Panahon ng Pag-aani sa Lupain ng Yelo at Niyebe
ANG Greenland, na pinakamalaking isla sa daigdig, ay tunay na isang lupain ng yelo at niyebe. Ang kalakhang bahagi ng halos 2,700-kilometro-ang-haba na islang ito ay nasa gawing hilaga ng Arctic Circle at nasa ilalim ng isang permanenteng sapin na yelo na sa katamtaman ay mga isa at kalahating kilometro ang kapal. Ang natitirang bahagi ng Greenland ay natatakpan ng yelo mula sa lima hanggang walo o higit pang mga buwan sa santaon. Sinasabi na ang mga sinaunang manggagalugad na Viking ang nagbigay rito ng pangalang Greenland upang makaakit ng mga maninirahan. Gayunman, sa panahon ng maikling tag-araw, may mga lugar sa baybayin na angkop sa pangalan.
Sa tagsibol, ang nagyelong tubig ng karagatan sa hilagang-silangan ng Greenland ay natitipak, at ang lumilitaw ay yelong buntun-bunton. Ang yelong ito ang ipinapadpad sa baybaying silangan, sa palibot ng Cape Farewell, at ang isang bahagi’y ipinapadpad sa kanlurang baybayin, anupa’t ang pagbibiyahe sa karagatan ay totoong mahirap sa loob ng mga ilang buwan. Sa panahon ng taglamig, ang karagatan sa palibot ng karamihang bahagi ng isla ay nagyeyelo, napapahiwalay nga ang mga lugar na may mga naninirahan. Sa literal na paraan, ang yelo ang nakapamamayani sa lupain, sa karagatan, at sa paraan ng pamumuhay ng mga tao. Mahirap gunigunihin kung ano ang maaaring maani sa bansang ito.
Ang Pagpapasimula
Ang mga Eskimo ng kulturang Inuit ay namumuhay bilang mga mámumundók sa Greenland sa loob ng daan-daang taon. Noong 1721 ang ministrong Lutherano na si Hans Egede ay dumating sa Greenland bilang isang misyonero. Nang maglaon, ang Moravian Mission ay aktibo sa iba’t ibang pamayanan. Ang ilan sa kanilang mga misyonero ay nagsalin ng mga ilang aklat ng Bibliya sa wikang Greenlandico, na anupa’t iningatan ang personal na pangalan ng Diyos, na Jehova, sa kanilang salin. Subalit sapol noong 1900, ang Danish Lutheran Church lamang ang umiiral sa Greenland.
Noong 1953, samantalang ang Greenland ay isa pang koloniya ng Denmark, isang mahalagang pagbabago ang naganap. Sang-ayon sa bagong Danish Constitution na nagkabisa ng taóng iyon, hindi lamang ang Lutheran Church kundi pati ibang mga grupong relihiyoso ay minsan pang pinapayagang umiral sa Greenland. Kaya naman, noong Enero 1955, dalawa sa mga Saksi ni Jehova buhat sa Denmark ang dumating bilang mga misyonero. Ang iniatas sa kanila na teritoryo ay 2,000-kilometro sa kahabaan ng timog-kanlurang baybayin, na kung saan naninirahan ang halos lahat ng taga-Greenland—isang populasyon ng 27,000, karamihan sa kanila’y mga mámumundók at mga mángingisdá.
Ganito ang nagunita ni Kristen Lauritsen, isa sa dalawang Saksi: “Ang aming kaalaman sa Greenlandico ay halos bale wala, ngunit napakatindi ang aming hangaring turuan ng katotohanan ng Salita ng Diyos ang mga taga-Greenland. Mayroon kaming mga ilang tracts sa Greenlandico, at ang pulyetong ‘Ang Mabuting Balitang Ito ng Kaharian’ ay dumating nang may bandang huli na noong unang taon.” Papaano nila naisagawa ang kanilang pangangaral?
“Sa simula ay gumamit kami ng nakalimbag na mga card upang ipaliwanag ang layunin ng aming pagdalaw. Subalit nang malaunan ay natuto kami ng ilang mga pangungusap na aming sinaulo. Ang paglalakbay sa pagitan ng mga bayan ay sa tuwina sa pamamagitan ng bangka at totoong hindi regular, palibhasa’y hindi halos nakikilala roon ang talaorasan. Karaniwang karanasan doon ang pagkalula. Kami’y nagkaroon din ng problema sa paghanap sa mga lugar na matitirhan. Kadalasan, kailangang pagtiisan na lamang namin ang tolda na laging dala-dala namin kasama ng aming mga dala-dalahan.”
Subalit mayroon namang mga kagantihan ito. Ang mga taga-Greenland ay mga taong palakaibigan at mapagpatuloy. Natural para sa kanila ang maniwala sa Diyos at igalang ang Bibliya. Halos bawat tahanan ay may kumpletong Bibliya sa kanilang sariling wika. Natatandaan pa ni Kristen na isang munting batang babae ang minsa’y lumapit sa kanila na may dalang kalatas na nagsasabi: “Kung sakaling wala pa kayong matutuluyan, puwede kayong pumarito at makituloy sa amin.” Ang pamilyang ito ay tumulong din sa kanila upang makatagpo ng isang lugar na kung saan sila’y nagsaayos na ipalabas ang isa sa mga pelikula ng Samahan.
Dumating ang Tulong
Noong 1961 mga pami-pamilya sa Denmark ang nagsimulang lumipat sa Greenland upang maglingkod kung saan lalong malaki ang pangangailangan sa mga Saksi. Kahanga-hanga ang kanilang pagsisikap na matutuhan ang lubhang mahirap na wikang Greenlandico at pagtitiis na mapahiwalay sa kanilang mga kapananampalataya. Sila’y nagdaos ng mga miting nang palagian at nanatiling matatag sa kanilang pananampalataya at gawaing Kristiyano. Tunay na hindi naman nabigo ang kanilang pagpapagal. Nang taóng iyon ang unang dalawang kongregasyon ay natatag sa Greenland, isa sa kabiserang Nûk (Godthåb) at iyung isa pa ay sa Qaqortoq (Julianehåb), sa timog. Nagdulot ng malaking kagalakan sa mga Saksi nang ang mga ilang taga-Greenland na lumipat sa Scandinavia ay mabautismuhan.
Noong mga taon ng 1970 maraming mga kabataan at masisigasig na mga mag-asawang special payunir ang dumating, anupa’t sila ang nagbukas ng daan sa gawaing pagpapatotoo. Nang sumapit ang 1973 Ang Bantayan at ang aklat na Ang Katotohanan na Umaakay Patungo sa Buhay na Walang-Hanggan ay makukuha na sa wikang Greenlandico. Sa ganiyang pagkasangkap nila, ang mga payunir ay doon nagpabalik-balik ng paggawa sa baybaying dagat, dinadalaw ang mga bayan-bayan at mga nayon, saganang naghahasik ng binhi ng katotohanan. Noon unang narating ng gawaing pangangaral ang nakabukod na silangang baybayin sa palibot ng Ammassalik (Angmagssalik). Anong laking kagalakan nang isang taga-Greenland ang sa wakas yumakap sa katotohanan sa Greenland nang taóng iyon!
Pag-aani sa Wakas!
Samantalang iba pang mga pantulong sa pag-aaral ng Bibliya ang nalathala sa lokal na wika, maraming literatura ang naipasakamay. Halimbawa, hindi pambihira na ang isang mag-asawang Saksi na gumagawa sa di-atas na teritoryo nang mga ilang linggo ay makapaglagay ng mula sa 300 hanggang 400 na mga aklat, kasindami rin niyan na mga pulyeto, at 1000 magasin at 60 o 70 mga suskripsiyon ang nakukuha.
Ang ibinunga ng lahat ng paghahasik at pagdidilig, ‘pinalago ng Diyos ang binhi’ kapuwa sa gitna ng katutubong mga taga-Greenland at sa mga Danesong namumuhay sa Greenland. (1 Corinto 3:5-7) Sa ngayon, 117 mga tagapagbalita ng Kaharian ang naglilingkod sa pitong kongregasyon at sa isang nabubukod na grupo, na nakapangalat sa buong lupaing ito ng yelo at niyebe. Makipagkilala tayo sa ilan sa mga masisipag na manggagawang ito.
Pagdalaw sa Larangan sa Greenland
Ang isang magandang dakong pagsimulan ay ang kadulu-duluhang kongregasyon sa timog, sa Qaqortoq (Julianehåb). Limang pamilya ang nanggaling sa Denmark upang doon maglingkod. Ang iba sa kanila ay nagpagal na mabuti upang matuto ng Greenlandico upang sila’y makapagpatotoo sa mga taga-Greenland na hindi nakauunawa ng Danes. Si Flemming, isang padre-de-familia at isang payunir (isang buong-panahong tagapagbalita ng Kaharian) sa kongregasyong ito, ay ganito ang sabi: “Malawak ang aming teritoryo. Kasali na rito ang maraming mga nayon ng mga mangingisda at mga istasyon ng bakahan-sakahan na nakapanunghay buhat sa sali-salimuot na mga fjords sa kahabaan ng timugang baybayin.” Kanilang ginagamit ang kanilang sariling mga bangkang de-motor, ang mga Saksi ay nagbibiyahe nang kasinghaba ng 640 kilometro upang dalawin ang mga taong naninirahan sa mga liblib na pook na ito.
Pagkatapos na maglakbay nang may tatlong oras sakay ng bangka sa kabigha-bighaning mga fjords, tayo’y darating sa susunod na kongregasyon sa Narsaq. Ang nakatira roon ay isang solong pamilya na may apat na mamamahayag ng Kaharian. Bagaman nakabukod, nagagawa nila na magpatibay-loob at magpalakasan sa isa’t isa sa espirituwalidad nila sa pamamagitan ng maiinam na kaugalian sa pag-aaral at regular na pakikibahagi sa mga pulong at ministeryo sa larangan.
Ngayon ay sasakay tayo sa pampasaherong barko na nagpupunta rito linggu-linggo sa mga buwan ng tag-araw. Ang 24-na-oras na biyaheng ito ay nagdadala sa atin sa Paamiut (Frederikshåb), na kung saan may sampung Saksi. Subalit nang tayo’y nangangalahati na ng distansiyang nalalakbay, tayo’y dumaraan sa isang nayon na may dalawang nakabukod na mga mamamahayag. Isa sa kanila, si Ane Marie, ay may anak na lalaki sa Nûk na natuto ng katotohanan mga ilang taon na ngayon ang nakalipas at nagsimulang magpatotoo sa kaniyang ina sa pamamagitan ng telepono at sulat. Naunawaan naman ng ina ang sinasabi sa kaniya. Sa pamamagitan ng pagbabasa ng lahat ng literatura na makukuha sa wikang Greenlandico at pakikinig sa mga tape ng mga Saksi na naglalahad ng kanilang mga karanasan sa Greenlandico, si Ane Marie ay nakapanindigan sa katotohanan. Sa edad na mahigit na 60 taon at bagaman hindi kaugnay sa isang lokal na kongregasyon, siya’y nagtagumpay na ihinto ang kaniyang 50-taóng-gulang na bisyong paninigarilyo, naihinto niya ang pagdiriwang ng Pasko at mga kompleaño, at siya’y nagsimulang magpatotoo sa buong nayon. Bilang bunga ng kaniyang matiyagang pagpapagal at mabuting halimbawa, mga sampung interesadong tao ang palagiang nagtitipon upang mag-aral ng Bibliya at makinig sa isinaplakang mga pulong.
Pagkaalis natin sa Paamiut, 14 na oras na magbibiyahe tayo sa bangka sa masungit na karagatan at tayo’y darating sa Nûk. Sa kabiserang lunsod na ito na may populasyong 13,000, may 43 mamamahayag sa kongregasyon, at mahigit na isang-katlo sa kanila ang mga taga-Greenland. Ang lingguhang mga pulong ay haluan ng mga wikang Danes at Greenlandico, tunay na isang hamon para sa dalawang grupong magkaiba ng wika.
Tayo’y babalik sa pampasaherong barko, samantalang ang walong-oras na paglalakbay ay maghahatid sa atin sa Maniitsoq (Sukkertoppen). Dito, apat na pamilya na galing sa Denmark ang gumagawang kasama ng mga ilang lokal na mamamahayag ng Kaharian. Kanilang nagawa ang teritoryo sa bayan na lubus-lubusan at nakapagpasakamay sila ng napakaraming literatura sa Bibliya kung kaya’t bawat dalawang sambahayan ay may isang kopya ng Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya sa wikang Greenlandico. Sa pamamagitan ng kanilang mga bangkang de-motor, sila’y nagsasaayos din ng regular na mga pagbibiyahe para sa pagpapatotoo sa mga karatig-nayon.
Sa pagpapatuloy pahilaga, ang susunod na hihintuan natin ay may sampung oras na lakbayin, sa Sisimiut (Holsteinsborg). Limang pamilyang Daneso at ilang lokal na mga mamamahayag ang kaugnay sa kongregasyon dito. Isang mag-asawang special payunir na tagarito ang pana-panaho’y dumadalaw sa baybaying silangan. Dito’y kailangang sumakay nang kalahating oras sa isang helicopter patungo sa airport, magbiyahe nang dalawang oras sa eroplano sa pagtawid sa sentral na dakong kayelohan at isa pang maikling biyahe ng helicopter sa pagtawid sa loob patungo sa Ammassalik sa baybaying silangan. Ang tanawin doon ay tunay na kabigha-bighani—pagkatatayog na mga bulubundukin at mga kayelohan sa ibaba. Ang mga tao roon ay madaling tumanggap sa mensahe ng Kaharian, ngunit kakaunti ang naninindigan sa katotohanan.
Pagkatapos na magbiyahe tayong pabalik matapos matawid ang kayelohan, narito na ang ating huling hintuan sa Ilulissat (Jakobshavn), ang dulung-dulong kongregasyon sa hilaga. Ang Ilulissat ay wikang Greenlandico para sa “icebergs” (mga bundok ng yelo), at ito’y isang angkop na pangalan. Karatig nito ang pinakamabungang glacier sa Hilagang Hemisphere, at mga gagabundok na yelo ang lulutang-lutang sa kahabaan ng loók at mga fjords, anupa’t totoong kaakit-akit ang tanawin. Anim na pamilya na galing sa Denmark at isang mag-asawang taga-Greenland ang bumubuo ng lubhang masigasig na kongregasyong ito. Bukod sa bayan ng Ilulissat at sa buong lugar ng Disko Bay, taglay nila ang marahil sa daigdig ay siyang pinakadulong teritoryo sa hilaga, na umaabot hanggang sa nayon ng Kullorsuaq (Hinlalaki ng Diyablo) malapit na sa 75 degrees north latitude.
Ang mga special payunir sa Ilulissat ay regular na dumadalaw sa malayong lugar na ito, nagpapatotoo sa mga tao sa Upernavik at Uummannaq. Sina Bo at Helen ay nag-ulat: “Ang malawak na lugar na ito sa hilaga ay isang paraiso sa Arctico na hindi pa rin nagagalaw. Kakaunti ang mga tao sa lugar na iyan, at ang ikinabubuhay nila ay mas malamang ang pangangaso kaysa pangingisda. Ang kanilang buhay ay simple, at hindi sila gaanong nababalisa tungkol sa hinaharap. Marami sa kanila ang interesado sa espirituwal na mga bagay. Sila’y nasasabik na makinig sa mensaheng dinadala namin.” Panahon lamang ang makapagsasabi kung ang gayong tulad-tupang mga tao ay matitipon kasama ng kaisa-isang tunay na “kawan” sa ilalim ng “kaisa-isang pastol,” si Jesu-Kristo.—Juan 10:16.
Tanging ang mga payunir na Daneso ang nakagawa na sa lugar na ito, ngunit mga walong taga-Greenland sa Nûk ang gumawa ng isang video tape recording ng isang pangkalahatang patotoo tungkol sa ating paniwala at paraan ng pamumuhay. Pagka ginamit ng mga payunir ang tape na ito sa kanilang pagbabahay-bahay, talagang naaakay nito ang mga tao na magsalita at magtanong ng napakaraming mga katanungan, lalo na tungkol sa hindi natin pagdiriwang ng Pasko at hindi pagbabautismo sa mga sanggol. Maisususog pa na mga 200 aklat ang nailagay sa buong apat-na-linggong paglalakbay na inilarawan na nga.
Nagpapatuloy ang Pag-aani
Sa kabila ng di-kaaya-ayang mga kalagayan at ng sagwil ng wika, ang pag-aani sa Kaharian ay nagpapatuloy. Maraming mga taga-Greenland ang natuto ng wikang Danes upang makinabang sa mga pulong ng kongregasyon. Gayunman, patuloy na dumarami ang bilang ng mga pagpupulong sa wikang Greenlandico, kung kaya’t higit pa ang naaaring makibahagi sa espirituwal na pagpapakain.
Halimbawa, bagaman ang programa sa 1988 “Banal na Katarungan” na Pandistritong Kombensiyon ay ginanap sa Danes sa Nûk, mga isang-katlo ng mga pahayag ang isinalin sa wikang Greenlandico. May kabuuang 163 ang dumalo. Mga delegado buhat sa kadulu-duluhang kongregasyon sa hilaga sa Ilulissat at sa kadulu-duluhang kongregasyon sa timog sa Qaqortoq ang naglakbay ng hanggang dalawang araw papunta at ganoon ding layo pabalik. Apat ang nabautismuhan sa kombensiyon.
Ano ba ang mga pagkakataon para sa hinaharap pang pag-aani? Napakahusay nga! Noong 1989 ay isang kagalakan na makitang 205 ang dumalo sa Memoryal ng kamatayan ni Kristo. Sa kasalukuyan, mahigit na isandaang pantahanang mga pag-aaral sa Bibliya ang idinaraos. Oo, saganang pinagpapala ni Jehova ang masigasig na paggawa ng kaniyang mga lingkod sa lupaing ito ng yelo at niyebe.