Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w89 11/15 p. 30-31
  • Ang Pagkakagulo ay Hindi Makapagpapahinto sa Mabuting Balita

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Pagkakagulo ay Hindi Makapagpapahinto sa Mabuting Balita
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
w89 11/15 p. 30-31

Ang Pagkakagulo ay Hindi Makapagpapahinto sa Mabuting Balita

ISANG araw noong nakaraang Pebrero, sa Venezuela ang malaon nang inaasahang pagtataas ng presyo ng mga bilihin at ng pasahe ay inianunsiyo. Ang mga presyo ay itinataas nang mahigit na 100 porsiyento sa mga pangunahing pagkain na tulad ng gatas, harina, at tinapay. Ang halaga naman ng gasolina ay itataas nang 90 porsiyento. Ang pasahe ay pinayagang itaas nang hanggang 30 porsiyento. Nalito ang bansa. Biglang-bigla, noong Lunes, Pebrero 27, ang epekto sa mga tao ay pagkakagulo sa buong bansa.

Kinabukasan, ang mga bagay-bagay ay napauwi na sa paninira ng mga ari-arian at pandarambong. Narinig ang mga putukan ng baril sa ilang mga lugar. Bata’t matanda ay naglabasan sa mga kalye ng siyudad, anupa’t nag-iwan sila ng pulos kasiraan na mistulang isang larangan na pinangyarihan ng digmaan.

Nang hapon na iyon ang pangulo ng bansa ay nagdeklara ng isang estado ng kagipitan at isinuspinde ang konstitusyonal na mga garantiya nang may sampung araw. Nagtatag ng curfew para sa mga oras sa pagitan ng alas-6:00 n.g. at alas 6:00 n.u. Kinabukasan, ang ministro ng tanggulan ay nag-anunsiyo na magpapatuloy ang curfew hanggang sa magpatalastas na tapos na iyon. Ginamit ng militar ang kaniyang autoridad upang makontrol ang mga kalye, makapasok sa mga tahanan nang walang pahintulot, at magpatigil at manghalughog sa mga tao. “May dalawang daang patay at isang libong mga nangasugatan sa loob ng tatlong araw na pagkakagulo,” ang ulat ng isang pahayagan.

Papaano ang naging kalagayan ng mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa panahon ng kagipitan? Ang mga kapatid ay pinayuhan: Magpakatalino at iwasan ang magugulong lugar. Baguhin ang oras ng mga pulong upang makasunod sa curfew at iwasan ang pangangaral sa pamamagitan ng malalaking grupo. Gayunman, ang pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos ay nagpatuloy.​—Mateo 24:14; 28:19, 20.

Dahilan sa ang di-sumasampalatayang asawa ng isang babaing Kristiyano ay nababalisa tungkol sa kaligtasan kung ito’y lalabas ng bahay para mangaral, binawalan niya itong lumabas. “Hindi mo naiintindihan na ako’y may obligasyon na dapat gampanan,” ang sabi sa kaniya ng asawang babae. “Kaya pumarito ka ngayon! Ako’y makikipag-aral sa iyo ng Bibliya!”

Ito ang unang pagkakataon sa 22 taon ng pagiging Saksi ng babaing ito na nagpahayag ang kaniyang asawang lalaki ng pagnanais na makipag-aral ng Bibliya. Gayunman ay ganito ang kaniyang sabi: “Sige, kung ikaw ay mangangako na hindi lalabas. Subalit huwag mo akong tatanungin, basta basahan mo lamang ako.” Gayunman, ang sister ay nakipag-aral sa kaniya nang may isang oras at kalahati. “Iyon ay isang ulirang pag-aaral, ang pinakamagaling na pag-aaral na naidaos ko sa aking 22 taon sa katotohanan,” ang sabi ng asawang babae, habang tumutulo ang luha sa kaniyang mga mata.

Sa isa pang kaso, isang babaing regular payunir ang nagwawalis sa bangketa sa labas ng kaniyang tahanan nang siya’y lapitan ng isang babaing karaniwan nang hindi nakikinig sa mga Saksi pagka sila’y dumadalaw sa kaniyang tahanan. “Kayong mga Saksi’y hindi ko nakikitang nangangaral nitong mga nakaraang araw,” ang sabi ng babae. “Huwag mong sabihing hindi na kayo mangangaral pa!”

Ipinaliwanag ng sister na sila’y huminto ng pangangaral sa bahay-bahay noon lamang panahon ng pagkakagulo. “Subalit darating ang araw na kami’y hindi na mangangaral sa mga tao, at iyan ay mangangahulugan ng katapusan ng sanlibutan,” ang sabi ng sister. “Dapat ninyong samantalahin ang pagkakataong iyon at pumayag na aralan kayo ng Bibliya sa inyong tahanan.”

“Kailan ba tayo makagagawa ng mga kaayusan?” ang dagling tanong ng babae. Nang mismong sandaling iyon ay gumawa ng mga kaayusan upang makapagpasimula ng isang pantahanang pag-aaral ng Bibliya.

Salamat naman, huminto ang gulo, at ang pamumuhay sa bansang ito ay bumalik sa normal. Subalit, sa panahon ng ganiyang mga kaigtingan, isang kaaliwang malaman na hindi na magtatagal at isang bagong sanlibutan ng katahimikan at katiwasayan ang matatatag. Nangangako ang Salita ng Diyos: “Mga bagong langit at isang bagong lupa ang hinihintay natin ayon sa kaniyang pangako, at sa mga ito’y tatahan ang katuwiran.” (2 Pedro 3:13) At habang ipinahihintulot ng Diyos, ang mga Saksi ni Jehova ay patuloy na mangangaral ng mabuting balita ng Kaharian.

[Mga larawan sa pahina 31]

Ang gulo ay hindi nakapagpahinto sa mga tagapagbalita ng Kaharian

[Credit Line]

Photograph by PublicacionesCapriles, Caracas, Venezuela.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share