon siya’y naudyukan na iwanan ang kaniyang karera sa sports. (Galacia 5:26) Ngayon siya’y nagagalak sa kaniyang bagong karera bilang isang buong-panahong ministro.
Si James ay nagtanong sa Saksing nakikipag-aral sa kaniya kung papaano niya mapagtatagumpayan ang kaniyang pagkasugapa sa marijuana. Palibhasa’y pinalakas-loob manalangin tungkol sa bagay na iyon, si James ay nanalangin kay Jehova na tulungan siya na huminto. Makalipas ang mga dalawang linggo, hindi niya mapigil ang kaniyang sarili kung kaya’t siya ay humitit uli. Nang siya’y pauwi na, sa paglakad ay nasalpok siya sa isang pirasong bakal at dumugong mabuti ang palibot ng kaniyang mata. Sa pagkaalaala niya ng kaniyang panalangin, siya’y hindi na uli bumalik sa kaniyang dating bisyo. Sa ngayon, siya’y naglilingkod bilang isang regular payunir at isang ministeryal na lingkod sa kongregasyon.
Ang “bagong awit” ay nakaakit din sa isang lalaking may edad na, si Samuel ng tribong Krahn, na dating superintendente ng Montserrado County. Ano ba ang nag-udyok sa kaniya na iwanan ang isang karera na may malaking kita at maging isang buong-panahong ministro? “Ang hinangaan ko ay yaong bagay na sa aking Bibliya natatagpuan ko ang patotoo ng lahat ng sinabi, itinuro at ginawa ng mga Saksi ni Jehova,” ang sabi ni Samuel. Isinusog pa niya na sa mga Saksi ni Jehova natagpuan niya ang pag-ibig na tinukoy ni Jesus sa Juan 13:34, 35. Binanggit ni Samuel na ang mga miyembro ng kaniyang dating relihiyon, na kabaligtaran naman, “ay lagi na lamang nagtatalo at naglalaban-laban tungkol sa pananalapi doon mismo sa simbahan.” Si Samuel ay naglilingkod ngayon bilang isang regular payunir.
Sumapit sa Sukdulan ang “Bagong Awit”
Kung tungkol sa pag-awit ng mga papuri sa Diyos, wala nang liligaya pa para sa bayan ni Jehova kaysa kanilang pandistritong mga kombensiyon sa taun-taon. Subalit, noong nakaraang mga taon dito sa Liberia ang hamon ay ang makatagpo ng mga pasilidad na may sapat na laki upang doon magkasiya ang lahat ng mga Saksi at mga taong interesado na magsisidalo. Noong 1986 dalawang kombensiyon ang ginanap sa tanging mapagtitipunang auditorium, subalit dahil sa mayroong mahigit na 4,000 ang dumalo ang pasilidad na iyon ay kulang na kulang. Ano baga ang kailangang gawin para sa 1987? Bueno, ang Samuel K. Doe Sports Complex ay natapos nang tamang-tama sa panahon at iyan ay dahil sa pagtulong ng gobyernong Intsik. Subalit amin kayang makakaya ang renta sa pasilidad na ito?
Dahilan sa ang aming programa’y may layuning magturo, pumayag ang tagapangasiwa na gamitin namin ang istadyum sa renta na napakarasonable. Subalit mga dalawang linggo lamang bago idaos ang kombensiyon, ibig ng tagapangasiwa na dagdagan namin ang upa. Bakit? Sapagkat isang prominenteng ebanghelista sa TV buhat sa Estados Unidos ang katatapos lamang ng isang krusada sa istadyum, at iyon ay iniwan ng mga gumamit niyaon sa isang pangit na kalagayan, at nakakalat sa lahat ng dako ang basura. Tiniyak sa tagapangasiwa na ang mga Saksi ni Jehova ay naiiba. Nang araw bago simulan ang kombensiyon, mahigit na 500 mga kapatid na lalaki at babae ang naglinis na mabuti sa istadyum. Pagkatapos ng kombensiyon, isang miyembro ng pangkat Intsik na pangasiwaan ang naulinigan na nagsasabing ang atin daw pagsisikap na mapanatiling malinis ang estadyum ay higit pa ang halaga kaysa ating naibayad sa pagkagamit natin niyaon.
Ang kombensiyon mismo ay isang tagumpay. Isang bagong sukdulang bilang na 5,852 ang dumalo sa pahayag pangmadla na pinamagatang “Sa Nakatatakot na mga Panahong Ito, Sino ang Mapagkakatiwalaan Mo?” Isang kagalakang makitang 101 mga baguhan ang nag-alay ng sarili sa Diyos na sinagisagan ng pagpapabautismo sa tubig! Ang bautismo ay ginanap sa dalawang tatanggaling mga pool doon mismo sa lugar ng kombensiyon—unang-una iyon para sa Liberia!
Dahil sa parami nang paraming mga tao ang tumutugon sa “bagong awit,” ang unang-unang tanggapang sangay sa McDonald Street sa Monrovia ay naging napakaliit. Kahit na ang sumunod na itinayong gusali sa Sinkor ay hindi gaanong sapat para mapaglagyan ng lahat ng literatura sa Bibliya na kailangan para sa espirituwal na pangangailangan ng mga taga-Liberia. Sa gayon, isang malaking gusaling tirahan ang binili at inayos malapit sa Paynesville Kingdom Hall, at isang bagong tanggapang sangay ang inialay noong Marso 28, 1987. Dahil sa maluwag na gusaling ito na nasa magandang lugar, ang mga lingkod ni Jehova sa Liberia ay nasasangkapan nang husto upang mangalaga sa dumaraming mga taong interesado.
Gaano pa ang natitirang gawain sa Liberia? Noong 1988 ang bilang ng dumalo sa Memorial na 8,600—makalimang beses ang dami sa bilang ng mga mamamahayag ng Kaharian—ay nagpapakita na mayroong malaking potensiyal para sa higit pang mga alagad. At ang masisipag na mga Saksi sa Liberia ay tumutugon sa hamon. Sila’y nagdaraos ng mahigit sa 3,000 mga pantahanang pag-aaral sa Bibliya buwan-buwan. Aming idinadalangin na marami pa sana rito ang maging bahagi ng patuloy na lumalagong “malaking pulutong” na pumupuri kay Jehova bilang pagtugon sa “bagong awit.”—Apocalipsis 7:9, 10.
[Kahon sa pahina 28]
Pagbabahay-bahay sa Liberia
Sa aming paglapit sa isang patpat-at-putik na bahay, sa halip na kumatok, aming ibinabalita sa kanila na kami’y dumadalaw sa pamamagitan ng pagsasabi nang malakas: “Kpaw, kpaw, kpaw!”
Kung walang sumasagot, kami ay pupunta sa likod ng bahay at makikita namin doon ang isang pamilyang nakaupo sa “kusina”—isang munting kubo sa likod-bahay. Isang palayok ng malapot na pulang mantikilya na galing sa palma ang sumusubó habang nakasalang sa apoy na kahoy ang gatong. Ang ina, na sumasandok ng kanin, ay nag-utos sa kaniyang mga anak na tumakbo’t pumaroon sa bahay upang kumuha ng mga silya para sa amin.
Ang mag-anak ay nakaupo na ngayon. Sila’y nakaupo sa isang bangko, at matamang nakikinig habang inihaharap namin sa kanila ang balita ng Kaharian. Masayang tinanggap nila ang isang sipi ng brosyur na Tamasahin ang Buhay sa Lupa Magpakailanman! At aming isinasaayos na kami ay magbabalik. Sa pagtindig namin upang lumisan, kanilang sinasabi: “Kumain na tayo!”
[Mapa/Mga Larawan sa pahina 26]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
SIERRA LEONE
LIBERIA
LOFA COUNTY
MONTSERRADO COUNTY
Monrovia
Kakata
Buchanan
Greenville
Harper
GUINEA
IVORY COAST
ATLANTIC OCEAN
Km 0 100 200 300
mi 0 100 200
[Mapa]
AFRICA