Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w89 9/15 p. 10-15
  • Matatanda—Ingatan ang Ipinagkatiwala sa Inyo

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Matatanda—Ingatan ang Ipinagkatiwala sa Inyo
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Bakit Ipinagkatiwala sa Iyo?
  • Kung Papaano Maiingatan ang Ipinagkatiwala sa Iyo
  • Iwasan ang mga Silo
  • “Asikasuhin Ninyo ang Inyong Sarili”
  • Kagalakan ang Bunga ng Pag-iingat ng Ipinagkatiwala sa Iyo
  • Mga Pastol, Tularan ang Pinakadakilang mga Pastol
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2013
  • Maging Masunurin sa mga Nangunguna
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
  • May Kakayahan Ka ba sa Paglilingkod?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
  • Ama at Matanda—Tinutupad ang Dalawang Tungkulin
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
w89 9/15 p. 10-15

Matatanda​—Ingatan ang Ipinagkatiwala sa Inyo

“Asikasuhin ninyo ang inyong sarili at ang buong kawan, na sa kanila’y hinirang kayo ng banal na espiritu na mga tagapangasiwa, upang magpastol sa kongregasyon ng Diyos, na binili niya ng dugo ng kaniyang sariling Anak.”​—GAWA 20:28.

1. Ano ang kabilang sa mga bagay na ipinagkatiwala sa Kristiyano?

ANG Diyos na Jehova ay nagkaloob sa mga nasa kaniyang makalupang organisasyon ng isang kahanga-hangang bagay na ipinagkatiwala. Subalit ano ba ang isang ipinagkatiwala? Iyon ay isang bagay na mahalaga na inihabilin sa isang tao na kailangang magbigay-sulit. Kabilang sa ipinagkatiwala sa Kristiyano “ang uliran ng magagaling na salita,” ang katotohanan na ipinagkakaloob sa pamamagitan ng Kasulatan at ipinamamahagi ng “tapat at maingat na alipin” bilang “pagkain sa tamang panahon.” (2 Timoteo 1:13, 14; Mateo 24:45-47) Kabilang sa ipinagkatiwalang ito ang ministeryo na may kinalaman sa katotohanan, na kailangang ipangaral sa loob at sa labas ng kongregasyon. (2 Timoteo 4:1-5) Ang mga tagapagbalita ng Kaharian, kasali na ang hinirang-ng-espiritung matatanda, ay dapat magpahalaga sa ipinagkatiwalang ito bilang may pinakamataas na balor.

2. Ano ang karagdagang ipinagkatiwala sa matatanda, at ano ang sinabi ni Pedro tungkol doon?

2 Sa Kristiyanong matatanda ay may karagdagang ipinagkatiwala​—ang pananagutan ng pagpapastol sa kawan ng Diyos. Sa bagay na ito, si apostol Pedro ay sumulat: “Sa nakatatandang mga lalaki sa inyo’y nagpapayo ako, sapagkat ako’y isang nakatatandang lalaki rin naman na katulad nila at isang saksi ng mga hirap ng Kristo, isang may bahagi rin sa kaluwalhatian na ihahayag: Magpastol kayo sa kawan ng Diyos na inyong pinangangalagaan, hindi na parang sapilitan, kundi nang may pagkukusa; ni dahil man sa pag-ibig sa masakim na pakinabang, kundi nang may pananabik; di gaya ng kayo’y mga panginoon ng mga tagapagmana ng Diyos, kundi maging mga halimbawa kayo sa kawan. At pagka nahayag na ang pangulong pastol, kayo’y tatanggap ng di-lumilipas na korona ng kaluwalhatian.”​—1 Pedro 5:1-4.

3. Ang Kristiyanong matatanda ay kailangang pagmulan ng ano?

3 Ang Kristiyanong matatanda ay “kailangang gaya ng isang kublihang dako buhat sa hangin at isang dakong kanlungan buhat sa bagyo, gaya ng mga ilog ng tubig sa lupaing salat sa tubig, gaya ng lilim ng isang malaking batuhan sa isang nakapapagod na lupain.” (Isaias 32:1, 2) Ito’y nangangahulugan na ang matatanda ay dapat pagmulan ng katiwasayan, kapayapaan, at katatagan sa kawan ng tulad-tupang mga lingkod ng Diyos. “Higit pa sa karaniwan” ang kailangang ipakita ng matatanda, o mga katulong na pastol, ng kawan sapagkat sila’y “pinagkatiwalaan ng marami.” (Lucas 12:48) At tiyak na sila’y pinagkatiwalaan ng isang bagay na mahalaga na kailangang pakaingatan.

Bakit Ipinagkatiwala sa Iyo?

4. Bakit napakaraming matatanda ang kinakailangan?

4 Dahil sa may mahigit na 60,000 mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig kung kaya kailangan ang maraming libu-libong kuwalipikado sa espirituwalidad na mga lalaki upang mag-asikaso sa kawan ng Diyos. May maraming matatanda sa bawat bansa, at ito’y isang dahilan ng kagalakan. Sa buong daigdig ay may katamtamang bilang na humigit-kumulang 60 mga tagapagbalita ng Kaharian sa bawat kongregasyon. Samakatuwid, malaki ang gawaing dapat gawin ng matatanda.​—1 Corinto 15:58.

5. Sa ano isinasalig ang pribilehiyo ng paglilingkod bilang isang matanda na ibinibigay sa isang lalaki?

5 Kung ikaw ay isang matanda, bakit ang pinagpalang pribilehiyong ito ay ibinigay sa iyo? Sapagkat ikaw ay nakagawa ng ilang mga bagay-bagay, at ikaw ay may espirituwal na mga kuwalipikasyon. Halimbawa, ikaw ay tiyak na masigasig sa pag-aaral ng Salita ng Diyos. (Josue 1:7, 8) Tiyak na ikaw ay masugid na nakibahagi sa ministeryo sa larangan, at tumulong din sa iba upang maging mga tagapagbalita ng Kaharian. Ikaw ay “sinubok muna kung karapat-dapat,” at pagkatapos ay naglingkod ka nang may katapatan bilang isang ministeryal na lingkod. Ikaw ay ‘nagsisikap,’ o nagsusumakit na maging kuwalipikado, upang maging isang matanda, sa pagkaalam mo na ang pagiging tagapangasiwa ay “isang mabuting gawain.” (1 Timoteo 3:1, 10) Tulad ni Timoteo, ikaw ay “may mabuting patotoo ng mga kapatid.” (Gawa 16:2) Nang irekumenda ka bilang isang matanda, malamang na ikaw ay nasa mga huling taon ng iyong ika-20 taóng gulang o mas matanda pa at may karanasan na sa buhay. Ang kongregasyon ay may paggalang sa iyo dahil sa ikaw ay isang maygulang sa espirituwal, madaling lapitan na kapatid na nakapagbibigay ng epektibong payo buhat sa Kasulatan at mapagkakatiwalaan ng mga bagay na dapat ilihim.​—Kawikaan 25:9, 10.

Kung Papaano Maiingatan ang Ipinagkatiwala sa Iyo

6, 7. Ang 1 Timoteo 4:13-15 ay nagbibigay ng anong payo upang tulungan ang isang tao na ingatan ang ipinagkatiwala sa kaniya bilang isang matanda?

6 Oo, kung ikaw ay isang matanda, may matatag na mga dahilan kung bakit ikaw ay pinagkatiwalaan na mangasiwa bilang isang Kristiyano. At anong laking pribilehiyo ang nadama mo! Subalit papaano mo maiingatan ang ipinagkatiwala sa iyo?

7 Ang isang paraan upang maingatan ang ipinagkatiwala sa iyo bilang isang matanda ay ang maging positibo at masigasig sa pag-aasikaso ng iyong mga tungkulin. Lahat tayo ay inatasan ng mga gawain na may sarisaring pananagutan sa organisasyon ni Jehova. Kung gayon, manatili ka sa iyong dako, at maging kontento nang ‘gumawi na gaya ng isang nakabababa.’ (Lucas 9:46-48; ihambing ang Hukom 7:21.) Mahalin mo ang iyong mga pribilehiyo, at huwag kang ‘gagawa na taglay ang kamay ng katamaran.’ (Kawikaan 10:4) Huwag basta tatayo ka na lamang nang pirme, kundi sa tulong ni Jehova, gumawa ka ng pagsulong sa lahat ng pitak ng ministeryo. Oo, sundin ang payong ito na ibinigay ni Pablo kay Timoteo: “Patuloy na gawin mo ang pangmadlang pagbabasa, pagbibigay ng pangaral, pagtuturo. Huwag mong pabayaan ang kaloob na nasa iyo na ibinigay sa iyo sa pamamagitan ng hula at nang ipatong sa iyo ng lupon ng nakatatandang mga lalaki ang kanilang mga kamay. Bulay-bulayin mo ang mga bagay na ito; tumalaga kang lubos sa mga ito, upang ang iyong pagsulong ay mahalata ng lahat ng tao.”​—1 Timoteo 4:13-15.

8. Ano ang tutulong sa isang matanda upang magbigay ng mabuting payo at magkaloob ng kaalaman na makapagpapasulong ng espirituwalidad sa mga pulong?

8 Tiyakin mo na ikaw ay may isang mabuti, mabungang iskedyul ng personal na pag-aaral. Bilang isang matanda, matuwid naman na ikaw ay asahang magbibigay ng mabuting payo buhat sa Kasulatan. Upang masangkapan ka para sa ganitong pananagutan, iyo bang nabasa na ang buong Bibliya kasabay ng pagbubulay-bulay, marahil maraming ulit na? (Kawikaan 15:28) Kumusta naman ang mga iniatas sa iyo na pahayag buhat sa plataporma? Ang mga ito ay ihanda mong mabuti, manalangin ka at hilinging tulungan ka ni Jehova upang ikaw ay makapagkaloob ng kaalaman na makapagpapasulong ng espirituwalidad ng mga dumadalo sa ating mga pulong. Ang matatanda lalung-lalo na ang dapat ‘magsalita ng mabuti ukol sa ikatitibay, upang maging kapaki-pakinabang sa mga tagapakinig.’​—Efeso 4:29; Roma 1:11.

9. Sang-ayon sa 2 Timoteo 4:2, ano ang kailangang gawin ng isang matanda?

9 Bilang isang matanda, pakinggan ang payo ni Pablo: “Ipangaral mo ang salita, gawin mo ito nang apurahan sa kaaya-ayang panahon, sa maligalig na panahon, sumaway ka, magbigay ka ng pangaral, magpayo ka, nang may buong pagbabata at sining ng pagtuturo.” (2 Timoteo 4:2) Si Pablo ay nababahala noon tungkol sa apostasya sapagkat mayroong ilan sa mga nasa kongregasyon na ‘nakikipagtalo tungkol sa mga salita,’ nahihilig sa ‘walang kabuluhang mga pagtatanong,’ at ‘hindi nahihilig na pumanig sa katotohanan.’ (2 Timoteo 2:14-18, 23-25; 3:8-13; 4:3, 4) Gayunman, dumaranas man ang kongregasyon ng isang maligalig o isang kaaya-ayang panahon, si Timoteo ay kailangang ‘mangaral ng salita.’ Ito’y magpapalakas sa mga kapananampalataya upang lumaban sa apostasya. Sa katulad na paraan din sa ngayon, ang matatanda ay kailangang mangaral ng mabisang Salita, o mensahe, ng Diyos, na nakararating sa puso at nakapagpapatibay-loob upang kumapit sa mga pamantayan ni Jehova.​—Hebreo 4:12.

10. Bakit ang isang matanda ay dapat na regular na gumagawa sa ministeryo sa larangan kasama ang mga miyembro ng kaniyang pamilya at mga iba pa?

10 Upang makapangusap nang may autoridad, ang isang matanda ay kailangang mamuhay na kasuwato ng Salita ng Diyos. Subalit hindi niya lubusang iniingatan ang ipinagkatiwala sa kaniya kung siya’y ‘nangangaral ng salita’ doon lamang sa plataporma sa loob ng kongregasyon. Sa konteksto ring iyan ay pinayuhan ni Pablo si Timoteo: “Gawin mo ang gawa ng isang ebanghelisador.” Upang ‘lubusang maganap mo ang iyong ministeryo’ bilang isang matanda, kailangang ipangaral mo ang Salita ng Diyos “sa madla at sa bahay-bahay.” (2 Timoteo 4:5; Gawa 20:20, 21) Samakatuwid, gumawa ka sa ministeryo sa larangan kasama ang mga miyembro ng iyong pamilya. Ito’y maaaring makapagpatibay sa espirituwal na buklod sa pagitan mo at ng iyong asawang babae at malaki ang pakikinabangin ng iyong mga anak. Gumugol ka rin naman ng panahon sa pakikibahagi sa gawaing pangangaral kasama ng mga iba pang miyembro ng kongregasyon. Ito’y nagpapatibay sa espirituwal na buklod at lalong nagpapatindi sa pag-iibigang pangmagkakapatid. (Juan 13:34, 35) Mangyari pa, ang isang matanda ay kailangang magsikap na maging timbang sa mahalagang panahon na hinahati niya upang gamitin ang isang bahagi sa kaniyang pamilya at ang isang bahagi ay gamitin naman para sa kongregasyon. Sa pamamagitan ng paggamit ng matalinong unawa ay maiiwasan niya ang paggamit ng napakalaking panahon sa isa, samantalang pinababayaan naman at pinipinsala yaong isa.

11. Bakit ang isang matanda ay dapat magpagal upang mapasulong ang kaniyang kakayahan bilang isang tagapagturo?

11 Upang maingatan ang ipinagkatiwala sa iyo bilang isang matanda, ikaw ay magpagal din upang mapasulong ang iyong kakayahan bilang isang tagapagturo. “Ang nagtuturo, asikasuhin niya ang kaniyang pagtuturo,” ang sabi ni Pablo, “o ang nagbibigay ng pangaral, asikasuhin niya ang kaniyang pagbibigay-pangaral.” (Roma 12:7, 8) Yamang ang isang tagapagturo ay nakatindig sa harap ng iba bilang isang instruktor, sila’y may karapatan na umasang malaki ang matututuhan nila sa kaniya. Kung ang isang matanda ay magkakamali nang malaki sa kaniyang pagtuturo at ito’y lilikha ng mga suliranin sa kaniyang mga kapananampalataya, siya’y nakahanay na hatulan ng Diyos. Oo, ang mga tagapagturo “ay tatanggap ng lalong mabigat na hatol.” (Santiago 3:1, 2; Mateo 12:36, 37) Kaya ang mga matatanda ay kailangang maging seryosong mga estudyante ng Salita ng Diyos at ikapit nila iyon sa buhay. Kung magkagayon, ang kanilang maka-Kasulatang turo, na pinatutunayan ng pagkakapit niyaon sa kanilang buhay, ay lubhang pahahalagahan ng mga kapananampalataya. Iyon ay magsasanggalang din sa kongregasyon buhat sa masasamang impluwensiya, kasali na ang apostasya.

Iwasan ang mga Silo

12. Anong payo na minsan ay inilathala sa magasing ito ang tutulong sa isang matanda upang maiwasan ang maling paggamit sa dila?

12 Ingatan, din naman, ang ipinagkatiwala sa iyo bilang isang matanda sa pamamagitan ng pag-iwas sa mga silo. Isa na rito ay ang maling paggamit sa dila bilang isang tagapagturo. Ang pangangailangan na magpakaingat sa bagay na ito ay matagal nang idiniriin ng organisasyon ni Jehova. Halimbawa, sa labas nito ng Mayo 15, 1897, tinalakay ng magasing ito ang Santiago 3:1-13 at nagsabi lalung-lalo na tungkol sa matatanda: “Kung sila’y may matatas na dila baka ito’y maging isang alulod para sa maraming pagpapala, na nakahihikayat sa marami na pumanig sa Panginoon, sa katotohanan at sa landas ng katuwiran; o, sa kabilang dako, kung nakahilig sa kasamaan, ang dila ay makagagawa ng halos di-masasabing laki ng kapinsalaan​—pinsala sa pananampalataya, sa moral, sa mabubuting gawa. Totoo naman, na sinumang gumagamit ng kaloob na pagtuturo ay naglalagay sa kaniyang sarili ng karagdagang pananagutan sa paningin ng Diyos at mga tao. . . . Sinuman na magsisilbing isang bukal na mula roo’y manggagaling ang banal na Salita, na nagdadala ng pagpapala at kaginhawahan at lakas, ay dapat mag-ingat upang ang mapapait na tubig, sinungaling na mga turo na magdudulot ng sumpa, ng isang kapinsalaan​—na lalapastangan sa Diyos at magpapasamâ sa kaniyang Salita​—ay di-dapat magsilbing isang alulod ng pagsasalita. Sa pagpili ng mga mangunguna sa mga pulong ang kuwalipikasyon na may kaugnayan sa ‘dila,’ gaya ng tinutukoy dito, ay di-dapat kaligtaan. Ang maapoy ang dila ay di-dapat hirangin, kundi yaong higit na maamo, mahinahon, na ‘nakapipigil’ ng kanilang dila at nagsusumikap na magpakaingat na ‘magsalita ng mga orakulo ng Diyos’ lamang.” Gaanong kahalaga nga na gamitin ng isang matanda ang kaniyang dila sa tamang paraan!

13. Ang matatanda ay kailangang gumamit ng anong pag-iingat tungkol sa paglilibang?

13 Ang labis na paglilibang ay isa ring silo na dapat iwasan. Ang paglilibang ay dapat makarepresko at makapagpatibay, hindi makahapo at makagambala sa isang Kristiyano. Isa pa, ang mga tagapangasiwa ay kailangang maging “makatuwiran sa pag-uugali.” (1 Timoteo 3:2) Kung ang pagkamakatuwiran ang umuugit sa iyo sa iyong paglilibang, ikaw at ang iyong pamilya ay iingatan nito at magsisilbing isang mainam na halimbawa para sa kongregasyon. Ikaw ay hindi magsisilbing isang halimbawa kung, kadalasan, ikaw ay umaalis para maglibang kung mga dulo ng sanlinggo samantalang ang iyong mga kapananampalataya ay masigasig na naglilingkod sa ministeryo sa larangan. Ang mabuting balita ay kailangang maipangaral, at ang matatanda ang dapat na manguna sa gawaing ito bilang masusugid na mga tagapagbalita ng Kaharian.​—Marcos 13:10; Tito 2:14.

14. (a) Anong maka-Kasulatang mga halimbawa ang nagdiriin sa pangangailangan na ang matatanda ay mag-ingat laban sa imoralidad sa sekso? (b) Di-dapat ipagwalang-bahala ng matatanda ang anong paulit-ulit na payo tungkol sa pagtulong sa mga babaing kapananampalataya?

14 Ang imoralidad sa sekso ay isa pang silo na dapat iwasan. Ang pagguho ng moral ng sanlibutan ay maaaring makaimpluwensiya kahit na sa isang matanda kung siya’y hindi lalaban sa mga tukso na ginagamit ni Satanas sa kaniyang pagsisikap na sirain ang integridad ng bayan ng Diyos. (Ihambing ang Mateo 4:1-11; 6:9, 13.) Tandaan na ang propetang si Balaam, na nabigo sa kaniyang pagtatangkang sumpain ang mga Israelita, ay nangatuwiran na sila’y susumpain ni Jehova mismo kung sila’y mahihikayat na mapabuyo sa pagsamba sa sekso. Kaya’t tinuruan ni Balaam ang Moabitang Haring si Balak na “maglagay ng katitisuran sa harap ng mga anak ni Israel, kumain ng mga bagay na inihain sa mga idolo at gumawa ng pakikiapid.” Kanila bang iniwasan ang silong iyon? Hindi, sapagkat 24,000 mga Israelita ang namatay sa salot na nanggaling kay Jehova sapagkat sila’y gumawa ng imoral na pakikipagtalik sa mga babaing Moabita at yumukod sa kanilang mga diyos. (Apocalipsis 2:14; Bilang 25:1-9) Tandaan, din naman, na kahit na si David, ‘isang taong kalugud-lugod sa puso ng Diyos,’ ay natisod sa silo ng imoralidad sa sekso. (1 Samuel 13:14; 2 Samuel 11:2-4) Bilang isang matanda, kung gayon, pakinggan ang paulit-ulit na payo ng “tapat na katiwala” na huwag tutulong sa isang babaing kapananampalataya kung kayo lamang dalawa ang magkasama kundi magsama ka ng isa pang matanda pagka inaasikaso mo ang pananagutang ito.​—Lucas 12:42.

15. Papaanong ang isang matanda ay matutulungan ng kaniyang pamilya upang makaiwas sa silo ng materyalismo?

15 Ang materyalismo ay isa pang silo na dapat iwasan ng isang matanda. Makontento ka na sa mga pangangailangan sa buhay, sa pagkaalam na gagawa si Jehova ng sapat na paglalaan. (Mateo 6:25-33; Hebreo 13:5) Sanayin ang iyong pamilya na magtipid, sapagkat ang pag-aaksaya ay magnanakaw ng panahon at ng mga bagay na magagamit upang matulungan ang pamilya, at gayundin upang makalahok sa ministeryo sa larangan, mapalakas ang kongregasyon, at maitaguyod ang mga kapakanang pang-Kaharian. Ang isang matanda ay nakikinabang sa kaniyang pamilya sa pakikipagtulungan tungkol sa bagay na ito at siya’y napasasalamat sa hindi nila pagpupumilit na siya’y gumasta para sa mga bagay na hindi naman aktuwal na kinakailangan. Sa katunayan, “maigi ang kaunti na may pagkatakot kay Jehova kaysa malaking kayamanan na may kabagabagan.”​—Kawikaan 15:16.

“Asikasuhin Ninyo ang Inyong Sarili”

16. Anong payo ang ibinigay ni Pablo sa mga tagapangasiwa ng Efeso?

16 Kung ibig ng matatanda na ingatan ang ipinagkatiwala sa kanila, kailangang ikapit nila ang payo ni Pablo sa mga tagapangasiwa ng Efeso. Sinabi niya sa kanila: “Asikasuhin ninyo ang inyong sarili at ang buong kawan, na sa kanila’y hinirang kayo ng banal na espiritu na mga tagapangasiwa, upang magpastol sa kongregasyon ng Diyos, na binili niya ng dugo ng kaniyang sariling Anak. Talastas ko na pagkaalis ko ay magsisipasok sa inyo ang ganid na mga lobo at hindi nila pakikitunguhan nang may kabaitan ang kawan, at sa mga kasamahan din ninyo lilitaw ang mga taong magsasalita ng mga likong bagay upang makaakit ng mga alagad. Kaya nga kayo’y mangagpuyat, at alalahanin na sa loob ng tatlong taon ay hindi ako naglikat sa gabi at araw ng paalaala sa bawat isa nang may pagluha.”​—Gawa 20:28-31.

17, 18. Anong payo na inilathala sa magasing ito mga 80 taon na ngayon ang lumipas ang kumakapit pa rin sa mga Kristiyanong matatanda?

17 Mahigit na 80 taon na ngayon ang lumipas, sinipi ng The Watch Tower (Marso 1, 1909) ang sumusunod na payo ni Pablo sa mga kapuwa matatanda at nagkumento: “Ang Matatanda saan mang dako ay kailangang magbigay ng pantanging pansin; sapagkat sa bawat pagsubok ang may pinakamalaking biyaya at pinakaprominente ang dumaraan sa pinakamahigpit na mga karanasan at kagipitan. Kaya naman ang payo [ni Santiago] ay, ‘Huwag maging guro ang marami sa inyo, mga kapatid, yamang nalalamang ang isang tao’y tatanggap ng lalong mabigat na hatol.’ Kami, sa katulad na paraan, ay nagpapayo sa lahat ng Matatanda na ang puso’y malinis, walang-imbot, na sila’y walang anuman kundi pag-ibig at mabubuting hangarin para sa lahat ng tao, at na sila’y higit at higit na mapunô ng mga bunga at mga biyaya ng banal na Espiritu, na nagbabantay rin sa kawan. Tandaan, na ang kawan ay sa Panginoon at na kayo’y may pananagutan sa Panginoon, at gayundin sa kanila. Alalahanin, na kayo ay magbabantay ng kanilang mga kaluluwa (mga kapakanan) na tulad sa mga magbibigay-sulit sa Dakilang Punong Pastol. Tandaan, na ang pangunahing bagay ay Pag-ibig, sa lahat; at, samantalang hindi pinababayaan ang mga doktrina, magbigay ng pantanging pansin sa pag-unlad ng Espiritu ng Panginoon sa gitna ng iba’t ibang miyembro ng kaniyang Katawan, upang sa ganoon sila ay ‘makatugon sa mana ng mga banal sa liwanag,’ at, ayon sa Banal na kalooban, huwag mangyari na sila’y matisod sa masamang araw na ito, kundi, pagkatapos magawa ang lahat, manindigang ganap sa Kristo, sa kaniyang Katawan, sa kaniyang mga Miyembro, sa kaniyang Kasamang-mga-Tagapagsakripisyo, sa kaniyang mga Kasamang-Tagapagmana.”

18 Ang mga salitang iyon ay idinirekta sa pinahiran-ng-espiritung matatanda at mga magkakapananampalataya kasuwato ng pagkaunawa at mga kalagayan ng organisasyon ni Jehova noong maagang mga araw na iyon. Gayunman, anong inam na kumakapit sa ngayon ang ganiyang payo! Maging makalangit man o makalupa ang kanilang mga pag-asa, ang Kristiyanong matatanda ay kailangang magbigay-pansin sa kanilang sarili, magbantay ng mga ipinagkatiwala sa kanila, at mapagmahal na asikasuhin ang mga kapakanan ng kawan ng Diyos.

Kagalakan ang Bunga ng Pag-iingat ng Ipinagkatiwala sa Iyo

19, 20. Bakit masasabing kagalakan ang bunga pagka iniingatan ng matatanda ang mga ipinagkatiwala sa kanila?

19 Kaligayahan​—sa katunayan, taus-pusong kagalakan​—ang bunga ng pag-iingat ng ipinagkatiwala sa iyo bilang isang Kristiyanong matanda. May kaluguran sa mahusay na pagganap sa isang mahalagang pananagutan. Kaya’t maging napakaingat, mahilig sa pananalangin, masikap. Pakaingatan ang ipinagkatiwala sa iyo bilang isang matanda at asam-asamin ang panahon na masasabi mo ang gaya ng sinabi ng taong may tintero ng kalihim: “Ginawa ko na gaya ng iniutos mo sa akin.”​—Ezekiel 9:3, 4, 11.

20 Oo, gumawa ka nang may katapatan bilang isang matanda upang masabi tungkol sa iyo ang gaya ng sinabi tungkol kay Noe: “Ganung-ganoon ang ginawa niya.” (Genesis 6:22) Buhat sa gayong masikap na paglilingkod, ang kongregasyon ay nakikinabang sa maraming paraan. Ang higit sa lahat, si Jehova ay napararangalan sa pamamagitan ng malalakas, aktibong mga kongregasyon na pinaglilingkuran ng tapat na matatanda na nag-iingat ng mga ipinagkatiwala sa kanila. Subalit higit pa ang kailangan kung, sa katunayan, ikaw ay pagsasabihan: “Napakainam ang nagawa mo, ikaw na mabuting alipin!” (Lucas 19:17) Bilang isang matanda, kailangan ding pakitunguhan mo nang malumanay ang kawan ng Diyos.

Ano ba ang Masasabi Mo?

◻ Ano pa ang karagdagang ipinagkatiwala sa mga Kristiyanong matatanda?

◻ Ang isang matanda ay makagagawa ng anong positibong mga hakbang upang maingatan ang ipinagkatiwala sa kaniya?

◻ Upang maingatan ang ipinagkatiwala sa kaniya, anong mga silo ang dapat iwasan ng isang matanda?

◻ Bakit kagalakan ang bunga pagka iniingatan ng matatanda ang ipinagkatiwala sa kanila?

[Larawan sa pahina 10]

Ang Kristiyanong matatanda ay kailangang maging gaya ng “isang dakong kanlungan buhat sa bagyo”

[Larawan sa pahina 12]

Bilang isang matanda, regular na makibahagi ka sa ministeryo sa larangan kasama ng mga miyembro ng iyong pamilya at ng mga iba pa

[Larawan sa pahina 13]

Kung iingatan mo ang ipinagkatiwala sa iyo bilang isang matanda, ang kongregasyon ay makikinabang sa maraming paraan

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share