Pagharap sa Hamon ng Pinakamatandang Teritoryo sa Lupa
ANG kaharian ng langit ay malapit na.” Sa 370 tagapaghayag ng “mabuting balita” sa modernong Estado ng Israel, ang paghahayag ng mensaheng iyan ay may natatanging kahalagahan. Bakit? Sapagkat dito unang inihayag ni Jesu-Kristo ang mensahe ng Kaharian mga 2,000 taon na ang nakalipas. (Mateo 4:17; 24:14) Kaya naman ang Israel ang pinakamatandang teritoryo sa lupa na pinangangaralan ng mabuting balita.
Gayunman, sa pasimulang-pasimula lamang ay naging isang hamon ang teritoryong ito. Bagaman marami ang nagpakita ng interes sa mensahe ni Jesus, ang ilan ay higit pa riyan ang ginawa. (Juan 6:2, 66) Sa ngayon, ang hamon ay naroroon sa pagkakasarisari ng relihiyon, kultura, at makapulitikang paniniwala.
Sa isang panig, mayroong 2.2 milyong Arabo. Kabilang dito ang naturingang mga Kristiyano, aktibo o di-aktibong mga Muslim, mga miyembro ng pananampalatayang Druze, at nag-aangking mga ateyista. Sila ay may nagkakaiba-ibang mga panig sa pulitika, ang iba’y pabor sa pagtatatag ng isang malasariling estadong Palestinio sa West Bank at Gaza Strip.
Sa kabilang panig naman, nariyan ang 3.5 milyong Judiong Israelis, na baha-bahagi rin sa maraming paraan. Ang iba’y mga dayuhan na galing sa Morocco, Yemen, Iraq, at Syria. Ang iba naman ay galing sa Europa at Rusya. Ang iba pa ay galing sa India, sa Amerika, sa Etiopia, sa Timog Aprika, at sa iba pa. Sila’y namumuhay na mga bayan-bayanan na may sariling kultura at mga tradisyon at pambihirang interpretasyon ng Judaismo at kung papaanong susundin iyon.
Halimbawa, may isang punong rabbi para sa mga Judiong Ashkenazi (Europeo) at isa naman para sa mga Judiong Sephardic (sa Gitnang Silangan). Samantalang ang karamihan ay makikitaan ng matinding interes sa mga isyung pulitikal, mayroong lubhang relihiyosong mga Judio na hindi man lamang kumikilala sa pag-iral ng Estado ng Israel at sila’y tumatangging magbayad ng buwis. At nariyan din ang mga nakaligtas sa Holocaust, na marami sa kanila ang binabagabag pa rin ng kanilang nakalipas na pinagdaanan, bawat isa’y may kaniyang sariling nakababagbag-loob na karanasang ikinukuwento. Kapuna-puna rin, dumarami ang nag-aangking mga ateyista, na sumusunod sa sariling pilosopya. Ang tanging bumubuklod sa mga Judio ay ang pagkaligtas nila bilang isang bayan at isang pulitikal na bansa.
Ang Pagharap sa Hamon
Pagkatapos na mahinto nang mahigit na 1,800 taon, ang gawaing pangangaral ng Kaharian ay muling binuhay rito sa maliit na paraan noong 1913. Noon, isang kabataang lalaki na interesado sa Bibliya ang nagsimulang maghasik ng binhi ng Kaharian sa Ramallah, mga labing-anim na kilometro sa gawing hilaga ng Jerusalem. Mula roon ang mabuting balita ay lumaganap sa mga Arabo ng Beit-Jala at Haifa. Hindi nagtagal pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig II, dalawang Saksing sister na Judio ang muling nagsimula ng gawain sa lugar ng Tel Aviv/Jaffa. Sa kasalukuyan, may anim na kongregasyon at dalawang grupo ng mga Saksi ni Jehova na naglilingkod sa Haifa, Tel Aviv, Bethlehem, Ramallah, Lod, at sa lugar ng Beer-Sheba.
Tulad din noong 19 na siglong lumipas, ang ministeryo ng pagbabahay-bahay ay siya pa ring pinakaepektibong paraan upang matagpuan ang mga taong interesado sa mabuting balita. (Lucas 8:1; ihambing ang Gawa 5:42.) Sa katunayan, kung ihahambing sa mga ilang bansa, isang kaluguran ang magpatotoo rito sa ganitong paraan. Karaniwan, ang mga tao ay nag-uusyoso sa aming dalang balita at ang mga mamamahayag ng Kaharian ay inaanyayahan para magpaliwanag. Ang pag-uusyosong ito ay kalimitan humahantong sa pagpapasakamay ng ating mga magasin at iba pang mga literatura sa Bibliya. Malimit, ang gayong mga publikasyon ay pása-pása sa magkakapitbahay, hanggang sa ang iba’y matuto ng katotohanan sa Bibliya.
Gayunman, ang ganitong pagkamausisa ay kalimitang nagbabanta ng panganib sa marupok na binhi ng katotohanan sa puso ng mga baguhan. (Mateo 13:20, 21) Ang mga kapitbahay, kaibigan, at lalo na ang mga pinunong relihiyoso ay gumagawa ng lahat ng magagawa upang gipitin, libakin, takutin, at sa mga ilang kaso saktan yaong mga taong magpapakita ng interes sa balita ng Kaharian. Kaya naman, ang iba’y nawalan ng hanapbuhay, samantalang ang iba’y tuluyang itinakuwil ng kanilang mga kaibigan at pamilya. Yaong mga nananatiling matatag at nagiging mga Saksi ni Jehova ay kailangang magtiis ng sumisilakbong pananalansang.—Ihambing ang Juan 9:22.
Ang pananalansang ay dumarating sa mga iba pang paraan. Ang mga Saksing Judio ay inatake ng mga mang-uumog. Ang tanggapang sangay at Kingdom Hall sa Tel Aviv at ang Kingdom Hall sa Haifa ay siyang inaasinta ng mga manununog. Ngayon ang kapuwa mga Saksing Arabo at Judio ay lubhang ginigipit upang tumangkilik sa anumang panig sa pulitikal na alitan tungkol sa pagtatatag ng isang estadong Palestinio. Ang mga kapatid ay nananatiling neutral sa ganiyang mga alitan, kaya mataktikang ipinaliliwanag nila na walang pamahalaan ng tao ang makalulutas sa mga suliranin ng nahihirapang sangkatauhan. Sa halip, sa pagtulad sa kanilang Lider, na si Jesu-Kristo, ang Kaharian ng Diyos ang itinuturo ng mga Saksi bilang ang tanging lunas.—Juan 17:16; 18:36.
Ang Bunga ng Pangangaral ng Kaharian
Sa kabila ng hamon na inihaharap ng pinakamatandang teritoryong ito, yaong mga taong “nakikinig ng salita at umuunawa niyaon” ay nagsisibol ng bunga ng Kaharian sa bukid na ito. (Mateo 13:23) “Mayroong mga taong nauuhaw sa katotohanan, mga mangingibig sa katuwiran na literal na humahanap nito,” ayon sa pagmamasid ng isang may karanasang buong-panahong ministro. “Sila’y hindi naiimpluwensiyahan ng mga opinyon o mga panggigipit ng iba. Pagka dumating ang pagkakataong matuto ng katotohanan, kanilang sinusunggaban agad ito.” Maraming karanasan ang nagpapatunay nito.
Si Benvenida ay lumaki sa isang kumbento sa Gresya, at nabagbag na mabuti ang damdamin sa sinasabi ng Bibliya tungkol sa “anyo ng pagsamba na malinis at walang bahid-dungis,” samakatuwid nga, “tulungan ang mga ulila at mga babaing balo sa kanilang kapighatian, at ingatan ang sarili mo na manatiling walang bahid ng sanlibutan.” (Santiago 1:27) Bilang isang kabataang babaing Judio, “sunud-sunod na kasawian” ang kaniyang dinanas, ayon sa kaniyang pagkasabi. Tiniis niya ang kahirapan ng pananakop ng mga Nazi, at ng isang giyera sibil, na kung saan namatay ang kaniyang asawa. Subalit ang kaniyang pag-asang makasumpong ng tapat-puso at di-mapagpaimbabaw na mga tao ay hindi naglaho.
Si Benvenida ay lumipat sa Israel noong 1949, at naging isang komadrona hanggang sa kaniyang pagretiro noong 1974. “Sa loob ng panahong iyan,” aniya, “patuloy na itinatanong ko sa aking sarili: ‘Nasaan ba yaong mabubuti at tapat-pusong mga tao na binabanggit ng Bibliya? Nasaan ang katarungan sa daigdig na ito?’” Siya’y umanib sa Judaismo, nagsimba sa isang sinagoga at nangilin ng Sabbath at mga kapistahan. Subalit ang mga pagtsitsismisan at pagtataltalan ng mga miyembro ng kaniyang lokal na kongregasyon ang humila upang siya’y lalong magutom sa paghahanap ng “anyo ng pagsamba na malinis at walang bahid-dungis.”
Sa wakas, noong 1985, sa isa sa taunang pagdalaw ni Benvenida sa isang bakasyunan sa Gresya, isang babaing Saksi na bakasyunista at pasyente roon ang nakipag-usap sa kaniya. Nagkaroon sila ng mahabang pagpapaliwanagan. Nang gabing iyon unang dumalo si Benvenida sa pulong sa lokal na Kingdom Hall at lubhang humanga sa kainitan ng damdamin at kataimtiman ng mga kapatid.
Si Benvenida ay nagpatuloy sa kaniyang pakikipag-aral nang siya’y bumalik sa Israel, at makalipas ang isang taon at kalahati, siya’y nabautismuhan bilang sagisag ng kaniyang pag-aalay sa Diyos ng katotohanan, si Jehova. “Sa wakas,” aniya, “pagkaraan ng lahat ng mga taóng ito at sa edad na 70, natagpuan ko rin ang mababang-loob at mapagpakumbabang mga tao na binabanggit ng Bibliya, yaong mga tumatrato sa akin na gaya ng isang tao. Ngayon, sa bawat araw na ako’y nabubuhay ay isang araw iyon ng kagalakan at layunin!”
Si Moshe ay isa pang humahanap ng katotohanan at naghihintay na kaniyang ‘marinig ang tinig ng mabuting pastol.’ (Ihambing ang Juan 10:14-16.) Bagaman si Moshe ay laging mahilig sa Kasulatan, sa isang kopya ng “Bagong Tipan” na itatapon na lamang ng kaniyang kapatid natutuhan niya ang tungkol kay Jesu-Kristo, at lubhang naantig ang kaniyang damdamin. Makalipas ang ilang panahon, si Moshe ay nakisama sa isang kamanggagawang babae sa pakikipag-aral ng Bibliya sa isang Saksi at dumalo sa isang pahayag ng isang dumadalaw na tagapagsalita. “Ito nga ang sa tuwina’y ibig kong marinig!” ang bulalas niya pagkatapos ng dinaluhan niyang unang pulong na iyon.
Pagkatapos mapagtagumpayan ang unang-unang balakid, mabilis ang pagsulong ni Moshe. Hindi lumipas ang anim na buwan at siya’y nabautismuhan. Gayunman, sa kaniyang pagsulong ay sinalansang siya ng kaniyang pamilya, lalo na ng kaniyang maybahay. Ito’y umabot sa sukdulan nang siya, bilang ang panganay na anak sa pamilya, ay tumangging sumali sa seremonyal na pagdarasal sa libing ng kaniyang ama. Isa pa, ang mga kaibigan at mga kamag-anak ay nag-udyok sa kaniyang maybahay na ito’y ‘kumilos kaagad’ bago ang lahat ng kaniyang ari-arian ay mailipat [ni Moshe] sa pangalan ng kongregasyon. “Pinawi ko ang kaniyang pangamba sa pamamagitan ng pagmumungkahi na ang apartment ay ilagay sa kaniyang pangalan,” ang sabi ni Moshe. At sa pamamagitan ng wastong pag-iiskedyul ng kaniyang panahon, kaniyang napanatiling timbang ang pag-aasikaso niya sa kaniyang pamilya at ang mga responsabilidad niya sa kongregasyon.
Gayunman, hindi lahat ng kamag-anak ay sumasalansang sa katotohanan. Ang natutuhan ni Nehai sa Bibliya ay kaniyang ibinahagi sa kaniyang asawang lalaki, si Hanna, na noon ay masigasig na kalahok sa pulitika. Hindi nagluwat, natalos nilang dalawa na ang Kaharian ng Diyos ang tanging pag-asa para sa naaaping mga tao. Kaya’t sila’y naging nag-alay na mga lingkod ni Jehova at nagsimulang magpatotoo sa mga pamilyang Arabo sa Haifa at sa nakapalibot na mga bayan. At lalo na silang nagpatotoo sa gitna ng kanilang sariling pinalawak na pamilya, mga 252 katao lahat-lahat.
Ito ba’y naging isang hamon? Oo, sapagkat bukod sa pagbibiyahe ng isang oras at kalahati patungo sa mga bayang Arabo upang dumalaw-muli, malaking pagtitiyaga at pagtitiis ang kinakailangan. “Kung minsan ang iba’t iba’y magsasabi sa iyo na hindi na nila ibig makarinig pa ng balita. Pagka nagkagayon, kailangang huminto ka na ng pagsasalita. Pagkatapos, baka mataktikang puwede mong balikan uli ang paksa. Ito’y para na ring sinipa ka pagka ikaw ay naroon sa pintuan sa harap at pagkatapos ay aakyat ka sa bintana para makabalik,” ang sabi ni Hanna. Lahat ng ito ay sulit. Hanggang sa kasalukuyan, 24 ng kaniyang 36 na malalapit na kamag-anak ang nagpahayag ng dibdibang interes sa Kasulatan at 13 sa kanila ang nakikipag-aral ng Bibliya kay Hanna o sa mga ibang Saksi. Hanggang sa araw na ito, lima sa kaniyang malalapit na kamag-anak pati na ang kaniyang sariling mga anak ang nag-alay ng kanilang buhay kay Jehova, at tatlo pa ang sumusulong patungo sa bagay na iyan.
Mga Bagong Tugatog sa Pinakamatandang Teritoryo
Nakagagalak na mga karanasang tulad nito ang dumarami rito sa Israel, at ang posibilidad ng paglago ay lubhang nakapagpapatibay-loob. Noong 1988 ang bilang ng mga tagapagbalita ng Kaharian ay umabot sa tugatog na 370. Ang katamtamang bilang ng mga pag-aaral sa Bibliya na idinaraos bawat buwan sa tahanan ng mga interesado ay sumulong mula sa 89 noong 1979 hanggang sa 301 noong 1988—isang 240-porsiyentong pagsulong!
Lahat ng ito ay nagdudulot ng malaking kagalakan sa mga Saksi ni Jehova sa sinaunang lupaing ito. Aming inaasam-asam ang lalong dakilang mga pagpapala buhat sa ating Diyos, si Jehova, habang kami’y nagpapatuloy sa paggawa ng mga alagad sa pinakamatandang teritoryo sa lupa.
[Mga larawan sa pahina 26, 27]
Sa itaas: Garden Tomb, Jerusalem
Sa kabila: Mga eksena sa palengke at sa lansangan sa Israel
Sa ibaba: Tanggapang sangay sa Tel Aviv