Natututong Magtiwala kay Jehova ang mga Taga-Venezuela
MGA Taon ng Kasaganaan”—ganiyan ang natatandaan ng karamihan ng mga taga-Venezuela tungkol sa panahon pagkatapos ng 1976. Noong taon na iyan, lahat ng banyagang mga kompanya ng langis sa Venezuela ay hinawakan ng gobyerno, at biglang umunlad ang ekonomiya ng bansa. Bilang katunayan ng bagong-katutuklas na kasaganaang materyal, nagsimulang bumangong isa-isa sa buong bansa ang maraming mga proyekto sa pagtatayo. Ang pinakamatataas na gusali sa bansa, ang Parque Central Towers, ay itinayo sa Caracas, ang kabiserang lunsod. Ang mga tao ay wari bagang may lahat ng dahilan na ilagak ang kanilang pagtitiwala sa kaunlaran at kasaganaan.
Subalit, ngayon ay waring hindi gaanong maaliwalas ang hinaharap. Bagaman isa pa ring maunlad na bansa, ang Venezuela ay mayroong dinaranas na mga suliraning pangkabuhayan. Natatandaan pa ng lahat ng tao rito ang ‘Black Friday,’ gaya ng karaniwang tawag sa Pebrero 28, 1983, nang ang pangunahing yunit ng kuwarta, ang bolivar, ay ibinaba ang halaga. Kaya naman, ang salaping iyan ay humina, at ang mga utang sa mga ibang bansa ay nagsimulang magkatambak-tambak. Biglang-bigla, ang “Mga Taon ng Kasaganaan” ay naging “Mga Taon ng Pagtitipid.” Marami ang nasiraan ng loob dahil sa kanilang maling pinaglagakan ng kompiyansa at pagtitiwala. Ibang-iba sa kanila, ang mga Saksi ni Jehova sa Venezuela ay natutong maglagak ng kanilang pagtitiwala sa tunay na Diyos, si Jehova. Sila’y nagtatamasa ng patuloy na paglago at pag-unlad sa lumipas na mga taon.
Paglago ng mga Unang Binhi ng Kaharian
Noong 1936 ang mga binhi ng mabuting balita ng Kaharian ay unang dinala sa Venezuela ng dalawang payunir, o buong-panahong mga ministro, na taga-Texas, E.U.A. (Mateo 24:14) Sampung taon ang nakalipas, dalawang misyonero—mga nagtapos na nasa ikalimang klase ng Watchtower Bible School of Gilead—ang dumating. At noong Setyembre noong taon na iyon, isang tanggapang sangay ng Watch Tower Society ang binuksan sa Venezuela. Ang ulat para sa taóng iyon ay nagpapakita na may kabuuang 19 na mga tagapagbalita ng Kaharian sa Venezuela.
Noong Nobyembre 1953, si N. H. Knorr, na presidente noon ng Samahan, at ang kaniyang kalihim na si M. G. Henschel, ay huminto sa Venezuela sa kanilang paglalakbay sa Timog Amerika. Siyam na raan at apatnapu’t dalawa ang dumalo sa isang asamblea na ginanap sa Caracas. Sa pagsapit ng 1977 ang bilang ng mga mamamahayag ng Kaharian sa Venezuela ay umabot sa pinakamataas na bilang na mahigit na 13,800. Kaya naman kinailangan na magtayo ng isang bagong tanggapang sangay sa La Victoria, 85 kilometro ang layo sa labas ng kabisera. Isang bagong seksiyon ang idinagdag at inialay noong 1985. Sa ngayon, mayroong mahigit na 42,900 na mamamahayag sa mga 500 kongregasyon at mga grupo sa Venezuela. At marami pang mga tao sa Venezuela ang natututo na ilagak kay Jehova ang kanilang tiwala, anupa’t ipinakikita ito ng pinakamaraming dumalo na 154,881 sa 1988 Memoryal ng kamatayan ni Kristo.
Iba-iba Ngunit Bukid na May Matabang Lupa
Ang Venezuela ay isang bansang sagana sa pagkakaiba-iba, at ito’y mababanaag sa mga taong natutong magtiwala kay Jehova. Una, ang bansang ito ay kilala sa pagkakaroon ng maraming dayuhan. Sa gayon, kahit na sa gitna ng mga Saksi ni Jehova, marami ang nanggaling sa Italya, Portugal, Alemanya, Espanya, Pransiya, Haiti, Trinidad, Cuba, Dominican Republic, Ecuador, at mga iba pang lugar. Gayunman, sila ay nagkakaisa ng kanilang mga kapuwa taga-Venezuela sa pagtitiwala at paglilingkod sa tunay na Diyos, si Jehova.
Mayroon din naman ditong maraming mga pagkakaiba-iba dahil sa kinaroroonang rehiyon. Ang isang silanganing mamamalakaya buhat sa silangang rehiyon ay mapapansin na naiiba sa isang may-bakahang llanero buhat sa kapatagan sa timog. Ang isang mabilis ang kilos na Caraqueño na taga-kabisera, o ang isang palakaibigang manggagawa ng isang kompanya ng langis na taga-Maracaibo, ang pangalawang-malaking siyudad ng bansa, ay dalawang daigdig na magkaiba buhat sa mabagal-kumilos na magsasakang Andino na tagatimog-kanluran, na kung saan nagsisimula ang Kabundukang Andes. Bawat isa’y may kaniyang sariling mga kustumbre at mga puntó ng pagsasalita. Kaya, kalakip ang banyagang kakaniyahan na natutuhan sa mga dayuhan doon, mayroong makulay na pagkakaiba-iba ang mga mamamayan.
Sa kabila ng ganiyang sari-saring katangian, mga tao buhat sa lahat ng uri ng pamumuhay ang nakakilala kay Jehova. Si María Luisa ay isa na sa kanila. Kahit na sapol noong siya’y pitong taóng gulang, siya’y napasangkot sa espiritismo. Habang siya’y lumalaki, siya’y naging isang sugapa sa alak at sa mga ibinabawal na gamot, tumahak sa isang buhay na imoral, at isang saradong mananamba sa diyosa ng Venezuela na si María Lionza.a Palibhasa’y disgustado siya sa kaniyang pamumuhay, siya’y nagtrabaho sa isang misyong Katoliko na nagmimisyon sa mga Indiyan sa kanlurang bahagi ng bansa. Di nagtagal at nahinuha niya na ang kaniyang trabaho’y hindi tumutulong sa mga Indiyan ni sa kaniya man. Ngayo’y nagsimula siyang manghimasok sa metaphysics at reinkarnasyon subalit walang nangyari. Sa puntong ito, si María Luisa ay dinalaw ng mga Saksi ni Jehova. Ang kaalaman sa Bibliya na nakamtan niya ay nagbigay sa kaniya ng lakas na kailangan niya upang bakahin ang masasamang espiritu. Ngayon ay inilagak na niya ang kaniyang tiwala kay Jehova at siya’y isang aktibong mamamahayag ng mabuting balita ng Kaharian.
Kahit na ang mga taong may kapansanan ay natututong magtiwala kay Jehova, tulad sa kaso ni Juan at Carlos, dalawang magkapatid sa laman. Nang si Carlos ay nuebe anyos, siya’y nagkasakit ng meninghitis at nabulag. Nang magtagal, bagaman kasangkot siya sa kilusang charismatic ng mga Katoliko, siya’y nagsimulang makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Siya’y nabautismuhan noong 1982, at mula noong Disyembre 1983 siya’y isang buong-panahong ministro. Bilang isang bulag na payunir, siya’y naglalakad hanggang sa bawat sulok ng kaniyang teritoryo, nang nag-iisa kung kinakailangan. Gayunman. ang kaniyang kapatid na si Juan ay may naiibang kuwento.
Si Juan ay 1.8 metro ang tangkad at mahilig makipag-away sa kalye. Isang araw siya ay makalawang nabaril sa likod. Bagaman siya’y nabuhay, siya’y isa nang paralitiko mula sa dibdib pababa at lubusang naparatay sa banig. Nang siya’y dalawin ng mga Saksi, may pag-aatubuling tinanggap niya ang kanilang alok na aralan siya ng Bibliya. Ang mga pag-aaral na ito ang muling nagpasigla ng kaniyang paggalang sa Bibliya. Ang pag-asa sa sakdal na buhay sa Paraiso ay pumukaw sa kaniyang damdamin. Pagkatapos na huminto siya sa paninigarilyo, pag-inom, at pangit na bukambibig, lahat ng kaniyang mga dating kaibigan ay humiwalay na sa kaniya sapagkat, ayon sa kanila, si Juan ay naging isang “santo.” Gayumpaman, siya’y nagpatuloy na magtiwala kay Jehova, at sa wakas siya ay nabautismuhan.
“Kahit na ako’y nakaratay sa banig ay hindi ako huminto ng paggawa ng kalooban ni Jehova,” ang sabi ni Juan, “sapagkat ang aking mga kamay naman at utak ay gumagana pa rin.” Paano siya naglilingkod kay Jehova sa kaniyang kalagayang iyon? “Ginagamit ko ang aking tape recorder upang gampanan ang aking mga pananagutan, tulad halimbawa ng mga pahayag sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro, ang mga bahagi ko sa Pulong sa Paglilingkod, at pagbabasa sa lingguhang Pag-aaral ng Bantayan. May pribilehiyo ako na maging konduktor ng isa sa lokal na Pag-aaral ng Aklat sa Kongregasyon, na ginaganap sa aking tahanan. Ako’y nakapaglilingkod din bilang isang regular payunir.” Ano ba ang kaniyang nadarama sa lahat ng ito? “Ako’y lubhang napasasalamat sa aking mga kamag-anak at espirituwal na mga kapatid, na napakalaking tulong sa akin. Ako’y umaasa at nananalangin na lahat tayo’y magtiyaga ng paglalagak ng ating tiwala kay Jehova upang makita natin ang araw na ‘lulukso ang pilay na gaya ng usa.’”—Isaias 35:6.
Ang mga Asamblea ay Nagdadala ng Kapurihan kay Jehova
Upang magampanan ang gawain na tumutulong sa napakarami upang maglagak ng tiwala kay Jehova, ang mga Saksi sa Venezuela ay kamakailan nagtayo ng dalawang Assembly Hall. Ang isa nito ay nasa Campo Elias, Yaracuy State, sa kanlurang-gitnang bahagi ng bansa. Yaong isa pa, na mga 60 kilometro sa gawing timog ng Caracas, ay lubos na nasasangkapan nang husto ng pool na pinagbabautismuhan, ng air-conditioning, kusina, at silid-kainan.
Ang mga bulwagang ito ay hinangaang lubha ng mga tagalabas at mga interesado na nagpunta roon upang makita ang mga ito. Isang bus driver ang inarkila ng isang grupo ng Saksi upang dalhin sila sa kanilang asambleang pansirkito. Nang dumating doon at nakita ang malawak na paradahang lote at magandang kapaligiran, naisip ng driver na siya’y kailangan ding pumasok sa loob upang makita ang lugar na ito. “Ang nakita ko sa loob ng Assembly Hall na iyon ay isa pang daigdig, na naiiba,” ang sabi niya pagkatapos. Ganiyan na lang ang kaniyang paghanga dahil sa kaayusan at pagkakaisang nasaksihan niya kung kaya’t siya’y matamang nakinig sa buong programa. Nang magtagal ay humiling siya na siya’y aralan ng Bibliya at ngayon ay isa nang bautismadong kapatid.
Sa isang pagkakataon isang pansirkitong asamblea ang gaganapin noon sa El Tigre, isang siyudad sa timugang-silangang panig ng bansa. Yamang walang Assembly Hall sa siyudad na iyon, isang dako roon ang inupahan. Subalit, lingid sa kaalaman ng mga kapatid, isa palang karnabal ang gaganapin sa siyudad na iyon sa kaparehong mga petsa. Nang ang lokal na mga autoridad ay dumating upang magtayo ng isang gloryeta doon mismo sa lugar na pagdarausan ng asamblea, ang mga Saksi ay nakiusap sa mga tagapag-organisa ng karnabal upang ilipat nila sa ibang lugar ang gloryeta subalit hindi sila pinakinggan. Sinubok ang huling paraan, at isang Saksi ang nagsabi sa mga taong namamanihala: “Pakisuyong alamin ninyo na kayo ay lumalaban kay Jehova.” Nang marinig ito, isang lalaking namamanihala ang tumugon: “Oh, hindi, hindi ko ibig na makalaban si Jehova!” Ang idaraos na karnabal ay inilipat sa isang lugar na malayo sa pagdarausan ng pansirkitong asamblea.
Sa isa namang asamblea, ang asawa ng isang sister, isang propesyonal na pulitiko, ay naparoon upang manmanan kung siya’y nakikipagtagpo sa kaninumang lalaki roon. Ganiyan na lang ang kaniyang pagtataka dahil sa uri ng mga pahayag na narinig niya roon. “Kung makapagsasalita lamang ako na kagaya ng lalaking iyon, ako’y talagang aasenso sa aking propesyon bilang pulitiko,” ang sabi niya sa kaniyang maybahay. Pagkatapos ng programa, siya’y lumapit sa isa sa mga elder at hiniling na ipakita sa kaniya kung paano niya mapasusulong ang kaniyang pagsasalita sa madla—at iyon lamang. “Huwag ninyong asahan na ako’y magbabahay-bahay dala ang isang portfolio,” ang sabi pa niya. Isang pag-aaral sa Bibliya ang sinimulan, at hindi nagtagal ang lalaking iyon ay nagbago ng kaniyang isip—ibig niyang magbahay-bahay dala ang isang portfolio at mangaral ng mabuting balita! Siya ay nagbitiw sa pulitika at nagpabautismo, at ngayon silang mag-anak ay nagtitiwala na kay Jehova.
Pagbubukas ng Daan Para sa Higit Pang Pagpapalawak
Sa isang pagdalaw ni L. A. Swingle, isang miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova, 63,580 ang nagkatipon sa Plaza Monumental bullring sa Valencia. Marami sa kanila ang magdamag na nagbiyahe ng bus. Lahat ng naroroon ay lubhang napatibay nang marinig ang sinabi sa kanila ni Brother Swingle: “Kayo ay hindi na isang munting sangay. Ngayon kayo ay isang katamtaman-ang-laking sangay. At sa nakikita ngayon, balang araw hindi na magtatagal at kayo ay mapapabilang sa mga nasa ‘100,000-mamamahayag na club’!”
Gumagawa ng mga plano upang mapalawak ang tanggapang sangay sa La Victoria upang mangalaga sa kamangha-manghang paglago. Oo, sa daming libu-libo, ang mga taga-Venezuela ay natututong magtiwala kay Jehova.
[Talababa]
a Tingnan ang Awake! ng Hunyo 22, 1967, pahina 21-3.
[Mapa/Larawan sa pahina 21]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
CARIBBEAN SEA
VENEZUELA
Maracaibo
ANDES MOUNTAINS
Campo Elias
Valencia
La Victoria
Caracas
El Tigre
COLOMBIA
BRAZIL
GUYANA
600 Km
400 mi
[Mga larawan sa pahina 24]
Panlabas at panloob na tanawin ng Cúa Assembly Hall