Mga Pasiyang May Tibay-loob ang Nagbunga ng mga Pagpapala sa Suriname
MINSAN, ang Suriname ay “isa sa mayayamang estado sa Caribbeano,” ang banggit ng pandaigdig na magasin ng balita na South. Ang kita sa ibinibentang bauxite, mga hipon, bigas, saging, at plywood, na sinusuplementuhan ng tulong sa pagpapaunlad, ang nagbigay sa 400,000 naninirahan sa dating koloniyang Olandes na ito nang higit na kaunlaran kaysa karamihan ng kanilang mga kalapit-bansa.
Gayunman noong mga taon ng 1980, ang ekonomiya ay bumagsak. Ang kasaganaan ay nauwi sa kakapusan, at ang mahabang pila ng mga kumukuha ng rasyon sa pagkain ay naging isang karaniwang tanawin. Noong 1986 ang pagsiklab ng labanang gerilya ang puwersang nagtaboy sa mga sampung libong mamamayan na tumakas buhat sa silangang Suriname tungo sa French Guiana, upang doon magpanibagong-buhay sa mga refugee camp. Samantala, malalaking bahagi ng kagubatan—tirahan ng humigit-kumulang 50,000 Bush Negro at mga Amerindian—ang nasakop ng mga gerilya, kung kaya’t sa interyor ay naging mapanganib ang karaniwang paglalakbay. Ang mga pagbabagong ito, ayon sa komento ng magasing South, ang sumalanta sa bansa.
Ang mga kalagayan ba ring iyon ay sumalanta sa mga aktibidades ng mga Saksi ni Jehova? Bagkus, lalong sumigla ang kanilang gawain. Halimbawa, ang bilang ng mga Saksi ay sumulong mula sa 920 noong 1980 tungo sa mahigit na 1,400 ngayon. Noong Abril 1989 may 338 na mga auxiliary payunir—halos 25 porsiyento ng mga Saksi noon. Datapuwat, ang gayong mga pagpapala ay sumapit bilang resulta ng tibay-ng-loob, katapatan, at pag-ibig na ipinakita ng mga Saksi sa gitna ng pagsubok. Narito ang ilang mga halimbawa kamakailan ng kung papaanong ang mga pasiyang may tibay-loob ay nagdala ng masaganang pagpapala sa Suriname.
Isang Pasiya na Nagligtas sa Kaniyang Buhay
Si Lumey Hoever, isang matipunong opisyal ng pulisya na mag-eedad 40 anyos at isa sa mga Saksi ni Jehova, ay nagpasiya na umalis sa kaniyang trabaho sa kabila ng kahirapan ng kabuhayan. Bakit? Ganito ang paliwanag ni Lumey:
“Buhat nang makabasa ako ng isang artikulo sa Bantayan na tumatawag-pansin sa atin sa mga panganib ng pagdadala ng mga armas, nabatid ko na kailangang umalis ako sa trabahong ito.a Gayunman, ako’y nag-atubili dahil sa mayroon akong asawa at mga anak na binubuhay. Subalit, mientras ipinagpapaliban ko ang aking pasiya, lalo naman akong inuusig ng aking budhi. ‘Kung hinihimok ako ng organisasyon ni Jehova na matamang pag-isipan ang pagiging karapat-dapat ng ganitong uri ng gawain, tiyak na may mabuting dahilan,’ ang ipinaaalaala ko sa aking sarili. Kaya’t noong Enero 1986, ako’y nagpasiya.”
Subalit ang hepe ng pulis ay hindi pumayag na siya’y magbitiw, anupa’t ipinangako pa man din na ididestino siya sa Tamanredjo, isang istasyon na malapit sa kabisera at marami ang doo’y naghahangad mapadestino. Subalit si Lumey ay disidido. Siya’y sumulat sa ministro ng pulisya, ipinaliwanag ang kaniyang mga paniwala sa relihiyon, at humiling na siya’y payagan nang magbitiw. Noong Abril 1986 ang tugon na dumating ay: ‘Ipinagkakaloob ang kahilingan!’
Hindi nagtagal at nakakita si Lumey ng trabaho sa Kagawaran ng Paggugubat. Hindi gaanong kalakihan ang suweldo, subalit nagkaroon siya ng lalong maraming panahon na sumama sa kaniyang pamilya sa pagdalo sa mga pulong sa Kingdom Hall. Sampung buwan ang lumipas. Isang araw, pagkatapos magtrabahong maghapon sa bukid ng pamilya, si Lumey at ang kaniyang kapatid na lalaki ay pauwi na. Ganito ang kaniyang bida:
“Nang kami’y papalapit na sa aming bahay sa bukid, napansin kong may dalawang lalaki na gusgusin ang pananamit, may mga nakataling panyo sa kanilang mga ulo. ‘Kon dja (Halikayo),’ ang kanilang sabi sa wikang Surinamese. Nang ako’y palapit na sa kanila, sálilitáw ang tatlong lalaki na may nakabiting baril sa balikat. Noon ko lamang naisip: mga gerilya pala!
“Kanilang pinagmasdan ako mula sa ulo hanggang paa. Pagkatapos isa sa mga lalaking may takip ang ulo ang sumigaw: ‘Kilala ko ang taong ito. Siya’y isang pulis!’ Umigting ang kanilang mga mukha. Mga ilang minuto na kaming nakatitig sa isa’t isa. Pinigil ko ang aking paghinga. Pagkatapos ay nakarinig ako ng marahang tunog. Klik, klak—ikinasa ng ikatlong lalaki ang kaniyang riple. Dahan-dahan, kaniyang inasinta ang aking dibdib, babarilin na lamang ako. ‘Huwag mo akong barilin! Nagkakamali ka. Hindi na ako isang pulis,’ ang bulalas ko.
“Pagkatapos ay nakita ko ang isang dosena pang mga armadong gerilya sa likod ng bahay. Isa sa kanila—isang matipunong lalaki na nakasuot ng parang tapi sa balakang, dalawang sinturong kartutso ang pinagkurus sa ibabaw ng kaniyang nakabilad na dibdib, at may hawak na automatikong armas sa kaniyang kamay—ang humakbang na patungo sa kinaroroonan namin. ‘Wika mo’y hindi ka na isang pulis. Bakit hindi na?’ ang tanong niya. Dagling ipinakilala kong ako’y isa sa mga Saksi ni Jehova. ‘Ang mga Saksi ay hindi nagdadala ng armas,’ ang paliwanag ko, ‘kaya umalis ako sa aking trabaho na pagiging isang pulis at ngayon ay nagtatrabaho ako sa Kagawaran ng Paggugubat. Kami’y walang pinapanigan sa anumang pulitika,’ sabi ko.
“Nang marinig na ako’y isang Saksi, medyo nagliwanag ang kaniyang mukha. ‘Maniniwala kaya siya sa akin?’ ang naisip ko. Saka noon dumating ang aking nakababatang kapatid. Ang lalaking may parang tapi sa balakang, marahil siyang kumander, ay nagsimulang magtanong sa kaniya. Pagkatapos na patibayan ng aking kapatid ang aking mga sinabi, parang nasiyahan naman ang kumander. ‘Saka yu gon! (Ibaba mo ang iyong baril)’ ang utos niya doon sa isang gerilya. Nakahinga ako nang maluwag. ‘Salamat po, Oh Jehova, sa pagliligtas mo sa akin!’ ang panalangin ko.”
Mga ilang araw ang nakalipas, si Lumey ay nabigla na naman. Di-kilalang mga salarin ang pumatay sa tatlong opisyal ng pulisya sa Tamanredjo police station, na doon inalok siya ng hepe na ididestino! “Kung sakaling hindi ko pinakinggan ang payo buhat sa artikulong iyon sa Bantayan, patay na marahil ako ngayon,” ang sabi ni Lumey. Pagkatapos ay sinabi pa niya nang may pasasalamat: “Talagang inililigtas ni Jehova ang kaniyang mga lingkod.”
Pinakilos Siya ng Pag-ibig na Sagipin ang Kaniyang mga Kapatid
Nang sumiklab ang labanan sa pagitan ng mga kawal ng gobyerno at ng mga gerilya sa minahang-bayan ng Moengo noong Oktubre 1986, si Frans Salaoema, isang Bush Negro na mahigit nang 40 anyos ang edad, ay kinailangang magpasiya ng kaniyang gagawin. Sa wakas, siya, ang kaniyang asawang nagdadalang-tao, at ang kaniyang pitong anak na lalaki, kasama ang mga iba pa sa bayang iyon, ay nagsitakas sa pamamagitan ng mga landas na dinaanan nila sa gubat at sila’y tumawid sa maluwang na Ilog Maroni at nakarating na ligtas sa French Guiana.
Gayumpaman, si Frans ay nabalisa. Sa mga nakatakas na iyon ay hindi siya nakasumpong ng sinumang Saksi na kakongregasyon niya. ‘Nasaan kaya sila? Babalik kaya ako upang hanapin sila?’ naisip-isip niya. Subalit iyon ay magiging mapanganib. Karamihan sa mga gerilya ay mga Bush Negro. ‘Kung mamataan ako ng mga sundalo ng gobyerno na pumupuslit sa gubat, lagot ako,’ ang naisip niya. Gayunman, ipinasiya niya na bumalik upang hanapin ang kaniyang mga kapatid na Kristiyano. Sinabi niya sa mga ilan sa mga Saksi sa French Guiana: “Sa susunod na linggo, tumawid kayo sa ilog upang sunduin ako.”
Makalipas ang isang linggo sila ay tumawid, ngunit wala roon si Frans. Sila’y naghintay hanggang kinabukasan. Wala pa rin si Frans. “Maghintay tayo ng isa pang gabi,” ang napagkaisahan nila. Walang anu-ano’y sádaratíng si Frans at ang isang grupo ng mga Saksi. Ano kaya ang nangyari?
“Nang makita ko na ang mga kapatid,” ang bida ni Frans, “kami’y tumawid sa gitna ng sala-salabat na barilan, pumuslit sa gubat at naglakad kami patungo sa hangganan.” Subalit bakit kayo naatraso? Itinuro ni Frans ang tatlong karton na kaniyang dala-dala. Siya pala’y nagpunta sa kabisera upang kunin doon ang laang literatura sa Bibliya sa mga Saksing takas. Ang naghihintay na mga kapatid ay tuwang-tuwa. Nang araw ding yaon, si Frans, ang iniligtas na mga Saksi, at ang tatlong karton ay naitawid nang ligtas sa hangganan.
Nang maglaon si Frans ay minsan pang nagbiyahe upang tulungan ang higit pang mga Saksi. Sa wakas, 37 Saksi ang tumawid sa hangganan at tumira sa kampo ng mga takas. Si Frans ay idinestino sa isang dating koloniya ng mga may ketong sa French Guiana, na kung saan ang mga takas ay hindi pinapayagang gumawa ng anuman maliban sa magduyan at nang lumayo ang lamok.
Gayunman, si Frans at ang kaniyang pamilya ay hindi naman nawalan ng magagawa. Di-nagtagal pagdating nila sa kampo, si Frans (na ngayo’y nagkaanak na rin ng isang babae) ay naging abala ng pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian sa kapuspalad na mga tagaroon. Dahil sa kaniyang mabuting impluwensiya, binigyan pa man din siya ng permiso na magbiyahe sakay ng motorsiklo upang mangaral sa mga ibang kampo. Ang resulta? Sa ngayon ay nagdaraos siya ng 14 na mga pag-aaral sa Bibliya sa kaniyang mga kapuwa takas. Tatlo sa mga ito ang nabautismuhan na!
Siya’y Hindi Nakipagkompromiso
“Ako’y babalik hindi lalampas ang dalawang linggo dala ko na ang mga bagong panustos,” ang sabi ni Victor Wens, isang 58-anyos na special payunir. Kaniyang lilisanin noon ang kaniyang maybahay at ang iba pang mga estudyante ng Bibliya sa isang nayon sa gubat sa sentral Suriname. Iyon ay noong Hunyo 1987, samantalang siya’y tutungo sa kabisera.
Samantalang kumakaway ng pamamaalam ang maybahay ni Victor at ang mga iba pa, ang kanilang mga supot ng bigas ay halos wala nang laman. Dahil sa labanan ng gerilya ay naputol ang lahat ng panustos. Hindi magtatagal at sila’y magugutom. Gayunman, natalos nila na magiging mapanganib ang paglalakbay ni Victor sakay ng bangka. Siya’y makukubkob sa pagitan ng dalawang panig na nagpapalitan ng putok o dili kaya’y mapagkakamalang isang gerilya. ‘Siya kaya’y makabalik nang ligtas?’ ang sumagi sa kanilang kaisipan habang ang tunog ng makina ng bangka ay unti-unting napapawi.
Dalawang linggo ang nakalipas, ang maybahay ni Victor ay tumanaw sa kalaparan ng ilog—subalit walang palatandaan tungkol kay Victor. Lumipas ang ilan pang mga sanlinggo. Naubos ang pagkain, at siya’y nagkasakit. “Para mo nang awa, Jehova, ingatan mo ang aking asawa,” ang dalangin niya. “Harinawang makabalik siya!” Tatlong buwan ang lumipas wala pa rin si Victor. Ano kaya ang nangyari?
“Nang ako’y makabalik na sa kabisera,” ang bida ni Victor noong bandang huli, “Ako’y pinayagan na bumili ng anim-na-buwang panustos na pagkain at gasolina. Pagkatapos ay humingi ako ng permiso na makapaglakbay pauwi. Ang opisyal na nangangasiwa ay nagsabi: ‘Puwede kang umuwi, subalit hanapin mo kung saan nagtatago ang mga gerilya, at bumalik ka upang ipagbigay-alam sa amin.’ Nalungkot ako. ‘Hindi ko magagawa ito,’ ang sabi ko, ‘hindi gusto ni Jehova na kami’y pumanig kaninuman sa pulitika. Kaming mga Saksi ay neutral.’ Ang tugon niya: ‘Kung gayon, hindi ka makakauwi.’
“Sa bawat sanlinggo ako ay bumabalik upang humingi ng permiso, subalit ang sagot ay pareho rin. Samantala, nabalitaan ko na ang aking maybahay ay maysakit. Ibig kong makauwi at maalagaan siya. Gayunman, hindi ko ibig na makipagkompromiso. Wala akong magawa.
“Nang ako’y bumalik na namang muli, sa laki ng aking pagtataka kanilang pinayagan ako na umuwi. Kanilang ipinaliwanag na kanilang pinayagan ang mga ilang pastol ng Pentecostal buhat sa aming lugar upang magbiyahe at bumalik, at ako’y puwede nang sumama sa kanila. Tuwang-tuwa ako, kaya nagsimula akong maghanda nang mabalitaan ko sa isang kaibigan na ang mga klerigong ito ay pumayag na sila’y maging mga espiya. Palibhasa’y hindi ko gustong magbigay ng impresyon na ang mga Saksi ni Jehova ay bahagi rin ng kaayusang iyon, aking kinansela ang pagbibiyahe ko. Muli na namang nabinbin ang aking pag-uwi.”
Sa wakas, ay nahalata rin ng mga opisyal na hindi nila mapagbabago si Victor sa kaniyang kombiksiyon. Nang sumunod na paglapit niya sa kanila, pumayag na sila.
Sa wakas noong Oktubre 1987, naulinigan ng munting grupong iyon ng mga Saksi ang tunog ng motor at nakita nilang dumarating ang isang bangka na punung-puno ng mga kargada. “Nalungkot ako nang makita ko ang aking maybahay,” ang bida ni Victor. “Siya’y payat na payat. Gayunman, siya ay natuwa nang malaman niya na hindi ako nakipagkompromiso.”
“Ang may tibay-loob na pagpapasiya ni Victor ay naging isang pagpapala para sa amin,” ang sabi ng isang naglalakbay na ministro na gumagawa sa interyor. “Napag-alaman ng mga opisyales at ng mga gerilya na ang mga Saksi ni Jehova ay walang kinikilingan. Ngayon kanilang iginagalang ang aming paninindigan, at ang aming gawain ay umuunlad.”
Nag-asawa Nang Miyerkoles, Binautismuhan Nang Sabado
“Huwag kayong maging hangal,” ang udyok ng mga kamag-anak. “Huwag kayong pakakasal!” Ang anim na lalaki ng tribo ng Aucaner Bush Negro, sa timog-silangang sulok ng bansa, ay may kabatiran sa damdamin ng kanilang mga kamag-anak. Siyanga pala, ang kaugalian ng tribo ay nag-uutos na huwag pakakasal ang isang lalaki, sa gayo’y mahihiwalayan niya ang babae kailanma’t gusto niya. Gayunman, pagkatapos matutuhan buhat sa kanilang pag-aaral ng Bibliya ang pangmalas ni Jehova sa pakikiapid, binago ng mga lalaking ito ang kanilang mga kaisipan, dinaig nila ang panggigipit na ginagawa ng pamayanan, at lakas-loob na nagpasiyang pakasal sa marangal na paraan.
Gayunman, may mga balakid. Dahilan sa mga kalagayan kung may digmaan ang Opisina ng Pagrerehistro sa interyor ay napasara, at ang biyahe patungong kabisera ay halos imposible. Ang anim na kakasaling mga babae ay nagnanais din naman na magsuot ng talagang mga trahe de boda sa araw ng kanilang kasal. Mahahalata na dito’y may lokal na interes sa gayong kasuotan, bagaman ang gayong damit ay hindi naman talagang kailangan para sa mga Kristiyano.b ‘Saan kaya tayo makakakuha ng mga trahe de boda sa isang palanas na kagubatan?’ ang nasabi ng nagtatakang mga lalaki. Bagaman gayon, ang may tibay-loob na mga pasiya na naaayon sa mga simulain ng Bibliya ay nagbunga ng mga pagpapala. Noong Miyerkoles, Setyembre 16, 1987, anim na mga babaing kakasalin na nakasuot ng magagarang gown at anim na mga lalaking kakasalin na pawang makikisig sa kanilang kasuotan ay ikinasal. Papaano nga nangyari iyon?
“Noong Setyembre, kami’y nagsaayos ng isang pandistritong kombensiyon sa St. Laurent, French Guiana, at ang mga Saksing naninirahan sa interyor ay inanyayahan na dumalo,” ang paliwanag ni Daniël van Marl, isa sa naglalakbay ng mga ministro na gumanap ng kasal. “Ang kombensiyong iyon ang nagbigay ng pagkakataon na pakasal.”
Si Cecyl Pinas, isang kagawad ng Branch Committee na nangangalaga sa gawain sa interyor ay may paliwanag na ganito: “Binisita ko ang pamilyang Bethel sa Netherlands maaga noong taóng iyon at aking binanggit ang napipintong mga kasalang iyon. Pagkatapos na banggitin ko na ating ginagamit nang ulit at ulit ang isang gown, laging inaayos iyon upang magkasiya sa susunod na babaing kakasalin, apat na mga kapatid na babae sa Bethel ang kusang nagbigay sa akin ng kanilang mga damit pangkasal bilang regalo sa kanilang ‘mga sister’ sa Suriname. Naantig na mabuti ang aking damdamin. Nang bandang huli, sa isang asamblea sa Netherlands, marami pang mga gown ang ipinagkaloob bilang regalo.”
Sa umaga ng araw ng kasal, kinailangan pa rin na medyo baguhin ang iba. “Mabilis na pinaluwang namin ang baywang ng ilan sa mga damit na iyon at inayos din namin ang haba ng iba, ngunit natapos namin iyon na tamang-tama lamang sa oras,” ang sabi ni Margreet van de Reep.
Ngayong natapos na ang pagkakasal, lima sa mga bagong kasal ang handa na sa isa pang hakbang. Noong Sabado ng linggo ring iyon, sila’y nabautismuhan sa Maroni River. Sila’y sabik na mangagsibalik bilang mga mag-asawa sa kani-kanilang mga nayon sa gubat upang gampanan ang kanilang bahagi sa gawaing pangangaral. Pinagpala ba ni Jehova ang kanilang mga pasiya?
“Ipinakita ng mga mag-asawang iyon sa pamayanan na tayong mga Saksi ay ating ginagawa ang ating ipinangangaral,” ang sabi ni Nel Pinas, na siyang nagsimula ng pangangaral sa lugar ding iyon noong 1967. “Ang kanilang pasiya na pakasal upang maging mga tunay na Kristiyano ay nakapukaw ng interes sa malalayong bayan-bayan. Ang mga Saksi roon ay sakay na ngayon ng kanilang mga bangka at nagpupunta sa mga ilog na kung saan hindi pa kami nakapangangaral, at kanilang hinahanap ang higit pang mga tao na handang matuto tungkol kay Jehova.”
Totoo naman, ang may tibay-loob na mga pasiya nina Lumey, Frans, Victor, at marami pang iba ay nagdala ng mayayamang pagpapala sa kanila at sa kanilang kapuwa mga Kristiyano sa Suriname at saan pa man. Ang mga karanasang katulad nito ay paulit-ulit na nagpapatunay sa katotohanan ng kawikaan sa Bibliya: “Magtiwala ka kay Jehova nang buong puso mo at huwag kang manalig sa iyong sariling kaunawaan. Kilalanin mo siya sa lahat ng iyong mga lakad, at siya mismo ang magtutuwid ng iyong mga landas.”—Kawikaan 3:5, 6.
[Mga talababa]
a Tingnan ang “Mga Kasalang Kristiyano na Nagdadala ng Kagalakan,” sa Ang Bantayan ng Oktubre 15, 1984, pahina 9-15.
b Tingnan ang artikulong “Hanapin ang Kapayapaan at Itaguyod Iyon” sa Ang Bantayan ng Enero 15, 1984, pahina 15-21.
[Mga Mapa/Larawan sa pahina 24]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
KARAGATANG ATLANTIKO
GUYANA
SURINAME
PARAMARIBO
Tamanredjo
Moengo
St. Laurent
Maroni River
FRENCH GUIANA
BRAZIL
300 km
200 mi
[Larawan sa pahina 25]
Dalawang bista ng isang magandang Kingdom Hall sa isang malayong panig ng bansa
[Larawan sa pahina 26]
Isang karaniwang bangka sa Suriname